3. A Visit

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng



"Bakit mo pinatay ang cellphone mo?" tanong ni Andrea kay Quin. Tapos na silang kumain ng tanghalian noon. Dinala siya nito sa isang restaurant na sikat sa mga pagkaing Pinoy sa Roxas Boulevard. Nang mga sandaling iyon ay nasa baywalk naman sila sa Manila Bay. Hindi sila bumaba ng sasakyan. May tumawag kanina kay Quin nang patungo pa lang sila roon. Sa hula niya kapatid nito ang tumawag. Ngayon naman ay ang mama nito ang tumawag, na pagkatapos nitong kausapin ay ini-off nga nito ng cellphone.

Magkahalong lungkot at tila paghihirap ang nasa mga mata ni Quin nang sumagot. "Promise me na hihintayin mo ang pagbabalik ko, Andrea. Magsulatan tayo. Sulatan mo ako sa e-mail address na ibinigay ko sa 'yo."

"Quin, hindi kaya sobrang bilis naman nito?"

"Ang alin?"

"Ito. 'Yong malalim agad ang involvement natin sa isa't isa. Quin, kailan lang tayo nagkakilala. At ngayon, magkakahiwalay agad tayo. Baka pareho lang tayong masaktan. Baka pareho lang tayong mahirapan kapag nagkaroon agad tayo ng commitment."

"'Di ba, may feelings ka rin sa akin?"

"Oo, pero feelings lang 'yon, nagbabago. Paano kung dumating ang panahon na makahanap ka roon ng iba? O kaya ako naman ang makakita rito ng ibang mamahalin? Ayokong saktan ka, Quin."

Tumingin ito sa labas ng sasakyan. Sa tingin niya, ngayon pa lang ay nasaktan na nga niya ito.
"Naiintindihan kita," sabi nitong hindi tumitingin sa kanya. "Fine, wala muna tayong magiging commitment. Pero itutuloy natin ang communication natin sa isa't isa. Tatawagan kita palagi."

Nginitian niya ito. "Fine. Hihintayin ko ang tawag mo. At lagi kitang susulatan. Promise ko 'yan."

Humugot ito ng hininga at ngumiti na rin sa kanya. "I suppose I can get my good-bye kiss now?"

Tinawanan niya ito. Ngunit bago pa man ito makakilos ay inilapit niya rito ang kanyang mukha at hinalikan ito sa pisngi. "Till we meet again, Quin." Natawa na naman siya nang makitang nanatili pang nakapikit ito na parang nananaginip. "Ano ba? Naging bato ka na diyan. Hindi naman ako ibong Adarna."

Dumilat na nga ito, naroon na naman ang lungkot sa mga mata. "Yes, Andrea, till we meet again. I hope I can tell you it will be soon."

Nasabi na nito sa kanya na walang katiyakan ang pagbabalik nito sa malapit na hinaharap. Desidido na raw ang mga magulang nito na sa Australia na manirahan. Tiniyak naman ni Quin na kahit daw mag-isa lang ito ay babalik at babalik ito ng Pilipinas.

Sa huli, siya pa ang nagyaya rito na ihatid na siya. Baka mahuli pa si Quin sa flight nito.

Tulad nito, nang maghiwalay sila ay hirap na hirap din ang kanyang kalooban. Sa maikling panahon na nagkakilala sila masasabi niya na mahal na niya ito. Siya mismo ay hindi makapaniwala ngunit iyon ang nararamdaman niya. Napakabilis niyang natutuhan na mahalin ito.

Kaya naman nang bumaba na siya ng kotse ni Quin parang gusto uli niyang bumalik doon. Parang gusto niyang sabihin dito ang eksaktong nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Pero nagawa niya na pigilan ang sarili. Alam niyang hindi pa iyon ang panahon.

NAGTAKA si Andrea nang pagpasok niya sa kanila ay walang katao-tao roon. Umikot siya sa buong kabahayan. Natagpuan niya ang kawaksi nilang si Odette na nasa laundry area. Umiiyak ito habang nagsasampay ng mga damit na galing sa spin dryer.

"O, Odette, bakit ka umiiyak? Ano'ng nangyari?"

"Naku, Andrea, s-si Kuya Ramir, naaksidente kanina. Grabe daw ang lagay."

Nagimbal siya sa narinig.

"Nasa ospital silang lahat. Ako nga lang ang naiwan dito sa bahay."

"S-saang ospital dinala si Tito Ramir?"

Sinabi nito kung saang ospital. Lumabas uli siya ng bahay. Nasalubong niya sa labas ng gate si Lolo Pedrito. Kabababa lang nito ng taxi, tila pagod at namumula ang mga mata.

Kinabahan siya. "'Lo, kumusta na po si Tito Ramir?"

"Wala na siya, Andrea... Wala na ang anak ko."

Napaiyak siya. Hindi siya makapaniwala. Kanina lang ay kasabay pa niyang nag-almusal ang tiyuhin niya. Yumapos siya sa kanyang lolo at sabay silang nanangis.

Dead on arrival pala sa ospital ang Tito Ramir niya. Ayon sa kuwento ng lolo niya, malapit lang daw sa opisina nito ang luncheon meeting na dadaluhan kaya naglakad na lang sa halip na sumakay pa ng kotse. Nang tumatawid na ay nahagip daw ito ng isang ten-wheeler truck na nawalan ng kontrol.

Sarado ang casket nito nang iburol sa funeral parlor. Wasak ang mukha nito at may parte ng katawan na durog ang buto. Dalawang araw lang itong ibinurol at inilibing din kaagad.

Awang-awa si Andrea sa Tita Olga niya at sa dalawang pinsan. Maagang inulila ng tiyuhin niya ang mga ito.

Ngunit mas naaawa siya kay Lolo Pedrito. Patay nang lahat ang anak nito. Sa edad nitong pitumpu't tatlo ay naunahan pa ito ng mga anak.

Hapis na hapis ang anyo ng lolo niya habang inililibing ang bangkay ni Tito Ramir. Parang nawala na rito ang lahat ng pag-asa sa buhay.

Kinabukasan pagkatapos mailibing si Tito Ramir ay kinausap ni Tita Olga si Lolo Pedrito. Aalis na raw ito at ang mga pinsan niya sa poder ng lolo niya. Mahihirapan daw itong manatili roon habang naroroon ang lahat ng alaala ng tiyuhin niya.

Pinigilan ito ni Lolo Pedrito. Nawala na nga raw ang anak nito, pati ba raw ang mga apo nito ay mapapalayo pa rito?

Subalit buo na ang pasya ni Tita Olga. Hindi nito pinakinggan ang pakiusap ng lolo niya. Pipisan na raw ito at ang dalawa niyang pinsan sa mga magulang nito. Kaya hindi pa naglipat-linggo ay umalis na ito kasama ang dalawang anak.

Ang masakit, dinala nito ang lahat ng appliances na naroon sa bahay. Tanging ang telepono lang ang iniwan nito at ilang lumang kasangkapan na dati nang nasa bahay bago pa tumira ang mga ito roon. Pati si Odette ay isinama rin ng mga ito.

"Lolo, bakit naman gano'n si Tita Olga? Bakit niya kinuha ang mga mahahalagang gamit dito sa bahay? Paano na tayo? Wala tayong gagamiting lutuan, plantsa, washing machine. Pati ang frying pan, dinala nila."

"Hayaan mo na, apo. Talaga namang ipinundar nila iyon ng Tito Ramir mo. Ang mabuti pa ipag-withdraw mo ako ng pera. Bumili ka na agad ng mga importanteng gamit natin."

"Lolo, kapag binawasan natin ngayon ang pera ninyo sa bangko, saan tayo kukuha ng para sa pang-araw-araw na gastusin?" Alam niyang maliit lang ang perang naipon nito sa bangko. Maliit lang din ang tinatanggap na pensiyon nito. At ngayong wala nang susustento sa kanila ng abuelo ay tiyak na kakapusin sila sa panggastos.

"Ako na ang bahala roon. Basta sundin mo ang sinasabi ko."

Napilitan siyang sundin ito. At dahil wala na silang kawaksi ay siya na ang gumagawa ng mga gawaing-bahay. Bago siya pumasok sa school inihahanda na niya ang kakainin ng lolo niya. Kapag naman weekend nilalabhan niya ang damit nila sa pamamagitan ng kanyang mga kamay.

Hindi kasi siya nakabili ng washing machine sa perang ipina-withdraw ng lolo niya. Halos maubos iyon sa mga importanteng gamit tulad ng kalan, electric fan at refrigerator. Bumili pa siya ng bigas at grocery items.

Sa ikalawang buwan ng pagsosolo nilang maglolo ay todo na ang pagtitipid niya. Ang pagkain lang nito at ang maintenance medicine ang hindi niya matipid. Pati baon niya sa school ay binawasan niya. Ang maliit niyang savings ay naipapaluwal pa niya sa mga gastusin nila. Maging ang two hundred Australian dollars na ipinadala sa kanya ni Quin ay nagalaw na rin niya.

Nang mabanggit kasi niya rito ang pagkamatay ng Tito Ramir niya at ang pag-alis nina Tita Olga sa kanila ay kaagad itong nagpadala ng pera. Wala naman siyang sinasabi rito tungkol sa kasalukuyang financial problems nilang maglolo. Ngunit marahil, sa mga pagtatawagan nila, nararamdaman nitong namomroblema siya.

Isang gabi, pagkagaling niya sa school ay nadatnan niyang nasa bahay nila si Kuya Salvador, diborsiyadong kaibigan ng lolo niya. Natatandaan niyang tuwing may okasyon ay nakikita niyang dumadalaw ito sa kanila noong bata pa siya. Ngunit nitong mga huling taon bihira na itong mapasyal doon. Ni hindi nga ito dumalaw sa burol ng Tito Ramir niya.

Bumati siya rito. "Hi, Kuya. Kumusta ka na? Ang tagal mo nang hindi napasyal dito, ah."

"Oo, Andrea. Nasa States kasi ako nitong mga nakaraang buwan. Kababalik ko lang. Kahapon ko nga lang nabalitaan na patay na pala si Ramir."

"Oo nga, Kuya. Lahat kami, nabigla sa pagkamatay ni Tito Ramir."

"Andrea, maghain ka na sa komedor at dito kakain sa atin si Salvador," sabi ng lolo niya.

Nagpaalam na siya sa mga ito. Habang patungo siya sa kusina iniisip niya kung ano ang maaari niyang iluto sa natitirang laman ng refrigerator. Mayroon lang doon na kalahating pitso ng manok, repolyo, isang malaking carrot at kaunting Baguio beans.

Ngunit nang mapadaan siya sa komedor ay nakita niya sa ibabaw ng mesa ang dalawang malalaking supot ng mga pagkain na may logo ng isang kilalang restaurant.

"Great!" bulong niya. "May pasalubong pala si Kuya Salvador." Binuklat niya ang laman ng mga supot. Tatlong putaheng ulam ang naroon. May dessert pa at kanin.

At least ay hindi na siya magluluto ng hapunan. Masasarap pa ang mga ulam nila.

Kumuha siya ng mga pinggan at mangkok. Isinalin na niya ang mga pagkain doon at inihanda ang mesa.

Habang naghahain siya naisip niya ang hitsura ng kanyang lolo nang dumating siya. Parang malungkot ito at seryoso. Nagsumbong ba ito kay Kuya Salvador ng kasalukuyang kalagayan nila?

Sana nga ay tulungan sila ni Kuya Salvador. Kahit man lang sana hanggang sa makatapos siya at makapagtrabaho. Tutal naman isang semestre na lang at ga-graduate na siya.

Nang makapaghain ay tinawag na niya ang dalawa.

Habang kumakain sila ay tahimik lang ang lolo niya. Si Kuya Salvador lang ang nakikipag-usap sa kanya.

"Lagi ka ba sa States, Kuya?"

"Hindi naman. Medyo nagtagal lang ako nitong huli dahil nag-put up ako ng negosyo roon. Siyempre, kailangan kong tutukan muna. Pero ngayon, medyo smooth na ang takbo kaya nakauwi ako. Kailangan ko rin kasing asikasuhin ang negosyong naiwan ko naman dito."

"Anong negosyo ang itinayo mo sa States?" usisa niya.

"Bumili ako ng franchise ng isang fast food." Sinabi nito ang pangalan ng fast-food chain.

"Wow! Sosy," pagbibiro niya na ikinatawa nito. Ngunit talagang pormal pa rin ang lolo niya.

Hinintay lang niyang matapos ang kanilang hapunan. Uusisain talaga niya ito. Subalit naunahan siya nito.

"May importante kaming sasabihin sa 'yo ni Salvador, Andrea," wika ng lolo niya nang makainom na ito ng tubig.

Napasulyap siya kay Kuya Salvador. Naging pormal na rin ang hitsura nito. Kinabahan tuloy siya. "Bakit po, Lolo? Tungkol po ba saan ang sasabihin n'yo sa akin?"

"Alam na ni Salvador ang tungkol sa kasalukuyan nating kalagayan. Nasa States pa lang siya alam na niya. Nagbilin ako noon sa kanang-kamay niya na tawagan siya at sabihin na gusto ko siyang makausap.

"Tinawagan niya ako noong isang araw. Nag-usap nga kami. At kanina, nagkasundo kami na... na ipakakasal ko kayong dalawa."


...................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro