One Step Closer

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

NASA signage ng Lighthouse travel agency ang tingin ni Lani habang papalapit sa driveway ng Oro Rama Supermarket ang kotseng sinasakyan niya. Si Manong Susing ang naghatid sa kanya. Dalawang beses sa isang linggo siya kung bumili ng supply nila ni Valtus, Sabado at Martes. At tuwing lalabas siya, kung hindi si Manong Susing ay si Valtus ang kasama niya. Hindi siya pinapayagan ng asawa na mangmanehong mag-isa kahit dati na siyang marunong mag-drive at may driver’s licence naman siya. Ayaw ni Valtus na magkaroon siya ng kalayaan kahit sa pagmamaneho lang ng sasakyan. Daig pa niya ang isang alagang ibon na nakakulong sa hawla. Ang pagkakaiba lang niya sa isang inaalagaang ibon, mas malawak ang kanyang hawla—ang apat na sulok ng kanilang bahay ni Valtus, ang Oro Rama Supermarket, at ang St. Augustine Metropolitan Cathedral na maaari lang siyang magsimba kapag kasama si Valtus.
Mula nang tumungtong si Lani sa Cagayan de Oro, maraming beses na niyang pinag-isipan na takasan si Valtus. Kung hindi nga lang inaalala niya ang ina. Maraming ulit na rin siyang nakiusap sa asawa na madalaw ang mama niya sa Minanga. Pero lagi na lang itong tumatanggi. Darating din daw ang panahon na dadalaw sila roon pero hindi pa sa ngayon. Huwag na raw siyang magpilit. At kapag tumatawag siya sa ina, cell phone ni Valtus ang gamit. Laging nakabantay ito, nakikinig ng pag-uusap nila. Ang cell phone niya ay inalisan nito ng battery. Hindi siya makapunta sa shop ng cell phone accessories dahil hindi pumapayag si Valtus. Laging nakabantay sa kanya ang mag-asawang Susing at Brieta.
Nakakapasyal lang siya sa ibang lugar kapag kasama si Valtus. Sa piling nito, kahit wala siya sa loob ng kulungan ay mas masahol pa sa isang presong may habangbuhay na sintensiya ang kalagayan niya.
Ilang ulit nang nagbigay ng hint sa kanya si Valtus na may hindi magandang mangyayari sa mama niya kapag nakaisip siyang gumawa ng isang bagay na ikagagalit nito—gaya ng pagtakas.
Naniniwala siya na kayang gawin iyon ni Valtus. Hindi na nito kailangan pang umalis ng Cagayan de Oro. Madali na lang dito ang umupa ng isang tao o mga tao na magdadala ng kapahamakan sa mama niya.
Hindi makakaya ni Lani na may mangyaring masama sa mama niya. Ito na lang at ang ampon nilang polio victim na binatilyong si Robbie ang mayroon siya.
Limang taon nang patay ang papa niya at silang tatlo na lang ang magpapamilya. Apat kung isasama niya si Valtus. Pero matagal nang hindi pamilya ang turing niya sa asawa. May pagmamahalan, pagtutulungan at pagmamalasakitan sa isang pamilya. Wala ang mga iyon dito. Maaaring tinutulungan siya ni Valtus kung minsan, at regular itong nagpapadala ng allowance sa kanyang ina sa Minanga, pero hindi siya talaga mahal nito. Wala rin itong totoong malasakit sa kanya. He was her captor. Her master. And she, his sex slave.
Kahit kailan, hindi niya gugustuhin na may isang tulad ni Valtus sa kanyang pamilya. Wala nga lang siyang magawa sa ngayon. Nakagawa ito ng paraan para maisingit ang sarili sa kanilang sirkulo. Buong puso pa nga niyang w-in-elcome noon. Umasa siya at nanaginip ng isang happy ever after sa piling ni Valtus. Para lang magising sa isang bangungot na ang dala ay sakit ng loob, paglapastangan sa kanyang  katawan at karapatan, at habangbuhay na pagsisisi.
“Manong Susing, hindi po ba sabi ninyo kailangan ninyong kunin ‘yong suit ni Valtus sa dry cleaning?” untag niya sa driver bago siya bumaba ng Prado. “Puwede na po ninyong daanan pagkababa ko dito. Baka po mapagsarhan pa ng shop. Malapit nang mag-alas singko.”
“Eh, Ma’am Lani, babalikan ko na lang po siguro sa umaga. Alas nuwebe pa naman po ang alis namin ni Sir. Aagahan ko na lang ang pagpunta sa dry cleaning bukas.”
“Ano po bang ipinag-aalala ninyo kung ngayon na ninyo dadaanan? Hindi naman po ako aalis dito.” Alam niya na pinababantayan siya dito ni Valtus tuwing lumalabas siya ng bahay.
“Eh, Ma’am, kasi…”
“Sige na po. Wala naman kayong dapat ipag-alala kahit iwan ninyo ako dito. Hindi po ako tatakas, kung iyon ang inaalala ninyo.”
“Hindi naman po sa gano’n-”
“Manong Susing, kilala ko ang asawa ko. Kaya huwag na po kayong magkaila. Promise po, hinding-hindi ko kayo ipapahamak sa asawa ko. Di bale nang ako na lang, huwag lang ang ibang tao na kagaya ninyo.”
Nakita siguro ng edad-singkuwentang driver ang katapatan sa mga mata niya kaya napapayag niya rin ito.
“Balikan na lang po ninyo ako dito pagkaraan ng isang oras.” Pumasok siya agad sa entrance door ng supermarket.
Pero pagpasok niya sa loob, nagkubli siya sa likod ng isa sa mga poste ng glass wall. Pinanood niya ang pag-alis ng sasakyan. Nang hindi na ito matanaw ay muli siyang lumabas. Mabibilis ang mga hakbang na tumawid siya sa kalsada patungo sa Lighthouse Travel Agency.
Puwede sana siyang mag-book on line. Mas madali ang proseso sa pagbili ng ticket kapag ganoon. Pero ayaw niyang ma-trace agad ni Valtus ang gagawin niya. Kaya pati ang pagbabayad niya ng ticket ay cash. Nagtuloy din siya sa katabing shop ng gadgets at cell phone accessories para bumili ng mumurahing cell phone.
Wala pang sampung minuto pagkaraan ay nakabalik na siya sa loob ng supermarket. Nakapamili na siya nang balikan siya roon ni Manong Susing.
Magkahalong excitement at kaba ang nasa puso ni Lani nang pabalik na sila ng bahay. Nakasingit sa tagong bahagi ng kanyang purse ang ticket. At nang makauwi sila, imbes na dalhin agad sa ref ang mga pinamili niyang perishables ay sa closet ng mga sapatos siya nagtungo. Inilagay niya ang ticket sa pagitan ng sole at tapakan ng kanyang bagong sneakers. Nakatago lang iyon at hindi pa niya naisusuot. Wala siyang balak na isuot at makita ni Valtus.
Kabang-kaba si Lani habang inaayos doon ang ticket. Inilagay naman niya ang bagong cell phone sa loob ng pakete ng hindi pa nagagamit na sanitary napkins, ngunit hindi iyon binuhay. Ano mang oras ay maaaring dumating si Valtus at mahuli nito ang ginagawa niya. Nakahinga lang siya nang matapos at makabalik na siya sa kanyang mga pinamili. Pero bumalik muli ang kaba niya pag-uwi ni Valtus. Ginawa niya ang lahat ng makakaya para umakto nang natural. Ang totoo, ang lakas ng kabog ng dibdib niya habang naroon lang ito. Kahit may katwiran siyang itago ang ang ticket at bagong cell phone, kahit may rason siya na magsinungaling sa asawa, mahirap pa rin palang gawin. Nakakakaba.
Pero kailangan niyang magpakahinahon. She was one step closer to freedom. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro