1. Prologue

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

BRAVEHEART 24-Xavier Escuadro (Gorgeous Reprobate)

Prologue

Bitbit ni Xavier ang maliit na kahon na pinaglalagyan ng kanyang mga trumpo nang lumabas siya ng bahay. Patalun-talon pa siya habang patungo sa plaza.

Biyernes noon, walang pasok ang lahat ng grade four pupils dahil nasa Central ang kanilang mga guro. May academic competition na gaganapin doon kasama ang mga piling kaklase niya.

Inaasahan niya na nasa plaza na ang iba niyang mga kaklaseng lalaki. Nakaugalian na nilang maglaro sa plaza kapag walang pasok. Napaaga marahil siya ng dating dahil wala pa ang mga ito.

Sa halip, ang naroon ay isang batang babae na ang ayos at gayak ay parang ipanreregalo. May malaking ribbon ito sa harap ng magandang pulang damit nito. May ribbon din ito sa tuwid na buhok na hanggang siko ang haba. Nilalaro nito ang isang manyika na kumakanta at sumasayaw.

Maganda ito, makinis ang pinkish na balat. Ganoon ang kulay ng balat ng iilang mayayaman na nakikita niya sa lugar nila. Marahil anim o pitong taon pa lang ito.

Inilapag niya sa gilid ng sementadong basketball court ang bitbit niyang kahon. Sinimulan niyang iikid sa unang trumpo ang saté. Pagkatapos ay mayabang na pinawalan niya iyon sa semento.

Nasa pangalawang trumpo pa lang siya nang lapitan siya ng batang babae. Tumanghod muna ito at pinanood ang ginagawa niya.

"Ako rin," sabi nito pagkatapos niyang pawalan ang pangatlong trumpo.

"Naku, huwag na. Hindi ka naman marunong. 'Tsaka baka masugatan ka pa."

"Bakit ako masusugatan? 'Di naman 'yan kutsilyo."

"Hindi nga 'to kutsilyo pero matalim ang dulo nito. Nakikita mo ba 'to?" aniya, saka inilapit pa rito ang dulo ng trumpo na noon ay iniikiran niya ng saté. "'Pag nagkamali ka ng hagis at umakyat sa paa mo ang trumpo, butas 'yan. Ang nipis-nipis pa naman ng balat mo."

Sumimangot ito at tiningnan siya nang masama. "Eh, di turuan mo 'ko."

"Ayoko nga. Mamaya, mapagalitan pa ako ng nanay mo kapag nakitang ipinapahawak ko sa 'yo 'tong trumpo."

"Mommy ko 'yon."

"O, kita mo na, 'mommy' pa ang tawag mo. Ibig sabihin, mayaman kayo. Hindi 'yon papayag na maglaro ka ng larong pangmahirap."

Tiningnan siya nito na parang hindi naintindihan ang sinabi niya. "Sige na. Sa 'yo na lang 'tong doll ko 'pag tinuruan mo 'ko."

Tinawanan niya ito. "Ano naman ang gagawin ko sa manyika mo? Hindi naman ako bakla."

Kinulit pa rin siya nito. Hindi na lang niya ito pinansin. Nagpatuloy siya sa paglalaro hanggang mapawalan na niya ang anim na trumpo.

Sa inis yata nito na hindi niya napagbigyan ay pinagtatapakan nito ang mga trumpo niya na kaagad nagsihinto.

"Bakit mo ginawa 'yon?" naaasar na sita niya sa batang babae.

Hindi ito kumibo. Nakasimangot pa rin ito at masama ang tingin sa kanya.
Kinuha na lang niya ang mga trumpo niya at inilagay uli iyon sa kahon. Hindi pa siya nakakatayo nang sipain nito ang kahon niya. Nagtalsikan sa iba't ibang direksiyon ang mga trumpo niya.

Galit na hinarap niya ito. "Bakit ka ba naninipa ng laruan? Hindi naman sa 'yo 'to."

"Turuan mo na kasi ako!" pasigaw na sabi nito sa kanya.

Kung hindi lang siya tinuruan ng nanay niya na huwag mananakit ng babae, nasapak na niya ang maangas na batang ito. Pinulot uli niya ang mga trumpo niya. Lalayo na lang siya rito.

"Ang yabang-yabang mo!" pasigaw na sabi naman nito sa kanya nang paalis na siya. "Bingot ka naman! Ang pangit-pangit mo! Bingot! Bingot! Bingot!"

Nag-init ang mukha ni Xavier. Parang nag-akyatan ang lahat ng dugo sa ulo niya. May cleft lip nga siya ngunit noon pa, wala namang tahasang nanunukso sa kanyang bingot siya.
Lalo siyang nagalit nang marinig niyang nagsipagkantiyawan na rin ang mga kaklase niya na noon ay nagsidating na.

"Xavier, bingot! Xavier, bingot!"

Nang tingnan uli niya ang makulit na bata ay nakabelat pa ito sa kanya.
Hindi na siya nakapagpigil. Alam niyang isang malakas na yugyog lang niya rito, tiyak na masisindak niya ang sutil na bata. Nilapitan niya ito at akmang hahawakan pa lang sa magkabilang braso nito nang bigla siyang makarinig ng malakas na boses.

"Alexis! Ano'ng ginagawa mo diyan na bata ka?"

Hindi na niya naituloy ang balak. Nalingunan niyang palapit na sa kanila ang isang babae.

"Bingot! Bingot! Bingot!" sabi na naman ng batang tinawag na "Alexis" ng babae.

Sinaway ito ng babae ngunit patuloy pa rin ito sa pambubuska hanggang sa makalayo na ang mga ito.

Hinayang na hinayang siya na hindi man lang siya nakaganti sa sutil na bata. May araw ka rin!

.....................

Chapter 1

“Mommy, tumawag kanina si Tita Delilah. Itinatanong niya kung bakit two weeks ka na raw hindi uma-attend sa mahjong sessions nila,” sabi ni Alexis sa kanyang inang si Guada.

Kadarating lang ng mommy niya. Nitong mga huling araw madalas na umaalis ito tuwing hapon. Hindi niya alam kung saan nagpupupunta ito. Ang akala niya, nasa bahay lang ito ng mga amiga at nakikipag-mahjong.

Iyon ang madalas gawin nito mula nang iwan sila ng kanyang ama mag-iisang taon na ang nakararaan.

“Hindi na ako nagma-mahjong ngayon.”

Nilingon niya ito mula sa pagne-nail file niya. “Bakit, 'My? Wala ka nang pang-mahjong?”

“Hindi lang dahil do’n. Wala na akong ganang mag-mahjong.”

Nanlaki ang mga mata niya. Himala! Samantalang nakalakhan na niyang mahjong-era ito. Nagka-casino pa nga ito dati. Kaya nga ito hiniwalayan ng kanyang ama ay dahil sa dalawampung taon na pag-a-abroad nito ay wala man lang naipundar na kabuhayan ang kanyang ina. Ang bahay na tinitirahan nila ay sa lolo niyang namatay. Ang dating bahay naman nila ay maliit lang at bigay pa ng lolo’t lola niya sa father side. “Bakit naman kayo nawalan ng ganang mag-mahjong, eh, kasama na sa lifestyle mo 'yon?”

“Busy na ako sa mga Bible study na kino-conduct ni Mrs. Leynes.”

Dobleng himala! “Bigla yata kayong nahilig diyan. Samantalang dati, panay pa ang alibi n’yo kay Mrs. Leynes tuwing yayayain niya kayo.”

“Gano’n talaga, Alexis. Isang araw, kapag nakita mong wala na ang lahat sa 'yo, saka ka lang matututong magbukas sa pagkatok ng Diyos.”

Nagbago na nga yata ito. Dati, corny para dito ang mga ganoong topic. Hindi na lang siya umimik. Baka pati siya ay imbitahan nito sa Bible study. Malamang na umusok lang ang kaluluwa niya roon.

Napangiti siya sa naisip. Bahala ito kung gusto nitong sa mga ganoong aktibidad. Basta huwag lang siyang pakikialaman nito.

TATLONG magkakapatid sina Alexis. Ang Kuya Miko niya ay maagang nag-asawa. Ang pamilya nito ang tumitira sa dati nilang bahay. May asawa na rin ang Ate Regine niya na sumunod dito. Kaya siya na lang at isang katulong ang kasama ng kanyang ina.

Malaking pagbabago ang hatid sa kanila nang iwan sila ng kanyang ama. Lahat sila ay umaasa rito. Ngunit sa isang iglap ay nahinto ang pagpapadala nito ng pera sa kanila.

Natutong mag-buy and sell ng mga alahas ang kanyang ina. Siya naman ay napilitang tumanggap ng modeling jobs.

Foreign Service ang kursong tinapos niya. Ngunit katulad ng marami sa populasyon ng Pilipinas ay wala siyang makitang trabaho. Kung mayroon man, hindi naman niya gusto.

Ang totoo, kaya iyon ang napili niyang kunin sa kolehiyo ay dahil sa boyfriend niya noon na isang piloto. Bago naman niya mapangalahati ang kursong iyon ay nag-break na sila ng boyfriend niya.

Tungkol naman sa kanyang ama, malaki ang hinala niya na nakahanap lang ito ng ibang babae na ipapalit sa kanyang ina kaya sila iniwan nito. Dahil matagal naman na nitong alam na mahjong-era ang kanyang ina. Nakatagal naman itong magsustento sa kanila nang walang palya. Kapag umuuwi ito sa Pilipinas para magbakasyon, hindi naman pinag-aawayan ng mga ito ang pagsusugal ng kanyang ina. Kung talagang napundi nga ito sa pagkasugarol ng kanyang ina, bakit hindi pa noon ito humiwalay? Bakit kung kailan dalawampung taon muna ang dumaan?   

MAYAMAYA lang ay muling tumunog ang telepono. Si Ava ang tumatawag kay Alexis. Ito ang baklang production assistant sa advertising agency kung saan kasalukuyang may project siya.

“Lola, naiwan mo rito 'yong jacket mo,” anito sa kanya. “Malamang na nadala mo 'yong chaleco na isinuot mo kahapon sa pictorial. Nahilo na ako kakahanap pero hindi ko makita.”

“Nadala ko nga,” sagot niya. “Dadalhin ko na lang diyan 'pag may bagong project uli.”

“Ano? Hindi puwede. Kailangang maibalik mo kaagad 'yon dito. Ako ang papagalitan ni Mama Monchang,” anitong ang tinutukoy ay ang superior nito.

“Alangan namang pumunta pa ako riyan para dalhin lang 'yon."

“Eh, dapat lang naman na dalhin mo. Ikaw ang may kasalanan kung bakit wala 'yon dito. Ikaw ang nakadala n’on, hindi naman kami.”

“Ava, naman. Papupuntahin mo talaga ako riyan para lang dalhin 'yon? Ang liit-liit na nga ng ibinigay n’yong TF sa akin, 'tapos magsasayang pa ako ng perang pan-taxi.”

“Aba, hindi ko na problema 'yon. 'Sabi ko nga, ikaw naman ang nagkamaling iuwi 'yon.”

Nagpatuloy sila sa pagtatalo. Nagpatuloy rin naman siya sa pagmamatigas. Sa bandang huli ay sumuko rin ito. Ito na raw ang kukuha ng chaleco sa kanila.

“Antipatikong baklang 'yon,” nakasimangot na sabi niya nang maibaba na ang telepono,
“kaimbiyerna!”

“Sino na naman ba ang kaaway mo?” tanong ng kanyang ina.

Napansin niyang hindi pa rin ito nagpapalit ng damit-pambahay. “May pupuntahan pa ba kayo, 'My?” usisa niya imbes na sagutin ito.
“Dadaanan daw ako rito ni Mrs. Leynes. Sasamahan niya ako sa buyer ng kotse ng lolo mo.”

Napalapit siya rito. “Akala ko ba, sabi n’yo, hindi ibebenta 'yon?” Ilang buwan na ang nakararaan ay nauna nang naibenta ang van nila na ang kanyang ama pa ang bumili.

“Naisip ko kasi na hindi naman maso-solve ng sentimental value ang mga pangangailangan natin. Tutal naman, sira na ang kotse. Gagastos pa tayo para lang mapaandar uli iyon. Mabuti nang ibenta na lang para mapakinabangan pa.”

Ayaw rin naman niyang maibenta iyon. Mawawalan na ng laman ang garahe nila. Kahit hindi iyon umaandar, at least, masasabi pa rin na may kotse sila kung nasa garahe lang iyon. “May utang na naman ba kayo, Mommy?”

“Kaunti lang. Pero kailangan ko ng dagdag na puhunan para makapagdagdag pa ako ng ibebentang alahas.”

Mayamaya pa ay may nag-doorbell. Malamang na si Mrs. Leynes na iyon, kaya iniwan na siya ng kanyang ina.

Natuloy ang pagbebenta ng dating kotse ng lolo niya. Ngunit dahil sira iyon ay maliit lang ang napagbentahan.

Naiinis siya sa nangyayari sa kanila. Dati-rati, hindi nila pinoproblema ang pera. Ngayon ay kailangan pa niyang magtrabaho para kumita lang ng panggastos niya.

Kahit paano, nabawasan ang panghihinayang niya sa naibentang kotse. Maraming nabiling alahas ang kanyang ina. Binigyan pa siya nito ng anklet na white gold.

“TALAGA? May business ang parents mo sa Iloilo?” interesadong sabi ni Alexis kay Geoff. Isang modelo rin ito na nakilala niya nang magkasama sila sa isang project. Nagsisimula na silang mag-date nito.

Guwapo ito. Masarap itong kausap. Gusto niya ang malambing na Ilonggo accent nito. Ngunit ang talagang dahilan kung bakit siya pumayag na makipag-date dito ay dahil mayaman ito. Kung sakaling ma-develop siya rito at maging maayos ang magiging relasyon nila, secured na siya kapag nakasal sila.

“Oo. Nag-e-export kami ng prawn sa Japan at Korea. In fact, may prawn processing plant kami sa Iloilo. Hindi kasi puwedeng i-export ang prawn na may ulo. Kaya pino-process muna,” paliwanag pa nito.

“Eh, bakit ang layo ng ginagawa mo ngayon sa nature ng business mo?”

“Gusto ko kasi talaga rito sa Manila. Besides, hindi business ang forte ko. Art ang leaning ko kaya umalis ako sa amin. Gusto kong i-explore ang mga possibilities sa napili kong field.”

“Ano’ng sinabi ng parents mo sa 'yo nang umalis ka sa inyo? Hindi ba sila nagalit?” Importante sa kanya iyon dahil baka sa ginawa nito ay matanggalan ito ng mana. Wala siyang balak na makapangasawa ng isang lalaking mayaman lang sa pangalan.

“Siyempre, ayaw nila na umalis ako. Pero nirerespeto naman ng parents ko ang desisyon ko. In fact, si Daddy pa nga ang kumuha ng condo unit para sa akin.” 

“Mabuti ka pa, supportive ang pamilya mo sa 'yo.”

“Bakit, hindi ba gano’n ang pamilya mo sa 'yo?”

“Well, si Mommy, lately hindi na niya ako nina-nag. Ang mga kapatid ko naman, wala lang. Hindi naman sila nakikialam sa akin. May sariling pamilya na kasi sila. Pero si Daddy, he just disappeared from the picture. Iniwan niya kami.”

Nahalata niyang ikinagulat nito ang sinabi niya. “Hiwalay na ang parents mo?”

“Dati naman na silang hiwalay, kasi nga sa abroad nagtatrabaho si Daddy. Kapag naman magbabakasyon siya, sa amin pa rin umuuwi. Pero last time na umuwi siya, nagalit siya nang todo sa mommy ko. Kaya 'ayun, nakipaghiwalay na siya kay Mommy.”

“I’m sorry.”

“Okay lang. Tanggap na namin.”

“You’re saying na dalawa na lang kayo ng mommy mo sa bahay?”

“Tatlo pati 'yong maid namin.”

“And your mom’s working?”

“May business siya. Nagba-buy and sell siya ng mga alahas.”

Tumangu-tango ito. “One time, ipakilala mo rin ako sa kanya. Gusto kong pati sa pamilya mo, maging malapit ako.”

“Sure.” Kulang na lang na mapapalakpak siya. Umaayon sa kanya ang takbo ng mga pangyayari. Talagang kailangan na maging malapit sila para matupad ang mga plano niya. This is nice, really, really nice.

“OFF NI Elsa ngayon, Alexis. Kaya mamaya, kung aalis ka, i-lock mong mabuti ang mga pinto,” habilin ng kanyang ina sa kanya. Paalis ito upang maningil ng mga pautang.

“Paano naman ako aalis, eh, puyat na puyat ako?” masama ang loob na sabi niya sa kanyang ina. Isang designer na amiga kasi nito ang nag-conduct ng gala benefit show at isa siya sa mga kinuhang modelo. Inabot ng madaling-araw ang show ngunit napakaliit naman ng ibinayad sa kanya.

“Nasanay lang ako na every other day nagkikita kayo ni Geoff.” May dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang ipakilala niya si Geoff dito.
“Kahapon, hindi kayo lumabas. Kaya akala ko, ngayon ang date n’yo.”

“Maaga pa, Mommy. Mamayang gabi pa dapat ang date ko, if ever.” Akala niya ay hindi nito napapansin ang madalas na pagkikita nila ni Geoff lately.

“O siya, sige, matulog ka na. Malaki na nga ang mga eye bags mo.”

Naalarma naman siya sa mga sinabi nitong iyon. Naghanap kaagad siya ng salamin at sinuri ang mga mata niya. Medyo nangingitim lang ang ilalim ng mga iyon pero wala namang eye bags.

Ngunit upang matiyak na hindi lilitaw ang depektong sinabi nito ay humiwa siya ng dalawang pipino. Bago siya matulog ay inilagay niya iyon sa magkabilang mata niya.

Kahihiga pa lang ni Alexis nang tumunog ang Message alert tone ng cell phone niya. Naiinis na tinanggal niya ang mga pipino sa mga mata at binasa ang text. Kay Geoff pala galing iyon. Itinatanong nito kung busy siya.

Napilitan siyang sagutin ang text nito. I’m sleepy. Kakauwi ko lang. I’ve been to a gala show.

What about your mom? Nandiyan ba siya?

Umalis siya. I’m alone but I won’t be a good company. Puyat talaga ako. Bukas na lang tayo magkita.

Okay, see you tomorrow. Sleep well. Dream of me. Tsup!

Napangiti siya. Ini-off niya ang volume ng text at ringing tone ng cell phone niya. Pagkatapos ay ibinalik niya sa mga mata ang dalawang hiwa ng pipino. Hindi na niya nahintay ang limang minuto para alisin iyon sa mga mata niya. Sa sobrang antok ay nakatulugan na niya ang mga pipino.

Kasarapan ng tulog niya nang gulantangin siya ng boses ng kanyang ina. “Alexis, nanakawan tayo!”

......................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro