Of Revelation and Firsts

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

ORAS NA ng uwian. Nagpaalam si Dey kay Besille. Hindi raw ito sasabay sa kanya dahil ihahatid daw ng kaklase na kabungisngisan nito. Hinayaan na ni Besille na mauna sa kanya ang mga ito.
Nagugutom na talaga siya at nauuhaw pa kaya dumaan muna siya sa canteen. Hindi talaga niya bet na sumabay sa agos ng maraming estudyanteng lumalabas tuwing uwian.
Milkshake lang ang in-order ni Besille. Baka hindi siya makakain sa tanghalian kapag nagpakabusog siya.
Pagkaubos ng milkshake ay lumabas na siya ng campus. Nagtiyaga siyang maghintay ng tricycle. Wala na noon ang mga nakapilang tricycle sa tagiliran ng school.
Hindi pa siya gaanong natatagalang maghintay nang may tumawag sa pangalan niya. “Besille!” sabi ng malamyos na boses.
Si Robert pala ang tumatawag sa kanya. Nakangiti ito. Ngiti na nagpakislot na naman sa dibdib niya.
“Sabay na tayo sa pag-uwi.”
“S-sige… Sir.”
“Wala talagang choice kundi tawagin mo akong “sir” kapag ganitong nasa campus tayo.” Nabawasan na ang ngiti nito. Nagsilbing reminder iyon na hindi sila magkapantay ni Robert. Hindi sila magkaedad.
“Hindi mo nasabi sa akin na teacher ka pala, na dito ka sa school na to magtuturo.”
Hindi nito pinansin ang panunubat niya. Sa halip, giniyahan siya nito sa papalapit na tricycle. Sumakay na siya at tumabi naman ito sa kanya.
Ang saya-saya niya kahit hindi sila makapag-usap ni Robert dahil maingay ang motor ng nasakyan nila. Wish niya na sana araw-araw silang magkasabay kahit na sa uwian lang.
Isang simpleng “sige” lang ang sinabi sa kanya ni Robert bilang pamamaalam nang bumaba na sila ng tricycle. Pakiramdam ni Besille, daig pa nito ang nagtapat ng pag-ibig nang saglit nitong hinuli ang mga mata niya bago siya pabaunan ng matamis na ngiti.
Mainit na naman ang pakiramdam ng mukha niya na tiyak niyang namumula. Hindi siya nag-iwas ng tingin. Super sweet smile din ang ipinabaon niya kay Robert.
“Anong nginingiti-ngiti mo d’yan?” sita ng mommy niya nang nasa loob na siya ng bahay.
Bigla siyang nag-alala. “W-wala po, Mommy.”
“’Oy, Besille, baka naman ngayon pa lang umaalembong ka na.”
“Naku, hindi po, Mommy. Sabi n’yo nga bata pa ‘ko.”
“Hala, kumain ka na. First day pa lang ng klase, tinanghali ka na agad ng uwi,” sabi nitong parang nagdududa.
Naisip tuloy ni Besille, na dapat pala siyang mag-ingat nang husto. Habang tumatagal, lumalala ang kahitpitan ng kanyang ina. ‘Hirap naman ng ganito, himutok niya. Tinatago ko na nga ang feelings ko kay Robert, ngayon naman, mas dapat ko ding itago kay Mommy.
Ganoon nga ang ginawa niya. Kahit kay Dey hindi niya magawang ipagtapat ang tungkol sa secret feelings niya sa Chemistry teacher nila. Takot na takot siya na makalabas ang kanyang lihim. Kapag nahihirapan na siya, ang pinsan niyang si Jackie ang kanyang pinagsasabihan.

“ANG GANDA!” Bulalas ni Besille nang makita ang bagong biling tuta ni Robert. Isang puting poodle iyon na tila bulak ang balahibo.
Sumapit ang kaarawan ni Lola Eufemia nang hindi ito naghanda. Ayon kay Robert, ganoon daw talaga ang matanda mula nang mamatay ang asawa. Kaya naman nagpagawa na lang siya sa kanyang ina ng flower arrangement sa isang basket at iyon ang ireregalo niya sa matanda.
“I’m glad you like it. Lalaki ito. Kapag nakakita ako ng isa pang ganito, bibili uli ako, ‘yong babae naman. Para puwedeng mag-breed.” Kinuha nito ang tuta sa doghouse at iniabot sa kanya.
“He’s so soft. I love him already.” Natutuwa na idinikit-dikit niya sa pisngi ang mabalahibong katawan ng tuta. Idinikit pa niya ang ilong dito. Dinilaan siya ng tuta sa mukha at napahagikgik siya. Pinagsawa muna niya ang sarili sa paghimas sa tuta bago niya ibinalik kay Robert.  “I’m sure natuwa si Lola Fem sa regalo mo.”
“Yeah. Napaka-appreciative na tao si Lola. Lahat ng ibigay ko sa kanya, ikinakatuwa niya. That reminds mo, wala pa nga palang pangalan itong puppy. Puwede bang ikaw na ang magpangalan sa kanya?”
Lumapad ang ngiti niya sa katuwaan. “Why, it’s an honor for me.” Sa dami ng mga araw ng pagde-daydreaming niya kay Robert, naisip na niya noon pa kung ano ang magiging pangalan hindi lang ng magiging mga anak nila kundi pati na ng magiging pets nila. “How about ‘Silver’?”
“Silver,” napapatangong sabi ni Robert. “That’s nice. Kahit puti ang kulay niya, bagay pa din siyang tawaging ‘Silver’.”
“Ang totoo, ang “silver” ay coinage ng kanilang mga pangalan. Kinuha niya ang “sil” sa Besille at ang “ver” sa katunog na ber ng Robert.
“So you are now ‘Silver Zafra,” sabi nito sa tuta. Nagkatawanan tuloy sila.
Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan at nalibang sila sa oras. Kung hindi pa nito iniabot sa kanya ang basket ng mga bulaklak na inilapag niya sa tabi ng doghouse, marahil nalanta na iyon bago pa makarating kay Lola Eufemia.
Pag-alis niya sa bahay nito, nagtuloy agad siya sa kanyang silid at kinuha ang librong hiniram niya kay Mr. Banaag. Deadline na niya bukas sa matanda kaya dapat na niyang isauli iyon.
Bago siya magtuloy sa malaking bahay, dumaan muna siya sa isang photocopying outlet at ipina-photocopy ang ilang bahagi ng libro na nagustuhan niya.
Napansin niya ang pananamlay ni Mr. Banaag nang makarating siya sa bahay nito. Nakaupo ito sa tumba-tumbang narra sa balkonahe at nakatanaw sa labas. “May masakit po ba sa inyo?” nag-aalalang tanong niya sa matanda.
Wala man lang pagbabago sa facial expression nito nang tingnan siya. “Dinaya mo ako. Ang Sonnets From The Portuguese pa rin pala ang dinala mo imbes na ‘yong librong iniabot ko sa iyo,” sumbat nito sa halip na sagutin ang tanong niya.
“Sorry po.” Nahihiya na nagbaba siya ng tingin. “Isosoli ko na po ito ngayon. Kung ayaw n’yo na po akong pahiramin ulit, maiintindihan ko po.”
Tumingin lang ito sa kawalan. “Ibalik mo ‘yan sa dati mong pinagkuhanan. Kunin mo uli ang The Cry Of The Children at iyon ang basahin mo. Ke bata-bata mo pa…”
Ilang saglit na nakatunganga lang siya rito bago siya kumilos patungo sa mini-library.

MAY ISA pang magandang epekto kay Besille ang lihim niyang pagtingin kay Robert. Nadoble ang sipag niya sa pag-aaral. Mas madali niyang maunawaan ang lectures nila. Daig din niya ang araw-araw na umiinom ng Lipovitan. Puno siya ng sigla sa lahat ng activities sa eskuwelahan man o sa bahay.
Nagtataka lang siya kung bakit kabaliktaran ang nangyayari kay Dey. Tamad pa ring mag-aral ang kanyang kaibigan. Naging mainitin ang ulo nito, laging tulala at medyo namumutla.
Nasagot ang pagtataka niya nang isang araw ay hindi na ito pumasok sa school. Nang puntahan niya si Dey sa bahay ay wala na ito roon. Ayon sa kapatid nito na naabutan niya, hindi na raw mag-aaral ang kanyang kaibigan. Dinala raw ito ng isang tiyahin sa probinsiya. Buntis daw si Dey.
Nalungkot si Besille sa sinapit ng kaibigan. Wala pang dalawang buwan na nagsisimula ang klase ay mahihinto na sa pag-aaral. At hindi man lang niya nakausap.
“Something wrong?”
“Huh!” Paglinga niya, katabi na pala niya si Robert sa harapan ng campus.
“Hey, kahapon ka pa parang wala sa sarili, ah. Malungkot ka. Ngayon naman, nakailang daan na ang bakanteng tricycle pero hindi ka pumapara para makasakay. May problema ka ba?”
“Wala, S-Sir.” Hanggang ngayon hindi pa rin siya komportableng tawagin itong “sir” dahil nasanay na siya sa “Robert.” “Si Dey ang may problema. Hindi na siya makakapag-aral.”
Nagulat siya. “Alam mo pala.”
“Nasa faculty office ako nang pumunta ang mother niya. Kinausap ang class adviser n’yo.”
“Sayang talaga si Dey.”
“Tama ka. Iyon ang end result ng pag-abuso sa freedom na pinag-usapan natin minsan. Natatandaan mo pa?”
Tumango siya nang marahan.
“Hindi siya nakapaghintay sa panahon niya.”
Noon lang lubos na naunawaan ni Besille kung ano ang ibig sabihin ng sinabi nito sa kanya na: “Wait for your time, Besille.”
May humintong tricycle sa harap nila at sumakay na sila roon.

“ANG HIRAP po pala ‘pag tapestry ang hinahabi,” reklamo ni Besille kay Lola Eufemia.
Sabado noon. Kasalukuyan siyang nasa bahay ng matanda. Sa mga nagdaang weekends, halos maghapon siya sa bahay nito. Hindi siya nagrereklamo sa ganoong setup. Ikinatutuwa pa nga niya. Dahil mas matagal silang nagkakasama ni Robert.
Kapag naroon siya ay nagbababad ito sa weaving room. Nagkukuwentuhan sila habang naghahabi siya. Ipinagtataka niya na kuntento lang ito na ganoon. Mas lalo namang kuntento siya. Nakakausap niya ito at nakikita nang malapitan. Naiisip niya tuloy na parang hindi na one-sided lang ang feelings niya. Lalo na kapag napapansin niyang laging nakatitig si Robert sa kanya.
“Three months na po nating hinahabi ito pero hindi pa din natatapos.” Tag-araw pa noong simulan nila ang tapestry na request ng kanyang ina. Tag-ulan na ngayon pero lampas-kalahati pa lang ang natatapos nila.
“Ganoon talaga, nieta. Ano man ang gawain na gusto mong maging maganda ang resulta dapat lamang na paghirapan at paglaanan ng panahon.” Tiningnan siya ng matanda na para siyang pinag-aaralan, tila binabasa ang kanyang facial expression.
“Bakit po, Lola Fem?”
“Naalala ko lamang kung paano kami nagkaibigan ng namayapa kong esposo. Malaki rin ang agwat ng mga edad namin. Parang kayo ni Roberto.”
Nag-init ang mukha ni Besille, lalo na nang lumitaw sa mukha ng matanda ang nanunudyong ngiti. Nakakahalata na rin pala sa kanya si Lola Eufemia. Ganoon din kaya si Robert?
“Hindi kami nagligawan sa tradisyunal na paraan,” patuloy ng matanda. “Noong una kaming magkita, alam na namin na kami ang para sa isa’t isa kahit hindi kami nag-uusap. May isa nga lang na problema. Napakalaking problema.”
“Ano po?” hindi makapaghintay na usisa niya. Nakuha na ng kuwento ni Lola Eufemia ang buo niyang pansin.
“May asawa siya.”
“Pero naging asawa n’yo po siya?”
Ngumiti ito. Parang bigla itong bumata sa paningin niya. “Kasing edad mo lamang siguro ako noong una kaming magkita. Hindi na iyon nasundan. Nauunawaan ko naman siya. Hindi na ako umasa noon. At sa palagay ko, siya man ay hindi rin. Ngunit pagkalipas ng limang taon, muli siyang nagpakita. Hiningi niya ang kamay ko sa aking papa. Biyudo na raw siya.”
“Happy ending din naman po pala ang love story n’yo, Lola Fem.”
“Pero ang akala ko talaga noon, tatanda rin akong dalaga. Siya lang ang lalaking minahal ko, nieta. Bueno, ako naman, eh, walang nakikitang malaking hadlang sa inyo ni Roberto kundi ang panahon.”
“Ay, si Lola Fem, nagbibiro na naman,” sabi niyang natatawa pero namumula.
Tinapik lang nito ang pisngi niya at lumabas na ng weaving room. Hindi pa ito matagal na nakakaalis nang pumasok doon si Robert.
“Malapit nang matapos ‘yan, ah,” tukoy nito sa kanyang hinahabi.
Nginitian niya ito. Nasa isip pa rin niya ang panunukso ni Lola Eufemia.
May dinukot si Robert sa bulsa. Inilahad nito ang kamay at iniabot sa kanya ang isang maliit na puting pouch bag. Gawa iyon sa pinong silk at quilted pa. Sigurado siya na sa sobrang liit ng pouch ay ipinasadya lang nitong gawin.
“A-ano ‘to?”
“Buksan mo.”
Medyo nanginginig pa ang mga kamay niya habang kinakalag ang pagkakabuhol ng tali. Isang platinum ring ang laman ng pouch nang mabuksan niya. Plain band lang iyon at walang bato na parang wedding ring. “Ibinibigay mo sa… s-sa akin ‘to?” kandautal na tanong niya. Tumatahip sa kaba ang dibdib niya.
“Oo.” Masusing nakatitig ito sa kanya.
“B-bakit?”
Sa halip na sagutin siya ay kinuha nito ang singsing sa kanyang kamay at maingat na isinuot sa kanyang ring finger. Muli, nagtagpo ang kanilang mga mata.
Napapaluha siya sa emosyon na malaya niyang nakikita sa titig ni Robert. Nararamdaman niya ang masarap na kilabot na kumakalat sa kanyang kanyang dibdib hanggang sa buo niyang katawan. T-thank you.” Hindi niya napigil ang sarili. Pumatak ang mga luha niya.
Dumako ang mga kamay nito sa kanyang mukha. Pinalis ng mga daliri nito ang luha roon. “Tahan na,” sabi nito sa maaligasgas na tinig. Parang ito man ay nagpipigil din na mapaiyak. Nangingislap ang mga mata nito habang nagsasalita. “Hindi ako magbabago. Ano man ang mangyari, hihintayin kita.”
Tanging ang pagpisil lang sa mga palad nitong nakasapo sa kanyang mukha ang nakuha niyang isagot. Kinuha ni Robert ang kamay niyang may singsing at marahang hinagkan bago siya binitiwan. Pagkatapos, lumabas na ito ng weaving room na parang may tinatakasan.
He loves me! Mahal din pala ako ni Robert!
Hinalikan ni Besille ang kamay na hinalikan ni Robert at papikit niyang dinama. Wala siyang alam na nagawa niya para maging ganoon siya kaligaya.
Nang magbalik siya sa kanila, tumuloy agad siya sa silid. Kinuha niya ang kopya ng mga tula ni Elizabeth Barrett-Browning na ipina-photocopy niya. Inipon niya iyon sa isang album na maingat na nakapaloob sa plastic jacket.
Lalo siyang napuno ng tuwa habang binabasa ang isang bahagi niyon.
First time he kissed, he but only kissed
The fingers of the hand wherewith I write;
And ever since, it grew more clean and white.
Slow to world-greetings, quick with its “Oh, list,”
When the angels speak. A ring of amethyst
I could not wear here, plainer to my sight,
Than that first kiss…

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro