10. Another Chance

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“You mean, posibleng si Ate Sarah ang talagang nakita noon ni Jaime at hindi ako?” sabi ni Jade kay Élan.

“Ninety percent possible. Dahil kung ikaw talaga 'yong supposedly tinawag niya no’ng time na 'yon, dapat lilingon ka man lang. Eh, dumaan pa siya sa harap mo. Sobrang pagkuha na ng attention 'yon para hindi mo siya mapansin. 'Yon eh kung talagang ikaw nga ang nakita niya.”

Naalala na niya ang salita na ginamit ni Jaime noon nang sabihin nito sa kanya na: “Dumaan pa ako sa harap ninyo. Binale-wala mo lang ako.” Ang nasa isip niya noon, ang “ninyo” na tinutukoy nito ay ang kanyang mga magulang at ang dalawa pa nilang kasama. Posible nga rin palang isang lalaki ang tinutukoy nito na kasama niya. Na sa aktuwal ay hindi nga siya kundi ang panganay niyang kapatid. Kaya pala bigla na lang nanlamig sa kanya si Jaime.

At marahil ang kapatid din niya ang nakita ng kumare ng mommy niyang may kasamang lalaki sa Eden Nature Park noon. Inakala lang nito na siya iyon dahil magkamukha talaga sila ni Ate Sarah. Napagtatagni-tagni na niya ang mga pangyayari.

Nabuhay ang munting pag-asa sa dibdib niya sa sinabing posibilidad ni Élan. “Pero paano ko 'yon mapapatunayan sa kanya?”

“Simpleng-simple lang, Ate. Isama mo sa kanila 'yong mag-asawa.”

“Baka kasi ipagtabuyan na naman ako ni Jaime, madamay pa sina Ate Sarah at Kuya Harmon.”

Napangiti ito na tila may napakagandang ideya na naisip. “Well, tingnan natin kung hindi siya maturete sa naiisip ko.”

“DADDY, kailan mo po papayagan na puntahan ako dito ni Tita Jade?”

Nagtagis ang mga bagang ni Jaime pagkarinig sa pangalang binanggit ni Jimmel. Kailanman hindi niya mapapayagan ang babaeng iyon na makalapit sa bata.    

“Nami-miss ko na siya, Daddy. Wala na akong kasama na magpalipad ng kite. Okay na sana, naalis na ngayon ang semento sa braso ko. At saka magpapaturo ako sa kanyang mag-drawing ng ibon.”

“Hindi na siya babalik dito.” Nilapitan niya ang bata at kinalong ito. Nakapagtataka na sa maikling panahon ay napalapit nang husto ang loob nito kay Jade. Samantalang siya...

“Babalik pa siya kung papayag ka lang. Bakit ba po kasi galit ka sa kanya? Ang bait-bait nga ni Tita Jade, eh. Mahal pa niya ako.”

“Kalimutan mo na siya, Jimmel. Hindi tayo ang talagang mahal niya.” Nanumbalik sa isip niya ang araw na nakita niyang may nakaakbay na lalaki kay Jade. Nakita niya kung paanong buong lambing na nakatitig ito sa lalaking iyon.

Napabuntong-hininga siya. Ngunit hindi napaluwag niyon ang pagsisikip ng dibdib niya tuwing maaalala ang ginawa ni Jade.

“Hindi po totoo 'yan.”

Noon lumapit sa kanila si Ming. “Sir, may naghahanap po sa inyo.”

“Sino?” Umalis na sa pagkakakalong niya ang bata.

“Eh, Sir, ang mabuti pa po, kayo na lang ang makipag-usap sa kanila. Ayaw pong umalis.”

Naguluhan siya sa statement ng maid kaya iniwan na lang niya ito at nagtungo siya sa pinto. Para lang makita roon si Jade at ang lalaking nakita niya noon na kaakbay nito.

Pakiramdam niya ay umakyat ang dugo niya sa kanyang ulo. “Ano’ng ginagawa mo rito?” galit na tanong niya sa babae.

“I’m sorry,” tila nagulat na tugon nito. “‘Sarah’ ang pangalan ko at ito naman si Harmon, asawa ko.”

Lalo lang naningkit ang mga mata niya. “Ano bang kalokohan ang pinagsasasabi mo?”

“I suppose na ikaw si Jaime?”

Nang banggitin nito ang pangalan niya ay saka pa lang niya nai-focus nang mabuti ang pansin sa mukha nito. Parang hindi ito si Jade. Iba ang hubog ng mukha nito. At iba rin ang galaw ng bibig nito kapag nagsasalita.

“Kapatid ako ni Jade. Hindi niya alam na nagpunta ako dito ngayon. Naaawa na kasi ako sa kanya, isip nang isip kung bakit mo siya biglang pinalayas. At kaya kami nagpunta dito ng asawa ko ay para tiyakin ang isang bagay...”

SANDALING iniunat ni Jade ang nangangalay na kamay niya. Kasalukuyan siyang nasa fish farm na pinuntahan nila noon ni Jaime sa Tantangan. Apat na araw na siyang pumupunta roon para iguhit ang cottage sa fishpond kung saan sila nanatili noon.

Hindi siya makapagpinta ng ibang bagay. Nawalan na siya ng ganang gumuhit at lumikha ng obra. Ngunit ang mga bagay na may kaugnayan sa kanila ni Jaime ay malayang naiguguhit ng kamay niya. Kahit pa nga inaalipin siya ng pangungulila sa mag-ama.

Malapit nang matapos ang iginuguhit niya. Marahil ay isang araw na lang siyang babalik doon.

“Napakaganda. Pero may kulang.”

Napapihit siya sa biglang nagsalita sa kanyang likuran.

Hindi siya makapaniwala sa nakita. Naroon at nakatayo si Jaime. Wala na ang galit sa mga mata nito. Lungkot na ang humalili roon. At pagsisisi.

“I won’t blame you. Sa akin man siguro nangyari ang ginawa ko sa iyo, hindi ko rin maiisip man lang na ipinta ka pa sa obrang gagawin ko.”

“Jaime—”

“I’m sorry, Jade. Hindi siguro sapat 'yon lang ang sabihin sa kasalanang nagawa ko sa iyo. Hindi rin kita masisisi kung nasusuklam ka na sa akin ngayon. Pero sana, dumating ang panahon na makapa mo sa puso mong patawarin ako.”

Wala siyang maisagot dito kundi bahagyang tango. Marami siyang gustong sabihin ngunit parang nagkabara ang lalamunan niya sa pagsulpot ng panibagong pag-asa.

“Hindi ko anak si Jimmel...”

Umawang ang bibig niya sa narinig. Bakit napunta doon ang topic nila?

“Niloko si Mariel ng tunay na ama ng bata. Pinakasalan ko siya noon para bigyan ng pangalan ang dinadala niya. Masakit sa ego kong gawin iyon. Puwede naman akong pumili ng babaeng the best na sa standard ng tao. Pero dahil mahal na mahal ko si Mariel, tinanggap ko pati ang bunga ng pagkakamali niya.”

Kaya pala napapansin niya na may mga pagkakataon na parang hindi nito mahal si Jimmel.

“Pero alam kong kahit matagal na kaming nagsasama, mahal pa rin niya ang tunay na ama ni Jimmel.

“Kaya nga nang mamatay siya sa aksidenteng iyon, sumumpa ako sa aking sarili na kung magmamahal uli ako, sisiguruhin kong ako na ang talagang mamahalin ng babaeng pipiliin ko.

“And then you came...” dugtong nito. “Hindi pa ako handang kalimutan si Mariel ay in-invade mo na ang sistema ko. Gano’n naman talaga. Hindi pinaplano ang pagmamahal. Kusa lang na dumarating iyon. And it’s hard not to fall for you. Akala ko, sa pagkakataong ito, wala na akong magiging problema.

“Pero minsang umalis ka para dumalaw sa puntod ng kapatid mo, nakita kitang may kausap na lalaki sa KCC Mall. Akala ko noon, idinahilan mo lang ang pagdalaw sa memorial park. Akala ko, ang totoong dahilan mo ay para makipagkita lang sa lalaking iyon. Lalong lumalim ang pagdududa ko nang makita kitang kaakbay ang lalaking iyon sa Morales nang huli kang umuwi sa inyo.”

“Pero wala namang ibang lalaki sa buhay ko kundi ikaw lang,” protesta niya

“I know that now. Salamat kay Sarah.”

“Kilala mo ang kapatd ko? Kailan kayo nagkita ni Ate Sarah?”

“Kahapon lang kami nagkakilala. Kahapon ko lang din na-realize ang malaking pagkakamali ko. I thought, on two occasions, it was you I saw. Iyon pala’y si Sarah ang nakikita kong may kasamang lalaki at hindi ikaw.

“Parang gusto kong pumatay noon. I felt cheated. Dahil sa ikalawang pagkakataon, hindi ko na naman maaangkin nang buung-buo ang babaeng mahal ko. At ang lalong masakit, alam ko na gaano man kita kamahal, ipagpaparaya kita sa taong higit na mahal mo.

“Mabuti na lang pala, mali ako...” Inilibot nito ang tingin sa paligid. Para bang hindi nito kayang isaboses ang kung ano pang nais sabihin. “Hindi naman ako nagmamadali. Handa akong maghintay hanggang sa mawala na ang galit mo sa akin. Hanggang matutuhan mong patawarin ako.

“Hindi muna ako magpapaalam, Jade. Dahil makikita mo pa ako. I’ll just bide my time for a while...” Tumalikod na ito.

Ibig niyang pigilin ito pero hindi pa rin niya magawang magsalita.

“Hanggang sa handa ka nang pakinggan na mahal na mahal na kita.” Napakahina lang ng pagkakasabi niyon ni Jaime, kaya parang nagduda pa siya kung iyon nga ang talagang sinabi nito.

“K-kaya pala hanggang sa panaginip, pangalan pa rin ni Mariel ang binabanggit mo,” pasumbat na sabi niya nang sa wakas ay mapilit niya ang sariling magsalita.

Napahinto ito sa paglalakad at muling humarap sa kanya. “Mahal ko siya noon. Pero nang akalain ko na ikaw ang nakita kong inaakbayan ng lalaking iyon, sobrang sakit ng kalooban ang naramdaman ko. I realized na mahal na pala kita. And if it will give you any consolation, hindi naman ako natahimik mula nang palayasin kita. Nagagalit ako sa iyo pero hinahanap-hanap kita.”

“Eh, bakit ngayon, iiwan mo pa ako dito?”

Napahakbang ito palapit sa kanya. “H-hindi ka na galit sa akin?”

“Hindi na. Pero kapag tinanggihan mong pakasalan ako, magagalit na naman ako sa iyo.”

Natawa ito at kapagkuwan ay niyakap siya nang mahigpit at bumulong. “Do you really love me enough to marry me?”

“I do.”




Epilogue

“Mag-merienda muna kayong dalawa!” tawag ni Jade kina Jaime at Jimmel. Naglalaro ng badminton ang mga ito sa katapat na parang.

Natutuwa siya na sa loob ng walong buwan na pagsasama nila ni Jaime naging malapit na ang dalawa sa isa’t isa. Mula nang ikasal sila ay hindi na niya nakita ang dating masungit na Jaime.

Ang totoo, sa kalambingan at kabaitang ipinakikita nito ngayon, hindi na niya makilala ang dating ito.

Sa kabilang banda, si Jimmel ay naging malapit na kay Jaime. Hindi na nila sinabi rito na hindi ang huli ang tunay na ama nito. Nais ni Jaime na pangatawanan na ito na ang makikilalang ama ng bata. Saka na lang daw nila ipagtatapat dito ang totoo kapag nasa wastong gulang na ito.

Wala siyang nakitang pagtutol kay Jimmel nang siya ang pakasalan ni Jaime. Sabi pa nito sa kanya noon: “Sinagot na po ni God ang prayer ko, Tita. Pinabalik niya ang mommy ko at ikaw 'yon. Nag-iba lang ang mukha niya.”

Naluha siya nang sabihin iyon sa kanya ng bata. Totoo nga pala na kapag nag-invest ng tapat na pagmamahal ang isang tao ay aani rin ng pagmamahal.
Katulad na lang ng pagmamahal na ibinibigay rin sa kanya ng mag-ama. “Mommy” na ang tawag sa kanya ni Jimmel.

Kahit na magkasukob sila sa taon ni Élan nang magpakasal ay hindi tumutol ang kanyang mga magulang. Wala raw malas at suwerte sa pagpapakasal. Sabi pa ng mommy niya, tinatrabaho raw ang pag-aasawa. Kung naroon daw palagi ang unawaan, respeto at pagmamahal, magiging maganda ang pagsasama ng mag-asawa.

“Wow! Favorite na naman ni Kuya ang inihandang juice ni Mommy,” ani Jaime nang makalapit ang mga ito sa garden set na pinagpatungan niya ng ginawa niyang merienda. Mula nang magbuntis siya ay “kuya” na ang tawag nito kay Jimmel.

“Favorite mo din naman ang fettuccini, Dad, 'di ba?”

“Pero may mas favorite ako riyan,” anitong pilyong sumulyap pa sa kanya.
F
“Ano?” sabay nilang tanong ni Jimmel.

“Mas masarap pa 'yon sa kahit na anong merienda. At napaka-sweet n’on. Super!”

“Ano nga 'yon, Daddy?”

“Hindi ko pa puwedeng sabihin sa iyo. Bata ka pa.”

“Hmp! Para kiss lang 'yon, eh. Alam ko yata.” Pagkasabi niyon ay nilagok na nito ang pineapple-orange juice na isinalin niya sa baso. Hindi nito tinigilan ang pag-inom hangga’t hindi nasasaid ang laman.

“Talaga 'tong anak mo, ang dami nang alam,” reklamo sa kanya ng nakamasid na si Jaime. “'Tingin ko tuloy, hindi lang cartoons ang napapanood ng isang 'to sa TV, eh.”

“Hindi naman sa TV nakakapanood 'yan,” napapangiting sagot niya.

“Eh, saan?”

“Sa 'yo.”

“Tama si Mommy, Daddy. Ikaw kasi, kahit nasaan si Mommy, halik nang halik.”

Natawa na lang sila. Nang malingat ang bata ay hinalikan siya ni Jaime. “I love you, darling,” bulong sa kanya nito, sabay himas sa maumbok nang tiyan niya. “Hindi ako magsasawang sabihin sa iyo 'yan. And you have the—”

“Sweetest lips,” salo niya. “Ilang daang beses mo na pong sinabi sa akin 'yan.”

“At nagsasawa na ba ang maganda kong esposa?”

“Never!” napahagikgik na siya. Ilang nakaw na halik pa ang ginawa nila ni Jaime bago bumalik doon si Kimmel.

¤

Sa lahat po ng sumubaybay sa seryeng ito, maraming-maraming salamat po. Abangan po ninyo ang batch two ng Braveheart heroes. Kayo po ang pinakamalaking inspirasyon ko sa pagbuo ng “Braveheart Series.” Mabuhay po kayo!
       


http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro