6. Moving On

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“Sabihin mo nga sa 'kin, hindi ka ba talaga minamaltrato ng Salvador na 'yon?” parang imbestigador na usisa kay Andrea ni Dondi.

Nagkita rin sila nito. Pinag-enroll siya ni Salvador kaya napilitan siyang magpunta sa school. At dahil nanghihinayang siya sa huling semestre upang matapos na niya ang kolehiyo ay nagpasya siyang tapusin na iyon.

Katakut-takot na interogasyon ang inabot niya kay Dondi. At marahil kung wala lang date si Yessa, malamang na pati ito ay inulan din siya ng mga tanong. Napilitan siyang magkuwento rito.

“Hindi nga. Bakit mo naman nasabi 'yan?”

“Bakit, hindi ka ba nagsasalamin? Tingnan mo nga ang sarili mo. Ang laki na ng ipinayat mo.”

Bumuntong-hininga siya. “Hindi lang ako napagkakatulog lately.”

Umilaw ang mga mata nito sa kapilyuhan. “'Oy, bakit, grabe ba ang appetite niya sa sex?”

Kamuntik na niyang natakpan ang nguso ng kaibigan. “'Yang bibig mo, ano ka ba?”

Irap lang ang iginanti nito sa pananaway niya. “Ano ba ang masama sa sinabi ko? Sa talagang 'yon naman ang ginagawa ng mga magdyowa, ah.”

May respeto siya sa kanyang asawa kaya kahit kay Dondi na best friend niya ay hindi niya maaaring ipagtapat ang totoong sitwasyon nila ni Salvador. “Hindi ang iniisip mo ang dahilan ng pamamayat ko,” sabi na lang niya.

“Alam ko naman, si Quin. Si Quin na hindi man lang tumulong sa 'yo noong panahong kailangang-kailangan mo siya.”

“Dondi, unfair naman yata na sabihin mo 'yan. Hindi alam ni Quin ang naging problema namin ni Lolo. At siya rin ay may problema sa kanilang negosyo sa Australia.”

“'Yon na nga, eh. Nasabi niya na may problema sila roon. Pero ikaw, sinarili mo ang problema mo. 'Yon ang unfair.”

“Dondi, hin—”

“At alam mo ba kung ano ang mas unfair pa doon?” agaw nito sa sinasabi niya. “'Yong hindi mo pagtatapat sa kanya na may asawa ka na.”

Parang maiiyak na naman siya. “G-gusto ko kasing kalimutan na lang niya ako.”

“Paano ka makakalimutan n’ong tao kung nag-iwan ka sa kanya ng mga tanong na hindi nasagot?”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Ang ibig ko pong sabihin, iniwan mo siyang nakabitin sa ere. Umalis siya rito na MU na kayo kahit wala pa kayong commitment sa isa’t isa. Nagtatawagan kayo at nagsusulatan. 'Tapos, biglang-bigla, hindi mo na sinagot ang mga e-mails niya at hindi na ikaw ang nakakasagot ng mga tawag niya. At ang pinakamasakit sa lahat, sa ibang tao pa niya nalaman na nag-asawa ka na. Gets mo?”

Nasupalpal siya sa mga sinabi nito. May katwiran naman talaga si Dondi. Siya nga talaga ang mali. Napakalaki ng kasalanan niya kay Quin. 

Nang gabi ring iyon ay nagpasya siya na mag-e-mail kay Quin. Sinulatan niya ito. Humingi siya ng tawad sa binata at ipinagtapat niyang pinilit siyang ipakasal ng lolo niya. Halos hindi niya maitipa ang huling bahagi ng sulat. I am now a married person. I hope this will be the last of our correspondence. Let’s just forget we ever met before.

Sumagot si Quin sa e-mail niya. Ngunit tulad ng mga unopened e-mails para sa kanya na huli nitong ipinadala ay hindi rin niya binuksan iyon.

Nang magbukas ang klase ay pumasok nga uli siya. Unti-unti niyang napansin ang madalas na pananahimik ni Salvador. Nagsasalita lang ito kapag tinatanong niya o may itatanong ito sa kanya. Hindi na ito nagkukuwento. Hindi na rin sila nagtatalo. Kaya isang gabi pagkagaling nito sa opisina ay kinausap niya ito.

“May problema ka, alam ko. At bilang asawa mo, may karapatan akong malaman kung ano 'yon. Please, Salvador, huwag mo namang solohin ang problema.”

“Wala kang maitutulong sa problema ko kaya huwag mo na akong piliting sabihin 'yon sa 'yo.”

“Salvador! Huwag ka namang magsalita nang ganyan. Mag-asawa tayo. Isinakripisyo ko na ang pag-ibig ko para i-work out ang kasal natin. Ayokong magtapos ang marriage na ito sa diborsiyo.”

Tinitigan siya nito. Nararamdaman niya sa titig na iyon ang lalim ng galit at lungkot nito. “Hindi ka nga rin ba mawawala, Andrea? Hindi ka ba tutulad sa ina ko? Sa unang asawa ko?” Tumawa ito nang pagak. “I doubt it. Walang taong nakakatagal na kasama ako. Kung hindi ko nga lang binabayaran nang higit pa sa sapat ang mga tao na nagsisilbi sa akin, tiyak na matagal na rin nila akong nilayasan. Alam kong hindi ka rin makakatagal. You’ll get bored in no time at all. Kahit magpustahan pa tayo.”

Bago pa siya talikuran nito ay mabilis siyang lumapit dito. Naiiyak na niyakap niya ito nang mahigpit. “Ano ba ang gagawin ko para mawala ang galit at pait diyan sa dibdib mo?”

“Bitiwan mo ako, Andrea. Hindi mo alam ang masamang ibubunga ng ginagawa mo.”

Tuluyan na siyang napaiyak. “Hindi. Hindi kita bibitiwan hangga’t hindi mo ako hinahayaang makapasok diyan sa matigas mong puso!”

Tumawa na naman ito nang pagak. “Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo? Paano kita papayagang makapasok sa puso ko, eh, ni hindi mo nga ako mahal?”

“Pero mahal kita. Mahal kita kahit bilang kaibigan lang. Handa na akong pag-aralang mahalin ka, Salvador.”

Kinalas nito ang pagkakayakap niya sa katawan nito. Marahang inihaplos nito sa pisngi niya ang likod ng hintuturo nito. “Hindi ko kailangan ang awa ng kahit sino, Andrea. Lalo na ng awa mo.” 

Nang iwan siya nito ay nanlulumong napaupo na lang siya. Mas perceptive pa pala ito kaysa sa akala niya. Aminado siyang bunsod nga ng awa kaya nagpipilit siyang mapasok ang mga depensang iniharang nito sa sarili. At handa na siyang mahalin ito at pangatawanan ang pagiging mag-asawa nila.

Ngunit kung ganitong palagi na lang nitong inilalayo ang loob sa kanya, paano niya ito mapag-aaralan na mahalin?

Sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon nila ay nagpatuloy pa rin siya sa pagsisikap na maging ulirang asawa ni Salvador. Kahit abala siya sa pag-aaral  tinitiyak niya na personal na naaasikaso niya ang mga pangangailangan nito. Pinag-aralan niyang lutuin ang mga paboritong pagkain nito. Ipinaghahanda niya ito ng bihisan. Inaasikaso niya ito kapag nasa bahay.

Unti-unti naman niyang nakuha ang tiwala ng asawa. Nagbubukas na ito sa kanya ng mga problema o pangyayari sa opisina at sa paligid nito. Ikinokonsulta na rin nito sa kanya ang mga desisyon na ginagawa nito sa trabaho man o sa personal nilang buhay.

Isinasali na rin nito ang sarili sa mga bagay na may kinalaman sa kanya. Katulad na lang nang mag-graduate siya sa kolehiyo, ito ang nagpakaabala upang maging masaya at en grande ang selebrasyon nila sa kabila ng pagtutol niya.

Kahit paano masaya na si Andrea sa ganoon. Umaasa siya na isa sa mga araw na darating ay matututuhan na rin nilang mahalin ang isa’t isa.


“ANG BONGGA ng graduation gift kay Yessa ng mga parents niya, trip to Disneyland,” kuwento ni Dondi kay Andrea nang minsang dalawin niya ito sa bahay. Nagkasakit kasi ito at ilang araw na siyang kinokonsiyensiya sa mga texts nito na hindi man lang daw niya masilip ito.

Pinuntahan nga niya ang kaibigan. Magaling na ito ngunit patuloy pa rin ang medication. Nagkaroon ito ng tonsilitis. Medyo halata pa ang pamamaos nito.

Naiinip na raw ito sa bahay. Wala raw itong magawa kundi mag-internet. Ayaw itong palabasin ng bahay ng mama nito.

“Matagal na talagang pangarap ni Yessa na makarating sa Disneyland,” aniya.

“Nag-e-mail ka na ba sa kanya after ng graduation natin?”

“Hindi pa.”

“Kaya pala panay ang reklamo sa akin ng bruha. Hindi na raw makaalala sa kanya ang mga close friends niya. Mabuti pa raw 'yong mga ka-chat niya na hindi pa niya nakikita ang mga pagmumukha, may panahon na kumustahin siya.”

“Bakit, hindi ka rin ba nag-i-e-mail sa kanya?”

“Nag-e-mail na, ilang pages pa nga. Tinambakan ko nga siya ng lahat ng kuwentong naipon ko from the grapevine. Tingnan ko lang kung hindi mamula ang mga mata niya sa pagbabasa ng mga 'yon.” Binuhay nito ang monitor ng PC. “Ang mabuti pa mag-e-mail ka na sa kanya. Kahit hi at hello lang ang sabihin mo. At least, hindi ka na niya susumbatan na hindi ka man lang makaalala.”

“Sige na nga.” Sinulatan nga niya si Yessa mula sa PC ni Dondi. Nag-log in na siya ay nakabantay pa rin sa kanya ang kaibigan niya. “Ano ba? Pati ba pagsusulat ko kay Yessa, babantayan mo pa?”

“Siyempre,” nakataas pa ang isang kilay na sabi nito. “Baka mamaya, may isulat ka sa kanya na against sa akin.”

Tinampal niya ang braso nito. “Ano ka ba? Do’n ka na nga.”

Wala siyang kamalay-malay na ang inosenteng paggamit niya ng PC ni Dondi at pag-i-e-mail niya kay Yessa ay magdadala sa kanya sa isang napakahirap na pagpapasya.

“MALILIGO na nga ako. Alas-kuwatro pa lang naman, ah. Alas-singko ka pa naman darating. Bakit ba sobrang excited ka naman yata? Saan ba talaga tayo pupunta?” usisa ni Andrea kay Salvador sa telepono.

Kaninang umaga, bago ito umalis ay binilinan siya na mag-ayos at susunduin daw siya nito mamayang alas-singko. Sa labas daw sila magdi-dinner.

Tumawag ito nang lunchtime, ipinaalala ang dinner nila. Ngayon ay tumawag na naman ito. Tinitiyak kung naghahanda na siya sa pag-alis nila.

Mula nang huli silang mag-heart-to-heart talk na mag-asawa ay unti-unti nang gumaganda ang kanilang pagsasama, hindi man sa aspetong seksuwal ngunit ang komunikasyon nila ay mas maayos na kaysa noon. Pakiramdam nga niya ay nahuli na niya ang loob nito. Na nakuha na niya ang tiwala nito upang umakto ito na tila isang normal na asawa.

Hindi nga niya masasabing mahal na niya ito romantically speaking. Ngunit mas mataas kaysa dati ang respeto niya rito ngayon. Mahal niya ito bilang tao, bilang isang malapit na kaibigan. Nakakapag-confide siya rito. At ito man ay nakapaglalahad na rin sa kanya ng maseselang bagay.

Pati ang pag-a-apply niya ng trabaho ay pinag-usapan nilang dalawa. Pumayag naman ito. Hindi daw niya kailangan pang magtrabaho. Kaya siyang buhayin nito. Ngunit baka nga raw naiinip na siya sa bahay.

Natuwa si Andrea na pinayagan siya nito. Sa pagsisimula ng buwan ay papasok na siya sa isang opisina. 
Kontento na siya na ganoon sila ni Salvador.

“Mamaya mo na lang alamin,” sagot nito. “Surprise ko nga sa 'yo ang pupuntahan natin, eh.”

“Nasu-suspense na ako diyan, ah.”

“I’m sure mag-e-enjoy ka sa pupuntahan natin. Sige na, ibababa ko na ang phone. Just wear something really nice. Wear the dress you really like.”

“Okay, masusunod,” pabirong pagtatapos niya.

Napapangiti siya habang papasok sa banyo. Natututo nang maging tao ang asawa niya. Nababawasan na ang pagka-cynical nito.

Ang paborito niyang cocktail dress ang isinuot niya. Nag-apply siya ng makeup. Tiniyak niya na magandang-maganda siya sa kanyang ayos. Nagwiwisik na siya ng pabango nang dumating si Salvador.

“Ready?” masiglang bungad nito nang pumasok sa kanilang silid. “Wow!” bulalas pa nito nang mapagmasdan siya. “You’re looking hot tonight, Mrs. Ibarra.”

“Thank you.” Ito man ay napakaguwapong tingnan sa suot nitong black silk shirt at dark dinner jacket. Nginitian niya ito at iniumang niya ang kanyang pisngi sa halik nito. Isang matunog na halik ang iginawad nito sa pisngi niya. Pagkatapos ay inilagay nito ang kamay niya sa braso nito at lumabas na sila.

“Nasu-suspense talaga ako kung saan mo ako dadalhin ngayon,” aniya rito habang bumababa sila ng hagdan. “Sa hotel ba ang dinner natin?”

Tumawa ito. “Huwag mo na kasing hulaan. Malalaman mo rin kapag nandoon na tayo.” Dinala siya nito sa kinaroroonan ni Lolo Pedrito at nagpaalam sila sa matanda.

Paglabas nila ng front door ay daig pa niya ang literal na sinapok ng malakas na puwersa nang makita kung sino ang nakatayo sa front steps nila. “Quin...” halos pabulong lang na sambit niya.

.....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro