6. Return To Me

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“Linawin mo nga 'yang sinasabi mo, Mavi. Aalis ka 'kamo at babalik ka sa Pilipinas para tulungan si Sharon? Aba, eh, paano naman itong anak mo?” sita ng mommy niya. Binibihisan nito ang baby niya nang sabihin niya rito ang balak na nabuo.

“K-kaya nga po makikiusap ako sa inyo na kung puwede, maiwan muna si Mark sa inyo ni Daddy.”

“Alam mo, hindi ko na maintindihan ang mga desisyon mo sa buhay. Ginusto mong magkaanak nang walang ama. Nagpabuntis ka sa isang lalaking hindi mo mahal. Ngayon naman, iiwan mo ang anak mong wala pang dalawang buwang gulang para mag-alaga ng isang kaibigang maysakit. Ano ba’ng nangyayari sa 'yong bata ka?”

“'My, nakokonsiyensiya naman akong pabayaan na lang si Sharon. Ikinukulong siya ng mommy niya. Hindi siya makapunta kahit sa doktor. Mabuti sana kung hindi grabe ang sakit niya. Kapag may nangyaring masama sa kanya, hindi rin ako matatahimik.”

“Ewan ko na sa 'yong bata ka. Pinakaasam-asam mong magkaanak, pagkatapos ngayon, iiwan mo para lang alagaan ang kaibigan mo. May ibang kamag-anak pa naman siguro si Sharon na maaaring tumulong sa kanya. Bakit kailangang ikaw pa na narito sa Canada?”

“'My, huwag kayong mag-alala. Kaya nga gusto kong umuwi muna sa Pilipinas para ma-assess ang kalagayan niya. Babalik din naman ako agad. Kailangan ni Sharon ng isang tao na puwedeng gumawa ng mga bagay na hindi niya magawa dahil nga nakakulong siya sa sarili nilang bahay.”

“Ina ba niya talaga 'yon? Bakit tinatrato niya nang gano’n ang kaibigan mo?”

“Hindi ko rin kayo masasagot sa ngayon, 'My.”

Wala pang sampung araw mula nang tumawag sa kanya si Sharon ay nakabalik nga siya ng Pilipinas.

Ang bigat-bigat ng dibdib niya nang iwan niya sa mommy niya ang kanyang anak. Tuwing maaalala niya ito naluluha siya. Napakahirap pala talaga sa isang ina na mawalay sa anak. Kaya talagang palaisipan sa kanya kung paanong natiis ng mommy ni Sharon na mawalay rito at ipisan ang kaibigan niya sa lola nito.   

Paglabas niya sa arrival area ng NAIA ay tinawagan kaagad niya si Sharon. “Nandito na ako. Ibigay mo sa akin ang complete address ng bago mong bahay.” Nang mag-usap sila sa telepono nabanggit nitong kinuha ito ng ina at ipinisan sa bahay nito. Ang bahay ng namayapang lola ni Sharon ay pinaupahan naman ng mommy nito. Kaya wala na ito sa Doña Alejandra.

“Thank you, Avi. Hayaan mo, ite-text ko sa 'yo pagkatapos nating mag-usap. Nabanggit ko na kay Mommy na sa amin ka tutuloy. Parang okay lang naman sa kanya. Pero kung makakakita ka ng hindi mo magugustuhan sa ikikilos niya, ako na mismo ang magsasabi sa 'yo na bumalik ka na lang sa inyo. Ayokong pati ikaw, madamay sa ginagawa ni Mommy sa akin.”

“Kailangan na magustuhan ako ng mommy mo para hindi mahadlangan ang pagtulong ko sa 'yo.”

“Sigurado magugustuhan ka niya lalo na kung madami kang dalang pasalubong.”

“Huwag kang mag-alala, natatandaan ko ang mga sinabi mo kaya pinaghandaan ko talaga ito.”

“Salamat talaga. Hindi mo lang alam kung gaano kalaki ang pasasalamat ko na naging kaibigan kita. Sige, hihintayin ko na lang kayo rito. 'Bye.”

Nalito siya sa pantukoy na ginamit ni Sharon. Hindi naman na niya natanong ito dahil naputol na ang linya. Minabuti niyang lumakad na sa lugar kung saan nakapila ang mga taxi na maaari niyang sakyan palabas ng airport.

“Mavi!”

Napalingon siya sa tumawag. Isang lalaking naka-dark shades ang nakita niyang kumakaway sa kanya. Nang tanggalin nito ang suot na salamin ay nanlaki ang mga mata niya. Kulang na lang ay tumalikod siya at sumabay sa karamihan para mawala lang siya sa paningin nito. Ano’ng ginagawa ng lalaking ito rito?

“Mavi!” tawag uli sa kanya ni Oliver.
Inutusan niya ang kanyang sarili na lumayo na roon ngunit nanatili lang siyang nakatayo at nakalingon dito. Hanggang sa makalapit ito hindi niya nagawang gumalaw man lang sa kanyang kinatatayuan.

“Mavi, kumusta ka na?” nakangiting bati sa kanya ni Oliver. Umakma ito para hawakan siya ngunit sa huli  napigil nito ang sarili at ibinalik nito sa tagiliran ang mga kamay.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” sa halip ay tanong niya.

Nabawasan ang ngiti nito. “Sinusundo ka. Nasabi sa akin ni Sharon na ngayon ang dating mo kaya tinanong niya ako kung puwede kitang sunduin.”

Kumunot ang noo niya. Walang nabanggit sa kanya si Sharon na ipasusundo siya nito kay Oliver. Bakit pinangunahan siya nito? Hindi ba nito alam na ayaw na niyang makita ang boyfriend nito pagkatapos ng mga namagitan sa kanila? “Ipinasundo talaga niya ako sa 'yo?”

“Oo.”

“Wala naman siyang binanggit sa akin, ah.”

“Huwag mo nang problemahin ang mga hindi niya nabanggit sa 'yo. Ang importante, narito ka na at narito naman ako para sunduin ka.”

Wala siyang nagawa nang ikarga na ni Oliver ang kanyang mga bagahe sa boot ng sasakyan nito. Napilitan na rin siyang sumakay.
“Kumusta ka na, Mavi?” ulit sa kanya ni Oliver nang umaandar na ang kanilang sinasakyan.

“I’m good.”

“Pagkatapos ng huli nating pagkikita, wala na akong nabalitaan tungkol sa 'yo. Ang sabi sa akin ni Sharon, malamang na nasa ibang bansa ka na. Hindi rin naman niya alam kung saang bansa ka nagpunta. Saan ka nga ba galing ngayon?”

“Oliver, kung puwede sana, ayokong sagutin pa ang tanong na 'yan.”

“Okay.” Ilang sandali ang dumaan na nanatili lang sa unahan ang pansin nito. Ngunit hindi nagtagal at muli siyang sinulyapan nito. “Pero sana, Mavi, masagot mo ang itatanong kong ito... Nagkaanak ba tayo?”

Saglit na napatungo siya at napapikit nang mariin. Sinasabi na nga ba.

“Kung sakali, hindi ko naman siya kukunin sa 'yo kung 'yon lang ang ikinakatakot mo kaya hindi mo masagot ang tanong ko. Gusto ko lang malaman kung nagbunga ang... ang nangyari sa atin noon.”

Ang mga ganitong usapan ang iniiwasan sana niya kaya ginusto niyang hindi na magpakita sa lalaking ito. Nakakaramdam tuloy siya ng inis kay Sharon. Hindi ba nito naiisip na mahirap sa kanya na makiharap uli kay Oliver pagkatapos ng mga nangyari sa kanila? Hindi pa ba sapat ang mga panaginip niya tungkol doon na hanggang nang mga sandaling iyon dumadalaw pa rin sa pagtulog niya?  

Disimuladong nagbuga siya ng hangin. Kung ikakaila niyang nagkaanak sila, sooner or later ay malalaman din nito. Mabuti na nga sigurong malaman na nito para mabalaan na rin niya. “Nagkaanak nga ako. Lalaki siya.”

“Really? Kumusta naman siya? Sino’ng kamukha?”

Nangamba siya sa excitement na biglang lumitaw sa mukha ni Oliver. Ngunit ano naman ang magagawa nito kung ang anak nila ay wala sa Pilipinas at ni hindi nito alam kung nasaang panig ng mundo? “Malusog naman siya. H-hindi ko pa masabi kung sino ang kamukha niya. Baby pa kasi.” Ang totoo, noon pa lang  nakikita na niyang magiging parang pinagbiyak na tulya ang mag-ama. Nakuha ng anak niya hindi lang ang malalaki at maiitim na mata ni Oliver  at makakapal na kilay kundi pati ang alun-along buhok nito.

“Ano’ng ipinangalan mo sa kanya?”

“‘Mark.’” Hindi niya sinabi rito ang buong pangalan ng anak nila. Kung maaari nga lang na hindi niya sabihin dito pati na ang pangalan ng bata.

“Puwede ko bang makita ang picture niya?”

Iba ang isinagot niya rito pagkaraan ng ilang saglit na pag-aatubili. “Oliver, hindi makakatulong sa 'yo kung patuloy mong iisipin na nagkaanak tayo. Gusto ko sanang kalimutan mo na lang ang tungkol sa kanya. Hindi rin naman kayo magkikita. It’s pointless to discuss him. It would be more pointless for you to see his picture.”

Ito naman ang hindi nakasagot. Nang magsalita uli ito ay tonong nagdaramdam na. “Hindi ako nagdamot noon na ibigay sa 'yo ang kalahati ng kanyang pagkatao.”

Buntong-hininga ang naging sukli ng pahayag nito sa kanya. Napilitan siyang kunin sa kalong niyang body bag ang maliit na photo album ni Mark Obed. Iniabot niya iyon kay Oliver. Itinabi naman nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Sa sulok ng kanyang mga mata ay nakita niya ang katuwaan sa mukha nito habang isa-isang tinitingnan ang mga larawan ng kanilang anak. “Kamukha ko siya. We have the same lips and the same eyes.”

You have practically the same looks, Oliver. Pati yata kalingkingan ay pareho kayo ng anak natin. Isinumpa yata ako ng tadhana sa kapangahasan ko. Dahil paano ko makakalimutan na ikaw ang ama ni Mark Obed kung siya mismo ang buhay na tagapagpaalala mo sa akin?

“Puwede ko bang mahingi itong isa?” tanong nito na ang tinutukoy ay ang isang snapshot kung saan nakangiti ang sanggol.

“Kung maipapangako mo na hindi mo ipapakita 'yan kay Sharon o sa kahit kanino, sige, kunin mo.”

Nawala ang ngiti nito ngunit kinuha rin ang larawan.

Nang paandarin uli nito ang sasakyan ay hindi na sila nag-imikan. Hanggang sa makarating sila sa tapat ng bagong tirahan ni Sharon ay wala nang usapang namagitan sa kanila.   

Bahagya na lang siyang nakapagpasalamat kay Oliver pagkahatid nito sa kanya. Iniwasan niyang mapatingin sa mga mata nito. Hindi niya gusto ang klase ng mga tingin nito sa kanya. Kung hindi na sila magkikita pa, mas mabuti.

PAGKAKITA pa lang ni Mavi sa ina ni Sharon, dama niya na hindi niya magugustuhan ito. Maganda naman ang mommy ni Sharon na si Tita Eva, may katabaan lang ito. Ang buhok nito ay kinulayan ng kulay-mais. Malalaki ang butas ng tainga nito dahil sa pagsusuot marahil ng mabibigat na hikaw.

Nakangiti ito sa kanya, nakipagbeso pa nga. “Welcome kang mag-stay rito sa bahay hanggang gusto mo, Mavi,” sabi nito sa kanya.

“Salamat po, Tita Eva. Nakabakasyon lang po ako. Kailangan ko ding bumalik agad sa, ahm, S-States.” Muntik na siyang magkamali. Walang dapat makaalam kung saan talaga siya nanggaling. Hindi niya inaasahan na masusundan siya ng mga ito roon. Ngunit hindi niya tiyak kung kapag nalaman ni Sharon na sa Canada talaga siya nanggaling ay hindi nito masasabi kay Oliver.

Kunsabagay, napakalaki ng Canada. Imposibleng matunton siya nito roon.

   “Saan sa States ka ba nakatira?”

Ang bansang malapit sa Canada ang naisip niyang sabihin dito. “S-sa Illinois po.” Binago na niya ang paksa bago pa ito mag-usisa ng mga bagay na hindi niya maaaring sagutin. “Marami po akong pasalubong sa inyo, Tita. Nariyan po sa isang suitcase. Magkukuwentuhan muna po kami ni Sharon.” Sumulyap siya sa kaibigan na noon ay nanonood lang sa kanila. “Excuse us.”

Malapad ang naging ngiti ng ginang habang tinitingnan ang suitcase na itinuro niya. “Sige, hija. Maraming salamat sa mga pasalubong mo.”

Iniabot ni Sharon ang isang kamay sa kanya at giniyahan siya sa silid nito. Pagkasarang-pagkasara ng pinto ay yumakap ito sa kanya at impit na umiyak sa kanyang balikat.

Damang-dama niya ang paghihirap ng loob ng kaibigan niya habang mahigpit itong nakayakap sa kanya. Hindi niya napigilan ang sariling mapaiyak din.

Hinayaan muna niyang makalma ito bago niya dinala ito sa gilid ng kama. Magkatabi silang naupo roon.

“What really happened, Sharon?” usisa niya. Hindi niya inaasahan na ang masayahin at pirming nakangiting kaibigan niya ay magkakaganoon. Humpak ang mga pisngi nito at lalong naging maputla. Nangingitim din ang paligid ng mga mata nito.

Ilang pagsagap at pagbubuga muna ng hangin ang ginawa nito bago nakuhang sumagot. “Pinamanahan ako ni Lola ng dalawang milyon, Mavi. Ikinagalit 'yon ni Mommy. Siya raw ang anak kaya dapat na sa kanya lang mapunta ang lahat ng pera at ari-arian ni Lola. Sa kanya naman napunta ang lahat ng properties na naiwan ni Lola pero gusto pa rin niyang makuha ang perang ipinamana sa akin.

“Kaya niya ako ikinukulong dito sa bahay. Pati nga si Oliver, hindi niya pinapayagang makapunta dito. Sa cellphone na lang kami nagkakausap. Gusto ni Mommy na makuha sa akin ang dalawang milyon. Hindi ko naman magalaw 'yon ngayon dahil naka-time deposit sa bangko. 'Yon agad ang ginawa ko dahil natatakot nga akong kunin ni Mommy 'yon.”

“Paano ang treatment mo?”

“Nakapagpagamot pa naman ako pagkamatay ni Lola. Pero naubos na ang savings ko. Ayaw naman ni Mommy na gastusan ang treatment ko. Siguro... siguro, nakatakda talaga akong mamatay nang maaga.”


.......................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro