Boyfriend Ko

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


KAHIT NA walang namagitan na mga salita kina Besille at Robert ay nagkaunawaan sila. Kahit pa nga tila dumidistansiya si Robert sa kanya—hindi na ito naglalagi sa weaving room kapag naroon siya. Bihira na rin silang magkasabay sa uwian. Pero nararamdaman niya kung gaano siya kaimportante kay Robert tuwing magkakasama sila kaya hindi siya nababahala.
Nang dumating ang second periodical exam nila ay saka pa lang sila nagkaroon ng pagkakataon ni Robert na magkasarilinan sa ibang lugar. Niyaya niya itong mamasyal sa Ali Mall pagkatapos ng exams niya, sa pag-aakala na walang sino mang kakilala ang maaaring makakita sa kanila roon. Malayo ang lugar at hindi puntahin ng mga taga sa kanila.
“Alam ko mali ito, Besille. Pero napakahalaga mo sa ‘kin para tumanggi ako sa pag-aaya mo.” Nasa loob sila noon ng isang hindi mataong restaurant sa loob ng mall.
“Wala naman tayong ginagawang masama.”
“Pero hindi tayo makalantad sa mga taong nakakakilala sa atin.”
“Kasi hindi nila tayo nauunawaan. Ano ba ang mali? Nagkataon lang naman na bata pa ako, ah.”
“At nagkataon din na nasa tamang edad ako. Sa ating dalawa ako ang mas may sapat na isip para gawin kung ano ang appropriate. Pakiramdam ko tuloy sinasamantala ko ang pagiging minor mo. At ‘pag iniisip ko ‘tong kalagayan natin, napapamukha sa akin na cradle snatcher talaga ako.”
Gusto na ni Besille na magtampo rito. Parang lumalabas na hindi siya makaunawa sa kanilang sitwasyon. Hindi nga lang niya magawa. Nakikita niya sa mukha ni Robert na nahihirapan ito sa sitwasyon nila.
Hinawakan niya ito sa braso. “Tama na. Let’s just enjoy the moment na magkasama tayo ngayon. Hindi man lang tayo nagkakausap ng tungkol sa ‘ting dalawa. Gusto ko kuwentuhan mo ‘ko kung kelan mo ‘ko napansin. Kung crush mo ba ako agad o nagustuhan mo lang ako dahil palagi tayo nagkakatinginan.”
Pumanatag ang ekspresyon sa mukha ni Robert. Natawa pa ito at ipinatong ang palad sa likod ng kamay niya na nakahawak dito. “Besille, palagay mo ba crush mo lang ako?”
“Hindi,” sabi niya na umiling pa. “Di ba nakuwento ko na sa ‘yo na may secret love ako?” Si Robert ang secret love niya. Sigurado siya na alam na nito sa simula pa lang.
“Kaya nga. Kung ikaw sa sarili mo inaamin mo na love mo ‘ko, eh, di lalo naman ako. Kaya hindi lang kita crush, Besille. Do you believe me?”
Nag-init ang mga pisngi niya sa sinabi ni Robert. Nagbaba siya ng tingin. Ikinatuwa niya ang sinabi nito pero nakaramdam siya ng hiya. Agad din namang bumalik ang mga mata niya rito nang maramdaman na sinalo ng isang palad nito ang baba niya. Iniangat nito iyon hanggang sa magkatapat ang mga mukha nila. Marahan munang humaplos ang mga daliri nito sa pisngi niya bago bawiin ang kamay.
“I was hooked, Besille. Noon pang una kitang makita sa garden habang namimitas ka ng rosal. Hindi mo lang alam. I was watching you from the window. You were like an innocent child picking flowers. Only you’re not a child but a lovely young woman.”
“Kaya pala pakiramdam ko no’n may mga mata na nakatingin sa ‘kin. Gumalaw pa nga ang kurtina sa bintana.”
“Wala kang idea kung paano na halos pumutok ang dibdib ko nang makita ka sa simbahan, dressed in all your finery, looking so beautiful and fragile. Kaya nga yata bigay-todo ang kanta ko noon. You inspired me that much.
“I was hoping na eighteen ka man lang sana para malaya akong makapanligaw. As it is, hindi man lang ako makadalaw sa inyo dahil hindi lang sa minor ka pa kundi dahil mahigpit ang parents mo. Hindi ko naman sila masisisi. Sipunin pa ang only child nila.”
Nahila ni Besille ang kamay niya na hawak ni Robert at tinampal ito sa balikat. “Sipunin pala, ha.”
Natatawa na sinalo lang nito ang kamay niya. “Hindi nga ba bumahin ka lang kaya mo ‘ko nakita?”
“But unlike you, boses ang una kong nadinig. Dahil do’n kaya ako nagka-crush sa iyo. Nakikipag-argue ka no’n. Kahit galit ka, I found myself na gusto ko ulit madinig ang boses mo. And then I saw you at the church.”
“Kaya ba naging love ang crush mo sa ‘kin?” tudyo uli nito.
“Ang yabang po niyan. Ikaw nga, naramdaman ko na nakasilip ka sa ‘kin sa bintana the next day na bumalik ako sa garden.”
“Ewan ko ba. Naramdaman ko na lang na gusto ko uli na makita ka. Buti na nga lang lumabas ka ng bahay noon. Nakita pa nga ako ni Lola na nakasilip sa bintana. Mabuti na lang hindi niya ako tinukso. Imagine my embarrassment na mahuli niya na sisilip-silip ako sa iyo.”
“Alam na ba ni Lola Fem ang tungkol sa atin?”
“Wala pa akong sinasabi sa kanya. Pero malakas makiramdam ang lola ko.”
“Kaya pala tinutukso ka na niya sa ‘kin.”
Pinagmasdan siya ni Robert na parang nasisiyahan nang husto sa nakikita. “She likes you, you know.” Sumagap ito ng hangin. “It tortures me when I thought about the years we still need to have to wait.”
“Pero maghihintay tayo, di ba?”
“Yeah. Pero hindi man lang kita… mahalikan.”
“Puwede naman, ah,” sabi niyang yumuko dahil nakaramdam uli siya ng hiya.
“Alam ko. Pero hindi ko sasamantalahin.” Hinalikan na lang nito ang kamay niya. Hinaplos ang singsing doon na ibinigay nito. “Our time will come, my pretty.”
Marami pa silang napag-usapan. Hindi maubus-ubos ang mga kuwento nila sa isa’t isa na dati ay nakatago lang sa kanilang mga puso at isipan. Sa kabila noon, tiniyak nila na maaga silang makakauwi para hindi maghinala ang kanyang mga magulang.

NASA THIRD period ng klase sina Besille nang may pumasok na babaeng student assistant sa kanilang classroom. Humingi ito ng paumanhin at ipinagpaalam siya sa kanilang teacher. Ayon dito ay ipinapatawag siya sa principal’s office.
Kinakabahan siya habang naglalakad sila ng student assistant. “Bakit daw ako pinapatawag?”
“Sorry, hindi ko din alam, eh.”
Lalong nadagdagan ang kaba niya nang makita sa pinto ng pricipal’s office ang guidance counselor. Ito ang nagpatuloy sa kanya. Namutla na siya nang makita ang mommy niya na kaharap ng principal sa loob ng opisina, galit na galit ang hitsura.
“Sasama ka na sa pag-uwi ko ngayon, Besille,” talak agad ng kanyang ina nang makita siya. “Hindi ko hihintayin na matulad ka sa kaklase mong nabuntis. Hindi ako makakapayag na magpatuloy pa ang relasyon mo sa Robert na ‘yon! Naturingan pa namang teacher pero oportunista! Corruption of minor ang ginagawa niya, ah!”
“Mrs. Altamero, calm down,” saway ng principal. “Iibestigahan muna namin ang veracity ng accusations n’yo. Hindi kami basta maaaring magbintang.”
“At hindi pa ba sapat na proof na may nakakitang dinala ng teacher n’yong ‘yon ang anak ko sa Ali Mall? Anong klaseng eskuwelahan ba itong sa inyo? Ang mga estudyante n’yo, basta na lang nabubuntis. Ang teachers, nanliligaw sa estudyante. Wala bang code of ethics, walang moralidad na sinusunod at itinuturo sa eskuwelahang ito?” patuloy na talak ng mommy niya.
Hiyang-hiya siya sa kagaspangan na ipinakikita ng kanyang ina.
“Mrs. Altamero, I’m afraid I have to send you away kung ganyan na nag-eeskandalo na kayo dito.” Mukhang nagpipilit lang na magpakahinahon ang principal. “May proseso na sinusunod ang school na ito pagdating sa pagdisiplina sa estudyante man o sa mga guro. Tinitiyak ko sa inyo na iimbestigahan ang kaso ni Mr. Zafra at ng anak ninyo.”
“Ililipat ko na sa ibang school ang anak ko.” Hindi pa rin nagpaawat sa pagtatalak ang mommy niya. “At hindi kami titigil ng asawa ko hangga’t hindi napapatalsik sa pagtuturo ang Robert Zafra na ‘yan!”
Hinila na niyang palabas ng office ang kanyang ina. Hiyang-hiya na talaga siya. Mabuti na lang at wala roon si Robert. Kung nagkataon, lalong magwawala ang mommy niya. Baka nga naging bayolente pa ito kay Robert.
Si Besille naman ang tinalakan nito nang makalabas na sila sa principal’s office. Hindi na siya binigyan ng kahihiyan kahit may mga nakakarinig. Tiniis na lang niya ang kahihiyan hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan ng dala nitong kotse.
Pagdating nila sa bahay, lalo pa siyang tinalakan ng mommy niya. Napaiyak na siyang lalo nang pagsabihan din siya ng daddy niya. Sinabi pang ita-transfer siya sa ibang eskuwelahan.
Tumanggi siya. Iyon ang paaralan na pinagsimulan niya at doon din niya gustong magtapos. Higit sa lahat, masaya siya sa school na iyon.
Pero nanaig din ang gusto ng kanyang mga magulang. Inilipat siya ng mga ito sa isang exclusive school for girls.

DUMAAN ang isang linggo nang hindi man lang nagkita sina Besille at Robert pagkatapos ng insidenteng iyon. Binawalan na si Besille ng kanyang mga magulang na pumunta kina Lola Eufemia. Pero isang araw ay pasikreto niyang kinausap si Martina. Kasalukuyan nitong dinidiligan ang blue grass sa front lawn gamit ang hose na may sprinkler.
“Nand’yan ba si Robert?” tanong niya sa kasambahay ng matanda.
“Wala na, Besille. Noong isang araw pa siya nakaalis. Lumipat din yata ng pinagtuturuan.”
Ibig niyang maiyak sa nalaman. Natitiyak niya na kagagawan pa rin ng kanyang mga magulang kung bakit kailangang umalis ni Robert sa pinagtuturuan. Nakaalis na pala ito. Hindi man lang sila nagkausap.
Minsan ay lumipat siya kina Lola Eufemia. Nasa opisina noon ang daddy niya at tiyempo rin na umalis ng bahay ang kanyang ina. Ang matanda na ang tumapos ng tapestry na ginagawa niya. Dito niya nalaman na sa branch ng school sa Espaňa pala nalipat si Robert. Malayo iyon sa lugar nila kaya napilitan na raw itong lumipat ng tirahan.
“May mga paupahang apartments ang paternal grandfather niya sa Sampaloc kaya doon na siya lumipat,” sabi pa ni Lola Eufemia. “Maaari pa din naman siyang umuwi rito. Pero dahil sa nangyari, minabuti na lang ni Roberto na lumayo sa iyo. Ayaw daw ng aking nieto na magulo ka pa. Mabuti na daw ang ganito.”
Napaluha siya sa nalaman. Malaking kahihiyan din pala ang dinanas ni Robert sa school kung ganoon. At sa tono ni Lola Eufemia, parang hindi na sila magkikita pa ng mahal niya. “Dadalawin pa po ba niya kayo dito, Lola Fem?”
“Ako ang inaasahan niya na pupunta sa Sampaloc. Nadalaw ko na siya doon kahapon.”
Pinunasan ni Besille ng palad ang luha sa mga mata niya. “Baka… baka magalit lalo sa kanya ang mama niya dahil sa pag-eeskandalo ni Mommy sa school.”
“Huwag mong intindihin ang mama niya. Nasa Cebu na ‘yon.” Pinakatitigan siya nito bago muling magsalita. “Alam mo ba na lehitimong mechanical engineer si Roberto bago siya lumipat sa pagtuturo?”
Nagulat siya sa sinabi nito. Walang nababanggit sa kanya si Robert tungkol doon.
“Naimpluwensiyahan siguro siya ng namayapa kong esposo. Dating teacher at naging principal pa sa eskuwelahan ang lolo niya. Pero dahil engineering ang kurso na ipinakuha sa kanya ng kanyang mga magulang, napilitan siya na iyon ang kunin sa kolehiyo.
“Pinagbigyan niya ang kanyang ama. Dalawang taon siyang nagtrabaho sa kompanya nila sa Cebu. Nag-a-assemble ng mga sasakyan sa kompanya nila. Iyon ang negosyo ng manugang ko roon. Pagkatapos, nag-aral uli si Roberto para makakuha ng teaching units. Galit na galit ang mga magulang niya pero ipinaglaban ng aking apo ang kanyang gusto.”
Sa nalaman ay lalong humanga si Besille kay Robert. Kaya pala nitong panindigan ang sariling kagustuhan. Pero bakit ngayon, wala itong ginagawa para ipaglaban ang relasyon nila?
Tahimik na iniabot niya sa ina ang natapos na tapertry nang makauwi ito sa kanila. Hindi rin ito umimik. Magmula noon ay hindi na siya nito binawalang lumipat sa kabilang bahay. Alin sa dalawa, kinausap ito ni Lola Eufemia o malaki lang ang paggalang ng mga magulang niya sa mabait na matanda?
Ano’t ano man, hindi na rin naman sila magkikita roon ni Robert. Tinotoo na nito na putulin ang kanilang ugnayan.
Nawala na ang dating sigla niya sa pag-aaral. Ang sigla na noon ay punong-puno siya sa dating eskuwelahan. Bumaba ang dating maganda niyang performance sa school.
Tinamad na rin si Besille na maglalabas kasama ng mga kaibigan niya. Kapag naiinip sa pagkukulong sa bahay ay si Jackie na lang ang pinapasyalan niya. Buntis na ito ngayon.
“May ibibigay ako sa ‘yo,” sabi sa kanya ni Jackie nang pasyalan niya isang weekend.
“Ano?”
Imbes na sumagot ay pumasok ito sa silid. Pagbalik nito ay iniabot sa kanya ang isang sobreng naglalaman ng card. Pangalan niya ang makasulat sa ibabaw ng envelop.
“Bakit mo ‘ko binibigyan ng card? Matagal pa naman ang birthday ko, ah.”
“Loka, hindi po ‘yan galing sa akin. Iniabot ‘yan ni Robert kay Mig para ibigay sa ‘yo.”
Sabik na binuksan ni Besille ang sobre. Isang all-occasion card ang laman niyon. May nakalagay sa harap na: No distance is so great that it can separate us. In memory, and in prayer, we are always together. Maikling note din na na isinulat si Robert sa loob ng card.

Besille,
Mabuti na rin siguro para sa iyo ang mga nangyari. We should never become bitter about it. Mag-aaral ka sanang mabuti. Take good care of yourself always.
Robert
“Ito lang?” dismayadong baling ni Besille kay Jackie. “Ito lang ang laman ng card niya? Wala man lang assurance o declaration ng feelings niya sa ‘kin? Grabe, ha. Parang galing lang sa isang kuya ang message niya dito, ah.”
“Kuya mo naman talaga siya. Eight years kaya ang tanda niya sa ‘yo.”
“Jackie!”
“Joke lang,” tumatawang sabi ng pinsan niya. “’To naman. Hindi lang siguro corny na tao si Robert.”
Gusto sana niyang sabihin dito na hindi pa ba sapat na ka-corny-han iyong bigyan siya ni Robert ng hanggang ngayon hindi niya malaman kung engagement ring, promise ring, souvenir ring o magiging wedding ring niya na nakalagay pa sa maliit na pouch bag? Suot pa nga rin niya ang singsing hanggang ngayon.  “Wala ba siyang ibinigay kay Mig kahit phone number?”
“Wala, eh. Hayaan mo, tatanungin ko ang asawa ko kung alam niya ang phone number sa tinitirhan ngayon ng boyfriend mo.”
Boyfriend ko. Pero bakit sa mga salitang ginamit ni Robert sa maikling note, parang wala silang relasyon. Nagpakita nga ito ng concern doon pero ordinaryong mga salita lang ang ginamit na sinasabi kahit sa pinakaordinaryong kaibigan.
Nang tawagan niya si Jackie ilang araw pagkaraan na manggaling siya sa bahay nito, nalaman niya na hindi ibinigay ni Robert kay Mig ang numero ng telepono sa bago nitong apartment. Ang sabi raw ni Robert, kung may importanteng sadya si Mig dito, si Lola Eufemia na lang daw ang tawagan at siguradong makakarating dito ang mensahe.
Nalungkot siya sa ibinalita ni Jackie. Ayaw nitong ipaalam ang address at phone number kay Mig dahil posibleng malaman niya. Obvious na umiiwas si Robert sa kanya. Umiiwas ito na magkaroon sila ng direct communication. Nakalimutan na ba nito ang pagmamahal sa kanya?
Hindi pa rin sumuko si Besille kahit nasasaktan siya. Masakit malaman na binabale-wala na siya ni Robert. Kay Lola Eufemia siya lumapit.
“Kahit gusto kong sabihin sa iyo, hindi ko gagawin, nieta.
“B-bakit po?” Grabeng disappointment ang naramdaman niya sa sinabi ng matanda.
“Dahil nirerespeto ko ang disisyon at ang gustong mangyari ng aking nieto. Hindi naman siguro kaya umiiwas siya na magkausap kayo dahil ayaw ka na niyang makita. Iniiwas lang niya ang inyong mga sarili sa dagdag pang eskandalo. Mabuti nang walang maging dahilan ang mga magulang mo para lalong magalit kay Roberto. Bata ka pa naman. Anong malay mo kung kayo pa rin ng aking nieto ang magkatuluyan sa bandang huli?”
Hindi siya napaglubag ng positibong paliwanag ng matanda.
Pagkagaling kina Lola Eufemia ay tumuloy siya sa bahay ni Mr. Banaag para humiram ng libro. Nagbabaka-sakali siya na mabaling sa pagbabasa ng libro ang pansin niya. Baka-sakali na mabawasan ang bigat ng dibdib niya. Pero ayon sa katiwala ay wala roon si Mr. Banaag. Sinundo raw ito ng mga anak at dinala sa Amerika para magbakasyon. Baka raw matagalan bago ito makabalik ng Pilipinas.
Nalungkot si Besille sa nalaman. Kahit istrikto at bihirang ngumiti si Mr. Banaag, naging mabait ito sa kanya at hindi naging madamot sa pagpapahiram ng mga libro. Ito ang pumukaw ng interes niya sa printed pages. Ipinaliliwanag pa sa kanya ng matanda ang mga bagay na hindi niya maunawaan sa binabasa. Sa kabila ng pagiging eccentric nito, in a way, isa itong matalik na kaibigan para sa kanya.
Sa pagdaan ng mga araw, sinikap ni Besille na mamuhay nang normal. Pinilit niyang ibalik ang nawalang interes sa pag-aaral. Wala na nga ang dati niyang enthusiasm kagaya noong nakina-Lola Eufemia pa si Robert, ngunit kahit paano, naisalba niya ang papabulusok na performance sa school.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro