9. One Kiss

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“Dala mo ba ang cellphone mo, Reina?” usisa ng mommy niya. Hapon na noon. Kadarating lang nito mula sa opisina.

“Opo, Mommy,” sagot niyang hindi tumitingin dito.

“Eh, bakit, nakadalawang tawag sa akin si Daphne? Hindi ka raw makontak sa cellphone mo. Sa kanya ko lang nalaman na hindi ka pala pumasok sa office n’yo. Itinatanong niya sa akin kung may sakit ka raw. Hindi ko naman siya masagot dahil maayos ka naman kaninang iwan kita. At nalaman ko lang na umalis ka pala dahil sa lolo mo. Nasaan ba ang cellphone mo?”

“N-nakalimutan kong i-charge, Mommy,” pagsisinungaling niya. Ang totoo sinadya niyang patayin ang cellphone niya. Ayaw niyang makontak siya ni Linus. Ayaw niya munang makausap ito.

Mahirap sa kanya na gawin iyon. Dahil walang sandali na hindi niya ito gustong makita. Kahit dani na araw-araw silang nagkikita ay nasasabik pa rin siya sa presensiya ng binata.

Ngunit kailangan niyang bigyan si Linus ng pagkakataong piliin ang gustong gawin nito. Kailangan niyang ibigay rito ang pagpili sa kung sino sa kanila ni Katrina ang gusto nitong makasama.

“May problema ka ba?”

“Mommy...”

“May problema ka nga. Halika, mag-usap tayo.”

Napipilitang sumunod siya rito sa labas ng bahay. Nagtungo ito sa garden set na nakaposisyon sa tabi ng pocket garden nila.

Hinintay lang nitong makaupo siya at nagtanong kaagad. “Now, anak, what’s wrong? Nagkagalit ba kayo ni Linus?”

“Kaibigan ko lang po si Linus, Mommy,” paalala niya rito. Minsan nang  naitanong nito sa kanya kung boyfriend na niya si Linus. Tahasan naman niyang sinabi na hindi.

“O, eh, por que ba kaibigan lang, hindi na kayo maaaring magkagalit?”

“May sinabi ba sa inyo si Lolo?”

“'Yon na nga, nang tumawag ako sa kanya kanina, ang sabi niya, umalis ka nga raw. Saan ka ba nagpunta?”

“'Yon lang po ba ang sinabi niya sa inyo?”

“Oo.” Curious na tumitig ito sa kanya. “Ano pa ba ang dapat sabihin sa akin ng lolo mo? Inaway ka na naman ba niya?”

“Hindi po, Mommy. Magkasundo na kami ni Lolo. Kaya lang...” Hindi na niya maituloy na ipagtapat dito ang tungkol sa pagbabalik ng girlfriend ni Linus. “Mommy, kanina, bumisita uli ako sa bahay na inalisan ng tunay kong mga magulang.”

Inantabayanan niya ang magiging reaksiyon nito. Mukha namang handa ito sa sasabihin niya. Hindi ito umimik ngunit tila sabik din sa ibabalita niya.

“I found out something.”

“Ano?”

“Si Mang Apen, si Delfin Dimaunahan na sinasabi ni Aling Charing na tunay kong ama, at ang lalaki sa family album natin na ipinakilala ninyo sa akin noon na daddy ko ay iisa.”

LABING-ANIM na mensahe ang sunud-sunod na pumasok sa cellphone ni Reina nang in-on niya iyon. Ang isa ay galing sa mommy niya. Ang dalawa ay galing kay Daphne. Ang tatlo ay galing sa cellphone company, nag-aabiso ng tatlong cellphone numbers na nagtangkang tumawag sa kanya. At ang labindalawa ay galing lahat kay Linus.

Tinatanong siya ng binata sa mensahe nito kung nasaan siya. Ang iba ay nagre-request na mag-text back siya. Ayon sa huling text ni Linus pupuntahan daw siya nito sa bahay bukas ng gabi.

Pabagsak na inihiga ni Reina ang sarili sa kanyang kama. Gabi na noon. Tulog na ang lolo niya. Ang mommy niya naman ay hindi siya sigurado. Pagkatapos ng mga pinag-usapan nila ay posibleng hindi nito magagawang makatulog kaagad.

Ngayon ay buo na ang kuwento ng buhay niya. Kaya pala kamukha niya ang lalaki sa family album nila. Tunay pala niyang ama iyon. Iyon pala si Delfin Dimaunahan.

Nalaman niya sa mommy niya na ito pala ang umakit sa kanyang ama para  magkaroon ng affair ang mga ito. Nakilala ng mommy niya ang kanyang ama nang tulungan nito ang mommy niya mula sa isang lalaking nagtangkang mang-hold up dito. Ang pangyayaring iyon ang naging simula upang magkalapit ang mommy niya at ang kanyang ama. Anak na raw noon ng kanyang mga magulang ang tatlong mga kapatid niya na naunang ipanganak sa kanya.

Hindi naman daw nagbunga ang affair ng mga ito. Baog pala ang mommy niya. Gustung-gusto raw nitong magbuntis ngunit hindi nga nangyari iyon. Kinalaunan, iniwan din ng kanyang ama ang mommy niya. Bumalik ito sa tunay na pamilya. Isinilang nga sila ng kanyang kapatid na sinundan niya.

Ayon naman sa kanyang ama, nang isilang siya ay nagpasya ito at ang nanay niya na ipaampon na lamng siya. Hindi na raw kaya ng mga ito ang limang bibig na pakakainin. Kaysa raw mamatay sa gutom ang mga anak nito ay hinayaan na lang siya na mapunta sa iba.

Nasa isip na pala ng tatay niya ang mommy niya nang magpasya itong ipaampon siya. Kaya kinausap nito si Aling Charing na alam nitong may mga contacts sa mga taong gustong mag-ampon ng bata.

Hindi pala humingi ng kabayaran ang kanyang mga magulang. Nais lang ng kanyang ama na mapunta siya sa dating nakarelasyon nito, sa mommy nga niya, kapalit ng pangako na huwag nang ipaalam pa sa mommy niya ang kinaroroonan nito.

Ang sampung libong piso na hiningi ni Aling Charing noon bilang kabayaran niya ay hindi alam ng ama niya. Malinaw na napunta iyon sa babae at sa pamilya nito.

Malinaw na rin sa kanya ang dahilan ng mommy niya kung bakit ayaw nitong malaman ang dahilan ng tatay niya. Dahilan kung bakit gusto nitong sa mommy niya siya ipaampon—pampalubag-loob iyon dahil hindi nito nagawang mahalin ang nakilala niyang ina.

Nang mamatay raw ang kanyang ina ay umalis na sa poder nito ang ibang mga kapatid niya. Lahat daw ng mga iyon ay may kanya-kanya nang pamilya. At dahil hindi naman na nito makakayang tumulong sa mga kapatid niya hinayaan na lang nitong umalis ang mga iyon.

Sa hula niya ay itinaboy talaga ng kanyang ama ang mga kapatid niya. Hindi man ito magsalita ay alam niyang maysakit ito. Marahil ayaw na lang nitong maging pabigat sa mga anak.

Kanina, pinilit niyang mag-iwan ng pera sa kanyang ama. Pinilit niyang magpatingin ito sa doktor. Nangako naman ito na susundin ang sinabi niya. Sinabihan din niya ang ama na ililipat niya ito sa ibang lugar na maayos. Hindi ito pumayag. Hahanap-hanapin lang daw nito ang lugar na kinagisnan. Naroon daw ang buhay nito pati na ang mga taong nakasanayan na nitong makasalamuha. Sapat na raw dito na nakita pa nito ang bunsong anak—na walang iba kundi siya.

Ayon pa sa kanyang ama, ayos na raw dito na paminsan-minsan ay dalawin niya.

Hindi sapat iyon para kay Reina. Ngayong natagpuan na ito at nalaman na niya ang tunay na kuwento ng kanilang nakaraan pati na ng mommy niya, sisikapin niyang kumbinsihin ang ama na lisanin na ang lugar na iyon.

Kunsabagay, bahala na muna rito ang mommy niya. Nais niyang magkita at magkausap muna ang mga ito. Batid niyang hindi pa huli ang lahat para lumigaya naman ang mommy niya sa piling ng kanyang ama. Ngunit ang mga ito na lang muna ang hahayaan niyang magpasya.

Isang tinik na ang nabunot sa dibdib ni Reina sa pagkakabunyag ng mga lihim tungkol sa tunay na pagkatao niya. Isang tinik na lang ang nananatiling nakabaon sa dibdib niya—ang tungkol sa kanila ni Linus.   

How do you really feel, Reina? tanong niya sa isip.

I feel miserable knowing Linus and Katrina are back in each other’s arms, sagot naman niya sa kabila. Sa nangyari, parang naulit pa yata sa kanya ang kapalaran ng mommy niya. Dahil hindi rin ito minahal ng lalaking inibig.

So what should you do to break out from your misery?

Ang tanong na iyon ang pinakamahirap sagutin. Kung susundin niya ang kanyang nararamdaman gusto niyang sabihin na hindi niya isusuko si Linus. Na gagawin niya ang lahat ng makakaya para agawin ito mula kay Katrina.

So what’s keeping you from stealing Linus from her?

Ano nga ba? Bakit nga ba siya magpapakamartir? Kung sinisikap ni Linus kanina na makontak siya, ibig lang sabihin niyon ay interesado pa rin ito sa kanya.

Nag-text siya kay Linus na hihintayin niya ito kinabukasan.

“YOU'RE so gorgeous tonight.”

Isang matamis na ngiti ang isinukli ni Reina sa sinabi ni Linus. Talagang nag-ayos siyang mabuti. Noong lunch break nila sa opisina ay tumawag ito sa kanya. Susunduin daw siya nito nang alas-sais sa kanila.

Lumapit pa nang husto si Linus sa kanya. Hinawakan siya nito sa magkabilang braso at idiniit ang pisngi nito sa pisngi niya.

Parang may mga naggapangang maninipis na pakpak sa kanyang balat sa aktuwasyong iyon ni Linus. Lalo pa nga nang dumiit ang pisngi nito sa kanya nang mas matagal kaysa kailangan.

“Where’s your mom?”

Dinala niya ito sa mommy niya. Ipinagpaalam naman siya rito ni Linus. Sa minsang pagtatama ng mga mata nila ng mommy niya, nakita niya ang makahulugang tingin nito.

Hay, Mommy, umaasa ka talaga na hindi lang kami magkaibigan ng lalaking ito. At pareho lang tayong umaasang ganoon nga.

“Saan ba tayo pupunta?” tanong niya kay Linus nang pasakay na sila sa kotse nito. Imbes na ang pickup truck na madalas dalhin nito ay isang silver Jaguar ang dinala nito.

“Sa bahay.”

Medyo nagkaroon siya ng pag aalangan. Noon lang siya isasama ni Linus sa bahay nito. Hindi niya alam kung ano ang dapat asahan. “A-ano ba ang okasyon?”

“Wala naman. Simpleng dinner lang.”

“Sino’ng kasama nating magdi-dinner?”

“Si Daddy. Hindi ko lang alam kung may iba pa siyang isasama.”

Parang mali yata ang statement nito. Ngunit hindi na lang niya pinansin iyon. Kapansin-pansin na tahimik ito habang naglalakbay sila. Hindi rin naman siya umiimik.

Napatingin siya rito nang ipasok nito ang kotse sa Dasmariñas Village. Lalo na nang tumapat iyon sa bahay na katabi lang ng bahay ng mga magulang ni Kirk. “Dito ka nakatira?”

“Oo.”

Kung ganoon pala ay magkapitbahay lang ito at si Katrina.

Marangya ang bahay bagama’t hindi naman iyon napakalaki. Malawak ang solar at may magandang lawn sa harap. “Hindi mo nasabi sa akin dati na magkapitbahay pala kayo nina Kirk.”

“Wala kasi akong ibang naiisip kapag magkasama tayo kundi tayong dalawa lang,” pilyong sagot nito.

Gustung-gusto na niyang itanong kay Linus kung saan na nakalugar si Katrina sa buhay nito. Kung nagkabalikan na ba ang mga ito o tuluyan nang nagkaroon ng closure ang dating relasyon--pero hindi niya maisaboses.

Ilang saglit pa at bumukas na ang malaking gate sa harap nila. Pumasok doon ang kotse at huminto sa driveway sa tapat ng front door ng marangyang bahay.

Hindi kaagad bumaba si Linus. Bumaling ito sa kanya at hinawakan siya sa mga kamay. “I’d like to tell you I really appreciate your effort, Reina. I mean, writing the lyrics of that song, choosing a nice paper material, the parchment envelope. It’s beautiful. Thank you so much talaga. At magaling ka palang mag-drawing.”

“H-hindi ka ba na-corny-han?”

Matamis ng naging ngiti nito. “Paano ako mako-corny-han sa isang magandang bagay, hmm? Ibinili ko pa nga 'yon ng frame para mai-hang sa kuwarto ko.”

Nilukutan lang niya ito ng ilong. Ang totoo, masayang-masaya siya na hindi pala nito katulad si Katrina ng pananaw tungkol sa ginawa niya. Na hindi pala ito nabaduyan o na-corny-han doon.

Ang sumunod na ginawa ni Linus ang hindi niya inaasahan. Hinatak siya nito nang bahagya hanggang sa magkatapat ang mukha nila.

Isang tingin na tila nagsasabing “Trust me” ang nakita niya sa mga mata nito bago lalong inilapit nito ang sarili sa kanya. Isang magaan  na halik ang idinampi nito sa kanyang mga labi.

Nagulat siya sa ginawa ni Linus. Nagtataka siya pero mas kinilig. Ngiti lang ang naiganti niya.

“KAILAN naman ninyo planong magpakasal?”

Napatingin si Reina kay Linus sa sinabing iyon ng ama nito. Kumakain na sila noon. Sa ilang minutong pananatili niya roon, nalaman niya na bahay lang pala iyon ni Linus. At noon din lang niya nalaman na separated ang mga magulang nito at may kanya-kanyang pamilya na.

“Ahm, hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol diyan, Dad. Bago pa lang naman kami ni Reina.”

Sandali, may relasyon na ba sila ni Linus?

“Kunsabagay, hindi nga tamang magmadali sa pagko-commit sa isang relasyon. Tingnan mo na nga lang kami ng mommy mo. Nagmadali kaming magpakasal kaya 'eto, hindi nagtagal ang pagsasama namin.”    

“Nagsisisi ka ba na naging asawa mo si Mommy, Dad?”

“No, siyempre hindi. Kahit nga nagkahiwalay rin kami sa bandang huli. Why, she got me my only son. Ikaw ang pinakamagandang bunga ng pagpapakasal namin ng mommy mo however disastrous it turned into.”

Medyo natahimik siya dahil nagiging personal na ang topic ng mag-ama.

“Pero kung may power ka para baguhin ang mga nangyari noon, ano ang babaguhin mo?”

“Wala. Dahil minahal ko naman talaga ang mommy mo. There is no marriage more made in heaven than the first, hijo. Iyon na siguro ang pinakamasaya at pinakamaligayang sandali sa buhay ko. Kaya ikaw, Reina,” baling nito sa kanya, “ikaw bilang babae ang magde-determine ng kaligayahan ninyong dalawa. Madalas na maraming pagkukulang ang mga lalaki sa isang relasyon. Pero kung matututuhan mo kung paano iyon punuan, at kung paano rendahan nang may pagmamahal ang magiging asawa mo, hindi siya mawawala sa piling mo.”

“Tatandaan ko po, Sir.”

Maagang nagpaalam ang matanda sa kanila. Pagkatapos magkape nito ay umuwi na.

“Mga katulong lang pala ang kasama mo rito,” aniya kay Linus nang sila na lamang ang naroon. Dinala siya nito sa entertainment room. Nagsalang ito sa CD player ng isang CD na pulos soul music ang kanta.

“Kaya nga malungkot ako rito. Wala man lang akong makausap. Puwede bang dito ka na lang para may kasama naman ako?” Inihilig nito ang ulo hanggang mapaunan iyon sa kanyang tiyan.

Natawa siya. May kabigatan ang ulo nito ngunit hindi niya inilayo sa kanya. “Para namang gano’n lang kadaling gawin 'yon.”

“Talaga namang madali lang 'yon, ah. All you have to do is decide.”

“Linus—”

“I know, I know. You’re not ready for that kind of stuff.” Tumuwid ito mula sa pagkakahilig. Ngunit inilapit naman nito ang mukha sa kanya. Wala pa yatang kalahating dangkal ang layo ng bibig nito sa mga labi niya. Dama niya ang init ng sumpit ng mabangong hininga nito. “But at least allow me to do this...”

Dampi lamang noong una. Pagkatapos ay tikim. Tila nagustuhan ni Linus ang natikman kaya kinamkam na nito nang tuluyan ang kanyang mga labi.

Lahat ng pagmamahal na taglay ni Reina para dito nang mga sandaling iyon ay lumutang at bumalot sa kanilang dalawa. Para siyang maiiyak sa kaluwalhatian na nararamdaman niya mula sa halik na pinagsasaluhan nila.

Linus was an expert kisser, there was no doubt about it. Dahil nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay siya pa ang humabol sa bibig nito.  

“You’re so, so sweet...” anas nito sa ibabaw ng tainga niya habang nakapaloob siya sa maluwang na yakap nito. “It’s so easy to be lost in this magic. You are magic, Reina.”

“If I am magic, then you are the creator of this magic...” ganting-bulong niya rito. Ibinaling niya ang kanyang ulo at muling nagtagpo ang kanilang mga labi. Sa pagkakataong iyon ay siya na ang nag-initiate ng halik.

Maalab ang naging tugon doon ni Linus. At habang tumatagal hindi pa rin matighaw ang pananabik nila sa isa’t isa. Habang umuusad ang mga kamay ng orasan, kapwa naghahabol pa rin sila.  Dahil parang kulang pa. Gaano man karaming paghihiwalay at pagtatagpo ng mga labi ang mangyari, uhaw pa rin ang bawat isa. Naroon ang tahimik na sigaw ng pag-aasam ng higit pa.

Darang na darang na siya.

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro