10. When The Phantom Proposes

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Hindi malaman ni Yessa kung ano ang mararamdaman nang magkaharap uli sila ng Lolo Herman niya. Sa tingin niya parang lalong tumanda ito.

Nang abutan siya ni Sev sa labas ng gate nila ay binulyawan niya ito. Pinagsabihan niya na ayaw niyang makita ito. Wala itong nagawa kundi ang umalis. Nang makapasok naman siya sa kanila nagpahatid kaagad siya kay Mang Efren sa bahay ng lolo niya.
“Hinuli ng mga pulis si Daddy, Lolo,” iyon ang unang lumabas sa bibig niya. “Bakit siya ang pagbibintangan ninyong kumidnap sa akin? That’s absurd!”

“Yessa, huminahon ka.”

“Buong buhay ni Daddy, naglingkod siya sa company ninyo. He had been a good father to me and a good husband to Mommy. Bakit siya ang pagbi-bintangan ninyong gustong pumatay sa akin?”

“Dahil may motibo siya. Hindi siya ang tunay mong ama.”

Hindi niya nakuhang magsalita. Nanghihina na napaupo na lang siya sa sofa.

“I’m sorry you have to hear it this way. Mas maipapaliwanag sana ito ng mommy mo pero bukas pa ang dating niya.” Naupo ito sa katapat niya.
“Nagsimula akong magduda kay Lucas mula nang mabanggit sa akin ng right-hand ko na tinanong daw siya ng daddy mo kung gaano kalaki ang assets ko. From then on, pinasubaybayan ko na siya. Hanggang sa malaman ko na siya ang dahilan kaya ka niligawan ni Alvin. Pinagplanuhan nila na makasal ka sa lalaking 'yon para lang magkaroon siya ng access sa kayamanan ko sa pamamagitan mo. Palibhasa ay alam niya ang plano ko na iwan ang pagpapatakbo ng kompanya sa mapapangasawa mo. Pero tulad ng alam mo na, basta na lang naglaho si Alvin.

“I was a bit puzzled when your mother insisted you go to the States for a vacation. Lalo akong nagtaka nang makiayon sa kanya si Lucas. Apparently, gusto lang ng daddy mo na mawala sa kanya ang suspetsa ng lahat. May takot din kasi siya na baka nai-leak na ni Alvin sa iba ang dating plano nila. Siguro, kinukutuban na nang masama si Surina kay Lucas kaya ganoon.

“Lalo kong pinasubaybayan nang husto si Lucas mula noon. Hanggang matuklasan kong pinagpa-planuhan niya na ipapatay ka sa paraan na  hindi siya mapaghihinalaan. Your body will be dumped in a remote place. It would be untraceable dahil mga professional killers ang inupahan niya ng malaking halaga para isagawa sa 'yo ang pagkidnap at eventually, ang pagpatay. Ang hindi niya alam, nakasubaybay ako sa mga kilos niya.”

“And Riel knows about all these?”

Tiningnan siya nito nang may pagtataka. “Yes, Sev knows about this. Siya ang nagbigay ng mga suggestions sa akin para maging maingat ang ginagawang surveillance kay Lucas at sa mga inupahan niyang tao.”

“I suppose the warrant of arrest was a fake? Hindi ganoon lang kadaling mag-produce ng arrest warrant sa mismong araw na naganap ang krimen.”

Nakatiim ang mga bagang na tiningnan siya ng lolo niya. “Gagawin ko ang lahat kahit ilegal matiyak ko lang na mananatili kang ligtas.”

NANG makabalik si Surina sa Pilipinas, ipinagtapat nito kay Yessa ang buong katotohanan sa kanyang pagkatao. Hindi nga raw niya tunay na ama ang nakilala niyang daddy. Limang taon na raw nagsasama ito at ang daddy niya ay hindi pa rin nagkakaanak. Natakot daw ang mommy niya na baka hindi na ito magkaanak pa kaya nagpatulong ito sa kaibigang obstetrician para makahanap ng sperm donor. The doctor injected sperm in her reproductive system. At nagbuntis nga ito sa kanya.

Akala raw ng mommy niya ay naitago nito sa daddy niya ang lihim. Pero matagal na palang alam iyon ng daddy niya. Saka lang iyon nalaman ng mommy niya nang mag-away ang mga ito bago tumulak ng Hong Kong ang mommy niya.

Itinanong niya sa ina kung sino ang tunay niyang ama. Sinabi nito sa kanya ang pangalan. Kaya lang, hindi na raw alam ng mommy niya kung nasaan na ito. Tutulungan daw siya nito para mahanap ang kanyang ama.  

Sa tulong na rin ng lolo niya ay nasampahan ng kaso ang daddy niya. At dahil unbailable ang kasong kidnapping ay hindi na ito nakaalis ng piitan hanggang sa mahatulan ito. It was a celebrated case. Ang buong media ay nagpista sa pagbabalita.
Matagal bago sila nakabawi ng mommy niya sa pangyayari. Kinailangan pa nilang mangibang-bansa upang matahimik lang kahit paano. Hanggang ngayon ay masakit sa kanya na ang taong nagisnan niyang magulang, ang taong minahal niya tulad sa pagmamahal niya sa sariling buhay ay siya pang magpapapatay sa kanya. Mabuti na lang at hindi ito nagtagumpay.  

HAPON noon, tumatakbo si Yessa sa sidewalk sa kahabaan ng kalyeng iyon ng bahay-bakasyunan ng lolo niya. Nakasanayan na niyang gawin iyon mula nang dumating silang mag-ina  sa LA. Nakakatulong iyon upang makatulog siya sa gabi at makawala sa depresyon. Kapag kasi palagi lang siya sa bahay o nag-i-stroll sa parke ay dinadalaw pa rin siya ng lungkot.

Hindi lang ang ginawa ng daddy niya ang nagpapalungkot kay Yessa. Nangungulila rin siya sa boses ni Riel at sa presensiya ni Sev. Ngayong dumaan na ang maraming araw mula nang magalit siya sa binata, unti-unti nang nawala ang galit niya sa panloloko nito. Kung may natitira man sa dibdib niya, marahil tampo na lang iyon. Palaisipan pa rin sa kanya kung bakit ginawa iyon ni Sev.

Ilang bloke pa lang ang natatakbo niya nang biglang sumabog at kumawala ang mahaba niyang buhok. Nalaglag ang garterized band na sumusupil sa ponytail niya. Huminto siya sa pagdya-jogging upang hanapin iyon.

“'Looking for this?”

Nanlaki ang mga mata niya nang malingunan si Sev. Humihingal siya. Pagkakita rito, lalong naghabol siya ng hininga. “Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Dumaan ako sa inyo. Sabi ni Tita Surina, nagdya-jogging ka nga daw,” sabi nito sa halip na sagutin ang tanong niya.

Humalukipkip si Yessa para kahit paano pigilan ang lakas ng kabog ng dibdib niya. “What are you doing here, Sev?” ulit niya sa mas mahinang boses.

“May aasikasuhin lang ako sa Garden Grove. Naisip ko na bisitahin muna kayo dito. I just came from the airport.” Magaan lang ang pagkakasabi nito. Taliwas iyon sa mensahe na gustong iparating ng mga mata nito na naglilimayon sa kabuuan niya, parang sinasabi na gusto siyang yakapin.

“I see.” Nainis siya sa sagot nito. Para sa kanya hindi pa ito absuwelto sa panloloko sa kanya. Pero heto ito at parang walang nangyari na nakikipag-usap sa kanya. Samantalang nang huli silang magkita  binulyawan pa niya ito at itinaboy.

Pero siya ang nagligtas sa iyo. Inignora niya ang sinasabi ng kanyang konsiyensiya. “Okay naman kami ni Mommy, Sev. You could report that to Lolo. Sige.” Tinalikuran niya ito at itinuloy niya ang pagtakbo. Wala siyang pakialam kung sumabog ang buhok niya at humampas-hampas iyon sa kanyang likod.

Naiinis siya kay Sev. Ngayon bang hindi na nanganganib ang buhay niya at tapos na ang ginawa nitong pagsubaybay sa kanya, babalik na naman sila sa dati? Sa dati na isa lang siyang kaibigan para dito? Isang kaibigan na parang nakababatang kapatid lang nito?

Kung ganoon, wala nga siyang halaga kay Sev. Marahil, ang mga ginawa nito sa kanya noon ay pagsunod lang sa utos ng kanyang lolo. Samantalang heto siyang si gaga na nangungulila pa rin dito. Maaaring nainis siya rito at nagtampo ngunit patuloy niyang minamahal ito. Patuloy siyang umaasa na mamahalin din siya nito.

Dinaan niya sa pagtakbo ang nadaramang frustration. Hindi siya umuwi hangga’t hindi siya hapong-hapo.

Nakapag-shower na siya at nakabihis na nang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi niya kilala ang numerong nakarehistro doon ngunit sinagot niya. “Hello?”

“Yessa...”

Napapikit siya pagkarinig sa pamilyar na boses ni Riel na tila nagmumula sa malalim na balon.

“I’m sorry, Yessa... Hindi ko nasabi 'yon sa 'yo noon. Alam ko na nagawan kita ng pagkakamali. Pero sa maniwala ka at sa hindi, ginawa ko lang 'yon para makatiyak na ligtas ka. Bilang si Sev, hindi ko puwedeng sabihin sa 'yo ang mga bagay na nasasabi ko bilang si Riel. It would put your life in jeopardy. At hindi ko mapapayagan 'yon. I love you too much to lose you...”

Napakagat-labi siya. Totoo nga bang mahal siya nito?

“Can you still find it in your heart to forgive me?”

Sino naman siya para hindi patawarin ang isang lalaking mahal din niya at nagsasabing mahal na mahal siya? “Do you still remember what I told you about your voice? Ipinangako mo pa sa akin na babaguhin mo na 'yan pero hindi mo naman ginawa.”

“Oh, Yessa!” May sandaling pause at nang muling magsalita ito ay boses na ni Sev. “Do you have any idea how I missed you? I badly wanted to hug you a while ago but you shut me out.”

“I shut you out?”

“Humalukipkip ka at tinalikuran mo agad ako. I mean, tinakbuhan mo ako literally. Ano sa palagay mo ang iisipin ko roon?”

“Inaaway mo ba ako, Sev?”

Narinig niyang napahinga ito sa kabilang linya. “Masama lang ang loob ko na hindi ko man lang nahawakan kahit kamay mo. You didn’t even smile at me. Mabuti pa kay Riel, bukas na bukas ang puso mo. Sa akin, kailan ka ba nag-open up tungkol sa nararamdaman mo?”

“Hindi ka pa nga naaabsuwelto sa kasalanan mo sa akin, may gana ka pang manumbat diyan.” Hindi rin siya makapaniwala na mauuwi sa sumbatan ang unang pag-uusap nila nang nakalantad na ito. “Mabuti pa si Riel—”

“Nakakapagselos na, ah. Parang mas gusto mo pa siya kaysa sa akin. Riel was just an illusion, Yessa. Hindi siya totoo. Pangalan lang at ang mga sinasabi lang niya ang totoo dahil ako siya. Walang kahit sinong nagdidikta kundi ako lang. Galing sa isip at puso ko ang mga sinasabi niya. Pero tama ka, hindi pa nga ako absuwelto sa kasalanan ko sa 'yo.”

“Mabuti naman, alam mo.”

“Ano ba ang puwede kong gawin para mapatawad mo na ako?”

“Aba, ewan ko sa 'yo,” pagpapakipot naman niya.

“How about watching the predawn light with me over a cup of hot chocolate tomorrow?”

Kamuntik na siyang mapasinghap sa narinig. Kung may kaunti man siyang pagdududa na ito nga si Riel-- tuluyan nang nabura dahil sa sinabi nito. Ilang ulit na ba niyang ini-imagine na ginagawa nila iyon nang magkasama?

“Kung hahalikan ba kita ngayon, patatawarin mo na ako?” follow-up nito dahil hindi siya nakaimik.

“Nangangako ka yata, Mr. Saavedra.” Gaano ba kalayo ang Garden Grove sa LA? Baka nga nasa biyahe pa lang ito ngayon. “Kung magagawa mo 'yan sa loob ng limang minuto, saka pa lang kita patatawarin.”

“Sinabi mo 'yan, ha? Sige, I’ll see you in five minutes. Ciao, baby.”

Parang ang saya-saya ng bruho. Kunsabagay, napatawad na nga niya ito. Gusto lang naman niyang pahirapan ito nang kaunti dahil sa panloloko nito sa kanya. Kahit bukas na ito dumating ay wala nang kaso pa. Marami pa siyang gustong malaman ngunit kumbinsido na siya na mahal nga siya ni Sev.

Ipinatong niya ang cellphone sa side table at humiga siya sa kama. Napagod siya nang husto sa pagdya-jogging.

Wala pa yatang isang minuto siyang nagpapahinga ay kinatok na siya roon ng mommy niya. Napilitan siyang bumangon.

Nang buksan niya ang pinto ay hindi ang mommy niya ang naroon—si Sev.
Walang salitang basta na lang siya nitong niyapos at iniangat sa ere.
“Ang daya mo! Akala ko ba, umuwi ka na sa Garden Grove?”

“How can I leave—” ibinaba na siya nito at itinaas ng mga daliri nito ang mukha niya upang magpantay ang kanilang mga mukha. “—without this?” Sinakop na nito ang mga labi niya sa isang makapugto-hiningang halik. Abut-abot ang hingal nila nang lubayan siya nito. “Am I forgiven?”

“Oo na.”

Dinampian na naman nito nang mabibining halik ang mga labi niya, lalo pa siyang hinapit. “Does that also mean you’ll say ‘yes’ if I ask you to be my wife?”

“Ask me first.” Masayang-masaya siya. Pagkaraan ng maraming taon, noon lang niya naranasan ang kapanatagan ng kanyang puso sa isang lalaki. Her love for Sev was different from her love for Bryan or Alvin. Kompleto ang pakiramdam niya ngayon, mas balanse, mas may kompiyansa sa sarili. At talagang good catch si Sev. Mahilig nga lang itong mambuska ngunit mas marami rin naman ang magagandang katangian nito. Maraming beses na niyang napatunayan iyon.

“I love you, Yessa. Will you be my wife, live with me for the rest of our lives, give me children and marry me?”

Natawa siya.

Para namang na-offend ito. “Pinagtatawanan mo naman ang proposal ko, eh.”

“Tinatanggap ko na po ang proposal n’yo kahit bali-baligtad pa 'yon. Why, Mr. Saavedra, I should marry you first, be your wife, give you children and live with you for the rest of our lives.”

Sinelyuhan nito ng halik ang bibig niya.

“'Love you, too. Kahit ikaw man si Riel o si Sev,” aniya nang lubayan siya nito. “Alam mo ba na kulang na lang na sabihin sa akin ni Lolo Herman na pikutin kita?”

Naging pilyo ang ngiti nito. “Really?”

“Kinausap niya ako. Gusto raw niya na ikaw ang mapangasawa ko. Sa palagay mo, hindi kaya naimpluwensiyahan ka lang ni Lolo kaya ka nag-propose sa akin ngayon?”

“Of course not.” Lalong naging pilyo ang bruho. “Pero kung may duda ka pa rin, pumasok muna tayo sa kuwarto mo. Sa loob kita kukumbinsihin.”

Bago pa siya makasagot, nahila na siya nito sa loob at mabilis nitong naisara ang pinto.

Oh, well, mamaya na nga lang niya sasabihin dito ang iba pang mga tanong sa isip niya. Haay, Lolo Herman, matchmaker kang tunay!

¤

Taming the beast ang misyon ni Robielle sa nuknukan ng sungit na si Salvador. Ang kaso, allergic sa beauty niya si Mr. Sungit. Tingnan natin kung paano niya paaamuin ito.

.....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro