2. Crush Kita

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“Lahat ng summer vacation ko mula pa noong bata, dito na sa islang ito. Ngayon lang ako nakarinig na may ahas dito. At cobra pa, ha,” napapantastikuhang sabi ni Dina nang ikuwento niya rito ang mga napatay na ahas sa bahay niya. Kasalukuyang binabantayan nitong kumain ang dalawang taong gulang na anak nitong si Lester. Makalat kumain ang anak nito. Ngunit pinababayaan nitong kumaing mag-isa ang bata. Para daw matuto kaagad maging independent.

“Natulala nga ako kanina nang makita ko. Takot na takot ako. Hanggang ngayon, parang hindi ko na kayang mag-stay sa bahay nang mag-isa.”

“Eh, ipinaamoy naman 'kamo ng bagong neighbor mo sa aso niya ang buong kabahayan, 'di ba?”

“Oo nga.”

“Wala na 'yon. Matalas ang pang-amoy ng aso.”

“Pero hindi pa rin maalis sa isip ko 'yong sinabi ni Salvador na sinadyang ilagay doon 'yong dalawang ahas. Sinong gagawa n’on sa akin? Wala naman akong kagalit. Lalong wala akong alam na may nagagalit sa akin.”   

“At ipagpalagay na ngang may nagagalit sa 'yo, ang weird naman ng paraan niya para patayin ka. Hindi kaya may gusto lang manakot sa 'yo? Baka wala nang venom ang dalawang ahas. Baka pinutulan na 'yon ng pangil tulad n’ong napanood ko sa isang TV magazine.”

“Ano naman ang magiging motibo para ako takutin? Kahit minsan, hindi pa nagkaroon ng instance na naging witness ako sa isang krimen. At kung meron man, siguro 'yon lang ilang insidente noong nasa college pa ako. 'Yong nakakapanood ako ng na-snatch-an ng bag o nadukutan.”

“Hindi kaya dahil sobrang galing mo, na-threathen na ang mga kakompetensiya mo sa fashion design at binalak na nilang iligpit ka?”

Malakas ang naging tawa niya sa sinabi ni Dina. “Napanood ko na ang eksenang 'yan sa isang soap opera.”

Nilukutan siya ng ilong ng kaibigan. Pinainom nito si Lester na noon ay nilalaro na lang ang natirang pagkain sa kaharap na plato. “Okay, I know you’re no Vera Wang or DK but you’re making a name in your field now. Hindi kaya nakakainggitan ka na ng contemporaries mo?”

“Imposible. At ipagpalagay na nga na may naiinggit sa akin, sa tingin mo ba, he or she would go to such lengths just to eliminate me? Sobrang kababawan na yata n’on.”

“Okay, isipin na lang natin na naligaw nga lang doon 'yong mga cobra. Nagtanan siguro sila at pinalayas sa kagubatan ng parents nila kaya napadpad sa bahay mo. Imagine, hanggang kamatayan magkasama pa rin sila. Grabeng love 'yon, ah.”

“Sira!” Tawa siya nang tawa sa kanyang kaibigan. Palibhasa alagang kuwentuhan nito si Lester ng children’s stories, pati realidad ay hinahaluan na rin nito ng pantasya. Kahit paano nabawasan ang takot niya sa nangyari kanina.

“Pero maiba ako, binata pa ba 'yong bagong neighbor mo?”

Natatawang tiningnan niya ito nang pasulimpat. “Gumagana na naman 'yang pang-amoy mo sa maima-matchmake sa akin, 'no?”

Lumapad ang pagkakangiti ni Dina. “Well, dahil kaibigan mo ako at kilalang-kilala naman kita, alam kong 'yong gano’ng tipo ng lalaki, pasado sa taste mo. At alam ko rin pong matagal-tagal na rin na wala kang love interest.”

Tila nangangarap na nangalumbaba siya sa mesa. “You know, my friend, you’re absolutely right. I find that weird guy attractive.”

“Weird? Bakit mo naman nasabi?”

“Basta.” Hindi na niya sinabi rito ang ilang obserbasyon niya kanina kay Salvador. “Kaya lang, kung ia-analyze ko 'yong reaction niya sa akin kanina, parang hindi niya ako type. Kahit nga kapiranggot na ngiti, hindi niya ginawa kaninang magkausap kami. At bago ako pumunta dito, nagkatanawan kami. Ngumiti ako sa kanya at kumaway pa pero d-in-ead-ma lang niya ako.”

“Eh, ano naman kung gano’n siya? May lalaki na bang naka-resist sa charm mo kapag isinabog mo na 'yon sa kinauukulan?”

Malakas ang naging tawa niya. Alam na alam ni Dina na marami siyang alam na tricks para lang mapansin ng isang lalaking gusto niya.  

LIMANG magkakapatid sina Robielle. Apat na lalaki ang nauna sa kanya. Siya ang bunso at nag-iisang babae sa kanila kaya sunod ang layaw niya sa kanyang pamilya. Numero uno siyang gimikera noong nag-aaral pa siya. Ganoon din noong nasa kanila pa siya.

Nang magtapos siya sa kolehiyo ay pumasok siyang apprentice sa isa sa pinakasikat na fashion designer ng bansa, si Patrice Ramos-Diaz. Hindi nagtagal, kasama ng tatlo pa niyang mga kaibigan ay nagtayo sila ng sarili nilang fashion line, ang Elle. Sa kanyang mga magulang galing ang share niya sa pondong ipinagpatayo nila ng negosyo.

Ang tatlong business partners niya ang nagpapatakbo ng Elle. Isa na roon ang best friend niyang si Kitty na designer din. Ito ang in-charge sa marketing. Siya naman ay nakasentro lang sa pagdidisenyo. Hindi nagtagal at marami nang tumangkilik ng kanilang fashion line. Mula sa pagdidisenyo ay nag-branch out sila sa mass production ng casual wear. At nagtuluy-tuloy na ang kanilang pag-angat.

Minsan nabanggit sa kanya ni Dina noon—kakakasal pa lang nito—na ipinagbibili ang katabing beach house nito. Hindi na niya inisip ang ilang inconveniences ng pagtira sa isla na malayo sa Manila. Matagal na niyang gustong magkaroon ng sariling bahay sa lugar na tulad ng Heron Island. Kaya pagkatapos makipag-usap sa may-ari ay nangyari nga ang bilihan. At magmula nga noon ay doon na siya tumira.

Tutol ang kanyang mga magulang sa pagtira niyang mag-isa sa isla, ganoon din ang mga kuya niya. Ayaw ng mga ito na mapawalay siya, lalo na at mag-isa siya sa lugar na iyon. Iniyakan pa siya ng kanyang ina. Ngunit wala namang magagawa ang mga ito kapag ginusto niya ang isang bagay. Pati ang maid na ipinasasama ng kanyang mommy sa kanya ay tinanggihan niya. Siya rin ang nasunod.

May kuryente naman sa isla. May sarili rin iyong cell site. Ang tubig doon ay nagmumula sa magka-katabing spring water na ang catch basin ay isang malaking dam na nagsu-supply ng tubig sa buong isla. May fax machine siya at may cellphone na nagagamit sa pakikipag-ugnayan niya sa labas ng isla. Iyon lamang ang importante sa kanya.

Minsan sa isang buwan ay lumuluwas siya sa Manila. Saka lang siya nakakagimik kasama ng mga kaibigan. Ngunit kapag tumagal na siya nang tatlong araw sa lungsod ay hinahanap na niya ang katiwasayan at malinis na hangin ng Heron Island.

Marami siyang natutuhan sa loob ng tatlong taon na pamamalagi sa isla. Natuto siyang maging independent. Noong nasa poder pa lang siya ng mga magulang, kahit sariling underwear ay hindi niya alam labhan.

Ngayon, hindi lang paglalaba ng sarili niyang damit ang natutuhan niya. Natuto siyang maglinis, maging organisado sa kanyang mga gamit, magluto ng ilang simpleng recipe at manghuli ng isda sa pamamagitan ng pana.

Biyenang lalaki ni Dina ang nagturo sa kanya kung paano pumana ng isda. Nagbakasyon ito roon nang isilang ni Dina si Lester. Sa mga libreng oras ng matanda ay tinuruan siyang mag-snorkel nito at manghuli ng isda.

Ang isa pa niyang kapitbahay na si Mrs. Legaspi naman ang nagturo sa kanya ng ilang seafood recipe. Mahilig ang matanda na bigyan siya ng mga iniluluto nitong pagkain. At willing din itong magturo kapag itinatanong niya kung paano iluto ang mga iyon.

Walang tindahan sa isla. Kung mayroon man ay doon lang sa kabilang parte ng isla, doon sa lugar na mas marami ang residente at may pamunuan ng barangay. Pero sari-sari store lang tindahan doon.

Labing-apat lang ang bahay sa lugar sa gawi nila. Karamihan pa roon ay bakasyunan lang at kadalasang mga katiwala ang nakatira. Si Mang Fil, ang piloto ng ferryboat ay regular na naghahatid sa kanila ng supplies tuwing Lunes at Huwebes. Binibigyan lang nila ito ng listahan ng mga bagay na kailangan nila bago ito bumalik sa bayan na nakasasakop sa Heron Island, ang Agno.

Ang labing-apat na bahay roon ay miyembro ng beach owners’ association. May outpost sa gitna ng mahabang dalampasigan na tinatanuran ng dalawang tao kada shift, dalawampu’t apat na oras sa loob ng isang araw. Mayroon ding speedboat ang asosasyon bilang handa sa mga biglaang pangangailangan.

Kontento si Robielle sa pagtira sa isla. Aminado siyang minsan ay nalulungkot siya. Ngunit sa kabuuan ay mas gusto niya sa lugar na iyon kahit pa nga kinalakhan niyang tumira sa masaya at magulong lungsod.

She also found the island more productive for her career. Bakit nga ba hindi samantalang walang oras na naaaksaya para sa pagme-make up o pagsusuot ng accessories. Walang gimmick na pinupuntahan doon. Kung magkaroon man ng party ang ilan sa kanila ay bihira lang.

Hindi niya kailangan ang magarbong getup doon. Her wardrobe consisted mainly of nightdresses, denim cutoffs, batik sarongs, and her dependable swimwears. Walang traffic doon, hindi masikip, walang pressures at lalong walang polusyon. Palagi pang maganda ang tanawin na nakikita niya. Nakakapag-swimming pa siya ano mang oras na gustuhin niya.

She enjoyed every minute of her stay in the island. Wala siyang balak na isuko ang idyllic life niya sa isla sa malayong hinaharap.

NAKITA ni Robielle na lumusong sa dagat si Salvador at ang aso nito. Kasisikat pa lang ng araw. Medyo malamig ang paligid. Dali-daling hinubad niya ang suot na damit at nagsuot siya ng swimsuit. Ilang sandali pa at patungo na siya sa dagat.

Napakaligkig siya sa ginaw paglusong  sa tubig. Ngunit desidido siyang mapalapit kay Salvador kaya tiniis niya ang ginaw. Lumangoy siya palapit dito.

Halatang nagulat ito nang paglitaw ng ulo nito sa tubig ay makitang naroon na siya.

“Hi!” bati niya rito kasama ang pinakamatamis na ngiti. “Two days ka na rito pero ngayon ko lang yata nakitang naligo ka sa dagat.”

Nagkibit-balikat lang ito, hindi man lang ngumiti.

“Pagkatapos nating mag-swimming, i-invite sana kitang mag-almusal sa bahay.”

“Luto na ang almusal ko,” anito. Pagkatapos ay lumubog uli ito sa tubig at lumangoy palayo sa kanya.

Napahiya si Robielle. Grabe! Isnabin daw ba ako? Ang tindi mo, Salvador. Ikaw pa lang ang nakagawa sa akin ng ganyan.

Sa naging reaksiyon ni Salvador ay lalo lang siyang na-challenge. Maaaring turned off siya rito. At kung kagaya lang siya ng dati, malamang na ikakategorya niya kaagad ito sa mga taong ayaw niyang makita o makasalamuhang muli.

Ngunit iniligtas naman siya nito sa ahas. Maybe it was enough reason to give him another chance. Nanatiling nakasunod siya sa paglalangoy nito.
Nang lumutang uli si Salvador ay handa na ang sasabihin niya. “Hanggang kailan ka magtatagal dito sa isla?”

“A couple of weeks, maybe.”

Kapag naman pala neutral na bagay ang tanong niya ay sasagot ito. “Noong una akong makarating dito, three days lang dapat akong mag-i-stay. Pero na-extend nang todo ang bakasyon ko. I simply fell for this place. I’m sure gano’n din ang mangyayari sa 'yo.”

“I doubt it. Maganda nga ang lugar na ito but I don’t easily fall for anything.”

She held herself in check. Hindi siya dapat mapikon. Noon lang siya nakatagpo ng ganoong klase ng tao. “Well, may dalawang linggo ka pa naman para ma-acquaint sa lahat ng narito.” Including me. “Minsan, isasama kitang mag-snorkel. Matutuwa ka sa mga makikita mo sa ilalim ng dagat.”

“Hindi ako mahilig mag-snorkel.”

“But you have to pass the time while you’re here. At iyon ang marami ang mga tao rito--oras.”

“Alam ko kung paano ubusin ang oras ko. Hindi ko na kailangan ang suggestion ng iba.”

Sa pagkakataong iyon natiyak niya na may kagaspangan nga ang ugali ni Salvador. Pinilit niyang huwag magpaapekto. Lalo lang siyang nahamon.

Umakma nang babalik ito sa paglangoy ngunit naudlot nang magsalita uli siya. She still tried to be nice to him. “One time, isasama ka naming mag-fishing ng mga ibang beach owner dito. Puwede rin tayong mag-game hunting sa gubat kung gusto mo. Mahirap na magmukmok ka lang sa bahay mo, Salvador. Baka hindi mo ma-enjoy ang bakasyon mo rito.” Binirahan na niya ng talikod pagkasabi niyon. Siya na ang lumangoy palayo rito.

HIRAP na hirap si Salvador kung paano aalisin ang tinik ng shell sa paa niya. Nakatapak siya ng shell kanina habang naliligo sa dagat. Isang uri ng sigay iyon na ang katawan ay may napakaraming sanga-sangang tinik.

Palibhasa ay kati ang dagat, napalayo na pala siya sa pampang at napunta sa coral reef nang hindi niya namamalayan. Nang ituntong niya ang mga paa sa seabed ay bumaon ang napakaraming tinik ng shell sa kanyang paa. Iika-ika siyang bumalik sa beach house upang alisin ang mga naiwang tinik sa paa niya.

Kasasabon lang niya ng paang iyon. Hindi nga lang niya malaman kung paano sisimulan ang pag-alis sa mga tinik. Napakasakit niyon. Noon pa lang ay parang nilalagnat na siya.
Hawak na niya ang tweezer nang biglang tumunog ang doorbell. “Ang galing namang ta-timing ng kung sinong nasa labas, oo,” nayayamot na bulong niya.

Hahayaan na lang sana niya iyon ngunit mukhang walang balak tumigil ang pumipindot ng doorbell. Napilitan siyang tumayo at paikang binuksan ang pinto.

Ang nakangiting mukha ng kapitbahay niyang si Robielle ang napagbuksan niya. Basa pa ang buhok nito, halatang kaliligo lang. Sa katunayan, nanunuot sa ilong niya ang mabangong samyo ng ginamit na bath soap nito.

Napalunok siya. Pinilit niyang huwag dumako ang mga mata niya sa makikinis na balikat nitong inihahantad ng suot nitong sarong. Bakit ba tuwing makikita niya ang babaeng ito, para siyang isinasalang sa pugon?

“What do you want?” Sinadya niyang maging masungit ang pagsalubong ngunit hindi man lang natinag ang magandang ngiti nito.

“I know something is wrong with your foot. Nakita kong umahon ka kanina sa  dagat. Nakatingkayad ang isang paa mo at paika-ika kang lumakad. What happened? Nadikitan ka ba ng jellyfish?”

“Hindi. Nakatapak ako ng shell.”

“I see. Sungayan siguro ang natapakan mo. Let me in. Ako na ang magtatanggal ng tinik sa paa mo.”
Asiwa man siyang papasukin ito ay napilitan na siya. Mahirap mag-alis ng sariling salubsob lalo na kung sa paa.
“Mas maganda siguro kung sa terrace na lang natin aalisin ang tinik mo,” sabi nito nang nasa sala na sila. “Mas maliwanag doon.”

At mas makakahinga siya nang maluwag. He still felt uncomfortable in close proximity with this woman. Hinakot na nito sa terrace ang mga gagamitin sa paa niya.

Napapakagat-labi siya nang isa-isa nang binubunot nito ang mga tinik sa kanyang paa. Magaan naman ang kamay nito ngunit talagang nasasaktan siya.

“You can yell if you like,” pangiti-ngiting sabi pa nito, tila nang-iinis pa. 

“Just get on with that. Huwag mo akong intindihin.”

“Baka kasi labi mo naman ang masugatan. Kanina ka pa kagat nang kagat sa mga 'yan.”

“Kung masugatan nga, paano mo naman gagamutin?” Nakalabas na ang mga salita bago niya napigil ang sarili. Gusto niyang sapakin ang bibig niya nang pilyang tumawa ito.

“I have a suggestion or two. But things might get out of hand so...”

Ipinagpatuloy na nito ang ginagawa. Itinuon naman niya ang tingin sa nakahanay na cactus plant sa harap. Sumusungaw kasi ang magandang cleavage ni Robielle sa suot nitong sarong. At ang salbahe naman niyang mga mata ay gustong palaging dumako roon.

“May girlfriend ka ba?” walang kaabug-abog na tanong nito.
Napatingin uli siya rito. Itinuon na lang niya ang tingin sa ulo nito. Ngunit imposible talagang hindi rin niya makita ang cleavage na lalong nalalantad tuwing yuyuko ito.

“Wala.”

“What about a wife?”

“Dati.”

“Hiwalay ka?”

“Look, Robielle, I’m not comfortable discussing my private life with anyone.”

“I see. I thought you’re just not comfortable with me. I mean, not just the discussing part. Am I right?” medyo ikiniling pa nito ang ulo at pinagalaw ang noo.

Kunot ang noong ibinaling uli niya sa mga cactus ang tingin.

“O, 'ayan, natanggal na lahat ng tinik mo,” mayamaya ay sabi nito. “Kapag nag-swimming ka uli, umiwas ka na sa coral reef. O kaya naman, magsuot ka ng aqua shoes. Pero alam kong alam mo naman 'yon.” Tumayo na ito. “Huwag mo munang babasain 'yang paa mo, baka mamaga.”

“Okay.”

“Kung mahihirapan ka pa din na  maglakad, huwag ka nang magluto ng lunch. Dadalhan na lang kita ng pagkain.”

“Hindi naman ako imbalido. Kaya kong magluto.”

“Wala naman akong sinabi na hindi mo kaya. Pero hindi ba puwedeng kalimutan mo muna ang pagiging rude mo kapag ako ang kausap mo?” napapailing na sabi nito.

Ang totoo, naiinis din siya sa kanyang sarili kung bakit hindi niya mapigil na maging magaspang tuwing kaharap niya ito. Wala naman itong ipinapakitang masama sa kanya. Ipinararamdam pa nga nito na welcome siya sa isla.

“Marami naman 'yong niluto ko. Dadalhan na lang kita. At, Salvador, imbes na magsungit ka, pasalamatan mo na lang ako dahil tinanggal ko ang tinik mo sa paa.”

Nababanas na tumingala siya sa kisame. “Why are you doing this to me, Robielle?”

“Doing what?”

“This. Kahit pangit ang pakikitungo ko sa 'yo at lagi kitang itinataboy, ayaw mong magpataboy.”

Nagulat siya nang tapikin nito ang dibdib niya kasabay ng pilyang ngiti. “Ikaw naman, ang hina mong makahalata. Crush kasi kita.”

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro