3. Mr. Suplado

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


"Run ka na, Ninang. Hahabol kita.”

Hindi sinunod ni Robielle ang hiling ni Lester. Itinutulak siya nito ngunit sa halip na sundin ang gusto nito ay naupo na lang siya sa buhangin.

Pagod na kasi siya. Hindi niya kayang makipag-sabayan sa taas ng energy level nito. Nagsawa na ito sa paglalangoy sa dagat. Ngayon naman ay gusto nitong makipaghabulan sa kanya.

Umalis kasi si Dina. Sinamahan ng kaibigan niya ang maid nito sa Burgos upang patingnan sa dentista ang sumasakit na wisdom tooth. Kaya naiwan sa kanya ang malikot na bata.

“Run ka na!” Itinulak naman nito ang braso niya.

“Pagod na si Ninang. Ang mabuti pa, tabunan mo na lang ng sand ang mga paa ko.”

Nabugnot ito at lalo pa siyang itinulak. Sinambilat naman niya ito at pinagkikiliti.

Tawa ito nang tawa. Nang lubayan niya si Lester ay bigla itong tumakbo. Napilitan na siyang habulin ito.

Nang maabutan niya ang bata ay kinarga na niya. “Mainit na ang sikat ng araw. Magbanlaw na tayo, Sharky. Baka magkulay-lechon ka na.” “Sharky” ang gustong palayaw nito mula nang kuwentuhan ito ni Dina ng isang istorya na may ganoong pangalan ng isa sa mga characters. Hango iyon sa storybook na iniregalo niya nang huling mag-birthday ang bata.

Nagpapasag ito sa pagkakahawak niya. “Ayoko pa.”

“But I’m already tired.” Pinaghahalikan niya ito sa pisngi at leeg. Humalakhak na naman ito. Humakbang na siya patungo sa bahay niya. Nagulat pa siya nang makitang naroon din sa beach si Salvador. Kaagapay nito sa paglalakad ang asong si Jagger. Nakatingin ito sa kanila ni Lester.

Her heart began to race at the mere sight of him. Talaga yatang malala na ang pagka-crush niya sa lalaking ito na feeling career-in ang pagkaantipatiko.

“Who is he?” tanong nito nang makalapit sa kanila.

Huminto siya sa paghakbang. “Anak siya ng friend ko. Si Dina, 'yong nakatira diyan.” Itinuro niya ang bahay ng kaibigan niya. “Lester, say hi to Tito Salvador,” baling niya sa bata.

“Hi. Daddy ka ni Sharky?”

Natawa siya sa tinuran ng bata. “Pasensiya ka na sa madaldal na ito. Ang sinasabi niyang Sharky, eh, character sa storybook niya.”

“No, Lester. I can never be anyone’s dad.”

Ano kaya ang ibig sabihin ni Salvador sa sinabing iyon? Ayon dito ay dati na itong nagkaasawa. Bakit hindi ito maaaring maging ama?

“Can you run?” sabi rito ni Lester.

Napatingin sa kanya si Salvador. Hindi yata nito naintindihan ang sinabi ng bata. May kaunting pagkabulol pa si Lester.

“He said, ‘can you run.’ Kanina pa ako niyayaya nitong maghabulan kami.”

“I’m beat, little boy.”

“O, Lester, mag-good-bye ka na kay Tito Salvador.”

“'Bye, Tito.” Kumaway pa ang bata kay Salvador.

“You’re good at it.”

“What?” nalilitong tanong niya rito.

“You’re good at babysitting.” Pagkatapos ay nagpatuloy na ito sa paglakad. Inunahan naman ito ng aso pauwi.

Natitilihang sinundan niya ng tingin ang lalaki. Was that a compliment or what?

“Tito looks like my dad.”

Ngumiti siya sa bata. Siguro missed na nito ang amang nasa abroad. Gayunman, alam ni Robielle ang kilig na nararamdaman niya ang main reason ng ngiting iyon. “Magkasintangkad lang sila ng daddy mo pero hindi sila magkamukha.”

“He’s wearing pats.” Pants ang ibig nitong sabihin.

“Hindi naman lahat ng nagsusuot ng pantalon kamukha na ng daddy mo. Magbanlaw na nga tayo. Nag-aasin na sa alat ang balat mo.”

Sa bahay na niya binanlawan ang bata. May gamit ito roon dahil nang araw na mapatay roon ang dalawang cobra ay sinamahan siyang matulog ng mag-ina.

Nang makapagbanlaw sila, pinakain naman niya si Lester. Ngunit hindi na nito nagawang ubusin ang pagkain. Inantok ito dahil na rin sa labis na kapaguran. Nang ihihiga na niya ito sa kama ay ayaw namang magpalapag. Nangunyapit ito sa leeg niya at pumikit na.

Wala siyang nagawa kundi isayaw-sayaw muna ito. Nang mangawit ay dinala niya ito sa balkonahe. Nakayupyop pa rin sa balikat niya ang ulo nito. Sumampa sila sa wooden swing, iniuguy-ugoy niya iyon. Doon na ito tuluyang nakatulog.

Lumalabas pa lang si Salvador mula sa opening ng nakahilerang cactus plant sa beach house nito ay natanaw na niya. Bitbit nito ang stoneware bowl na pinaglagyan ng ibinigay niyang fish fillet dito kahapon.

“Napagod na ang alaga mo,” bungad nito nang makalapit sa balkonahe.

“At pagod na rin ako. Ayaw magpalapag kahit inaantok na. Halika, pumanhik ka.”

“Nasaan ba ang ina niyan?”

Himala. He’s trying to engage me into small talks. Ano kaya ang nakain nito? “May pinuntahan sila ng maid niya kaya naiwan muna sa akin ito.”

Umakyat nga ito sa hagdan. Naupo ito sa pasamanong katapat niya. “'Eto na ang lalagyan mo. Salamat.”

Isinenyas niyang ipatong na lang iyon sa pasamano. “Did you enjoy the food?”

“Hindi ako mahilig sa mga pagkaing piniprito.”

Ang lakas talagang magpabagsak ng self-esteem ng isang ito. “So, si Jagger lang pala ang nakinabang ng ulam na ibinigay ko sa 'yo?”

“Tumikim din naman ako.”

“Are you always like this?”

“Like what?”

“'Yang ganyan na may pagka-rude ka nang kaunti.”

“Ano ba ang mas nakakainis, 'yong pagiging rude ng isang tao o 'yong pagiging ipokrito?”

“Kaipokrituhan ba namang matatawag kung magiging magalang ka sa kapwa mo?”

“Paggalang ba naman 'yong sabihin na kinain ang isang bagay kahit hindi naman, para lang matuwa ang nagbigay n’on? Kung ayokong makipagkuwentuhan sa isang tao, rude na ba akong matatawag kapag sinabi kong ayaw ko?”

May katwiran naman sana ito kahit papaano. Kaya lang, hindi ba nito naiisip na maaari namang tumanggi sa isang bagay sa paraan na hindi makasasakit sa loob ng taong tinatanggihan? “You can show some tact and decline politely, though.”

Nagmistulang isang binatilyo ito na nagrerebelde. Kumunot ang noo nito. “Ito ako, eh. Ganito ang natural na ugali ko.”

Pinigilan niyang mapailing habang nakatitig dito. Bakit ba kahit na pinangangatawanan nito ang pagiging antipatiko ay gustung-gusto pa rin niyang tingnan ang kabuuan nito? Gustung-gusto niyang titigan ang magaganda ngunit malulungkot na mata nito. “I bet wala pang nakapagsabi n’on sa mga taong nakakasalamuha mo.”

Sinulyapan lang siya nito, kunot pa rin ang noo.

“Wala sigurong naglalakas ng loob na sabihing medyo rude ka.”

Hindi ito sumagot.

“Buhay pa ba ang parents mo?” tanong niya rito nang humaba ang katahimikan sa pagitan nila.

“Patay na ang mama ko. Ang ama ko naman... well, hindi ko alam kung buhay pa siya.”

“Hindi n’yo ba nakasamang mag-ina ang papa mo noon?”

“I never met him. Wala akong kilala sa side niya.”

Parang napakalungkot yatang hindi makilala ng isang tao ang kalahati ng kanyang pagkatao. “I see.” Tinapik niya ang binti ni Lester nang kumilos ito.

“I don’t think so.”

Napaangat uli ang tingin niya kay Salvador. “Did I miss something?”

“Sigurado akong hindi mo alam kung ano ang sinasabi mong ‘I see.’ Hindi naanakan lang ng ama ko ang aking ina. She was raped at ako ang bunga. And she hated me for that.”   

HINDI kaagad nakaimik si Robielle sa ipinagtapat ni Salvador. Hindi na siya magtataka kung bakit lumaki itong bitter, cynical at magaspang.

“Aalis na ako.”

Saka pa lang siya nakawala sa pagkagulat. “Wait! Huwag ka munang umalis. Magkuwentuhan pa tayo.”

Ilang saglit na tinitigan siya nito, tila inaarok kung sinsero ang sinabi niya. Sumilay ang isang nangungutya na ngiti sa mga labi nito. “Bakit, mahilig ka ba sa mga pangit at brutal na kuwento?”

“Siguro, oo. 'Yon ba ang gusto mong isagot ko?”

Mukha namang hindi nito inaasahang iyon ang isasagot niya. “Pangit ang kuwento ng buhay ko. Ikaw na lang ang magkuwento. Sabihin mo nga sa akin, how come na ang isang maganda at sexy na katulad mo ay nag-iisa sa tahimik na islang ito?”

Sinikap niyang ikubli ang kumakawalang ngiti sa mga labi niya. Kahit mababaw na ma-flatter siya sa sinabi nito pero ganoon nga ang nangyari. Na-flatter siya at kinilig pa. “Do you find me attractive?”

Kumunot na naman ang noo nito. “Talaga bang kayong mga babae, gustong marinig sa aming mga lalaki na attractive kayo? Hindi n’yo ba napapansin sa salamin kung masarap kayong titigan o masakit sa matang tingnan?”

Napangalumbaba siya. “Hay, Salvador, kakaiba ka ngang talaga. Why can’t you just pay a woman a simple compliment if she deserves it? Kailangan bang kontrahin mo lagi ang mga sinasabi ko? Kailangan mo bang maging guarded sa lahat ng lalabas na salita sa bibig mo?”

“Sinasabi mong kakaiba ako pero ikaw rin naman, ah,” napapailing na sabi nito. “Ikaw pa lang ang babaeng ganyan mag-react sa akin.”

Hindi naman siya naapektuhan ng sinabi nito. Para pa ngang ikinatuwa niya iyon, na kakaiba siya sa mga babaeng nakasalamuha na nito. “I bet, lahat ng mga babaeng na-meet mo, tiklop ang mga tuhod kapag inilabas mo na 'yang "charm" mo.” 

Napangiti ito, sa kanyang panggigilalas. Dahil guwapo nga palang talaga ito kapag ngumingiti. “Ikaw naman, sobrang discreet mo naman kung purihin ako,” tonong nang-uuyam na sabi nito bagaman nangingiti pa rin.

“At least, napansin mo ako. Iyon lang naman ang importante sa akin,” prangkang sagot niya rito.

Nawala ang ngiti nito at tumayo na. “Kailangan ko na talagang umuwi. Hindi mo mapapatulog nang maayos si Lester habang narito ako.”

“Kumusta na ang paa mo?” pag-iiba niya ng paksa upang pigilan pa ito. “Masakit pa ba?"

“Hindi na,” tugon nito bago siya talikuran. Nagpatuloy pa rin ito sa pagbaba sa hagdan.

Kahit paano, masaya na rin siya sa naging pag-uusap nila ni Salvador. Atubili pa rin itong magkuwento sa kanya. Ngunit nagawa niyang magbukas ito ng sarili kahit bahagya.

Alam niyang marami pa siyang matutuklasan sa pagkatao nito. Sisiguruhin niya na bago matapos ang bakasyon nito sa isla ay magbubukas pa ito ng sarili sa kanya.

Bumaba na siya ng swing. Binuhat niya si Lester at ipinasok ito sa silid niya. Mukhang napaka-elusive ng magiging ninong mo, Lester.

Napangiti si Robielle. Kung maririnig lang ni Dina ang laman ng isip niya nang mga sandaling iyon, tiyak na sasabihin nitong nagiging ilusyunada na siya.

Mag-aalas-kuwatro na ng hapon nang dumating sina Dina at ang maid nito. “You look different, you know,” puna kaagad ng kaibigan sa kanya.

“Different? Ano naman ang maiiba sa akin?” Dati na niyang isinusuot ang floral-printed wraparound skirt na may malaking slit sa gitna ng hita.

“Basta,” nakatingin pa rin sa kanya na sabi nito. Pagkatapos,q naging mapanudyo na ang hitsura nito. “May pinagpapagandahan ka na rito, ano?”

“Dina!”

“Bakit, napapansin ka na ba niya? Nakapag-drill ka na sa makapal na pader niya?”

“Niya?”

“'Tsus, kunwari ka pa riyan na hindi mo alam kung sino ang tinutukoy ko. Iisa lang naman ang lalaking bagong salta rito sa isla. Ang ilang kalalakihan naman dito, kung hindi may asawa na, hindi mo naman type.”

“Ikaw talaga.” Hindi na lang niya pinatulan ang panunudyo ni Dina. Kung magkukuwento man siya rito, gusto niya iyong tiyak na nagiba na nga niya ang mga depensa ni Salvador sa pamamagitan ng kanyang charm. 

Doon na siya naghapunan kina Dina. May mga pagkaing dala ang mga ito mula sa isang kilalang restaurant sa Burgos. Paalis din daw ang mga ito mamayang hapon. Hihintayin lang daw ang ferryboat ni Mang Fil at aalis ang mga ito paluwas ng Maynila. Nakatanggap daw ng tawag si Dina mula sa biyenang babae nito. May sakit daw ang biyenang lalaki nito at gustong makita ang apo. Nagpasya si Dina na dalawin kaagad ang matanda.

Umuwi na siya nang makapaghapunan. Tinapos niya ang iginuguhit na disenyo na nahinto nang mag-babysit siya kay Lester kanina.

Si Salvador pa rin ang laman ng kanyang isip nang mahiga siya. Halatang bitter ang lalaki sa ina nito. Kahit ang ina nito ang nagawan ng masama ay parang mas galit dito si Salvador kaysa sa ama nitong nang-rape. Siguro hindi naging maganda ang pagtrato ng ginang kay Salvador. “She hated me for that,” sabi nga nito.

Nakatulugan na niya ang isiping iyon.

Marahil, ilang oras na siyang tulog nang maramdaman niyang may tumakip sa bibig niya. Bigla siyang napadilat mula sa mahimbing na pagkakatulog. Naalimpungatan palibhasa, ilang saglit muna ang dumaan bago niya nagawang pumiglas sa tao na ngayon ay nakadagan na sa kanya.

Hindi maaninaw ni Robielle ang hitsura nito. Patay ang overnight lamp na iniwan niyang naka-on bago siya mahiga. Walang buwan kaya madilim sa labas.

Sa kabila ng panlalaban niya ay nagawa nitong busalan ng damit ang bibig niya. Pagkatapos ay mahigpit na iginapos nito ang mga kamay niya.

Diyos ko! Diyos ko po, tulungan Ninyo ako! sigaw ng utak niya. Gusto niyang itadyak ang kanyang mga paa ngunit hindi niya magawa. Mabigat ang taong nakadagan sa kanya. Hanggang sa maramdaman na sinuntok siya nito nang malakas sa kanyang sikmura. Napaigik siya sa sakit at nawalan ng malay.

...................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro