Chemistry

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“HI,” SIMPLENG bati ni Robert bago ito lumapit palapit kay Besille.
Inakala niya na isa lang itong aparisyon. Isang optical illusion na nabuo dahil sa kaiisip niya rito. Pero totoong-totoo ang napaka-cute na ngiti ni Robert, ang bahagyang imbay ng mga balikat nito habang naglalakad, at ang nagwawalang tibok ng puso niya sa loob ng ribcage.
Lumamig-uminit ang pakiramdam ni Besille nang lalo itong mapalapit. “H-hi,” bati rin niya. Bahagya na lang lumabas ang boses sa kanyang lalamunan.
Naupo si Robert sa mismong silya na binakante ni Lola Eufemia. “I could see na pati pala ikaw nahikayat na rin ni Lola na mag-weave?”
Parang malulunod si Besille sa presence nito. Umaabot sa ilong niya ang bahagyang samyo ng ginamit nitong men’s cologne. Parang magnet din na humahatak sa kanya pati ang suot nitong crew-necked shirt. Makinis na makinis ang mukha ni Robert na halatang bagong ahit.
“M-maganda naman kasing hobby ito. Useful na, magiging creative ka pa.” Hindi niya magawang tingnan ito sa mga mata nang matagal.
“Tama ka,” ayon nito. Hindi pa rin nawawala ang nakapagpapatureteng ngiti. “Kahit nga ako, bata pa lang noon, naturuan na rin ni Lola na maghabi.” Hinawakan nito ang frame ng panghabi. “Usually, hindi ang weaving ang kukuha ng interes ng isang kabataan na tulad mo.”
Itinuon ni Besille ang mga mata sa kamay nito na nakakapit sa kahoy. Malaki iyon at mukhang metatag. “Siguro kasi hindi ako kagaya ng isang average na kabataan.”
“Medyo mahigpit kasi ang parents mo.”
Parang biglang nakahanap si Besille ng kakampi. “Hindi lang medyo. Talagang mahigpit sila.”
“Pinoprotektahan ka lang nila.”
“Mula saan? Hindi naman ako magwawala kung magiging maluwag sila sa ‘kin kahit konti.”
“May parents talaga na over protective sa kanilang mga anak. Wait for your time, Besille. Mas masarap i-enjoy ang freedom kapag kaya mo nang maging responsible sa magiging outcome ng decisions mo.”
Napamaang siya rito. Hindi niya agad maunawaan ang ibig nitong sabihin. Para namang nahulaan nito ang kanyang reaksiyon. Sinundan nito ng paliwanag ang sinabi.
“Di ba alam mong lahat ng action may katapat na reaction? Gano’n din sa freedom. Ang paggamit mo dito ay puwedeng maging constructive, pero puwede din na maging destructive. Kung pinapayagan kang uminom at manigarilyo sa age mon a ‘yan, mas maaga kang magiging potential alcoholic o lung cancer victim. Kung malaya kang inuumaga sa gimikan, mas exposed ka sa mga taong mapagsamantala. Mas prone din sa premarital sex at unwanted pregnancy.”
“Para kang si Daddy kung magsalita.”
“I’m just stating some facts about the much-craved freedom. And I don’t fancy being your father.” Tumayo na ito at tinanguan siya.
Nagmadali si Besille na mangapa ng sasabihin. Ayaw pa niyang umalis ito. “B-bakit?” nabigkas niya sa wakas nang malapit na ito sa pinto.
Tumigil ito at pumihit paharap sa kanya. Matiim na tumitig ito sa kanya. “In time, malalaman mo din, Besille. Huwag ka lang maiinip.”
Wala na roon si Robert ay nakatunganga pa rin siya sa pintuan. Lord, ano po bang ibig niyang sabihin?
Sa pagdaan ng mga araw, lalong sumisidhi ang nararamdaman ni Besille para kay Robert. Parang isang uri ng sakit iyon na kumapit sa kanyang sistema na kahit kailan ay hindi na mawawala pa. Maaga man siyang nagigising, pero tanghali na siya bumabangon sa kade-daydream kay Robert. Parang hindi pa sapat na napapanaginipan niya ito sa gabi.
Mabuti na lang at bakasyon pa. Hindi siya inoobliga ng mommy niya na bumangon nang maaga.
Pero nang umagang iyon ay napilitan na siyang bumangon kaagad. Nakarinig kasi siya ng tunog ng nilalagaring kahoy sa gitna ng tahimik na umaga.
Tiningnan niya ang table clock sa bedside table sa bandang ulunan niya. Lampas-alas sais pa lang doon. Bumangon siya at sinilip sa sliding window ang pinagmumulan ng ingay. 
Napamulagat ang hindi pa niya gaanong maibukang mga mata. Nawalang bigla ang natitira pa niyang antok nang makita ang hubad-baro na si Robert. Naglalagare ito ng kahoy sa front yard ni Lola Eufemia. Jersey shorts lang ang suot nito.
Ang guwapo niya talaga! Hunk na hunk sa lahat ng angle. Nangingintab sa tama ng manipis pang sinag ng araw ang mauumbok nitong muscles sa dibdib at braso.
Napanganga siya sa pagkagulat nang biglang tumigil si Robert sa ginagawa at direktang tumingin sa kinatatayuan niya. Huling-huli nito ang panonood na ginagawa niya.
Lumapad ang ngiti ni Robert. Itinaas pa sa kanya ang isang kamay. Dama ni Besille ang pag-iinit ng pisngi niya. Hiyang-hiya siya na mahuli nito kahit hindi niya intensiyon na manubok. Nagawa pa rin niya na gantihan ito ng tipid na ngiti bago niya nakuhang lumayo sa bintana.
Inayos ni Besille ang hinigaan. Pinipigilan lang niya ang sarili na lumingong muli sa bintana. Nang makaligo siya at makapagbihis, nasilip niya na nagpupukpok naman si Robert. Sa takot na mahuli na naman nitong nakasilip siya, bumaba na lang siya sa komedor. Naabutan niyang nag-aalmusal na ang kanyang mga magulang. “Good morning, Daddy, Mommy.”
“Sumabay ka na sa ‘min, anak,” tawag ng kanyang ama.
Kakaiba ang sigla ni Besille nang umagang iyon. Pakiramdan niya kaya niyang ubusin ang lahat ng pagkaing nakahain sa dining table.
“Besille, tanungin mo nga mamaya si Tita Eufemia kung matuturuan ka niyang gumawa ng tapestry. Gusto kong maglagay no’n sa den,” sabi ng mommy niya.
“Mahirap ‘yon, Mommy. Baka hindi ko makaya.”
“Magaling naman siyang magturo, di ba? Tingan mo nga, nakakapag-weave ka na ngayon ng kumot na may design.”
Nang maisip ni Besille na nakina Lola Eufemia si Robert ay hindi na siya kumontra pa. Chance na iyon para mas mapalapit siya kay Robert. “Susubukan ko, Mommy.”
“Magandang hobby ‘yang natutunan mo, anak,” komento ng daddy niya bago ito tumayo. “Productive. Hayaan mo, maghahanap ako ng puwedeng mapagpagawaan ng loom para hindi ka na nakikigamit pa kay Tita Eufemia.”
Nagpasalamat siya sa ama pero napipilitan lang. Hindi niya gusto ang idea. Kung may sarili na siyang loom, hindi na siya makakapunta nang madalas kina Lola Eufemia. Mangangahulugan din iyon na less na ang chance na makakapag-usap sila ni Robert.
Tinapos na niya ang pag-aalmusal. Kating-kati na ang mga paa niya na makalipat kina Lola Eufemia. Kaya lang ay tinawagan siya sa phone ng kaibigang si Dey bago pa siya makalipat sa kabilang bahay. Sinagot na raw nito ang pinakaguwapong manliligaw. Nag-date na raw ang mga ito kahapon.
Kasing-edad lang niya si Dey. Pero nakakatatlong boyfriends na ito. Siya naman, kahit palihim, ay takot magpaligaw.
May isang oras na silang nag-uusap ni Dey sa phone nang madaanan siya ng mommy niya.
“Ano ba ‘yan, Besille? Hindi pa ba matatapos ‘yan? Baka may tumatawag dito sa bahay na importanteng call. Hindi tuloy maka-contact dahil sa pagtetele-babad mo.”
Napilitan na siyang tapusin ang pakikipag-usap kay Dey.

NAGLALAGARE pa rin ng kahoy si Robert nang maabutan ito ni Besille sa front yard sa kabila. Nahihiya man, nilakasan niya ang loob at nilapitan ito. “Anong gagawin mo d’yan?”
Tumigil ito sa ginagawa at umunat. Hinagip muna nito ang sando na nakapatong sa salansan ng mga kahoy at itinakip iyon sa pawisang dibdib bago siya hinarap. “Doghouse.”
“Wala namang aso si Lola Fem, ah.”
“Mabuti nang may doghouse agad para hindi magkalat ng dumi ang puppy na ibibigay ko sa kanya.”
“Reregaluhan mo siya ng tuta?”
Ngumiti si Robert sa conspiratorial na paraan, na nagpakabog ng dibdib niya. “Birthday gift ‘yon. Huwag mo munang sasabihin sa kanya, ha? Surprise kasi. Gusto niya ang aso. Kaso lang, ayaw na niyang mag-alaga ng tuta dahil namamatay daw lagi. Since nandito na ako, ako na lang ang mag-aalaga para sa kanya.”
“Dito ka na titira?”
“Oo. Para may lalaking kasama si Lola. Na puwedeng gumawa ng mga bagay na hirap na siyang gawin. Matanda na kasi siya.”
“Bakit dati hindi mo siya dinadalaw?”
“Sa Cebu kasi kami nakatira. Si Lola ang dumadalaw sa ‘min doon.”
Naputol ang pag-uusap nila nang lapitan sila ni Martina. “Nagpahanda ng merienda si Lola Eufemia. Inihain ko na sa garden set. Doon n’yo na kainin.”
“Salamat, Martina,” sabay nilang sabi.
Naramdaman ni Besille ang marahang hawak ni Robert sa kanyang siko nang lumakad na sila patungo sa garden table. Kumabog na naman ang dibdib ni Besille. Para siyang biglang naiinitan na ninenerbiyos na hindi maintindihan. Hindi na yata mawawala ang ganitong epekto sa kanya tuwing magkakausap at magkakalapit sila ni Robert.
“Tayong dalawa lang ang magme-merienda? Para sa dalawa lang ang mga platitong nasa mesa. May isang maliit na china bowl na naglalaman ng maliliit na siopao at isang glass pitcher ng malamig na pineapple-orange juice.
Tumango si Robert. “Nagkakape lang naman si Lola Eufemia kapag ganitong oras. Chicken pao ‘to,” turo nito sa mga siopao, “specialty ni Lola.” Ipinagsalin siya nito ng juice sa baso.
“Ang sipag talaga ng lola mo, ‘no?”
“Kaya nga napakasuwerte sa kanya ng lolo ko. Sayang nga lang, namatay agad si Lolo.”
“May g-girlfriend ka na ba?” bigla niyang naitanong bago pa siya magdalawang-isip.
“Bakit mo naman naitanong?” Nakangiti ito at ang tingin sa kanya ay nang-aarok.
Nagkibit-balikat lang siya, na sa tingin niya ay pinakaligtas na reaksiyon.
“Wala pa.”
“Bakit?”
Natawa si Robert dahil siguro sa pagtataka na nasa mukha niya. “Ano naman ang nakakapagtaka do’n?”
“Eh kasi… kasi ka-age mo si Mig. Pero siya nga may asawa na.”
“Late bloomer lang talaga ako. Kung magkakaroon man siguro ako ng girlfriend, gusto ko ‘yong kasing husay at kasimbait ni Lola. Ikaw, may boyfriend ka na ba?”
“Naku, wala. Magagalit ang parents ko ‘pag nagpaligaw ako.”
Tumango-tango ito na parang nasiyahan. “Mukhang dalaga ka na pero bata ka pa para makipag-boyfriend. Wait for your time, Besille.”
Narinig na naman niya rito ang phrase na iyon. Gusto na niyang mainis. Pero gusto pa rin niyang magtagal ang pag-uusap nila. Para kasing napakagaan nitong kakuwentuhan. “Paano kung… k-kung gusto ko na?”
Nawala ang ngiti nito. “So, may secret love ka na?”
Tumango siya nang hindi tumitingin sa mga mata nito.
“May gusto din siya sa iyo?”
“Hindi niya alam ang feelings ko.”
Lumitaw ang mapanudyong ngiti sa mukha nito. “Ah, secret talaga.” Sumeryoso uli ito. “Wala namang masama. Tao ka lang para makaramdam ng ganyang feelings. Natural lang ‘yan. Basta i-enjoy mo lang ‘yong mga times na nakakausap mo siya at nakikita. Kahit gaano pa katindi ang feelings na ‘yan, magme-mellow din ‘yan ‘pag tagal-tagal.”
“Pero ayokong mawala ito.” Pakiramdam niya hindi niya makakayang magmahal ng iba liban lang sa lalaking ito.
“Hala ka! ‘Pag hindi na nawala ‘yan, love na ang tawag d’yan. Magiging miserable na ang pakiramdam mo kapag hindi ka niya minahal din.”
“Kahit pa,” defiant niyang sagot, medyo nakataas pa ang baba.
Isang satisfied na ngiti ang nakita niya kay Robert. Sa ganoon nila tinapos ang merienda bago siya magpaturo kay Lola Eufemia.

FIRST DAY ng klase. Dinaanan si Besille si Dey sa bahay nila at sabay na silang pumasok sa school. Ayon kay Dey, break na raw ito at ang huli nitong naging boyfriend. Nagtataka siya kung bakit ganoon lang kadaling ma-fall out of love sina Dey at ang ex nito.
Bakit siya, magta-tatlong buwan nang dala-dala ang feelings para kay Robert, pero wala pa ring pagbabago sa kanya? Ganoon pa rin ka-intense ang nararamdaman niya para sa binata.
“Sana naman may mga bagong cute guys akong makilala sa school,” sabi ni Dey nang papasok na sila sa bago nilang classroom. “Para mapalitan ko agad ang two-timer kong ex.”
“Bata ka pa naman, Dey. Sigurado madami pang dadating na mas lovable kesa sa ex mo,” sabi na lang niya kahit nabababawan siya sa sinabi ng kaibigan. “Pagbutihin na lang muna natin sa studies.”
“Ang corny mo, ha. Alam mo, kaya dapat kong mapalitan agad ‘yong bruho kong ex, inspiration kasi ang boyfriend sa pag-aaral. Hindi ko na kailangang isubsob ang ulo ko sa pagre-review ng lessons. Pag inspired ka, madali mo lang mame-memorize lahat ng ile-lecture ng teacher.”
“Gano’n ba ‘yon?” Hindi siya makasang-ayon. Kung totoo ang sinasabi ni Dey, bakit muntik nang sumabit ang grades nito noong nakaraang school year?
“Mismo. Kaya kung ako sa ‘yo, mag-boyfriend ka na din. Puwede mo namang itago kina Tita Bethsaida. Nasa diskarte at pag-iingat lang ‘yan.”
Isipin pa lang ni Besille na lalabagin niya ang mga payo at tagubilin ng kanyang mga magulang, natatakot na siya. Papi-picture out niya ang magiging galit ng mommy niya kapag nabisto siya nito. “Wala pa sa isip ko ang magka-boyfriend.”
“Loka, sayang ang beauty mo kung hindi mo ipapatikim sa mga kalahi ni Adan.”
Napanganga siya sa sinabi ni Dey. Mabuti na lang at dumating na ang magiging class adviser nila. Naputol ang pag-uusap nilang magkaibigan.
Hindi pa regular ang klase pero lahat ng teachers na na-meet nila ay nagbigay na ng assignments. Gutom na si Besille pagdating ng last period. Hindi kasi siya nakakain kaninang almusal. Maaga siyang dinaanan ni Dey sa bahay. Intensiyon lang pala nitong dumisplay sa campus bago magsimula ang klase. Siya tuloy ang nahihiya para dito.
Gaya na lang nang mga oras na iyon, ang lakas ng boses nito habang nakikipagbungisngisan sa isa nilang bagong kaklaseng lalaki. May pahampas-hampas pa si Dey sa braso. Mukhang nagkakaigihan na ang mga ito.
Nang biglang tumahimik ang buong klase. Paglingon niya sa gawi ng pintuan, nakita niyang papasok doon ang guwapong si Robert.
Her heart skipped a beat. Gaya ng madalas mangyari kapag nabubulaga siya ng presensiya nito. Gaya kapag nagtatagpo ang kanilang mga mata. Anong ginagawa niya dito?
Nasagot ang tanong ni Besille nang magsalita si Robert. “Good morning, class. I’m Mr. Robert Zafra. I’ll be your teacher in Chemistry.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro