8. Try To Steal

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng



Isang Italian restaurant na hindi kalayuan sa office building ni Andrea ang pinagdalhan sa kanya ni Quin.

Hindi na niya nagawang tumanggi sa pagyayaya nito. Takot siya sa eskandalo. Ayaw niyang makalikha pa ng alingasngas ang biglaang pagsulpot nito roon. Sa kabilang banda, kinakabahan din siya. Paano kung makarating kay Salvador na nakikipagkita pa rin siya kay Quin? Ano na lang ang iisipin ng kanyang asawa?

“Gusto kong ipalagay mo ang loob mo, Andrea,” sabi nito sa kanya. Marahil kanina pa nito nahahalata ang pag-aalumpihit niya.

“Paano ko ipapalagay ang loob ko kung nagwo-worry ako na baka makarating sa asawa ko ang pagkikita nating ito?”

Lumingon ito sa kanan na animo nasaktan. Naaawa rin naman siya rito. Ngunit mas mabuti na nga sigurong ngayon niya ito saktan kaysa lalo pa itong mahirapan kapag nagtagal pa ang ginagawang paghabol at pagsubaybay nito sa kanya. “As far as I’m concerned, wala tayong ginagawang masama sa asawa mo.”

Nagsisimula na namang mag-init ang sulok ng mga mata niya. Palagi na lang ba siyang iiyak tuwing magkikita sila ni Quin? Palagi na lang ba na nakapagitan sa kanila ang panghihinayang sa mga bagay na hindi nangyari?

Tiningnan siya nito nang tuwid sa mga mata. Mahirap palang makipagtitigan dito nang hindi niya ipagkakanulo ang mga kimkim niyang damdamin para dito. “Wala akong balak na pahirapan ka, Andrea. 'Yon ang huling bagay na gagawin ko sa 'yo. Nasaktan lang ako nang sobra kaya nasabi ko ang mga nasabi ko nang huli tayong magkita. Gusto ko lang makiusap sa iyo kung maaari. Gusto kong hingan ka ng tulong.”

“Tulong? Anong tulong naman ang maibibigay ko sa 'yo?”

Ang hitsura nito ay tulad sa isang taong walang mapagpipilian kaya kahit ang kaluluwa ay isasangla sa diyablo. Magkahalong takot at pagpapakaaba ang masasalamin sa mga mata nito. Nakadama uli siya ng kirot sa dibdib. Ang confident at self-assured na Quin noon ay nalipat na lang sa ganitong kalagayan. “Sana... sana kahit hindi na tayo puwedeng magkaroon ng relasyon, payagan mo naman ako na makausap ka kahit bilang isang kaibigan man lang. Nangangako ako na wala akong gagawin para malagay sa alanganin ang relasyon mo sa husband mo... Kailangan ko lang na makita ka palagi. 'Yong makakausap pa rin kita, makakakuwentuhan kahit bilang kagaya na lang nina Dondi.”

Sumagap siya ng hangin upang paluwagin ang kanyang dibdib. Magkahalong awa at pagmamahal para dito ang matining sa kanyang pagkatao nang mga sandaling iyon. Ngunit hindi niya maipapaalam iyon kay Quin. Kahit paramdam hindi niya maaaring gawin dito. “B-baka... lalo ka lang mahirapan.”

“Mas nahihirapan ako sa kakaisip sa 'yo habang hindi kita nakikita. O kung nakikita man kita, hindi naman ako makalapit sa 'yo.”

“Quin, hindi mo ba nare-realize ang maaaring mangyari kapag pinayagan kita? Lalo lang lalalim ang nararamdaman mo sa akin. Lalo kang masasaktan. Isasalang mo pa ang mga sarili natin sa temptation.”

“I promise, Andrea, hindi na ako magbabanggit ng tungkol sa feelings ko sa 'yo. Hayaan mo lang akong makakuwentuhan ka. Kahit mga walang kuwentang bagay lang ang pag-usapan natin, kontento na ako doon. Ang importante, makikita pa rin kita palagi. Baka... kung ganoon ang gagawin ko, baka sakaling makasanayan ko rin na kaibigan na lang talaga kita. Baka sakaling ma-immune na ako sa presence mo at sa katagalan mamanhid din ang feelings ko sa 'yo.”

Napahinga na naman siya sa sinabi nito. Kamuntik na siyang mapailing kung hindi nga lang ayaw niyang ma-offend pa ito. “Wala akong makitang tamang logic sa sinasabi mo, Quin. Problema lang ang nakikita ko sa gusto mong mangyari.”

Ito naman ang nagpakawala ng isang mahabang buntong-hininga. Ang mga pagkain sa harap nila ay halos hindi nagagalaw. Paano nga ba sila makakakain kung ganito kaseryoso ang pag-uusap nila? “Kung ang isang kaibigan mo bang malapit nang mamatay ay hihiling sa 'yo ng isang bagay na kaya mo namang ibigay, ipagkakait mo ba, Andrea?”

Nahindik siya sa sinabi nito. “M-may sakit ka ba?”

“Wala... Pero pakiramdam ko, daig ko pa ang may taning ang buhay. Mula nang araw na mabasa ko ang sulat mo na nagsasabing nag-asawa ka na, at sinabi mo roon na kalimutan na natin na nagkakilala tayo, mula noon, parang unti-unti akong namamatay...”     
      
Nananakit ang mga mata niya at parang hindi siya makahinga sa pagpipigil na malaglag ang mga luha niya. Damang-dama niya ang lalim ng paghihirap nito.

“Sinubukan kong kalimutan ka nang magkalayo tayo pero habang nagtatagal, lalo lang akong nangungulila sa 'yo. Naisip ko, kailangan sigurong harapin ko na lang ang sitwasyon. Sundin ko na lang ang gusto ng sarili ko na laging makita ka at makausap. Baka sakaling makasanayan ko 'yon. Maybe I just needed to get used to the fact that you’re already married and I’m just your friend.”

Hindi siya pumayag sa gustong mangyari ni Quin. Maaari ngang gumaan ang kabigatan nito kapag nasunod ang gustong mangyari. Ngunit paano naman siya? Habang patuloy silang nagkikita ay iba ang epekto niyon sa kanya. Lalo siyang nangungulila rito. Lalong lalalim ang damdamin niya para dito. At nanganganib na magkasala siya kay Salvador.

“MALUNGKOT ka. Nakikita na kitang malungkot noon pero kakaiba ang lungkot mo ngayon, apo. Bakit, ano ba ang problema mo?” usisa kay Andrea ni Lolo Pedrito.

Niyapos niya ang isang braso nito. Sabado noon. Nasa veranda sila. Hinihintay nila ang kapeng dadalhin doon ng isa sa mga kasambahay.

Malamig ang panahon dahil katatapos lang ng bagyo. Sa katunayan ay umaambun-ambon pa.

Nang umagang iyon ay umalis si Salvador. May business meeting ito sa Kuala Lumpur. Lunes na ang balik nito.

“Sige na, sabihin mo sa akin. Nag-away ba kayo ni Salvador bago siya umalis?”

“Hindi po, Lolo.”

“Eh, bakit nga ganyan ka kalungkot?”

Matagal bago niya nagawang sumagot. “'Lo, nagbalik na sa Pilipinas ang lalaking mahal ko.”

Ito naman ang hindi nakakibo.

“Alam n’yo ba, Lolo, binabalikan niya ako. Itatakas daw niya ako kay Salvador.”

“Nagkausap na pala kayo.”

“Opo.” Naging malungkot ang hitsura nito. Parang naaawa ito sa kanya. “Gustung-gusto kong gawin niya 'yon, Lolo, 'yong itakas niya ako at magpakalayu-layo na kami rito. Pero sinabi ko sa kanyang hindi ko gusto 'yon. Na hindi ako magiging imoral. N-nagpaka-plastic ako sa kanya, Lolo...”

Niyakap siya nito. Sa dibdib nito pinawalan niya ang mga iyak na hindi niya mapawalan noon. Hinagod-hagod naman nito ang likod niya.

“Kumbinsido akong tama ang ginawa ko nang ipakasal ko kayo ni Salvador. Ang kinabukasan mo lang ang nasa isip ko. Ayokong maghirap kang lalo kapag wala na ako at hindi na kita masusubaybayan. Si Salvador lang ang nakita kong solusyon sa bagay na kinatatakutan kong mangyari sa 'yo. Patawad, apo. Hindi ko gustong saklawan ang damdamin mo. Pero sa kagustuhan kong mapabuti ka, 'yon pala mismo ang ginawa ko.”

Hikbi lang ang naisagot niya sa kanyang abuelo. Hindi nakaluwag sa dibdib niya na inamin nito ang naging pagkakamali. Bale-wala na rin naman iyon. Nangyari na ang lahat at hindi na maibabalik pa sa dati.

“Kung gusto mo, ako na ang kakausap kay Salvador para bigyan ka ng diborsiyo.”

“A-ayoko, Lolo. Sasaktan n’yo rin si Salvador kapag ginawa ninyo 'yon. Pagkatapos ng mga kabutihang ginawa niya sa atin, hindi 'yon ang dapat na iganti sa kanya.”

“Pero paano ka naman? Habang-buhay ka na lang ba na magtitiis?”

“Inilalagay ko na sa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko. Bahala na Siya. Bahala na Siyang maglagay ng mga circumstances sa daan ko para makalaya ako sa ganitong sitwasyon.”

Natigil ang pag-uusap nilang maglolo nang tawagin siya ng isang kawaksi. Nasa ibaba raw si Mr. Ungpauco at hinahanap siya.

Napatingin siya sa lolo niya. Bakas din sa mukha nito ang pamomroblema.

“Sige,” aniya sa kawaksi, “bababa na ako.”

Isang nakangiting Quin ang nababaan niya. “Hi! I hope I didn’t interrupt anything. Gusto ko sana kayong imbitahan ng lolo mo sa ribbon cutting ng houseware at hardware store na binuksan namin ng tito ko sa Rockwell.”

Sinenyasan niya ito na maupo uli. “Kailan 'yon?”

“Mamayang hapon, four o’clock. Dadaanan ko na lang kayo rito.”

“Tatanungin ko siya kung gusto niyang dumalo.”

“Sana maka-attend siya. Mas magandang kasama mo siya.”

Tama nga naman ito. Mas mabuting kasama niya ang lolo niya sa mga lakad na kasama rin si Quin. Para na rin makaiwas sila sa tsismis. “Nagbukas ka na naman pala ng negosyo.”

“Actually, patuloy lang naman ang ibang negosyong naiwan dito ni Papa. Isang uncle ko ang nagma-manage noon. Extension ng negosyong iyon ang bubuksang houseware at hardware store. Ngayong narito ako, tumutulong ako sa kanya.”

“Kumusta naman ang negosyo n’yo sa Australia?”

“Nagpi-pick up na. Hindi katulad no’n, talagang nagkaproblema. Kumusta naman ang trabaho mo? Nae-enjoy mo ba?”

Mabuti pa nga siguro ang mga ganitong conversation sa pagitan nila. Walang pressure. Hindi emosyonal. Hindi mahirap dalhin sa dibdib. “Oo. Mahirap lang noong umpisa. Pero ngayon, naka-adjust na ako. Gusto ko na ang ginagawa ko. At least ngayon, kahit kaunti, nararamdaman ko na ang fulfillment. May kuwenta rin pala ang mga paghihirap namin sa school noon. How about you, dito ka na ba talaga mag-i-stay sa Pilipinas?”

“Hindi na siguro. Kailangan ni Papa ang tulong doon. Kapag okay na ang takbo ng kabubukas na store, baka bumalik na rin ako sa Australia. There’s nothing left for me here.”

Noon lang ito dumako sa paksang may kinalaman sa kanila kahit pahaging lang. Napag-isip-isip na rin marahil nito ang ipinapakiusap niya na kalimutan na siya nito.

“Is he... treating you well?”

“Who?”

“Your...” napahinga ito. Para bang mahirap ditong bigkasin ang salita. “Your husband.”

Quin was treading on dangerous paths with that question. Kunsabagay ay nasasakanya naman kung gusto niyang kontrolin ang paksang binubuksan nito. Iwinaksi niya ang pangamba. “Oo naman. Mabuti siyang asawa.”

“I see.” Tumangu-tango ito. “That’s good. Siguro dapat na akong magpaalam. Dadaanan ko na lang kayong maglolo rito mamayang hapon.”

“Sige.”

Nang makaalis ito ay nilapitan siya ng lolo niya. “Ano’ng kailangan ng lalaking 'yon?” usisa nito sa kanya.

“Ini-invite niya tayo na mag-attend ng ribbon cutting ng store nila, Lolo.”

“Naloloko na ba siya?”

“Lolo...”

“Ano ba ang gustong palabasin ng lalaking 'yon para patuloy pang magpakita sa 'yo? Binibigyan mo pa ba siya ng pag-asa, eh, may asawa ka na?”

“Hindi po, Lolo. Naaawa lang po ako sa kanya. Nakiusap siya sa akin na maging magkaibigan pa rin kami.”

“'Oy, Andrea, may asawa ka na. Baka nakakalimutan mo.”

“Alam ko ang limitasyon ko, Lolo. Hindi ako gagawa ng bagay na ikasisira ng asawa ko. At kahit si Quin, iniingatan din niya ang reputasyon ko. Kaya nga gusto niyang kasama ko kayo mamaya.”

“Bata ka, oo. Ako’y hindi naniniwalang gusto ka lang niyang kaibiganin. Inaabangan lang niyan kung kailan ka magiging mahina. Ganyan ang tukso. Kapag nakakita ng butas, hindi ka na lulubayan niyan.”

“Lolo, in the first place, kung hindi sa pamimilit ninyo, hindi sana kami nagdurusa ngayon ni Quin. Wala sanang mga damdamin na masasaktan,” sabi niya. iyon lang at iniwan na niya ang abuelo.

Hindi niya gustong sagutin nang ganoon ang kanyang lolo. Mahal na mahal niya ito. Ngunit mahirap sa kalooban niya na patuloy na makitang nasasaktan si Quin. Kaya nga kahit takot din siyang bigyan ng karapatan ang binata na makausap siya at makakuwentuhan ay pumapayag siya. Dahil wala naman itong kasalanan sa mga nangyari.

She knew she was partly to blame. Tama nga si Quin. Dapat hindi siya nagpapilit sa kagustuhan ng lolo niya. Ipinaglaban sana niya ang kanilang pagmamahalan.

Ngayon ay inaani nilang pareho ang konsekwensiya noon.


NATULOY silang maglolo sa ribbon cutting ng houseware at hardware store ni Quin. Sinundo sila nito sa eksaktong oras. Hindi umiimik ang lolo niya habang sakay sila sa kotse ng binata. Maingat din naman ang pakikitungo ni Quin sa lolo niya.

Asawa ng isang kongresistang aktibo sa mga proyektong pangkababaihan ang nag-cut ng ribbon. Marami ring kilalang personalidad ang imbitado sa okasyon.

Nang malingat ang lolo niya ay tinabihan siya ni Quin. “Ikaw sana ang gusto kong mag-cut ng ribbon, Andrea. Ikaw sana ang gusto kong katabi habang kinukunan ng picture ang ceremony.”

“Quin, please—”

“Pero hindi ko ilalagay sa alanganin ang reputasyon mo. Hindi imposible na may kahit isa sa mga guests na kilala ang asawa mo. Maliit lang naman ang business circle dito sa Metro Manila.”

“Siguro, kailangan na naming umalis ni Lolo.”

Para namang naalarma ito. “Hindi, huwag muna, please. Hindi pa kayo kumakain. Hayaan mo, hindi na kita lalapitan.”

Medyo nakahinga siya nang layuan siya nito. Lumapit kaagad siya sa kanyang lolo na noon ay nagsisimula nang kumain.

Buffet style ang kainan. May mahabang mesang puno ng mga pagkain sa isang panig ng bulwagan. Nang muling makalingat ang lolo niya ay nilapitan na naman siya ni Quin.

“Andrea, gusto sana kitang yayain bukas, lunchtime. Doon uli sa restaurant na kinainan natin.”

“Quin, nangako ka. Sabi mo, hindi mo na ako lalapitan.”

“Pagbigyan mo lang ang imbitasyon ko para bukas. Hindi na kita lalapitan pa.”

Napailing siya. “Hindi lang ang sarili mo ang pinapahirapan mo sa ginagawa mong ito. Pati ako, nahihirapan.”

“Just say ‘yes,’ Andrea. And I won’t bother you anymore.”

Gusto niyang pumayag, ngunit kailangan niyang tumanggi. Hindi maaaring lahat ng pagyayaya nito ay pagbibigyan niya. Pareho lang silang maaapektuhan sa ginagawa nito.

Handa na siyang tumanggi nang may magsalita sa likuran niya. “Trying to steal my wife behind my back, Mr. Ungpauco?”

Sabay na napaharap sila ni Quin dito. "S-Salvador..."


...................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro