5. The Sperm Donor

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“M-Mavi?” Hindi makapaniwala at gulat na gulat si Oliver pagkakita sa kababata. Ito ang huling tao na inaasahan niyang makita roon. Napakatagal na panahon na mula nang huling makita niya ito.

Nabigla rin si Mavi. Sa ayos ay parang hindi rin nito inaasahan na  siya ang makikita roon. Nang mapawi ang pagkabigla nito ay napalitan iyon ng isang malungkot na ngiti. “Ako nga, Oliver. Kumusta?”

“You mean... i-ikaw ang—”

“Ako nga,” agaw nito sa mga salitang hindi niya maituloy. “Hindi ko naisip na ikaw pala ang lalaki na sinasabi ni Sharon.”

Naihilamos niya ang mga kamay sa mukha na para bang sa ginawa niyang iyon ay magbabago ang mukha ng babae na nasa harap niya. Pero nang tingnan uli niya ang kaharap ay walang nabago rito. Sa katunayan, tila nanuyo ang lalamunan niya nang mapansin ang manipis at maikling negligee na suot nito.

“Let’s talk over dinner,” sabi nito na nagpauna na sa komedor.

Napasunod na lang siya.

“Ano pa’ng itinatayo mo? Maupo ka na,” sabi nito sa pag-aatubili niya.

Hanggang nang mga sandaling iyon hirap siyang iproseso sa isip na ang “Avi” pala na sinasabi ni Sharon ay walang iba kundi ang kababata niyang si Mavi. Sinikap niyang iwaksi ang pagkalito at naupo na lang sa silyang kaharap nito.

Sinenyasan nitong salinan niya ng white wine ang kanilang mga wineglasses. Parang robot naman na sumunod siya.

“Paano mo nakilala si Sharon?” sa wakas ay naisip niyang itanong.

“Nagkita kami sa memorial park. Dumalaw ako sa puntod ng namatay kong fiancé at siya naman... well, she was just looking around. Naabutan kami ng ulan at pinasukob niya ako sa payong niya. Inihatid ko naman siya sa Matatag. Nakita pa nga kita nang salubungin mo siya.

“Mabait ang girlfriend mo. Madali siyang makagaanan ng loob. Kinaibigan niya ako. Ako naman, hindi ko mapigilan ang sarili ko na mapalapit sa kanya. She is everything I am not. Lagi siyang masigla, masayahin sa kabila ng kalagayan niya.”  

Napasagap na naman siya ng hangin na parang mapapalis niyon ang pagkabigla niya. “What about this... thing? Paano n’yo naisip ito? To tell you the truth, I find this ridiculous. Pinilit lang niya ako. She even used emotional blackmail to make me say ‘yes’ to your whim. I can’t believe... I can’t even think na ginawa niya ito para lang sa isang tulad mo na kailan lang niya nakilala.” Hindi niya ikinubli ang panunumbat sa kanyang tono.

“My whim,” malungkot na ulit ni Mavi. “Madali lang sabihin 'yon ng isang tulad mong marami pang alas na natitira sa mga kamay. To put it crudely—and I hope this won’t happen—when Sharon is gone, you’ll still have a long time to grieve and to forget. At kapag nakalimot ka na, puwede kang magmahal uli ng iba at bumuo ng sarili mong pamilya.

“Pero ako, hindi ko na maaaring hintayin hanggang sa makaraos ako sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng fiancé ko, Oliver. Dahil baka mawalan na ako ng kakayahang magkaanak bago pa mangyari 'yon. At hindi ko na nakikita ang sarili ko na magmamahal pa ng iba. Kung ‘whim’ ang tawag mo roon, wala akong magagawa.”        

They ate in silence. Hindi niya alam kung paano pa gagantihan ang mga sinabi nito. Marami pang mga salita ang gustong kumawala sa bibig niya. Ngunit parang tuksong bumabalik ang nakaraan sa isip niya.

Sa huli, minabuti na lang niyang baguhin ang topic. “May pumalit na pala kay Nat?”

“Matagal na. Bago pa ako umalis noon sa Matatag, nagdesisyon na ako na kalimutan siya. At nagawa ko naman. Gabby, that was my fiancé’s name, was perfect. Sobrang bait niya, very loving. He was so special. He was so perfect for me. Ikakasal na sana kami pero...” Bumuntong-hininga ito. “Look, Oliver, kung naaasiwa kang gawin ito, okay lang. Hindi kita pipigilang umalis after ng dinner natin.”

“Too late to back out now. Naipangako ko na ito kay Sharon. I won’t disappoint her.”

NAPANSIN ni Mavi na napangalahati ni Oliver ang bote ng white wine. Samantalang siya hindi pa maubus-ubos ang kalahating laman ng kanyang wineglass.

Lihim na napakagat-labi siya. Idinadaan marahil nito sa pag-inom para makaipon lang ng lakas ng loob sa kanilang gagawin. Well, hindi niya masisisi ito. Siya man ay duda pa rin sa sarili kung magagawa nga niyang ipagkaloob dito ang katawan niya sa gabing iyon. Isipin pa lang na walang pag-ibig na sangkot sa aktong iyon ay pinanghihinaan na siya ng loob. Tanging ang kagustuhan lang niyang magkaanak ang pinagkukunan niya ng lakas ng loob na ituloy iyon.

Isa pa, hindi niya inaasahan na ang kababata niya pala ang lalaking sinasabi ni Sharon. Bakit kaya ang nobyo pa nito ang isinubo nito sa gusto niyang mangyari? Nakadagdag lang iyon sa pagdadalawang-isip niya na ituloy ang gagawin nila ni Oliver.

“Are you finished?”

Napaangat ang tingin niya. Nakatitig sa kanya si Oliver. Para bang pinag-aaralan siya nito, parang pilit binabasa kung ano ang nasa loob niya. Binawi kaagad niya ang tingin dito. Wala na palang laman ang platito ng dessert na kinakain niya. “O-oo.”

“Ililigpit ko na pala ang mga ito.”

“You don’t have to do that.”

“Bakit, sabik ka na bang gawin natin ang dahilan ng ipinunta ko rito?”

Nag-init ang mukha niya sa pagkahiya. Lalo pa nga na para siyang kinukutya nito. Tinipon niya ang katatagan bago sumagot. “Kung mahal kita, kung ikaw sana si Gabby, baka hindi na tayo nakarating dito sa komedor at ako na mismo ang nanghila sa 'yo sa kuwarto kanina pa. Huwag mong isipin na madali sa akin na gawin ito. Hindi mo ako talaga kilala.” Pagkasabi niyon ay sinimulan na niya ang pagliligpit.

Naramdaman na lang niyang sumunod ito sa kusina, tinulungan siya nito sa pagliligpit ng mesa. Hinayaan lang niya ito. Hindi siya umiimik.

Ang Oliver na kilala niya ay hindi lang guwapo at may perfect physique. Mas napansin niya noon ang kabaitan at pagiging gentleman nito. Kaya nga sa mga kaibigan niyang lalaki noon  mas dito siya naging malapit at mas naging bukas.

Ang kasama niya nang mga sandaling iyon ay isang lalaking mapagduda at mapanumbat. Kunsabagay ay hindi niya masisisi ito. Maprinsipyo ang Oliver noon na natatandaan niya. Kaya siguro ganito ito ngayon dahil labag talaga rito ang pagtatalik na gagawin nila. Dapat nga palang hindi niya inisin ito. Siya ang humihingi rito ng pabor.

“Napansin ko na may CD player sa sala. Puwede ko bang buksan 'yon?”

Tumango na lang si Mavi. Gusto muna niyang mapag-isa kahit sandali.

Nang makatalikod na ito ay sumandal siya sa kitchen counter. Ilang pagsagap at pagbuga ng hangin ang ginawa niya para makalma ang kanyang sarili. Dahil sa totoo lang, kinakabahan siya sa gagawin nila ni Oliver. Bakit ba hindi ko pa kay Gabby naipagkaloob ang sarili ko noon? himutok niya.

Hindi pa siya nagtatagal sa posisyong iyon nang marinig niya ang isang lumang kanta ni David Pomeranz—ang “The Old Song.” 

Naupo siya sa kitchen chair at ikinalang ang mga siko niya sa mesa bago niya isinubsob ang kanyang mukha sa mga palad. May excitement na gustong bumangon sa dibdib niya pagkarinig niya sa kanta. Na pinipigilan naman niya. Kahit paano may nararamdaman siyang guilt sa gagawin nila ni Oliver. Hindi tama iyon.

“'Something wrong?”

Biglang nag-angat siya ng ulo. Sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Oliver.

“May masakit ba sa 'yo?”

“W-wala,” aniya kasabay ng pag-iling.

“Sorry sa nasabi ko kanina sa—”

Itinaas niya ang isang palad para mahinto ito sa pagsasalita.

Nagkibit-balikat ito bago iabot sa kanya ang isang kamay. “Come, doon muna tayo sa sala.”

Walang salitang sinunod niya ang sinabi nito. Nagpahila siya rito hanggang sa sala.

Hindi nito binitiwan ang kamay niya nang naroon na sila. Sa halip, kinuha pa nito ang isa niyang kamay at inilagay iyon sa batok nito. Pagkatapos, ipinalibot naman nito ang mga braso sa katawan niya.

Pigil-pigil niya ang paninigas nang magkadikit ang kanilang mga katawan. Damang-dama niya ang init ng mga palad nito sa manipis na tela ng pantulog na suot niya.

Hindi niya magawang tumingin sa mga mata nito. Natetensiyon siya at kinakabahan. Gustung-gusto na niyang kumalas dito at sabihing huwag na lang nilang ituloy ang gagawin nila.

Nang hapitin nito ang baywang niya ay lalo siyang napadikit sa katawan nito. Nanigas siya.

“Relax,” bulong nito. “It’s too late to chicken out now.”

Saglit na sumulyap si Mavi sa mga mata nito. He was not smiling but he wore a pleasant face. Nababasa ba nito ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon?

Nang matapos ang kanta ay niyaya siya nito sa terasa. May garden set doon. Doon siya pinaupo nito. Sa halip na maupo ito ay pumuwesto ito sa likuran niya. Napakislot siya nang lumapat ang mga palad nito sa kanyang mga balikat. “You’re too tense. Imamasahe ko lang ang mga balikat mo.”

Tiyak ang galaw ng mga daliri nito habang minamasahe siya. Mukhang sanay na sanay ito. Tinunton ng ekspertong mga kamay nito hindi lang ang shoulder blades niya kundi pati na ang batok at likod niya.

Unti-unting nawala ang tensiyon ni Mavi. Masarap sa pakiramdam ang hagod ng mga kamay nito sa kanyang mga kalamnan. May sampung minuto na marahil siyang minamasahe nito nang mapansin niya na naging mas mabagal ang mga kamay nito. Naging mas parang dumadama iyon kaysa nagmamasahe. Naging tila pahaplos imbes na padiin.

Nagsimulang magtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Ngunit hindi niya pinahinto ito. Ito ang kusang huminto. Walang imik na iniabot nito ang isang kamay sa kanya. Nagpahila naman siya at pumasok na sila sa loob.

Dumating na ang kinatatakutan niyang sandali.

Ito na ang gumiya sa kanya papasok sa silid. Nang maisara ang pinto ay hinapit kaagad siya nito. Pumikit na lang siya at hinintay ang mga susunod na kilos nito.

   Humaplos at dumama ang isang kamay nito sa kanyang likod at braso. Sumamyo ito at lumapat ang maiinit na labi sa gilid ng kanyang mukha, pisngi, sa mga talukap ng kanyang mata, sa ilong, sa bibig...

Hindi na niya namalayang nadala na pala siya nito at naihiga sa kama. Nang dumantay ang hubad na katawan nito sa kanya ay napadilat siya. Maiitim na mga mata ang sumalubong sa kanya bago siya siilin nito ng halik.

And for them, there was no turning back.


HI, HOW r u? It’s been a wyl since I last heard from u. I hope ur ok.

Binura lamang ni Mavi ang mensahe. Text message iyon na galing kay Sharon. Sa loob ng linggong iyon tatlong beses nang nagte-text ito sa kanya. Noong mga nakaraang buwan naman ay araw-araw pa. Kung minsan tinatawagan pa siya nito. Ngunit sa loob ng tatlong buwan mula nang may maganap sa kanila ni Oliver, minsan man ay hindi niya sinagot ang mga text at tawag nito. Itinalaga na niya sa sarili na putol na ang ugnayan niya sa alin man sa dalawa.

Kagagaling lang niya sa kanyang obstetrician. Maayos naman daw ang lagay ng fetus sa kanyang sinapupunan. Maayos ang tibok ng puso nito, indikasyon na malusog ang buhay na nasa sinapupunan niya.

Matagumpay na nagbunga ang kanilang minsang pagtatalik ni Oliver. Naglihi siya. At labis-labis ang kanyang pasasalamat.

Napangiti siya nang maisip na magiging ina na siya. Ngayon pa lang ay masayang-masaya na siya. Tama si Sharon nang sabihin nito na sana raw, maging maganda na ang pananaw niya sa buhay kapag nagkaanak na siya. Ngayon pa lang, sa bawat umaga na gumigising siya ay paganda nang paganda ang pananaw niya sa buhay. Mula nang mamatay si Gabby, noon lang uli niya nagawang ngumiti tuwing gigising siya. 

I have a reason to smile now. And it’s all because of this tiny little life in my belly. Hindi niya bibiguin si Sharon. Hindi niya sasayangin ang pagsasakripisyo nito na ipahiram sa kanya si Oliver sa loob ng isang gabi. Pakamamahalin niya ang anak niya.

Pinagmasdan niya sa salamin ang pipis pang tiyan. Nagsisimula nang magkalaman iyon. Lumalapad na ang balakang niya. Nagsisimula na ring lumaki ang dibdib niya. Sa katunayan, medyo masikip na ang office uniform niya.

Nakaplano na ang kanyang pagre-resign sa opisina. Ngunit bago iyon ay kailangan muna niyang ipagtapat sa mga magulang niya ang kanyang kalagayan.

Napahugot siya ng hininga. Walang kamalay-malay ang mommy at daddy niya na magkakaapo na ang mga ito.

Dumaan sa isip niya na huwag na lang sanang sabihin sa mga ito ang kalagayan niya. Alam niyang wala man lang katiting na pagdududa kahit ang mommy niya na buntis siya. Hindi kasi siya nagkaroon ng morning sickness. Wala rin siyang cravings sa kahit na anong pagkain. Kung aalis kaagad siya sa kanila ay walang malalaman ang mga ito.

Nasa edad na siya para magpasya sa kanyang sarili, at para pangatawanan ang bawat pagpapasyang iyon. Ano man ang sasabihin sa kanya ng mga ito hindi makakaapekto sa mga una na niyang plano.

Ngunit nakokonsiyensiya siya na ilihim sa mga magulang ang kanyang kalagayan. At bilang paggalang man lang sa mga ito ay kailangan niyang ipagtapat ang lahat.

Mayroon na siyang lugar na lilipatan sa Canada. Kapag umalis siya sa Pilipinas ay doon muna siya titira sa mga Tito Marino niya hanggang sa makakita siya ng magandang tirahan. Mayroon na rin siyang potensiyal na papasukan doon kapag handa na uli siyang magtrabaho.

May mga pagkakataon na sumisingit sa panaginip niya ang mga naganap sa kanila ni Oliver. Nagigising siyang puno ng guilt ang pakiramdam. Pinipilit na lang niyang iwaksi iyon. Dapat niyang isara na lang ang bahaging iyon ng kanyang buhay. Dumadalangin siyang sana hindi na sila magkita ni Oliver kailanman.

Paglabas niya ng kanyang silid ay nakasalubong niya sa pasilyo ang mommy niya. Mukhang kadarating lang nito, nakadamit-panlakad pa nga ito. “Mag-usap nga tayo, Mavi,” seryoso ang boses at anyo na bungad nito.

“Tungkol saan, 'My?”

“Nagkita kami ng isang kumare ko ngayun-ngayon lang. Nakita ka raw niyang nanggaling sa clinic ng isang obstetrician. Totoo ba?”

Mukhang mahihirapan siyang ipagtapat dito ang kalagayan niya. Noon pa lang ay napaka-intimidating na ng dating nito. Ngunit alam niyang iyon na ang tamang panahon para ipaalam dito na buntis siya. “O-opo, 'My.”

“Ano naman ang ginawa mo roon?”

Kahit handa na siya, nakakaasiwa pa rin palang sabihin dito. “N-nagpa-prenatal checkup po.”

   "Ano?!"


HINAPIT ni Mavi ang makapal na shawl niya upang paglabanan ang pang-umagang lamig ng Marso. May suot naman siyang damit, makapal na sweater at knitted scarf ngunit nakasanayan na niyang ibalabal ang shawl na padala ng mommy niya nang umalis siya sa Pilipinas.

Nasisiyahang pinagmasdan niya ang dilaw na buko ng mga daffodils sa harap ng kanyang inuupahang bungalow. Malaki ang hardin niyon sa harap at malalaki na rin ang mga ipinunla niyang flowering plants sa garden beds na nasa magkabilang panig ng stone path.

Mula nang dumating siya sa Vancouver nakasanayan na niya ang pamamasyal sa malawak na Stanley Park tuwing umaga. Mahigit isang milya lang ang layo niyon sa kanyang rented house kaya nilalakad lang niya.

Paglalakad ang naging ehersisyo niya mula nang dumating siya roon. Sa ganda ng kapaligiran, hindi niya namamalayang nakapunta at nakabalik na siya ng bahay nang walang kahirap-hirap.

Sa mga umagang hindi siya nakapamamasyal sa Stanley Park ay ginugugol naman niya ang oras sa kanyang flower garden. Napansin kasi niya na karamihan ng mga residente sa kanilang kalye ay may mga naggagandahang flower garden.

Kapag naman hapon siya namamasyal sa nasabing parke, binubusog niya ang mga mata sa ganda ng sunset doon at sa makulay na repleksiyon ng araw sa napakaraming cherry trees.

Kapag weekends, sinusundo siya roon ng kanyang pinsang si Angelu. Cancer survivor ito na nakabalik na sa normal na pamumuhay. Dinadala siya nito sa mga lugar na gusto niyang puntahan tulad ng English Bay at ng mga museo.

Habang naglalakad, naalala uli niya ang pag-uusap nila ng kanyang ina pagkatapos niyang ipagtapat dito ang kanyang pagdadalang-tao. Sumama ang loob nito. Kung kailan daw siya tumanda ay saka pa siya naging disgrasyada.

Napilitan tuloy siyang sabihin dito ang dahilan ng pagbubuntis niya. Ipinagtapat niya rito pati ang mga saloobin niya. Hindi na nga lang siya nagbanggit dito ng pangalan. Hindi na niya ipinaalam pa rito kung sino ang ama ng magiging anak niya.

Madali naman para sa kanyang ama ang pagtanggap sa kanyang kalagayan. O kung hindi man, hindi na lang nito ipinahalata sa kanya. Binigyan pa siya nito ng dagdag na suportang pinansiyal sa kabila ng pagtanggi niya. Ang trust fund niya na hindi nagagalaw ay ginamit na niya upang rentahan ang bungalow na kasalukuyan niyang tinitirhan.

Walong buwan na ang dinadala niya. Hinaplos niya ang kanyang maumbok na tiyan. Isang mahusay na obstetrician ang inirekomenda sa kanya ng asawa ni Tito Marino. Apat na beses na siyang nakapagpa-check up sa nasabing doktor. Na-ultrasound na nga ang tiyan niya. Lalaki raw ang baby niya.

Sandaling huminto siya sa bukana ng Stanley Park para pagsawain ang mga mata sa nagsisimula nang mamukadkad na cherry blossoms. “Napakaganda ng lugar na ito, anak,” bulong niya sa munting buhay sa kanyang sinapupunan. “Gusto kong lumaki ka rito. Magiging tahimik ang buhay mo sa lugar na ito. Huwag mo lang sanang hahanapin sa akin ang daddy mo, anak. Dahil 'yon ang isang bagay na hindi ko kayang ibigay sa 'yo.” Sumagap uli siya ng sariwang hangin at sinikap na iwaksi ang alaala nina Oliver at Sharon sa isip niya.

Nakapagtatakang mula nang magbuntis siya ay bihira nang sumagi sa isip niya si Gabby. Para bang pinalis ito sa sistema niya ng sanggol na kanyang dinadala. At kung maalala man niya ang namayapang nobyo, pawang magagandang alaala na lang ang naiisip niya sa nakaraan nila. Pawi na ang pagdadalamhati niya sa pagkamatay nito.

Laking gulat niya nang pagbalik niya sa kanyang inuupahang bahay ay makita ang kanyang ina at pinsang si Angelu sa labas ng gate. Sa tabi ng mga ito nakaparada ang kotse ng pinsan niya.

Napabilis ang paglapit niya sa mga ito. “Mommy? Ano’ng ginagawa n’yo rito?” Niyakap niya ito hindi pa man ito nakakasagot.

“Kasusundo ko lang sa kanya sa airport, Ate Mavi,” sabi ni Angelu. “Gusto ka raw niyang sorpresahin kaya hindi niya sinabi sa 'yong darating siya ngayon.”

“Malaki na pala talaga ang tiyan mo,” sabi ng mommy niya. “Kumusta naman ang lagay mo rito? Hindi ka ba nahihirapan?”

“Okay lang po ako dito, 'My. Nag-e-enjoy ako kahit mag-isa. Pumasok na tayo sa loob.”

Ayon sa mommy niya, hindi raw ito mapalagay nang nag-iisa siyang namumuhay roon habang buntis siya. Ang daddy na rin daw niya ang nag-udyok dito na samahan siya roon hanggang sa makapanganak siya.

“Bago nga pala ako umalis sa atin, tumawag sa bahay 'yong kaibigan mong si Sharon.”

Napatingin siya sa mommy niya. Nakaramdam kaagad siya ng apprehension. “Sinabi n’yo ba na narito ako sa Canada?”

“Hindi. Alam naman niyang wala ka sa Pilipinas. Basta ang sabi lang niya, ibalita ko raw sa 'yo na patay na ang lola niya. Inatake raw sa puso. Hindi pa nga yata naililibing nang umalis ako sa atin. Kahapon lang naman siya tumawag.”

Nanlulumong napaupo siya sa sofa. Ang lola na lang ni Sharon ang tanging kamag-anak na dumadamay rito ngunit nawala pa. Sa pagkakaalam niya, ulila na sa ama ang kanyang kaibigan. Ngunit may ina pa ito at dalawang kapatid na lalaking nakatatanda rito. Hindi nabanggit sa kanya ni Sharon kung bakit ito napawalay sa ina. Iba ang tirahan ng mga ito.

Gustung-gusto na niyang tawagan ang kanyang kaibigan ngunit pinigilan niya ang sarili. Bahala na si Oliver dito. Hindi naman ito mag-iisa.

Nang tumuntong sa ikasiyam na buwan ang ipinagbubuntis niya ay ang daddy naman niya ang dumating sa Canada. Minabuti raw nitong magbakasyon sa trabaho para  masamahan din siya. Gusto raw nito na naroon ito kapag isinilang na niya ang magiging apo nito.

Naluha tuloy siya sa ginawang iyon ng daddy niya. Sa kabila ng kanyang pagsuway sa mga magulang ay ganoon pa ka-supportive ang mga ito sa kanya.    

Isang malusog na batang lalaki ang iniluwal niya pagkalipas ng siyam na buwan. Naluha siya sa tuwa nang makita niya kung gaano ito kaguwapo. Pinangalanan niya itong Mark Obed. Thank you, God.


MAHIGIT isang buwan nang nakapanganak si Mavi nang sumapit ang birthday ni Sharon. Hindi siya mapakali. Gusto niyang tawagan ang kaibigan para batiin ito. Gusto rin niyang kumustahin ang kalagayan nito, alamin kung nagkaroon ba ito ng kompletong remission sa leukemia. Kung ano na ang kalagayan nito nang pumanaw ang lola nito.

Nagsisisi siya kung bakit hindi pa niya tinawagan ito noong kamamatay pa lang ng lola nito.

Bakit nga ba hindi ko siya tawagan? Kailangan ko ring ipaalam sa kanya na nagtagumpay ang pagsasakripisyo niya. Napakawalang-utang-na-loob ko naman kung tuluyan ko na siyang kakalimutan pagkatapos ng mga nagawa niya para sa akin.

Nanginginig ang kanyang mga kamay nang pindutin niya ang mga numero ng cellphone ni Sharon. Pagkatapos ng dalawang ring ay narinig niya ang tinig nito sa kabilang linya. “Hello?”

Naibaba niyang bigla ang receiver ng telepono.

Palabas na siya ng silid nang mag-ring naman ang telepono niya. On instinct ay sinagot niya iyon. “Hello?”

“Tumawag ka kanina sa akin pero naputol ang linya. May I know who’s on the line, please?”

Hindi niya magawang umimik.

“Please?” untag sa kanya ni Sharon.

Ang kakaibang tono nito ang nagbunsod sa kanya para puwersahin ang sarili na sagutin ito. Para itong nakikiusap, parang desperado. “Sharon, s-si Mavi ito. Happy birthday.”

Sukat doon ay bigla na lang humagulhol ito.

.....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro