3. To Find A Sperm Donor

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Anim na buwan lang si Mavi sa Calaca nang ipaalam ng kanyang mga magulang na nakabili ang mga ito ng house and lot sa mas prestihiyosong White Plains. Patay na raw ang orihinal na may-ari ng bahay at lupa at ang nagmana niyon ay may sariling mga bahay na rin. Kaya ginusto ng tagapagmana na ibenta na lang.

Ang bahay naman nila sa Doña Alejandra ay ibinebenta na rin ng kanyang mga magulang. Ayon sa huling tawag ng mommy niya, may buyer na raw na gustong bumili.

Hati ang pakiramdam niya sa paglilipat nila. Mula pagkabata niya  nasa Doña Alejandra na sila. Naroon ang mga kababata niya, ang karamihan sa mga kaibigan niya. Naroon ang magagandang alaala ng kamusmusan niya. Naroon si Luke.

Ngunit pagkaalala sa mga sama ng loob na idinulot nito sa kanya, natuwa na rin siya sa paglilipat nila sa White Plains. Alam niyang marami siyang adjustments na gagawin. Ngunit sa isang banda, mabuti na rin na  magkaroon naman siya ng mga bagong kaibigan.

Kaya nagpaalam siya sa kanyang lola na babalik na siya sa Maynila.

Kasabay ng paglipat niya ay pamamaalam na rin sa memories niya kay Luke. Tuluyan na niyang kalilimutan ito.

Medyo nalulungkot siya noong unang tatlong buwan nilang mag-anak sa White Plains. Iba kasi ang neighborhood doon. Halos hindi magkakakilala ang mga tao. Malayo sa closeness ng magkakapitbahay sa Doña Alejandra. 

Ngunit nang makilala niya ang isa sa mga kapitbahay nila na si Gabby ay unti-unting nagbago ang buhay niya.

Engineer si Gabby at may sariling construction company. Nang malaman nitong naghahanap siya ng trabaho ay tinulungan pa siya nito. Maraming koneksiyon ito kaya napasok kaagad siya sa administration office ng isang malaking korporasyon.

Noong una, akala niya  pakikipagkaibigan lang ang interes sa kanya ni Gabby. Enjoy ito sa company niya at siya man ay masaya kapag kasama ito. Marami silang common interests nito. Madalas din siyang isama nito kapag gumi-gimmick ito at  ilan sa mga kaibigan nito.

Paborito nito ang karting at tuwing maglalaro ito ay isinasama siya. Mahusay ito sa sports na iyon.

Ngunit habang tumatagal, nakakakita siya ng pagbabago kay Gabby. Kung noon parang one of the boys lang siya kung tratuhin nito, katagalan naging mas maasikaso ito sa kanya. Dumadalas ang pagyayaya nito sa kanya sa mga lakad na silang dalawa lang. Dumadalas ang pagtawag nito at pagte-text. Pati ang pagbibigay nito sa kanya ng kung anu-ano ay napapadalas din.

Bukod doon, may mga aktuwasyon itong sukat ikailang niya. Madalas na mahuli niyang nakatitig ito sa kanya. Na kapag napansin naman niya ay bigla nitong binabawi ang tingin. Napansin din niya na panay ang buntong-hininga nito kapag silang dalawa lang ang magkasama.

Isang araw sinabi ni Gabby sa kanya na huwag muna silang magkita. Hindi muna raw siya nito matatawagan at mate-text. Nang tanungin naman niya kung bakit, paiwas ang naging sagot nito. Malalaman din daw niya ang dahilan nito. Ang importante raw ay sundin muna niya ang bilin nito.

Unang araw pa lamang na hindi siya nakatanggap ng tawag o text nito  hindi na siya mapakali. Parang may kulang. Balisa rin siya. Pinipilit lang niyang mag-concentrate sa kanyang trabaho pero hindi nawaglit sa isip niya si Gabby.
Pangalawang araw ay panay na ang tanaw niya sa bahay nito, nagbabaka-sakali na makikita niya ang binati  kapag lumabas o pumasok doon ang kotse nito. Ngunit hindi niya ito nakita sa loob nang maghapon.

Wala tuloy siyang kagana-gana sa kahit na ano. Sabado noon at dapat  nagre-relax siya ngunit hindi niya magawa. She terribly missed him. Isa lang ang kahulugan niyon sa kanya. May feelings na siya rito.

Lalo siyang nalungkot at nangulila kay Gabby sa kanyang natuklasan sa sarili.

Linggo ng gabi kinabukasan nang pagbukas niya ng pinto ay makita niya ito sa doorstep nila. Kung ano ang pangungulilang naramdaman niya sa loob ng tatlong araw ay nakita rin niya sa mga mata nito.

Nang yumakap ito sa kanya ay yumakap din siya rito. Sa ganoong kasimpleng paraan sila nagkaunawaan. Ganoon kabilis na nagkaroon sila ng commitment sa isa’t isa.

Noon lang siya sumaya nang ganoon sa buong buhay niya. Lahat yata ng qualities na hinahanap niya sa isang boyfriend ay na kay Gabby na. Lalo pang naging maasikaso ito sa kanya. Lalong naging malambing ito. He was a perfect boyfriend. At wala na siyang mahihiling pa.

Ang akala niya wala nang katapusan ang kaligayahan nilang magnobyo. Nakaplano na ang kanilang future pati na ang kanilang magiging kasal. Sa ikatlong taong anibersaryo nila bilang magnobyo ay pakakasal sila nito sa simbahan.

Subalit dalawang buwan bago ang kasal nila ay isang malagim na trahedya ang nangyari. Nakikipagkarera ito noon nang bigla na lang sumabog ang kart na sinasakyan nito. Namatay roon si Gabby. Halos hindi na makilala ang mukha nito dahil sa pagkasunog.

Pakiramdam niya gumuho na ang lahat sa kanya.

Noong mga unang buwan ng pagdadalamhati niya ay masamang-masama ang kanyang loob. Noon lang siya nakatagpo ng lalaki na ang pagmamahal sa kanya ay kasinlaki o higit pa siguro sa iniuukol niyang pagmamahal dito. Isang lalaking hindi lang ang magagandang katangian niya ang kailangan niyang ipakita. Isang lalaking tanggap ang buong pagkatao niya kasama na pati kapintasan. Their relationship was so spontaneous. It was perfect for her. Ngunit walang babalang kinuha na lang ito at sukat ng kamatayan.

Pagkaraan ng maraming buwan,  napawi rin ang sama ng loob niya sa nangyari. Nakaya na niyang magpasalamat na kahit sa loob ng mahigit tatlong taon ay nakilala at nakasama niya ito. Na naging maligaya siya at napaligaya niya ito sa loob ng panahong iyon. Na pinuno nito ng kulay ang buhay niya kahit sa maikling panahon. And that because of him, she became a better person. 

Mahigit isang taon nang namamayapa si Gabby. Nabawasan na kahit paano ang pagdadalamhati niya. Ngunit ang lungkot at pangungulila rito ay nasa puso pa rin niya.

SAKAY si Mavi ng kanyang kotse nang biglang tumunog ang ring tone ng kanyang cellphone. Pangalan ni Sharon ang nakarehistro sa munting screen.

Napangiti siya. Dalawang araw pa lang ang nakararaan nang magkita sila nito sa Megatrade Hall ng Megamall. Inimbitahan siya ni Sharon  na tingnan ang exhibit nito ng pottery. Doon niya nakilala ang lola nito. Hobby pala ni Sharon at ng lola nito ang paggawa ng iba’t ibang jars at pots na gawa sa luwad. Ang hobby na iyon ay lumawak pa hanggang sa maging isang negosyo at mangailangan ang mga ito ng dagdag na mga kamay upang masustentuhan ang demands ng mga kliyente.

“Hello, Sharon. Napatawag ka? Tapos na ba ang exhibit?”

“Hindi pa. Pero nandoon naman si Lola at 'yong bagong assistant niya. May gagawin ka ba bukas ng umaga?”

“Papasok sa office, bakit?”

“Sabado bukas.”

“Ay! Oo nga pala. Wala naman akong naka-schedule na pupuntahan.”

“Can you meet me at VRP Medical Center? Alas-otso, nandoon na ako. Itatawag ko na lang sa 'yo bukas kung anong room.”

Sa binanggit nito ay naalala uli niya ang sinabi nito noong una silang magkita. May leukemia raw ito. “Checkup mo ba bukas?”

“Hindi.”

“Ano’ng gagawin mo?”

“I’m getting a temporary life,” tumatawang sabi nito. “'Bye, Avi. See you tomorrow.”

Bago pa siya makapagsalita ay busy tone na ang narinig niya.

Nalilitong ibinalik niya sa dashboard ang cellphone. Sa bawat pag-uusap at pagkikita nila ni Sharon lalong napapalapit ang loob niya rito. Walang hindi magugustuhan ang sino man dito. Palaging maganda ang disposisyon nito. Wala siyang narinig minsan man na negatibong komento nito sa kahit anong bagay. Masayahin ito at pirming nakangiti.

Kung minsan, naiisip niya na wala naman talagang sakit ito. Na biniro lang siya nang sabihing may leukemia ito. Ngunit sino bang nasa matinong pag-iisip ang magbibiro tungkol sa ganoon kaseryosong bagay?

Kinabukasan, wala pang alas-otso ay nasa VRP Medical Center na siya. Tinawagan niya si Sharon nang mai-park na niya ang kotse. Sinabi nito ang palapag at numero ng silid na kinaroroonan.

Naabutan niyang nakahiga ito sa hospital bed ng silid na iyon. May kasama itong doktor na nagkakabit ng IV drip sa stand. May hose na nakakabit doon na ang kabilang dulo ay naka-insert ang needle sa braso ni Sharon. Sa maliit na mesa ay may nakapatas na mga IVs na puno ng malinaw na likido.

Nauna pa siyang batiin nito. tulad ng dati ay nakangiti na naman ito. “Hi! Welcome to my chemotherapy session.”

Napangiti na rin siya ngunit gusto niyang mapailing. Ang tono nito ay para bang nag-iimbita na manood ng isang entertainment show. Naupo siya sa silyang malapit sa paanan nito. Kung may katiting man siyang pagdududa na hindi leukemia ang sakit nito, ngayon ay burado na iyon. “Hindi ba masakit 'yan?”

“Hindi. Pero conventional treatment pa rin ito ng leukemia.”

“Bakit, ano ba ang treatment na hindi conventional?”

“Hindi ko alam ang tawag. Puwede ba akong maglambing sa 'yo?”

“Sure. Ano 'yon?”  

“Kapag may nag-text sa akin, puwede bang ikaw na ang sumagot? Ididikta ko na lang sa 'yo ang ite-text mo. Kapag naman may tumawag, huwag mo na lang sagutin. Naka-divert na sa bahay ang lahat ng calls sa akin mula ngayon.”

“Okay.” Kinuha niya ang cellphone na iniabot nito.

Ngumiti na naman ito. “You’re an angel, you know.”

“No, I’m not. But you are. You’re the brave angel who got caught with... with...”

“With a deadly disease,” salo nito sa sinasabi niya. “I am an angel-turned-human who got caught with a deadly disease that threatens to turn me back into an angel forever,” napapangiting pagtatapos nito.

Napanganga muna siya sa sinabi nito. Nang tumawa ito ay nahawa na rin siya. Pati tuloy ang doktor na tahimik lang ay nahawa na rin sa kanila.

“That’s a good attitude to pass the time with this treatment,” komento pa ng doktor.

Ewan niya. Ngunit sa pagtatapos ng treatment ni Sharon nang araw na iyon ay hindi na ito makapagsalita. Pangiti-ngiti lang ito. May ilang tableta rin itong ininom hindi pa man nauubos ang huling bag ng treatment nito.

Ayon sa doktor, makakatulong daw ang ininom na gamot ni Sharon upang mabawasan ang epekto ng chemotherapy.

“Dapat sana, kahit isa sa mga maids ninyo, nagsasama ka para may aalalay sa 'yo rito,” aniya nang wala na ang doktor.

“Meron naman. Pero mamayang gabi pa ang dating niya. Okay lang naman na solo muna ako.”

“Ang boyfriend mo nga pala, bakit hindi ka niya pinuntahan dito?”

“Hindi niya alam na ngayon ang treatment ko.”

“Hindi mo sinabi?”

Umiling ito. “Baka mag-worry lang 'yon.”

“Sharon, kailangan mo ng karamay. Kailangan mo ng pagdamay ng mga taong malalapit sa 'yo sa ganitong sitwasyon. Hindi ka dapat nagsosolo.”

“Nandiyan ka naman, eh. Salamat nga pala, ha.”

Nagkaroon tuloy siya ng isa pang pagdududa pagkarinig niya sa sinabi nito. “Tell me honestly, alam ba ng boyfriend mo ang kalagayan mo?”

“I feel sick. Magna-nap muna ako, ha?” Ipinikit na nga nito ang mga mata.

Ayon sa doktor, isa sa mga epekto ng treatment ay ang pagkaliyo at pagsusuka. At kung pagbabasehan niya ang butil-butil na pawis sa noo ni Sharon at ang pamumutla ng mga labi nito, malamang na nasusuka na nga ito. Inihanda niya ang isang metal basin doon na maaari nitong duwalan kung sakaling hindi na nito matiis ang nararamdaman.

Habang pinagmamasdan niya ito sa pagkakahiga, lalo siyang nakadama ng paghanga sa katapangan nito. Tahimik na pinaglalabanan nito ang isang nakamamatay na sakit. Kapwa naman nila alam na sa huli ay matatalo rin ito. Susuko rin ang mahinang katawan nito sa cancer.

Hindi niya napigilang makatakas ang isang butil ng luha sa mga mata niya. Sasandali pa lang ang pagkakaibigan nila ni Sharon ngunit gusto na niyang makipag-bargain sa Diyos, makaligtas lang ang kaibigan niya sa kamatayan. Please, God, she needs Your miracle. Heal Sharon, please. 

“HAHAYAAN mo na lang bang lampasan ka ng panahon? Hahayaan mong dumaan sa tabi mo ang magagandang bagay dahil lang nawala ang isang taong pinakamamahal mo? That’s nonsense.”

Hindi naman na-offend si Mavi sa sinabi ni Sharon. Aminado siya na  may lohika ang komento nito. Kasalukuyang nasa isang bird sanctuary sila sa isang panig ng Maynila na malayo sa trapiko at mga tao. Hindi niya alam ang lugar na iyon. Ito ang nagturo sa kanya niyon dalawang linggo pagkatapos ng chemotherapy treatment nito. “Hindi na ako magmamahal uli, Sharon. Manhid na ang puso ko. Sa dami ng naging sugat nito, wala nang space para sa panibagong sugat.”

“Bakit mo ba kasi inaasahan na mabibigo ka na naman?”

“Dahil 'yon naman ang laging nangyayari.”

“Alam mo, pagsubok lang ang mga nangyari sa 'yo.” Alam na nito ang kuwento ng buhay niya. “They were meant to build you as a person, to strengthen you, not to make you bitter.”

Umiling-iling lang siya.

“Mabuti ka nga, malakas. Walang sakit. Malusog. Ako nga, hindi ko alam kung bukas-makalawa lang mamamatay na ako pero masaya pa rin ako. I live one day at a time. Iniisip ko na bawat araw, may magandang biyaya sa akin ang Diyos. Iniisip ko na matutupad pa rin ang marami kong mga pangarap.”

Minabuti niyang ibaling na lang dito ang usapan upang makaiwas sa sermon nito. “Anu-ano pa ba ang mga pangarap mo na hindi pa natutupad?”

“First and foremost, gusto kong magkaanak.”

Napangiti siya. “Pareho pala tayo ng pangarap.”

“Pero mulat naman ang mga mata ko na hindi ako puwedeng magka-baby sa kalagayan ko ngayon. Ang anak naman, hindi lang 'yong nanggagaling sa katawan mo.”

“You mean, pabor ka sa pag-aampon?”

“Oo.”

“Pero ako, gusto ko ng anak na galing talaga sa katawan ko.” Napaisip siyang bigla. Noon pa nga pala sumagi sa kanya ang ideya ng pagkakaroon ng anak. Sayang at nanatili siyang malinis. Sayang at hindi nakapagpunla ng isang anak sa kanya si Gabby bago man lang ito mawala sa mundo.

“Puwedeng-puwede ka naman talagang magkaanak.”

“Right. Kung may alam kang excellent sperm donor, just let me know.”

Tumawa ito. “Ang weird ng joke mo, ha.”

“Aba, sino ba ang nagbibiro? Gusto ko talagang magkaanak. At dahil hindi na ako magmamahal pa ng lalaki, sperm donor na lang ang magiging silbi nila sa akin.”

Nawala ang tawa ni Sharon. “Malaking kasalanan 'yang iniisip mo, Avi.”

“Kasalanan man kung magbubunga naman ng isang sanggol na mamahalin ko, bakit naman hindi?”

“Seryoso ka?”

“Oo naman. History does not repeat itself if it’s about having a perfect guy. Iisa lang si Gabby. At dahil wala na siya, wala na rin akong balak mag-asawa. Anak lang ang kailangan ko ngayon before I run out of time at hindi na makipag-cooperate ang matris ko,” pabirong pagtatapos niya.

Sharon just stared at her. Hindi ito tumawa sa pagbibiro niya.

“Bakit ganyan ka makatingin?”

“May... naisip lang ako.”

Nagkibit-balikat lang siya at tumingin uli sa kanilang paligid. Naglalakihan ang mga puno sa lugar na iyon. Hanggang nang mga sandaling iyon hindi pa rin siya makapaniwala na may ganoong lugar sa pusod ng Maynila.

Sumagap si Mavi ng sariwang hangin. Dinig pa rin niya ang mahinang ugong ng mga sasakyan ngunit mas malakas kaysa sa mga iyon ang huni ng mga ibon. Pagkaraang mamatay ni Gabby ay noon lang niya muling napansin ang  kalikasan. 

“I think I can help you.”

Bumaling siya kay Sharon. “Help me?” nalilitong tanong niya rito. Seryoso ang mukha nito na bihirang mangyari.

“Matutulungan kitang makakita ng sperm donor.” 

........................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro