1. Worlds Apart

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/


"Thesis po ang ginagawa namin ng mga kaklase ko kaya kailangan kong mag-stay sa bahay no'ng isang classmate ko. Doon po namin ipa-finalize ang draft ng thesis namin. Naghahabol kami sa oras, Lolo. Hindi puwedeng mawala ako roon. May kanya-kanya kaming part na gagawin para matapos na 'yon," mahabang paliwanag ni Andrea sa kanyang Lolo Pedrito habang kausap ito sa cellphone.

Naglalakad siya noon patungo sa pinakamalapit na bookstore. Siya na ang nagboluntaryong bumili ng bond paper na gagamitin nila ng kanyang mga kagrupo.

"Kadalaga mong tao, sa kung kani-kaninong bahay ka makikitulog?" argumento naman ng lolo niya.

"Ang totoo po, Lolo, hindi kami matutulog. Sigurado na hindi na po kami makakatulog sa dami ng gagawin namin. At kina Dondi naman 'yong bahay. Intindihin n'yo naman po ako. Hindi namin puwedeng gawin ang thesis sa bahay natin. Unang-una, sira na po 'yong computer natin. Ikalawa, naiilang ako kay Tita Olga na hakutin ang mga kaklase ko para diyan kami gumawa."

"Bakit mo ba siya papansinin? Hindi naman siya ang may-ari ng bahay, ako naman."

"Pero siya ang nagpapakain sa atin, 'Lo."

"Siya lang ang namimili ng mga kakainin natin. Hindi siya ang naghahanapbuhay para kumita ng pambili n'on kundi si Ramir. Isa pa, tama lang na pakainin niya tayo. Nakikitira sila rito sa pamamahay ko."

"Lolo, kung saan-saan na tayo napunta. Ang issue lang naman po, eh, ang pagpapaalam ko sa inyo na mag-stay sa bahay ng kaklase ko para gumawa ng thesis. Pumayag na po kayo, please? Hindi ako papasa sa klase kapag hindi ako nakisali sa pagbuo n'on."

"Bata ka, alam mong hindi ako mapapalagay nang hindi ka matutulog dito."

"Lolo naman, eh," napapalabing reklamo niya kahit hindi siya nakikita nito. "Walang mangyayari sa akin, promise. Pagkatapos na-huh!" Hindi na niya nagawang dugtungan pa ang sinasabi. May mabigat na bagay na dumagok sa likod ng kanyang ulo na nagpabagsak sa kanya sa kalye. Pati ang cellphone na nakadaiti sa kanyang tainga ay lumipad sa kung saan dahil sa lakas ng impact.

Narinig niyang nagkaingay ang mga tao. Hindi niya magawang mag-angat kaagad ng tingin. Hilung-hilo siya. May naaamoy pa siyang hindi maganda. Gayunman sinikap niyang bumangon.

"Let me help you," sabi ng isang boses ng lalaki sa likuran niya.

Naramdaman na lang niya na hinawakan nito ang magkabilang braso niya mula sa likuran.

"Kaya mo bang lumakad?"

"O-oo," sabi na lang niya kahit hilo pa rin siya. Naramdaman niya na iginiya siya nito hanggang mapasandal siya sa hood ng isang sasakyan. Hinawakan niya ang likod ng kanyang ulo. Mukha namang walang bukol iyon. Mabigat lang talaga ang sumalpok sa kanya kaya siya nahilo.

"Sumandal ka muna dito," utos nito at binitiwan na siya.

Nang bumalik ang lalaki saka lamang niya napagmasdan ang hitsura nito. Guwapo pala ito. May pagkatsinito ang mga mata nito na parang palaging nakatawa kahit hindi naman. Matangos ang ilong nito at mamula-mula ang kutis. At napakatangkad nito.

"'Eto ang cellphone at ang bag mo," anito nang iabot ang mga gamit niyang tumilapon. "Okay na ba ang pakiramdam mo? Saan ka ba pupunta? Ihahatid na kita."

"Diyan lang ako pupunta sa bookstore," aniya, sabay turo sa ikalimang stall mula sa kinaroroonan nila. "Hindi ko alam kung ano 'yong tumama sa ulo ko."

"Supot ng basura ang tumama sa ulo mo. Nahulog pagdaan ng truck at tinamaan ka."

Inamoy niya ang kamay na inihimas niya sa likod ng ulo kanina. Doon pala nanggaling ang mabahong amoy. Napangiwi siya.

"Siguro, mas mabuti na ihatid na lang kita sa inyo. Kung papayag ka na sumakay dito sa kotse ko," anitong ang tinutukoy ay ang Ford Lynx na sinasandalan niya.

Malayo nga roon ang bahay nila. Sa school siya malapit ngunit wala naman siyang liliguan sa school. "Naku, huwag na. Dumikit ang baho ng basura sa buhok ko. Nakakahiya sa 'yo. Baka mangamoy lang ang kotse mo."

"Walang kaso 'yon. Kailangan mo ng tulong at hindi naman ako nagmamadali."

Tiningnan niya ito sa mga mata. Normally hindi siya nagtitiwala kaagad sa isang taong hindi niya kilala. Ngunit may kung ano rito na kumukumbinsi sa kanyang pagtiwalaan ito. At wala siyang nararamdamang kaba sa dibdib. "Sigurado ka na hindi ka maaabala? Baka may pupuntahan ka pa."

"Hindi, wala. Pauwi na ako. Ihahatid muna kita."

"Sige kung gano'n. Sasamantalahin ko na ang offer mo. Maraming salamat."

Ngumiti ito at binuksan na ang pinto ng kotse para sa kanya.

"Saan nga pala kita ihahatid?" tanong nito nang makasakay at pausarin na ang kotse.

"Sa Pio del Pilar."

"Ano nga pala'ng pangalan mo?"

"'Andrea.' 'Andrea Cervantes.' Ikaw, ano'ng pangalan mo?"

"'Quinlan Ungpauco.' 'Quin' ang nickname ko."

"Nagtatrabaho ka na?"

"Oo. Sa business ng father ko."

"May Chinese blood kayo?"

"Half Chinese-half Filipino ang tatay ko. Gano'n din ang nanay ko. Pero hindi kami Buddhist. Kristiyano kami. Ikaw, anong year mo na sa college?"

"Fourth year na. Nagti-thesis na nga kami. Pagkagaling ko sana sa bookstore, pupunta na kami ng mga kaklase ko sa bahay ng isa naming kaklase para doon gawin ang thesis. Kaso, minalas naman akong tamaan sa ulo ng supot na sinasabi mo."

"Sobra na kasing dami ng basura, nagkakarga pa ang mga basurero. Umapaw tuloy."

Tinawagan niya ang isa sa kanyang mga kagrupo. "Yessa, mauna na kayo sa bahay nina Dondi. May kaunting problema lang. Kailangan kong bumalik sa bahay. Susunod na lang ako doon mamaya."

"Bakit, ano'ng nangyari? Paano na ang papel na gagamitin natin?" usisa naman nito.

"Puwedeng pakibili mo na lang? Para hindi na kayo maabala nang sobra. Kailangan ko kasi talagang bumalik sa bahay."

"Sige, pero basta huwag mo kaming iindiyanin, ha? Baka hindi makaabot sa date ng submission ang thesis natin."

"Oo, siyempre. Kahit ano'ng mangyari, susunod ako sa inyo doon."

"Classmate mo?" ani Quin nang i-off na niya ang cellphone.

"Oo. Kagrupo ko siya. Hinihintay na nila ako."

"You're so pretty, you know."

Nagulat siya. Nag-init ang pisngi niya sa biglang pagkambiyo nito at pamumuri sa kanya. Pinilit niyang ibalik ang nakalimutang poise. "Y-you're not bad yourself. You're quite nice-looking."

Ngumiti ito. "Siguro, nice-looking din ang boyfriend mo?"

Napangiti na rin siya. "Hindi, eh. Wala pa naman kasi akong boyfriend."

"Hmm..." Tumangu-tango ito. "Sayang, sana mas bata pa ako ngayon."

"Bakit mo naman nasabi 'yan?"

"Kasi, ang laki ng agwat ng mga edad natin. Kung nagkataon siguro na mas bata ako ngayon, I would be interested to know you more."
"Really?"

"Really."

"Bakit, ilang taon ka na ba ngayon?"

"Twenty-eight."

"Hindi pa naman matanda ang twenty-eight, ah."

Nilingon siya nito bago ibinalik sa daan ang tingin. "Ibig bang sabihin niyan, kung liligawan kita, may pag-asa ako sa 'yo?"

Mabilis din ang isang 'to. Idinaan niya sa tawa ang sagot. Dahil sa totoo lang, kumakabog nang malakas ang dibdib niya.

At hindi niya alam kung bakit ganoon ang reaksiyon niya sa lalaking ito. Naligawan naman na siya dati. Mas guwapo pa nga kaysa rito ang iba sa mga manliligaw niya. Ngunit bakit dito, na noon lang naman niya nakita at nakilala, kakaiba ang reaksiyon ng puso at isip niya?

Nahinto ang pag-uusap nila nang makita na niya ang gate ng bahay nila na berde ang pintura. "Diyan na lang ako sa tapat ng gate na 'yan, Quin."

"Sayang, magkakahiwalay na tayo."

Napailing siya. "Masama yata ang epekto sa 'yo ng amoy ng basurang tumama sa akin, ah."

Humalakhak ito sa sinabi niya. "Take care, Andrea. Who knows, magkita pa uli tayo one of these days?"

Nginitian din niya ito. Sinalubong niya ang tsinito at tila pirming nakatawang mga mata ni Quin. "I'd love that. Sana nga, magkita pa uli tayo."


NANGINGITI si Quin habang papalayo ang Ford Lynx niya sa lugar na iyon ng Pio del Pilar. Cute ang estudyanteng iyon. Maamo ang mukha nito. Malalaki ang magagandang mata nito na parang nangungusap kung tumingin. Expressive ang mga mata nito at ang oval-shaped na mukha ay perpektong ehemplo ng isang classic beauty.

Simpleng nakaipit lang ang mahaba at makintab na buhok nito. Wala siyang napansin kahit na anong nakapahid sa likas na mapupulang labi nito. There was an appealing innocence about her.

Napakaganda talaga ng mukha nito. Kahit nang ngumiwi ito nang maamoy ang iniwang hawa ng basurang tumama sa ulo nito ay maganda pa ring tingnan ito.

Andrea. Pati ang pangalang iyon ay classic. Noon lang siya na-attract sa isang babaeng hindi moderna ang ayos at hitsura.

Sayang, napakabata pa niya.

Malayo pa siya sa bahay nila nang tumunog ang ringing tone ng kanyang cellphone. Ang papa niya ang tumatawag. Malamang na nasa opisina pa ito.

"Yes, 'Pa," tugon niya.

"Ikaw na ang dumaan sa travel agency. For pickup na raw ang mga tickets natin."

"Pero, 'Pa, pauwi na ako. Si Queenie na lang ang utusan ninyo," aniyang ang tinutukoy ay ang nag-iisang kapatid niya.

"Siya nga ang una kong tinawagan. Ang sabi sa akin, may lakad daw sila ng bayaw mo."

"Uuwi muna ako." Tinatamad na siyang bumalik sa daan na tinahak niya kanina. May kalayuan din ang travel agency.

"Aba, eh, puntahan mo na muna. Hanggang alas-sais lang maghihintay ang travel agent do'n."

"Okay," aniya, sabay buga ng hangin. Parang bigla siyang napagod.

Patungo na silang mag-anak sa Australia. Nagpasya ang papa niya na mag-migrate na lang sila roon dahil na rin sa panghihikayat ng panganay na kapatid nito.

Nagtayo ang tiyuhin niya ng factory ng incandescent bulbs at iba pang uri ng ilaw roon may tatlong taon na ang nakararaan. Kasosyo sa negosyong iyon ang apat na kapatid ng mga ito. Sa loob ng isang taon ay dalawang beses na nagtutungo roon ang papa niya upang bisitahin nang personal ang negosyo ng mga ito.

Sa huli, nagpasya na lang ito na mag-migrate na silang mag-anak doon. Sa katunayan, ibinenta na ng kanyang mga magulang ang bahay nila kasama ng iba pa nilang ari-arian. Ang negosyo naman nila ay ipamamahala ng papa niya sa isa pang kapatid nito, si Tito Yuan.

Gusto nga sana niyang maiwan na sa Pilipinas at pangasiwaan na lang ang kanilang negosyo. Ayaw pumayag ng mama niya. Kakaunti na nga lang daw sila sa pamilya maghihiwa-hiwalay pa.

Maaari sana niyang igiit sa mga magulang ang gusto niyang mangyari. Ngunit sa huli naisip niyang pagbigyan na lang muna ang mga ito. Maaari naman siyang bumalik sa Pilipinas kapag hindi niya nagustuhan ang pagtira sa Australia.

Eksaktong walong araw na lang sila mananatili sa Pilipinas at lilipad na silang lahat patungo sa Australia.

Sumingit sa isip niya ang sinabi niya kay Andrea. Basta lang naman lumabas iyon sa bibig niya. Na baka isa sa mga araw na darating magkita uli sila. Natuwa siya nang sabihin nito na gusto rin nitong magkita uli sila.

Pero talagang napakabata pa niya.

Dalawang araw ang lumipas at natagpuan niya ang sarili sa kalye ng Pio del Pilar.

Ewan ba niya. Basta nagising siya na parang hinahatak ng kanyang mga paa na bumalik sa lugar na iyon.

Imbes na huminto sa tapat ng bahay nina Andrea ay nag-park lamang siya sa di-kalayuan. Nagtatalo ang loob niya kung magdo-doorbell sa bahay ng dalaga o hihintayin na lang niyang lumabas ito roon.

Ano ba ang intensiyon niya? Alam naman niya sa kanyang sarili na hindi niya liligawan ito. Wala siya ni katiting na balak gawin iyon.

Ngunit gusto niyang makita ito at makausap kahit sandali. Iyon ang gusto niyang mangyari bago man lang sila tumulak ng kanyang pamilya patungong Australia.

Siguro gusto lamang niyang magpaalam kay Andrea.

Bakit nga ba naging parang importante sa kanyang gawin iyon? Kung tutuusin ay hindi dapat. Minsan lang sila nagkita nito. Wala silang common grounds para palawigin pa ang pagkakakilala nila. Bumuntong-hininga siya nang bumukas ang gate ng bahay ng dalaga.

Habang bumubukas ang gate ay tahimik siyang nagdarasal na sana si Andrea ang lumabas doon.

Hindi nga siya nabigo. Si Andrea nga ang lumabas sa gate. Akbay ito ng isang matangkad na lalaki na sa palagay niya ay hindi nalalayo sa edad nito.

Blast! Naloko ako doon, ah. Naniwala ako na wala siyang boyfriend. Meron naman pala.

Pinausad na niya ang kanyang kotse at mabilis na umalis sa lugar na iyon.

......................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro