2. Enemy's Territory

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“Miss, bitiwan mo na ang kamay ni Yaya,” utos ng lalaki kay Daphne. “Kung ano man ang dahilan ng ipinunta n’yo rito, sa loob na lang ninyo pag-usapan.”

“Naku, maraming salamat, Sir,” nabuhayan ng loob na sagot kaagad ni Reina. Sa narinig ay nabitiwan tuloy niya ang braso ng matanda.

Parang gusto niyang takpan ang bibig ni Reina. Wala siyang balak na pumasok sa loob ng bahay ng mga ito. Paano kung kuta nga iyon ng masasamang-loob? “Rein, s-sa ibang araw na lang tayo bumalik dito.”

“Anong sa ibang araw pa ang sinasabi mo? Pinapapasok tayo sa loob. Halika na.”

Wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa kaibigan. Isa pa, napapagitnaan siya nito at ng matangkad na lalaki sa kanyang likuran.

Isang katamtaman ang laking sitting room ang pinagdalhan sa kanila ng matandang babae. Ngunit ang matangkad na lalaki ay nawala na. Hindi na ito sumama sa kanila roon.

Inulit ni Reina kay Aling Charing ang pakay nila rito. Tulad kanina ay nagmatigas pa rin ang matanda na ikaila na kilala nito ang mommy ng kaibigan niya.

Awang-awa siya sa kaibigan. Nagmakaawa na ito at lahat ay ayaw pa ring kumpirmahin ni Aling Charing ang impormasyong ibinigay ng mommy nito.

“Umalis na tayo, Rein,” yaya niya rito. “Hindi mo mapapaamin ang isang taong may itinatagong kasalanan,” yamot na patutsada niya sa matanda. Hindi kaya ito surutin ng budhi sa pagkakait ng impormasyon para malaman ng ipinaampon nito ang tunay na pagkatao?

“Dahan-dahan ka sa pagsasalita,” galit na sagot ni Aling Charing.

“Ito lang ang masasabi ko sa inyo, Aling Charing,” galit ding sabi niya. “Aalis kami ngayon pero hindi kami titigil hangga’t hindi namin nalalaman kung sino ang tunay na mga magulang nitong kaibigan ko. In short, hindi namin kayo titigilan hangga’t hindi ninyo sinasabi sa amin ang gusto naming malaman.”

“Ang tapang mo namang magbanta sa isang bukod sa mas matanda na nga sa 'yo, nakikituntong ka lang sa loob ng pamamahay niya.”

Napatingin silang tatlo sa pintuan. Nakakuwadro roon ang malaking bulto ng lalaki kanina. Nakabihis na ito ng isang walking shorts at berdeng sports shirt. Mukhang nakapag-shower na ito batay na rin sa basa pang buhok.

Parang napahiya siya sa sinabi ng lalaki. Medyo may guilt nga siya sa pagsasalita nang ganoon kay Aling Charing ngunit nadala lang siya ng galit sa matanda at awa sa kanyang kaibigan.

“Hayaan mo na siya, Kirk. Paalis na rin sila.”

“Maiwan ka na diyan, Yaya. Ako na ang maghahatid sa kanila sa labas.”

Ganoon nga ang nangyari. Escort nila ang lalaki sa paglabas ng marangyang bahay.

“Ang sama talaga ng ugali mo,” sabi sa kanya nito habang papalabas sila ng bahay. “Noong unang magkita tayo, ikinaila mo na may cellphone ka kahit obvious namang mayroon. Kahit pa nga alam mong kailangang-kailangan ko 'yon noon...”

Nagulat siya na natandaan din pala siya nito.

“Imbes na tulungan mo ako, tinakbuhan mo lang ako. Isinumbong mo pa ako sa traffic police na hina-harass kita. Ngayon naman, dinig na dinig ko kung paano mo pagalitan ang isang matanda. Hindi mo na iginalang ang edad niya, nakuha mo pa siyang bantaan. Siguro, ganyan din ang treatment mo sa mga magulang mo, ano?”

Isinantabi niya ang guilt na naramdaman nang bantaan niya ang matanda. Galit na hinarap niya ang lalaki. “Kung alam mo lang kung gaano kalaki ang kasalanang ginawa ng mahal mong yaya dito sa kaibigan ko, baka ikaw mismo ang magpalayas sa kanya dito sa pamamahay mo.”

“Granted na may malaking atraso sa inyo si Yaya, wala ka pa ding karapatan na pagsalitaan siya na para bang ikaw ang mas matanda sa kanya.”

“Ang galing mong magsalita tungkol sa paggalang sa matanda. Ano ba ang mas matimbang sa 'yo, ang igalang 'yong matanda o ang usigin siya sa napakalaking kasalanan na ginawa niya? Nagbebenta siya ng bata noon. At itong kaibigan ko, ibinenta niya sa halagang sampung libong piso. Hindi pa ba malaking kalapastanganan 'yon para usigin namin siya ngayon?”

Hindi pa siya tapos magsalita ay nagsalubong na ang mga kilay nito. “Kaya mo bang patunayan ang sinasabi mong 'yan?”

“'Yon na nga ang hirap dito sa batas natin, eh. Kahit na sigurado ka na sa isang bagay, kailangan pang kumalap ka ng katibayan. Pero huwag kang mag-alala, hahanap kami para mapagdusahan niya ang ginawa niya rito sa kaibigan ko at sa iba pang sanggol noon na ibinenta niya.”

“Well, kung ganyan ang paniniwala mo, magkita na lang tayo sa korte. Hintayin mo rin ang kontra-demanda namin ni Yaya kapag hindi mo napatunayang totoo ang sinasabi mong ito.”

“Kung magsalita ka, parang sanay na sanay ka na sa korte. Siguro, lagi kang may hinaharap na kaso, ano?”

“Daphne, umuwi na tayo,” singit ni Reina. “Pasensiya na kayo, Sir. Salamat sa pagpapatuloy ninyo.”

Bago sila tuluyang makalabas sa bahay ng lalaki ay nagpahabol pa ito ng salita sa kanya. “Miss Tactless, alam ko kung ano ang pagdududang umiikot diyan sa kukote mo. Sana nga ay ituloy n’yo ang demanda para malantad na ang dapat malantad.”

Sasagot pa sana siya ngunit pinigilan na siya ni Reina. Hinatak na siya palabas nito.

“ANTIPATIKONG lalaki! Akala mo kung sino. Por que mayaman siya. I bet kaya yumaman 'yon dahil sa monkey business,” bubulung-bulong na wika ni Daphne habang naglalakad sila ni Reina patungo sa kotse niya.

“Hey,” nangingiting puna sa kanya ng kaibigan niya. “Cool ka lang. Ano ba’ng nangyayari sa 'yo? Ngayon lang kita nakitang naimbiyerna nang husto sa isang lalaki, ah.”

“Eh, kasi naman, kung mambara siya parang hindi babae ang pinagsasabihan niya.”

“Pareho lang naman kayong dalawa, ah. At teka nga pala. May sinabi siya kanina tungkol doon sa unang pagkikita ninyo. Dati mo na bang kilala ang lalaking iyon?”

“Hindi,” sagot niya nang makasakay na uli sila sa kotse. “Kahit nga pangalan n’on, hindi ko alam. Nagkataon lang na noong minsang ginabi ako sa Ayala Center, nilapitan niya ako at hinihiraman ng cellphone. Sabi niya sa akin, na-hold up at na-carnap daw ang kotse niya at gusto niyang magpasundo.”

“Eh, bakit hindi mo pinahiram?”

“Ano ka ba, Reina? Malay ko ba kung nagsi-sinungaling siya at umaarte lang na na-hold up? Malay ko kung modus niya pala iyon at bigla na lang niyang itakbo ang cellphone ko. Sa panahon ngayon na naglipana ang mga taong mapagsamantala, mahirap nang magtiwala, bah.”

Sumulyap siya sa magarang bahay na iniwan nila bago pausarin ang kotse. May kinalaman din kaya ang antipatikong lalaki sa pagbebenta ng mga sanggol para ipaampon sa iba? Ano kayang ilegal na negosyo ang kinasasangkutan nito para magkaroon ng ganoon kagarang bahay?

“Kunsabagay nga, may point ka diyan,” sagot nito, saka bumuntong-hininga. “Ang dami nang masasamang tao ngayon. Mahirap talagang magtiwala agad.”

Nasubhan ang pagkainis niya sa engkuwentro nila ng mayabang na lalaki nang makitang lumungkot si Reina. “Huwag kang mag-alala, pipilitin nating malaman kung sino at nasaan ang tunay mong mga magulang.”

“Paano pa kung ang nag-iisang link sa kanila, eh, ikinakaila na may kinalaman siya sa pagpapaampon sa akin?”

Hinawakan niya ang braso nito at pinisil. “Rein, huwag ka munang susuko. Nagsisimula ka pa lang matuklasan ang tunay na pagkatao mo. Huwag ka kaagad mawalan ng pag-asa.”

“TALAGA bang hindi n’yo kilala ang dalawang 'yon, Yaya?” tanong ni Kirk sa Yaya Charing niya. Kaaalis lang noon ng dalawang babae na sandaling naging bisita nila.

“Hindi. Ngayon ko nga lang nakita ang mga 'yon.”

“Pero paano nila kayo nakilala? Paano nila nalaman na dito kayo nakatira?”

“Hindi ko alam ang sagot diyan sa tanong mo, Kirk. Sabi ko nga sa inyo ng mga magulang mo noon, suko sa langit ang galit ng mga in-laws ko sa akin. Malay natin, pakawala nila ang dalawang babaeng iyon para guluhin lang ako.”

Naisip niyang posible nga iyon. Natatandaan niya na noong mamatay ang asawa nito ay sinugod pa ito ng mga biyenan at bayaw nito sa dating bahay nila. Galit na galit ang mga in-laws nito sa hindi malinaw sa kanyang dahilan.

“Pero, Yaya, matagal nang nangyari iyon. At doon pa iyon sa lumang bahay namin.”

“Kirk, anak, ang sa akin lang naman ay palagay at hindi kumpirmasyon. Wala naman kasi akong alam na taong may galit sa akin kundi ang mga biyenan ko at mga bayaw.”

Napaisip siya. Paano nalaman ng mga biyenan nito ang bagong bahay nila? Matagal nang walang komunikasyon ang yaya niya sa mga iyon. At naaalala pa niya, mahigit dalawang taon na siguro ang nakararaan, na may isang babae rin na dumating sa kanila noon bago sila makaalis sa dati nilang tirahan. Hinahanap nito ang yaya niya. Hindi nga lang niya alam ang dahilan ng babae kung bakit umiiyak iyon at nakikiusap kay Yaya Charing. Hindi naman kasi niya ugaling manghimasok sa personal affair ng ibang tao, kahit pa nga ng kasambahay niya.

Hindi na siya umimik. Kahit may pagkaistrikta minsan ang yaya niya ay mabait naman ito. Ang totoo, talagang pangalawang ina na ang turing niya rito. Lalo pa nga dahil alaga na siya nito mula pa noong walong taong gulang siya. At dahil madalas mag-travel abroad ang mga magulang niya ay dito siya palaging naiiwan noon.

Hanggang ngayong umabot na siya sa edad na beinte-siyete ay inaasikaso pa rin siya nito. At sa abot ng kanyang kaalaman mabuting tao ang Yaya Charing niya. Marahil nga pakawala lang ang dalawang babaeng iyon ng mga in-laws nito. O kaya naman napagkamalan lang ang yaya niya. Baka ibang tao ang totoong nagbenta ng bata noon at idinawit lang si Yaya Charing. Marahil biktima lang ang dalawang babae ng maling impormasyon.

“Ano na nga po’ng pangalan ng dalawang babaeng 'yon, Yaya?”

“Bakit mo naman itinatanong?”

“Para po ma-trace natin kung sino ang talagang nasa likod ng pagbibintang nila sa inyo.”

“'Ku, eh, huwag mo nang pag-aksayahan ng panahon ang tungkol doon. Palagay ko naman, hindi na pupunta pa rito ang dalawang iyon.”

“Pero nagbanta po 'yong isa na babalikan kayo.” Maganda sana ang babaeng iyon pero mukha namang mataray. Hindi na iginalang ang edad ng yaya niya at pinagbantaan pa ito.

“Alam ko namang hanggang banta lang iyon, anak. Wala naman silang mapapatunayan. Kalimutan mo na ang mga iyon. Kahit ako, hindi ko na matandaan ang mga pangalan nila.” 

“THE SUBSCRIBER cannot be reached.” Paulit-ulit na ganoon ang sagot sa tawag ni Daphne kay Reina. Nagtataka na tuloy siya. Mula pa nang tanghali na i-text niya ito ay hindi na nag-reply pa. Kaya nga tumawag na siya. Pero hindi talaga niya makontak ang kaibigan.

Gabi na nang mga sandaling iyon ngunit wala pa ring tugon mula rito. Naisip tuloy niya na malamang nakalimutan na naman ng kaibigan niya na i-charge ang cellphone nito.

Kinabukasan ng umaga, eksaktong alas-nuwebe pagdating niya sa opisina ay wala pa rin doon si Reina. Naalarma na siya. Tinawagan uli niya ito sa cellphone ngunit naka-off pa rin iyon.

Minabuti niyang tawagan na lang ang mommy nito sa telepono. “Tita Marilen, may problema po ba sa cellphone ni Reina?”

“Wala akong alam. Bakit mo naman naitanong? Hindi ba’t magkasama kayo?”

“Po? Eh, wala pa nga po siya dito sa office. Kahapon ko pa nga siya tine-text at tinatawagan pero naka-off ang cellphone niya.”

“Ano? Ibig mong sabihin, hindi kayo magkasama kahapon? Hindi siya natulog sa inyo?”

Nagulat siya sa sinabi ng ginang. Wala naman silang usapan ni Reina na sa kanila ito matutulog nang nagdaang gabi. “Hindi po. Noong Saturday ng tanghali pa kami huling nagkita. Nag-text pa siya sa akin noong gabi at kahapon ng umaga. Pero pagdating ng tanghali, hindi ko na siya makontak.”

“Diyos ko! Nasaan ang anak ko?”

Nag-half-day lang siya nang araw na iyon. Pinuntahan niya si Tita Marilen sa bahay ng mga ito. Iyak ito nang iyak. Lahat na raw ng mga kakilala at kaibigan ni Reina ay natawagan na nito ngunit hindi nila makita.

Lumilitaw na nakaplano ang ginawang pag-alis ni Reina. Wala sa silid ang ilang damit nito. Isang sulat ang nakita nila sa ilalim ng unan. Ayon doon, aalis daw muna ito upang hanapin ang nawawalang pagkatao. Saka na lang daw babalik ito kapag nakita na ang hinahanap.

Magkakahalong lungkot, awa at pag-aalala ang nadama niya para sa kaibigan. Marahil ay naaburido na ito sa katotohanang natuklasan na ipinagbili lang ito sa nakilalang ina. Na hindi nito alam kung saan makikita ang tunay na mga magulang.

Bumalik na naman tuloy ang inis niya kay Charing Panganiban. Kung hindi nito binigo si Reina sa inaasahang impormasyon tungkol sa tunay na mga magulang, marahil panatag na ang loob ng kaibigan niya.

Kinausap niya nang masinsinan si Tita Marilen. Inalam niya rito ang mga bagay na alam niyang dati hindi nito nagawang ipagtapat kay Reina. At habang nakikinig siya sa ginang, lalo niyang nararamdaman na lumalim na nang husto ang pagkasangkot niya sa tunay na pagkatao ni Reina. Sa mga ipinagtapat ni Tita Marilen ay naging masidhi ang pagnanais na ma-solve na ang bahagi ng nawawalang pagkatao ng kanyang kaibigan. At alam niyang may dahilan ang tadhana kung bakit. And for her, it had become both a calling and a mission to fulfill.

Hindi pa natatapos ang linggong iyon ay natagpuan uli niya ang sarili na bumabalik sa tirahan ni Charing Panganiban sa Dasmariñas Village. Sa pagkakataong iyon marami na siyang bitbit na katotohanang hindi na matatanggihan pa ng matandang babae.

Akmang pipindot pa lang siya sa doorbell ng malaking bahay ay bumukas na ang pedestrian gate niyon. Sumungaw roon ang mukha ng lalaking unang nakita niya sa Ayala Center.

“Come in, Miss,” may paghamon sa mga matang sabi nito. “Mabuti naman at bumalik ka. Marami tayong pag-uusapan.”

Biglang nilukuban ng kaba si Daphne. Nanumbalik na naman ang pagdududa niya sa pagkatao nito. Paano kung totoo ang unang palagay niya na involved ito sa ilegal na negosyo? Paano kung masamang tao ito?

Bakit nga ba siya nakapunta-punta roon nang walang kasama? Ngayon tuloy, parang gusto na niyang bumalik na lang sa kotse niya. “K-kung wala riyan si Aling Charing Panganiban, saka na lang ako babalik.”

“Padating na si Yaya. Namalengke lang siya. At huwag kang mag-alala, kahit ako lang at ang mga katulong ang tao rito ngayon, hindi ka maaano. There’s nothing to worry about. I won’t eat you alive,” nakangising sabi pa nito.

Lalo tuloy siyang kinabahan. You won’t eat me alive, all right. But will I get out of here alive?

Aatras na sana siya ngunit hinawakan siya nito sa siko at iginiya papasok, saka isinara ang gate.

Oh, God, save me, please!

............

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro