11. Tempting

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Dalawang kamay ni Reina ang mahigpit na nakakapit sa barandilya habang mabilis na tumatakbo ang sailboat ni Linus. Hindi naman siya natatakot na malunod. Si Linus pa mismo ang nagsuot sa kanya ng life vest. At habang kasama niya ito ay ligtas ang pakiramdam niya. Mas nag-aalala siya na sila lang dalawa ang sakay ng yate. Nagsimula na kasi ang regatta. 

Tulad ng napag-usapan nila, eksaktong alas-singko ng umaga ay naroon na si Linus sa kanila. Ipinagpaalam siya nito kay Lolo Roberto dahil ito lang ang naroon nang mga oras na iyon. Ang mommy niya ay nasa silid pa.

Habang patungo sila sa Subic, tinangka ni Reina na buksan ang paksa tungkol sa hindi nito pagpapakita sa kanya nang ilang araw. Busy lang daw ito sa paghahanda sa regatta. Pagkatapos ay iniba na nito ang usapan. 

Maaga silang nakarating sa Subic. Nakapagpahinga pa nga siya sandali sa mas malaking silid ng yate. Napansin niya na naiba na ang interior niyon. Wala na ang naka-mount na ulo ng baboy-ramo sa frame na dating nakasabit sa dingding. Simple na lang ngunit elegante pa rin ang furnishings doon. Marahil naiba na ang taste ni Katrina nang mapunta ito sa Paris. Mas gusto niya ang furnishings ngayon. Kahit pa nga nahuhulaan na niyang si Katrina na naman ang nag-ayos doon.

Nakikipagkarera na sila sa iba pang mga yate.

Tahimik lang siya sa tabi ni Linus. Ayaw niyang mawala ito sa konsentrasyon. Sa huli ay pumangatlo ito sa mga nagsipagkarera.

Puno ng tao ang Subic Bay Yacht Club. Nakakalula ang mga premyo ng mga nanalo. At napakalaki ng selebrasyon. Ngunit sa gitna ng pagdiriwang ay itinakas siya ni Linus.

Isang napakagandang beach resort sa outskirts ng Subic ang pinagdalhan sa kanya nito. Walang gaanong tao roon.

Maliit lang ang resort at iilan lang ang cottages doon. Ngunit lahat ng cottages ay elegante ang arkitektura at world-class ang pagkakagawa.

Sa palagay niya ay exclusive ang resort. Card ang ipinakita ni Linus sa receptionist.

Inihatid sila ng room boy sa pinakadulong cottage. Doon sa lugar na malayo sa karamihan.

Masasal ang tibok ng puso ni Reina nang sila na lang doon ni Linus. Nakangiting iniabot sa kanya nito ang isang kamay. Nang ibigay niya ang kanyang palad dito ay mabilis siya nitong nahatak at napaloob sa mga bisig nito.

Sabik na inapuhap ni Linus ang mga labi niya. Naranasan uli niya ang kakaibang luwalhati nang una siyang halikan nito.

“Did you miss me...?” naglalambing na tanong nito nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Kumalas na rin ito sa kanya at ikinulong sa palad ang isa niyang kamay. Dinampi-dampian nito ng halik ang likod ng palad niya.

Hindi siya sumagot. Marahang hinatak niya ang kamay niya sa pagkakahawak nito hanggang sa pakawalan siya. Pagkatapos ay sinimulan niyang kalasin ang pagkakabutones ng kanyang damit.

Sabi niya noon sa sarili hindi niya ito aakitin. Na importante ang laman ng puso sa kanya. Na gusto niyang kusang mahalin nito. Ngunit ewan kung ano ang nangyari at nilunok niya ang kanyang pinaninindigan. Malinaw naman sa isip niya na labag ang gagawin niya sa dating paninindigang iyon. Ngunit higit na malakas ang puwersa ng damdamin niya kay Linus.

“Reina?” Nanlalaki ang mga mata nito. puno iyon ng pagtataka. Bago pa niya mahubad ang damit niya ay pinigilan na siya nito. “I won’t let you make yourself go down the level of those girls, Reina.”  

“Hindi ako mabubuo nang wala ka, Linus.” Pinigil niya ang mapaiyak. Kailangan niya ang lahat ng katatagan na maaari niyang ipunin. “Pero hindi rin naman ako buo kahit kasama kita...”

“Bakit mo sinasabi ito?”

“Alam ko na nang-aagaw lang ako kay Katrina ng kaunting puwang sa puso mo. Ngayong bumalik na siya, hindi mo na kailangang kalimutan siya. At hindi mo na kailangang pilitin ang sarili mo na mahalin ako. Huwag ka lang lalayo sa akin. Ituring mo na lang na tulad din ako ng mga babaeng nakarelasyon mo.”

“Reina, huwag mong itulad ang sarili mo sa kanila. Those girls don’t mean even a thing to me. Huwag mo silang sundan. Don’t conform to their ways. Hindi ka ganoon. Kahit kailan, hindi ko hahayaan na matulad ka sa kanila.”

“K-kaya ba iniiwasan mo na ako? Hindi naman kita aagawin kay Katrina. Kahit sana iyon ang gusto kong gawin. Hindi kita pipilitin sa isang bagay na ayaw mo. Ang gusto ko lang, hayaan mo pa rin na mahalin kita. Hayaan mo na masilip man lang kita.”

“Reina—”

“Alam kong mas magiging payapa ang buhay ko kung lalayuan na lang kita. Kung tuluyan ka nang iiwas sa akin, hindi ko alam ang mangyayari. Hindi ko alam kung makakaya ko. Pero hindi ko hahayaan na idikta sa akin ng iba ang magiging kasagutan doon. Kahit na ikaw pa ang magsabi sa akin. I want to know my own answer, Linus. Kaya huwag mo akong pigilan sa gagawin ko. Dahil ano man ang mangyari, gusto kong magkaroon ng sarili kong alaala sa ating dalawa.” Tinangka uli niyang hubarin ang kanyang saplot. At sa pagkakataong iyon ay nagtagumpay siya.

Noong una ay nakamaang lang sa kanya si Linus. Ang pagkamaang nito ay naging paghanga na kinalaunan.

Nang lapitan niya ito at kalasin niya ang suot nitong damit ay tinulungan pa siya nito. Sa pagmamadali nila ay may nahulog na kung ano mula sa pantalon nito.

Noon ito nagising at walang salitang hinugot ang coverlet na nakalatag sa kama. Ibinalabal nito iyon sa kanya. “Don’t tempt me anymore, honey. Nawawala sa katinuan ang isip ko.”

Pinanginigan siya ng mga tuhod. Tinatanggihan na naman ba siya ni Linus?

Inayos lang nito ang pagkakasuot ng pantalon at pinulot na ang nahulog sa sahig. “I don’t believe I’m romantic enough for a very special lady like you...” anito at iniabot sa kanya ang bagay na iyon na isa palang ring case. “But I know I am man enough to treat my future bride the high regard she greatly deserves.”

Ilang sandaling nakamata lang si Reina dito. Hindi niya magawang kunin ang iniaabot nito. “Pero si Katrina...”

Ibinaba uli nito ang kahitang hindi niya magawang abutin. “Honey, siguro kailangan ko munang ipaliwanag sa 'yo ang sarili ko.” Inakay siya nito sa gilid ng kama at doon sila magkatabing naupo.

“Ang akala ko talaga, mahal ko pa rin si Katrina. Pero nang bumalik siya, wala akong naramdamang pananabik. Akala ko, dahil lang 'yon sa sama ng loob ko nang maghiwalay kami.

“But these past few days na hindi ako tumawag o nagpakita man lang sa 'yo, aaminin kong hindi lang dahil naghahanda ako sa regatta kaya ko ginawa 'yon. Ginawa ko 'yon para i-evaluate din ang totoong feelings ko kay Katrina at sa 'yo.

“Do you know what I’ve found out?” Hindi yata ito nakatiis at hinalikan ang tungki ng ilong niya.

Parang lolobo ang dibdib niya sa kaligayahan at antisipasyon. Dahil alam niyang kung ano man ang susunod na sasabihin nito ay tiyak na magdaragdag pa ng tuwa sa puso niya.

“Ikaw na ang nami-miss ko. Ikaw ang hinahanap-hanap ko. Hindi nga kita nakikita pero hindi ka naman nawawala sa isip ko. Pati nga ang interior ng yate, napagdiskitahan kong baguhin. Kailangan kong may gawin bukod sa paghahanda sa regatta. Missed na kasi talaga kita, kaya lang, kailangan kong pigilin ang sarili ko na makipagkita agad sa 'yo.”

“Hindi si Katrina ang nagbago ng furnishings sa cabin ng yate?”

“Hindi. Noong isang gabi, pinuntahan ako ni Katrina sa bahay. Ako raw ang magdesisyon kung mananatili na siya rito sa Pilipinas o babalik siya sa Paris. Pero alam ko, bago niya ako puntahan ay alam na niya ang sagot sa tanong niya. Dahil nakaempake na ang mga gamit niya. To cut the long story short, inihatid ko na lang siya sa airport nang gabing iyon.”

“H-hindi mo na siya mahal?”

Pinagalaw nito ang mga balikat. “May isang napaka-selfless na babae kasi rito sa tabi ko na nagpakita sa akin ng totoong pagmamahal. I found out your love is more contagious than the most deadly form of virus on this planet. And my heart couldn’t do any better but succumb to it. Now, honey, kailangan mo na sigurong magbihis. Baka kasi tuluyan akong mawalan ng kontrol sa sarili ko at mapahiya ako sa Diyos kapag iniharap kita sa altar nang hindi na inosente.”

Natatawang pinindot niya ang ilong nito bago siya tumayo. Pagtalikod naman niya ay bigla siyang niyakap nito mula sa likuran. “Ang hirap-hirap palang magtiis...” anito habang ibinuburo ang mukha sa kanyang leeg.

“Eh, bakit kasi magtitiis ka pa—”

Mabilis na naipaling nito ang mukha niya upang magtagpo ang kanilang mga labi. Maalab kaagad ang halik nito ngunit kaagad ding bumitiw sa kanya. “This is enough temptation. Ihaharap kita nang malinis sa araw ng kasal natin and that’s it.” Walang paalam at tila nagdadabog na iniwan na siya nito sa silid.

Napapangiti siya habang nagbibihis. Mahal nga siguro siya nito para makatiis na hindi siya pakialaman kahit narito naman ang pagkakataong gawin iyon.

Nang makapagbihis siya ay binuksan niya ang kahita. Isang pear-shaped diamond ring ang laman niyon. Napangiti siya. Marahil iniisip na ni Linus ang proposal sa kanya noon pa mang makasalo nila sa hapunan ang ama nito.

“I love you, Reina! I love you, Reina, my queen!”

Napalabas siyang bigla ng silid sa sigaw na iyon ni Linus. Nakita niyang nasa ibaba ito ng cottage, nakaluhod ang isang tuhod at nakabuka ang mga kamay. “Ano’ng nangyayari sa 'yo?” natatawang usisa niya rito.

Tumayo naman ito, napapahaplos sa batok na pumanhik. “Akala ko kasi, mahihirapan akong sabihin kung kaharap kita. Kaya nag-practice muna ako sa labas.”

Kinuha nito ang mga kamay niya at iniyapos sa baywang nito. “I must admit, ngayon ko pa lang nasabi sa isang babae na mahal ko siya. Nako-corny-han kasi ako dati. Pero ngayon, hindi na.” Inilapit nito ang bibig sa tainga niya at bumulong. “I love you, Reina. Will you let me be your king, hmm...?”

Bulong din ang iginanti niya rito. “Any time you want me to... I love you.”  And they sealed that with a kiss that lasted for minutes.

¤

Marami ang nagtatanong kung may kuwento rin si Matthew Ocampo, ang panganay sa magkakapatid na natunghayan natin sa “Braveheart Series” 1 to 4. Susunod na po ang love story niya.

....................

http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro