Meeting #Boy Pa-fall

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

CHAPTER 2

“KUYAAA!”

Umiwas kunwari si Datu sa pasugod na yakap ni Charm. Pero nang mahawakan ng bunso nila ang T-shirt na suot niya ay nagawa nitong kapitan siya at sakyan sa likod. “Aray! Teka, Pirena. Hindi ako hator,” natatawang angal niya. Totoo nga yatang ipinaglihi ito ng mama nila sa tuko kaya ganito kahigpit humawak.

“’Kainis ka!” Bumaba na ito at niyakap siya. “Na-miss kita, Kuya Datu.”

Pinisil niya ang magkabilang pisngi ni Charm. “Mas na-miss kita. Hindi mo na ako laging nire-reply-an sa text.” Sa Baguio siya nakabase dahil may restaurant business siya roon. Thriving pa rin ang Upland Grill na nasa tuktok ng Engineers’ Hill, ang unang restaurant na itinayo nila ng namayapang si Leslie. Ang Upland Café naman na malapit sa Wright Park ay wala pang dalawang taon na nag-o-operate pero kasing lakas na rin ng Upland Grill. Bukod doon, siya na ngayon ang nangangasiwa ng Mirabueno Hotel doon din sa Baguio na matagal nang negosyo ng kanilang pamilya.

“Eh kasi naman, Kuya, hindi na ako ga’nong nagte-text. Ayaw mo pa kasing mag-open ng Tweeter account, eh. Mas madali kaya mag-DM. Kung ayaw mo naman no’n, kahit FB na lang. Para sa Messenger kita itsi-chicka.”

Walang hilig sa social media si Datu kaya hindi niya pansin ang sinasabi ng kapatid. “Nasaan si Mommy?”

“Nasa room siguro.

“’Yong dalaga na galing dito kanina, siya ba ang friend mo?”

“Si Daisy? Oo, Kuya, siya nga. BFF ko siya. Bibigyan ko siya ng dala mong strawberries at mga gulay, ha?”

“Okay.”

“Maganda siya, di ba?”

Ngumiti siya. Maganda nga ang babae. Matangkad at mahaba ang leeg na tulad ng mga babaeng sumasali sa beauty contest. Maputi rin ito at makinis ang balat. Hindi siya magtataka kung may lalapit sa babae para isali ito sa Binibining Pilipinas Beauty Pageant. Deep set ang hazel shaped eyes nito na makapal ang pilik. Hindi pangkaraniwan ang matangos na ilong ng babae, mala-Solenn Heusaff ang hugis. Pero ang una niyang napansin kanina ay ang bow-shaped lips na parang humihingi ng kiss.

He mentally shook his head. Bakit ba kiss ang naiisip niya sa babae? Napakabata pa nito. Kung kaedad ito ni Charm, malamang na hindi pa ito nag-e-eighteenth birthday. “Oo, maganda siya. Madaling magkaka-boyfriend ang gano’n kagandang babae.”

“Madaming nanliligaw kay Daisy, Kuya. Pero hanggang ngayon, wala pa siyang sinasagot.” Tumingin sa kanya si Charm na parang may hinahanap sa mukha niya. “Alam mo, Kuya Datu, kahit twenty-eight ka na ngayon at seventeen pa lang si Daisy, bagay kayong dalawa.”

Nagulat siya. Gusto pa yata siyang ireto ng bunso nila sa Daisy na iyon. Well, kung hindi lang napakabata pa nito, hindi siya magdadalawang isip na pormahan ang babae. Pinisil niyang muli ang pisngi ni Charm. “’Yan ang napapala mo kakabasa ng Wattpad, pati totoong buhay ginagawang romance story.”

Iniiwas nito ang mukha sa kamay niya. “Hindi kaya. Nagsasabi lang ako ng totoo. Baby-faced ka naman kaya bagay lang kayo. Hindi halata na malaki ang age gap n’yo. Perfect match nga ang tingin ko sa inyo ni Daisy. Basta mamaya, ipapakilala kita sa kanya.”

“Sinong ipapakilala mo sa Kuya mo, Charm?” biglang sahod ng mommy nila na kalalabas lang mula sa silid. “Datu, anak, hindi ka nagpasabi na darating ka ngayon.”

Niyakap niya ang ina at hinalikan ito sa pisngi. Pinagmasdan nito ang kabuuan niya tulad ng lagi nitong ginagawa kapag umuuwi siya o dumadalaw ito sa kanya sa Baguio. “Parang pumayat ka yata, anak.”

“Parang hindi naman po, ‘My,” singit ni Charm. “Tingnan n’yo nga po, batu-bato pa rin ang dibdib ni Kuya. Kahit hindi taga-PMA, parang kadete lang ang peg.”

Pumayat nga siya dahil sa pagiging abala. Kapag peak season ng mga turista sa Baguio halos wala nang pahinga sa dalawang restaurants, ganoon din sa hotel. Mabuti na lang at madiskarte si Raya. Magaling itong mag-deligate ng trabaho. “Gusto ko lang po na maging trim and fit ang katawan ko, ‘My,” sabi na lang niya.

“Kuya, pahiram naman saglit ng iPone mo, o.”

“Bakit, nasaan ang cell phone mo?”

“Naku, na-snatch kanina ang cell phone n’yang kapatid mo. Nagse-cell phone ba naman habang nakasakay sa jeep.”

“Sige na, Kuya. Wala pa kasing load ‘yong lumang cell phone ko, eh. May ite-text lang ako.”

Dinukot ni Datu sa bulsa ang iPhone at iniabot kay Charm. “How’s everybody? Si Daddy at sina Kuya Bagwis, kumusta po sila?”

“Okay lang kaming lahat dito, anak. Pero parang gusto ng Kuya Bagwis mo na bumalik na lang ng Baguio.”

“Bakit po, ‘My?”

“Hindi kasi kinakaya ni Liam ang weather dito. Laging may sakit. Stable naman na daw ang BPO. Kayang-kaya na ng daddy ninyo na i-handle.”

“Baka si Daddy naman po ang mahirapan kapag bumalik doon si Kuya.”

“Iyon nga din ang sabi ko. Pero pag-uusapan pa namin. Kung aalis man dito sina Bagwis, hindi agad-agad.”

Bago mag-alas sais ng hapon ay magkakasamang dumating ang daddy niya, ang kanyang Kuya Bagwis at ang pamilya nito. Nagpakarga sa kanya si Liam na yumapos agad sa kanya. Na-miss niya ang apat na taong gulang na pamangkin at obviously, na-miss din siya nito. Paulit-ulit ang tanong nito kung doon na siya titira. Kung isasama niya ito sa robot store. Robot store ang tawag nito sa toy store.

Hindi matapus-tapos ang kumustahan, kuwentuhan at biruan. Iyon ang na-miss niya. Iba pa rin talaga kapag magkakasama ang pamilya. Kung hindi lang nasa Baguio ang mga negosyo nila mas gugustuhin niya na manatili na lang sa Manila. Oo nga at madalas siyang dalawin sa Baguio ng kanyang mga magulang. Pero lungkot ang naiiwan sa kanya kapag umuwi na sa Manila ang mga ito.

“HMM, GOOD mood na yata ang dalaga ko, ah. Ang ganda ng ngiti mo. Ano ba ang napag-usapan n’yo ng bestfriend mo? Tungkol sa crush?”

Naburang bigla ang ngiti ni Daisy pagkarinig sa sinabi ng papa niya. Akala niya nagpapahinga na ito sa kuwarto. Nasa sala na naman pala ito. Umiling siya. “Hindi po, ‘Pa.”

“Sa Sunday manood tayo ng sine ng mama mo. Isama mo ang bestfriend mo. Ano na nga bang pangalan niya?”

Dalawang taon na niyang bestfriend si Charm. Hanggang ngayon hindi pa rin kilala ng papa niya. Kung sabagay, kahit sa kanya, maraming hindi alam ang papa niya. Hindi nito alam na naospital siya noong mismong araw na maospital din ang asawa nito two years ago. Na-food poisoning siya ng ulam na binili ng mama niya bago ito magpunta sa bookstore na dating pinapasukan. Bago makapag-text ang mama niya ay naunahan ito ng papa niya. Ibinabalita na nasa ospital ang asawa nito. Kaya nanahimik na lang ang kanyang ina. Problemado raw ang papa niya at hindi na dapat pang dagdagan ang dinadalang problema.

Hindi rin alam ng papa niya na imbes na Accountancy ay Tourism ang kursong kinuha niya. Na hindi siya kumakain ng ensaymada na laging bitbit nito kapag naiisip na dalawin sila. Dahil noong pitong taong gulang siya ay nabilaukan siya ng ensaymada na ipinasalubong nito. Hindi siya makahinga. Akala niya mamamatay siya. Mabuti na lang at tinulungan siya ng mama niya para mailabas ang tinapay na nakabara sa kanyang lalamunan.

Marami pang hindi alam ang kanyang ama tungkol sa kanya. Maraming-marami pa. “Charm po, Papa. Charm Mirabueno,” sagot niya sa ama.

“Isama mo si Charm sa Sunday.”

“Hindi po kami puwede sa Sunday, ‘Pa. Finals na namin sa Lunes. Magri-review po kami.”

“Okay. Kami na lang pala ng mama mo. Uuwian ka na lang namin ng pasalubong. May Mulach’s ensaymada sa-”

“Please, ‘Pa. Huwag n’yo na po akong dadalhan ng ensaymada. Hindi po ako kumakain noon.”
Medyo kumunot ang noo niya sa pagtataka. “Ano’ng hindi kumakain? Maliit ka pa lang favorite mo na ‘yon.”

“Seven years old po ako nang mabulunan ako ng ensaymada na dala ninyo para sa amin ni Mama. Magmula noon hindi na po ako tumikim no’n.”

“Bakit hindi ko alam?”

Tanong ko din ‘yan, ‘Pa. Bakit hindi ninyo alam? Bakit ang dami n’yong hindi alam tungkol sa akin? Bakit kokonti na nga lang ang mga times na magkakasama tayo ni Mama, hindi pa kayo nag-aksaya ng oras para kilalanin ako at alamin ang mga bagay tungkol sa akin? Pero nagsawalang-kibo lang si Daisy.

“May… tampo ka ba sa akin, anak?” tanong ng papa niya mayamaya.

Umiling lang siya. Kahit sabihin niyang may mga tampo siya rito, alam niya na hindi na iyon mahalaga. Naiintindihan niya na extra effort para dito na mag-maintain ng dalawang pamilya kahit noon pa man. At gaya ng dapat asahan, sila ng mama niya na pangalawa lang sa buhay nito ang laging second priority. Sila ang laging uunawa. Ang laging mag-a-adjust. Ang laging aamot sa panahon nito.

“Pasensiya ka na kung hindi n’yo agad ako nakasama ng mama mo dito. Kailangan ko muna kasing alalayan ang Ate Hermione mo mula nang mamatay ang mommy niya…”

Limang buwan lang ang pagitan ng mga edad nila ng kanyang Ate Hermione, ang bunso ng papa niya sa namayapang asawa. Na isang beses lang niyang nakita. Noon lang unang Pasko na biyudo na ang ama at isama siya sa bahay ng mga ito sa San Lorenzo Village. Bangungot para sa kanya ang pangyayaring iyon. Hindi siya iniimikan ng Ate Heidi niya at Ate Hermione. Ang Kuya Herbie lang niya ang kumakausap sa kanya. At kapag hindi nakatingin ang kanilang ama, hayagang ipinakikita ng dalawa niyang ate ang disgusto sa kanya sa pamamagitan ng facial expression at body language. Kaya noong nakaraang Pasko, kahit na anong pilit sa kanya ng papa niya ay hindi na siya sumama sa bahay nito sa San Lorenzo Village.

“Pero noong isang araw, nag-usap na kami. Sinabi ko sa kanya na magsasama na kami ng mama mo. Pumayag naman siya. Nangako lang ako na weekly ko silang dadalawin doon ng mga kapatid niya.”

“Pati po ba si Ate Heidi, pumayag din?”

“Well, walang kahit na sino ang puwedeng magdikta sa mga puwede at hindi ko puwedeng gawin.”

Alam na niya. Hindi pumayag sa gusto nito ang panganay na anak. Iginiit lang nito ang gusto.

“Tinatanong nga pala ng Kuya Herbie mo kung anong gusto mong regalo para sa eighteenth birthday mo.”

Sa mga kapatid niya sa ama, ang Kuya Herbie lang niya ang nag-effort na mag-reach out sa kanya. Mabait ito at accomodating. Ramdam niya na itinuturing siyang kapatid. “Matagal pa naman po ‘yon, ‘Pa.”

“Excited lang ang kuya mo.”

“Kasing excited din po sa eighteenth birthday ni Herm- ahm, Ate Hermione last month?”

Ilang sandaling natahimik ang papa niya. “Pasensiya ka na, anak, kung hindi ka naimbita ng Ate Hermione mo sa debut niya.”

“Naiintindihan ko po.” Baka nga kahit kailan hindi siya matatanggap ng kanyang dalawang ate. Isa siyang living proof ng kataksilan ng papa niya sa ina ng mga ito.

“Kaya nga ang Kuya Herbie mo na ang bumabawi para sa kanya. Baka daw gusto mo ng gift na trip to Hong Kong or Trip to Singapore. O baka may gusto kang gadget, sabihin mo lang daw.”

“Hindi po nabibili ang gusto kong regalo, ‘Pa.”

Ngumiti ito. “Bakit, anong regalo ba ang gusto mo?”

“’Yong pakasalan po ninyo si Mama para maging legitimate na po akong anak ninyo.”
Hindi ito nakakibo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro