2. A Loves B But B Loves C

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“Hey, bakit ba nagmumukmok ka na naman diyan? Ano ba ang problema?”

Sinulyapan lang ni Mavi ang kadarating lang na si Oliver ngunit hindi siya kumilos sa pagkakaupo sa garden set nila. Nanatiling nakapatong ang kanyang baba sa mga kamay na nakahawak sa backrest ng garden chair na inuupuan niya. Naramdaman niyang hinila ni Oliver ang silyang katapat niya.

“Humarap ka naman sa akin,” sabi nito nang marahil ay lumampas na ang ilang minuto at hindi pa rin siya umiimik.

Napilitan na siyang umayos sa pagkakaupo. Humarap siya rito ngunit itinuon niya ang mga mata sa tabletop.

“Ano na naman ba ang ginawa sa 'yo ni Nat at ganyan na naman ang mood mo?” untag nito sa kanya. Ang "Nat" na tinutukoy nito ay palayaw ni Luke na kapitbahay rin nila.

Bumuntong-hininga siya. Saka pa lang niya nagawang mag-angat ng tingin kay Oliver. “Sobra na kung makapanakit ng damdamin 'yang kaibigan mo,” panimula na sumbong niya.       

“Bakit na naman? Ano ba’ng sinabi niya sa 'yo kanina?”

Natahimik na naman siya. Masakit alalahanin ang mga aktuwasyon sa kanya ni Luke. Ngunit malinaw pa sa isip niya ang naganap sa clubhouse.

“BAKIT malungkot yata ang kaibigan mo?” tanong ni Mavi kay Oliver nang tumigil sila sa pagte-tennis. Umaga pa lang noon. At dahil weekend ay nasa clubhouse silang magkakaibigan.

“Hindi ko nga rin alam, eh. Ilang araw na ngang ganyan 'yan. Kapag tinatanong ko naman, paiwas ang mga sagot.”

“Mabuti pa siguro, yayain kong maglaro.”

“Naku, baka mapahiya ka lang. Tingin ko, hindi mo mapapatayo 'yan.”

“Malay mo naman.” Iniwan nga niya si Oliver at nilapitan si Luke. “Tayo naman ang maglaro, o,” yaya niya rito. Nakaupo lamang ito sa side bench at pinanonood ang pagba-badminton ng kapatid ni Oliver na si Archie at ng pinsan niyang si Angeline.

Tiningnan siya nito. “Kayo na lang ni Oliver. Wala talaga akong gana.”

Dahil hindi naman siya iyong tipo na sumusuko kaagad sa isang challenge ay tumabi siya rito. “Magkuwentuhan na lang pala tayo.”

Ibinalik nito sa pinanonood ang pansin. “Please, Mavi, gusto kong mapag-isa. Pasensiya ka na pero hindi okay ang mood ko ngayon.”

Noon na siya nainis. Bigla siyang tumayo. “Hmp! Talaga namang kapag ako na ang lumalapit sa 'yo, pumapangit na ang mood mo. Diyan ka na nga!” Naiinis na tinalikuran na niya ito. Nagtungo siya sa katabing convenience store ng clubhouse para bumili ng tubig. Baka sakaling mapawi ng malamig na mineral water ang inis niya kay Luke.

Matagal na niyang crush si Luke. Ang totoo, ito ang itinuturing niyang first love niya. Marami nang pagpapapansin ang ginawa niya rito. Halos magmukha na siyang cheap sa paglapit-lapit dito, pero hindi naman siya pansin nito.

Pinaniniwalaan niya na hindi naman siya pangit. Sa katunayan hanggang nang mga sandaling iyon may ilang manliligaw pa rin siya. Pero pagdating kay Luke no-pansin ang taglay niyang ganda. Kung tratuhin siya nito ay parang wala lang. Parang isa siyang pangkaraniwang kakilala na dinadaan-daanan lang nito. Tila ba hangin lang siya na hindi pansin nito. Iyon ang talagang ikinaiinis niya.

Pagbalik niya sa clubhouse nakita niyang wala na sa bench si Luke. Nakikipaglaro na ito kay Angeline. Nag-init na naman ang ulo niya. Madilim ang mukha na nilapitan niya ito. “Akala ko ba, wala kang ganang maglaro kanina?” sumbat niya rito nang agawin niya ang shuttlecock bago pa iyon mapalo ni Angeline.

“Pinulikat kasi si Archie,” pangangatwiran ni Luke.

“Mag-double na lang pala tayong apat.” Binalingan niya si Oliver sa kinaroroonan nito at kinawayan.

“Hindi puwede, wala kayong badminton racket.”

“Eh, di tayo na muna ang maglaro ng badminton at si Angeline naman ang pa-partner kay Oliver sa tennis.”

“Kayo na lang muna ang maglaro,” tanggi pa rin nito. “Pagod na rin ako.” Ibinigay nito sa kanya ang raketa.

Hindi niya kinuha iyon. Galit na hinarap niya ito. “Bakit ba ganyan ka na lang lagi sa akin? Bakit parang diring-diri ka kapag lumalapit ako sa 'yo? Ayaw mo akong kalaro. Ayaw mo akong kausap. Kulang na lang  ipagtabuyan mo ako tuwing lalapit ako sa 'yo. Nakakasakit ka na ng damdamin, ah. Marunong naman akong makahalata na ayaw mo sa akin. Pero sana, maging polite ka naman kahit minsan. Babae pa rin ako, Luke. Magpaka-gentleman ka naman!” Pagkasabi niyon ay tumalikod na siya at nagmartsang palayo. Walang paalam na iniwan  niya ang mga ito. Gigil na gigil siya.

“HEY, ARE you still with me?”

Sinulyapan uli niya si Oliver. Mukhang nawi-weird-an na ito sa kanya. “Wala nga siyang sinabi pero hindi ba mas masakit 'yong niyaya ko siyang maglaro pero tumanggi siya? Pagkatapos, hindi pa gaanong natatagalan na tinanggihan niya ako, nakipaglaro naman siya kay Angeline. Dapang-dapa na ang self-esteem ko dahil diyan sa kaibigan mo, Oliver.”

“Kasi naman, ibaling mo na lang sa iba ang feelings mo.”

“Paano ko nga gagawin 'yon? Alam mo namang high school pa lang ako noon, siya na ang gusto ko.”

Hinagod nito ang buhok. “Eh, alam mo namang hindi ka nga gusto ng isang 'yon, magpipilit ka pa?”

Nag-init ang sulok ng mga mata niya. “Matagal ko na ngang pinipilit ang sarili ko na kalimutan na lang siya. Pero ano ang magagawa ko kung talagang makulit itong puso ko? Magkakagusto rin lang, doon pa sa ayaw sa akin.”

“Oo nga, korek ka diyan. Samantalang nandito naman ako.”

Natawa siya nang makitang distorted na ang mukha nito sa pagpapakuwela.

Wala pang dalawang linggo pagkatapos ng insidenteng iyon, umalis siya sa kanila. Nagpaalam siya sa mommy at daddy niya na gusto niyang tumira sa matandang dalagang kapatid ng lolo niya na taga-Calaca, Batangas. May maliit itong beach resort at nangangailangan ito ng tulong sa pamamahala roon.

Isang taon siyang namalagi sa Calaca. Sa panahong iyon sinikap niyang iwaglit sa isip niya si Luke. Lalo pa nga na marami rin naman ang nagtangkang manligaw sa kanya, mula sa mga lokal na binata hanggang sa mga dumarayong turista sa lugar na iyon.

Masasabi niyang kahit paano  nagtagumpay siya. Dahil kahit madalas pa rin niyang maisip si Luke ay hindi na siya nakadarama ng lungkot. Para pa ngang mas nami-miss niya ang mga pinsan niya at si Oliver. Nag-migrate na sa Canada ang mga pinsan niya. Maliban sa pagpapadala ng mga ito ng greeting cards kapag may okasyon ay wala na silang iba pang komunikasyon.

Nang bumalik siya sa Doña Alejandra,  lalong naging tahimik si Luke. Tipid na tipid ito kung bumati sa kanya tuwing magkakasalubong sila. At sa mga gimik nila ng mga kaibigan niya roon, tuwing yayayain ni Oliver si Luke ay pirming tumatanggi ito.

Ang isang ikinasama ng loob niya nang husto kay Luke ay nang minsang masiraan ang taxi na maghahatid sana sa kanya sa subdibisyon nila. Malapit na iyon sa Doña Alejandra kaya naglakad na lang siya kahit may mga bitbit siya na pinamili. Nakalampas na siya sa gate nang dumaan ang kotse ni Luke. Huminto siya sa paglalakad at itinaas  ang isang kamay niyang may bitbit na supot. Ngunit hindi man lang siya hinintuan nito. Hindi man laAsk t
ng ito nag-alok na isakay siya kahit pabalat-bunga.

Ang sama-sama talaga ng loob niya. Sa inis niya, pagkalagak niya ng kanyang pinamili sa loob ng bahay nila ay lumabas uli siya. Nagtungo siya kina Oliver.

“O, saan ang giyera at sumusugod ka?” biro nito nang pagbuksan siya.

“Nakakainis talaga 'yang kaibigan mo! Nakakapundi na siya!” bulalas niya rito.

“Hey, hey, bakit? Ano’ng nangyari?” Iginiya siya nitong maupo sa sofa.

“Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya, Oliver. Magmula ngayon, hindi ko na siya ituturing na kaibigan.”

“Bakit na naman ba? Ano na naman ang atraso sa 'yo ni Nat?”

“Akalain mo ba naman, kani-kanina lang, nasiraan 'yong taxi na sinakyan ko. 'Tapos, nadaanan ako ng kaibigan mo. Alam mo bang hindi man lang niya ako inalok na sumakay? Sumosobra na talaga 'yang Luke na 'yan.”

“Baka naman hindi ka lang niya napansin?”

“Hindi napansin, eh, pinara ko pa nga siya. Itinaas ko 'yong isang kamay ko na may bitbit kahit mahirap dahil mabigat din 'yon. Para lang mapansin niya na nangangailangan ako ng tulong. Pero ano ang ginawa niya? Nilampasan lang niya ako. Sumosobra na talaga siya! Daig ko pa ang may nakakahawang sakit kung iwasan niya!”

“Teka muna, Mavi, huwag ka munang mag-conclude ng ganyan. Unang-una, hindi naman natin alam kung ano ang dahilan ni Nat para magawa ka niyang lampasan.”

“Ano pa ba ang puwede niyang idahilan kundi 'yong outright na pag-iwas niya sa akin? Kung umasta 'yang kaibigan mo, para namang re-rape-in ko siya. Matagal ko na ngang hinintuan ang paghabol ko sa kanya. Tanggap ko nang malabo pa sa matang may katarata na magustuhan din niya ako. 'Tapos, ganyan pa ang inaasal niya sa akin. Tama ba naman 'yon?”

“Malay mo naman, hindi ka lang niya talaga napansin. Lately kasi, parang lagi siyang may malalim na iniisip. Tingin ko nga, problemado rin siya. Kaya huwag mo naman siyang husgahan kaagad. Katulad mo, may mahal din siyang iba. At sa tingin ko, iba rin ang mahal ng mahal niya.”

Inirapan niya ito. Nasaktan siyang malaman na may mahal ding iba si Luke. “Nagagawa mo pang ipagtanggol ang lalaking 'yon pagkatapos ng ginawa niya sa akin?”

Nakakunot ang noo nito nang tumayo ito. “Alam mo, paalis ako ngayon, eh. Ang mabuti pa siguro, sumama ka na lang sa akin.”

“Saan?”

“Mamamasyal. Para naman mabawasan ang init ng ulo mo.” Iniabot nito sa kanya ang isang kamay. “C’mon, sumama ka na lang sa aking maglibang kaysa maglitanya ka ng mga sama ng loob mo kay Nat.”

Medyo alanganin siya sa alok nito. Mukha pa siyang harassed sa tingin niya kahit hindi niya nakikita ang sarili. Ngunit bakit nga ba siya magtitiis sa pangungunsumi kay Luke? Mas mabuti ngang sumama na lang siyang maglibang kay Oliver para mawala ang pagkaimbiyerna niya. Nakuha na niyang magbiro. “Okay. Dahil pinipilit mo ako, sasama na lang ako.”

“'Oy, isasama lang kita para may manlibre sa akin ng merienda.”

Biglang binawi  niya ang kamay na hawak nito. “On the other hand, huwag na lang kaya tayong tumuloy.”

Hinuli naman uli nito iyon at iniabrisete pa sa braso nito. “Wala nang bawian, bah. Pumayag ka nang sumama.” Itinuloy na siya nito sa garahe. Ilang sandali pa tinatahak na nila ang daan patungo sa pinakamalapit na mall.

Nang bumaba sila ng kotse hawak na naman ni Oliver ang kamay niya. Iniangkla iyon sa braso nito. “Manood kaya tayo ng sine? Parang gusto ko uling panoorin 'yong The Lord of the Rings.”

“Ano ka ba? Napanood na nga natin 'yon, gusto mo na namang panoorin? Hindi ka na ba nagsawa?” Silang magbabarkada ang nanood niyon. Kasama nila sa grupo si Luke ngunit sa buong panahon na magkakasama sila pinili niyang sa mga babae magdidikit. Baka kasi makakita siya ng hindi magandang kilos ni Luke at sumbatan lang niya ito. Kasama rin nila roon ang girlfriend ni Oliver na si Libby. Mabuti naman at game ito sa mga ganoong lakaran ng barkada nila.

“Kaysa naman mamili ako ng DVD. Bukod sa mahal na, matagal pa bago lumabas. Halika na.”

“Sige na nga. Bahala ka kapag ginabi tayo. Hindi pa naman ako nagpaalam kay Mommy.”

“Don’t worry, tatawagan ko na lang siya.”

Hindi pa sila nakakalapit sa takilyera nang matigilan ito. “Bakit?” usisa niya.

“Nakita ko si Libby.”

“Nasaan?”

“'Ayun, lumiko na.”

“Nakita ka ba? Habulin natin. Isama rin nating manood.”

“Nakita nga ako. Ang talim nga ng tingin sa atin, eh.”

Para siyang napaso na bumitiw sa braso ni Oliver. Napagselosan pa yata siya ni Libby. “Kailangan mo nga pala siyang habulin. Baka napagselosan niya ako.”

“Hayaan mo siya. Kung masama ang iniisip niya sa atin, bahala siya. That only shows kung gaano kababaw ang tiwala niya sa akin.”

“Ano ka ba? Sa akin man mangyari 'yon at ako ang nasa kalagayan niya, ganoon din ang iisipin ko. Nakaabrisete pa naman ako sa 'yo kanina. My God! Baka pati sa akin  magalit ang girlfriend mo.”

“Hayaan na lang natin siya. Bukas ko na lang siya kakausapin kapag malamig na ang ulo niya. Halika na, manood na tayo.”

“Siomai ka. Mas uunahin mo pa ang panonood ng pelikulang napanood mo naman na kaysa ayusin ang pagtatampo ng girlfriend mo? Anong klase kang boyfriend?”

Sinenyasan lang siya nitong i-zip niya ang bibig niya. Pagkatapos ay hinila na nito ang braso niya patungo sa ticket booth. “Wala ako sa mood makipagkomprontasyon. Nasa panonood ng favorite movie ko ang mood ko ngayon.”

Napapailing na nagpahila na lang siya. “Bahala ka na nga.”

DALAWANG araw ang lumipas nang manood sila ng sine ni Oliver, nagtaka si Mavi kung bakit wala ito sa nakagawian nilang paglalaro sa clubhouse nang Sabado ng umagang iyon. Hindi naman niya matanong si Luke dahil inis pa siya rito. Ni hindi siya nag-attempt na lumapit man lang dito.

Pag-uwi nila ay dumaan siya kina Oliver. Natagpuan niyang nagpapakalunod ito sa maingay na heavy metal sound sa entertainment room ng mga ito.

Hinanap niya ang remote control ng CD player nito at hininaan iyon. “Ano ba’ng nangyayari sa 'yo?” usisa niya sa kaibigan. “Are you on drugs?”

“Yeah.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Siomai ka! Nag-drugs ka nga?”

“Oo, Betadine. Ibinuhos ko sa puso ko. Sugat-sugat kasi.”

Napaawang ang mga labi niya sa sagot nito.

“'Bibig mo, nakanganga. Baka pasukan ng langaw 'yan.”

Itinikom naman niya ang bibig  ngunit saglit lang. Nagagawa pang magbiro nito kaya hindi niya inisip na seryoso ito sa sinasabi. “Ano 'yang sinasabi mo na sugat-sugat ang puso mo? Anong drama na naman 'yan?”

“'Oy, sa ating dalawa, ikaw at hindi ako ang mahilig sa drama. Nag-break na kami ni Libby. Kaya nga heartbroken ako ngayon.”

Nakaramdam kaagad siya ng guilt. “Napagselosan niya talaga ako?” nanlulumong konklusyon niya.

“Ayaw niyang maniwala sa akin na wala tayong ibang relasyon. Kahit anong paliwanag ang gawin ko, ayaw niyang maniwala. Galit na galit siya. Kaya nakipag-break pa rin siya sa akin.”

“Naku, paano na 'yan? Mabuti pa siguro, kausapin ko na lang siya. Ibigay mo sa akin ang phone number niya para magkausap kami. Kahit na i-date ko siya para mas makapagpaliwanag ako.”

“Magsasayang ka lang ng laway sa kanya, Mavi.”

“Alam mo, galit pa lang 'yon. But after a few days, makikinig din 'yon sa katwiran. Ibigay mo na sa akin ang contact number niya.”

Bumuntong-hininga ito. “Huwag na lang, Mavi. Ngayon ko napag-isip-isip na ganoon lang pala kaliit ang tiwala niya sa akin. Ang tagal na naming mag-on. Halos siyam na buwan na nga. I thought, kilala na niya ako para pagbintangan niya nang ganoon. Hindi pa rin pala. Naisip ko rin na kung ikaw na kaibigan ko pinagselosan niya, ano pa kaya kung ibang babae na hindi niya gaanong kilala?”

“Pero nagmamahalan kayo. At alam ko, maliit na misunderstanding lang ang nangyari sa inyo. Kailangan lang talagang mapagpaliwanagan si Libby. Ibigay mo na kasi sa akin ang contact number niya. I’m sure kapag nakausap ko siya, maliliwanagan ang isipan n’on.”

“Hayaan mo na, Mavi. I know this is for the best.”

Kumunot ang noo niya. “Anong best diyan ang sinasabi mo, eh, nag-break na nga kayo ng girlfriend mo?”

“Isipin mo na lang, kung nagkataon na hindi nangyari ito, hindi ko malalaman na ganoon kakitid ang pang-unawa niya. Baka kung kailan kasal na kami, saka pa ako magsisi.”

Ilang sandali rin ang dumaan na hindi siya nakaimik. Napaisip siya. “Pero kung talagang mahal mo naman ang isang tao, handa mong i-overlook ang mga kahinaan niya, hindi ba?”

“Well, siguro nga, hindi ko siya gano’n kamahal kaya hindi ko 'yon ma-overlook.”

Sa kabila ng mga sinabi ni Oliver  hindi pa rin nabawasan ang guilt na nararamdaman niya. Hindi niya sinasadya pero malinaw pa rin na siya ang naging dahilan ng pagkasira ng relasyon nito at ni Libby.

Kaya nang tawagan siya ng lola niya, bumalik na naman siya sa Calaca.      

...................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro