9. Parting

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Hinipan ni Kirk ang mabulang kamay nito at lumutang sa hangin ang maliliit na bula. Nang isawsaw uli nito ang kamay sa sabon ay sa direksiyon naman ni  Daphne hinipan ang mga bula.

Tumatawang iniharang niya ang mga kamay. “Ano ba? Mababasa ako.”

Nakaharap sila sa lababo nang mga sandaling iyon, naghuhugas ng pinggan at parang mga batang naglalaro ng bula.

“Mami-miss ko 'to,” sabi ni Kirk, saka ginuhitan ng basang hintuturo ang ibabaw ng ilong niya. “Sana, puwede akong pumasyal sa inyo kapag weekends at yayain ka na sabay tayong maghugas ng pinggan. O kahit mag-stroll lang tayo nang magkahawak-kamay sa mall o candlelit dinner sa hotel.”

“Malay mo naman,” nakangiti ngunit pigil ang kilig na sagot ni Daphne.

Namilog ang mga mata ni Kirk. “Hindi na mag-e-expire ang pagbibigay mo sa wish ko? Tayo na talaga?”

“Ano ka ba? Nag-aapura ka na naman, eh. Friends muna tayo. Palipasin natin ang ilang panahon then sige, slowly, let’s go up to the next level.”

Parang ikinalungkot ni Kirk ang sagot niya. “But it wouldn’t be like this. Dito, walang trabahong aabala sa atin. Walang mga tao na kahihiyaan natin kahit magpaka-corny tayo o maglambingan tayo. Dito, para tayong sina Adam at Eve.”

Biglang naalala ni Daphne ang sawa na nakita niya noong unang araw nila roon. Napahalakhak siya. “I agree. Here, we are like Adam and Eve together with the serpent.”

Tumawa na rin si Kirk.

Nang matapos silang maghugas ng mga pinggan, nagulat siya at napatili nang bigla na lang siyang buhatin nito. Dinala siya nito sa balkonahe at inihiga sa duyan. Tinabihan siya nito roon. Iniunan ni Kirk ang ulo niya sa dibdib nito.

Nagkuwentuhan sila ng kung anu-anong mga bagay tungkol sa isa’t isa habang mahinang iniuugoy ng paa nito ang duyan. Habang parang wala sa sarili na pinaglalaruan ng isang kamay nito ang mahabang buhok niya.

“I’d give half of my possessions para lang maulit ito.”

“'Corny mo, ha,” tudyo niya.

Buntong-hininga lang ang nakuhang isagot nito.

Kinagabihan, nagsalang si Kirk ng CD sa CD player sa sala. Isang old song iyon na natatandaan niyang kasama sa sound track ng pelikulang My Best Friend’s Wedding—ang kantang “The Way You Look Tonight.”

“Come,” excited na sabi nito, sabay hawak sa kamay niya.

“Saan?”

“Sa ibaba. The barefoot dance, remember?”

“Talaga lang, ha?” tumatawang sabi ni Daphne ngunit nagpahatak naman siya rito.

Lampas-kalahati pa lang ang buwan ngunit maliwanag na. Napapangiti siya habang nagsasayaw sila ni Kirk. Mula pa nang nagdaang araw hindi na yata naaawat ang ngiti at tawa niya. Gusto tuloy niyang gayahin ang sinabi ni Kirk kanina. Pakiramdam niya, kaya niyang ibigay ang kalahati ng kanyang ari-arian para lang maulit ang bakasyon nila sa lugar na iyon.

Maluwag ang pagkakahawak nito sa kanya. May sapat na distansiya sa pagitan nila. Hindi nito inaalis ang tingin sa mga mata niya habang nagsasayaw sila.

Gusto na niyang makumbinsi na ganoon lang kadali siyang minahal nito. Malinaw na nakikita niya ang tila pagsamba sa maiitim na mga mata nito. 

“Lovely... you are lovely. Kahit siguro kumulubot pa ang balat mo after thirty or so years mula ngayon, you’d still look lovely in my eyes.”

“Magkikita pa ba tayo after thirty years?” pambabara ni Daphne sa pag-iilusyon nito.

“I think within thirty hours na makabalik tayo sa Manila, magkikita uli tayo. Wala akong balak na mawala ka nang matagal sa paningin ko.”

Inihilig ni Kirk ang ulo niya sa dibdib nito. Dalawang kanta pa ang sumunod sa nauna bago nila nagawang tumigil sa pagsasayaw.

Parang nakalutang ang mga paa ni Daphne sa nadaramang kaligayahan nang bumalik sila sa itaas ng beach house. Diyos ko, hindi po ako dapat mahulog nang ganito kabilis sa charm ng lalaking ito.

“ANO’NG nangyari kay Yaya Charing, Mama?” tanong ni Kirk sa kanyang ina. Nakabalik na sila ni Daphne sa Maynila. Nang umuwi siya sa bahay ay mga katulong lang ang dinatnan niya roon. Ayon sa mga ito ay dinala ng mama niya si Yaya Charing sa ospital nang nagdaang araw pa. Kumain lang siya at nagtungo na  sa ospital na pinagdalhan sa matanda.

“Ipina-check up ko siya kahapon. Kasi nga nasasaktan daw siya tuwing dudumi siya. Nitong mga huling araw, parang napakadali niyang mapagod. 'Ayun, hindi na siya pinalabas pa ng doktor. May nakitang bukol sa ibaba ng spine niya. Malaki na. Kinunan na ng sample iyon kahapon para sa biopsy.”

Pagkaraan ng isang linggo ay lumabas ang mga resulta ng ginawang tests kay Yaya Charing. Lymphoma ang na-diagnose na sakit nito. Sinamahan niya ito sa ospital nang isailalim ito sa chemotherapy treatment.

Awang-awa siya rito. Nasanay na siyang malakas ito. Hindi sumagi sa isip niya na isang araw ay magkakasakit ito nang malubha. Mahal niya ito na parang isang ina at mahirap isipin na isang araw ay mawawala ito sa kanila.

Pagkatapos ng treatment ay hinang-hina si Yaya Charing. Dalawang ulit na nagsuka ito sa kabila ng mga gamot na ibinigay rito upang mapigilan ang ganoong pakiramdam.
Hindi mapalagay si Kirk. Dalawang ulit na tinawagan niya ang oncologist na nagbigay rito ng treatment. Tiniyak naman ng doktor na normal lang daw ang ganoong side effect ng chemotherapy treatment. Bubuti rin daw ang pakiramdam ng yaya niya.

Naging maayos na nga ito nang sumunod na araw. Pagkapaligo pa lang niya ay pinuntahan na niya ito sa silid.

“Mabuti naman at narito ka pa, Kirk,” anito sa kanya. “May sasabihin sana ako sa 'yo.”

Naupo siya sa gilid ng kama nito. “Ano po 'yon, Yaya?”

“May ipagtatapat ako sa 'yo. Sana maunawaan mo ako at huwag agad husgahan.”

Interesadong lumapit siya rito. “Tungkol saan, Yaya?”

“Tungkol sa mga pangalang babanggitin ko. Gusto ko sanang ilista mo ang mga pangalan.”

Nalilito man ay napilitan siyang kumuha ng ball pen at papel. Sinimulan niyang isulat ang mga pangalan binanggit nito. Katabi ng bawat pangalan ay may binanggit itong dalawang pareha na sa palagay niya ay isa sa mga magulang ng taong iyon. May nakalagay ring lugar kung hindi man kompletong address sa tabi ng bawat pareha.

Nahuhulaan na niya kung ano ang kahulugan ng mga pangalang iyon ngunit pinili niyang manahimik muna.

Pagkatapos niyang isulat ang mga pangalang idinikta nito, napansin niya na wala roon ang pangalan ng kaibigan ni Daphne. Kahit paano ay napanatag siya.

May sinabi siya noon kay Daphne na naniniwala siyang walang kinalaman ang kanyang yaya sa ibinibintang dito. Na hindi ito ang nagbenta kay Reina noong sanggol pa lang ito.

Kung nagkataon pala ay mapapahiya siya sa dalawa.

“Makinig ka sa akin, Kirk. Nakikiusap ako na lawakan mo ang pang-unawa mo  sa mga ipagtatapat ko sa 'yo. Ayoko sanang sabihin sa 'yo ang tungkol dito. Gumagawa na ako ng paraan para maitama ang mga mali noon. Ayokong magalit ka at bumaba ang pagtingin mo, ninyo ng mga magulang mo sa akin. Pero marami pang dapat iayos at nararamdaman kong kulang na ang panahon ko para matapos ang mga dapat kong gawin.

“Hanapbuhay noon ng angkan ng namayapa kong asawa ang pagdukot sa mga sanggol at pagbebenta niyon sa mga may-kayang mag-asawa na hindi magkaanak,” malinaw na pahayag ng yaya niya.

Sa tingin niya nagpalungkot lalo rito na alalahanin ang bagay na iyon.

“Madalas naming pag-awayang mag-asawa noon ang pagkakasangkot niya sa gano’ng kasamaan. Alam 'yon ng mga bayaw at biyenan ko. Hanggang isang araw, isang batang lalaki ang tinangkang kidnapin ng asawa at bayaw ko sa isang park sa Makati. Pero may nakakitang tao na nagkaroon ng hinala sa ginagawa ng bayaw at asawa ko. Nakatawag kaagad ng mga pulis ang taong ito at nagkaroon ng habulan.

“Napunta sa akin ang bata dahil sumunod ako sa asawa ko. Sa akin niya ipinasa ang bata. Ako dapat ang magtatakas sa batang iyon. Pero nagkahabulan nga. Nabaril pa ang bayaw ko. Natakot ako na baka makita ng mga pulis sa akin ang bata at ako ang pagbintangan na kidnapper. Kaya isinauli ko sa mga magulang niya ang bata.”

“Ako ba ang batang 'yon, Yaya?”

“Oo, Kirk. Hanggang ngayon, nahihiya ako sa sarili ko kapag ipinagmamalaki ng mama mo na ako ang nagligtas sa 'yo nang muntik ka nang ma-kidnap noong halos hindi ka pa nakakalakad. Dahil alam ko, kung naiba lang ang sitwasyon, naipaampon ka na rin ng asawa at bayaw ko sa ibang tao kapalit ng malaking halaga.

“Pinagbayaran din ng asawa ko ang ilegal na gawaing iyon. Napatay siya ng ama ng isang batang tinangka niyang dukutin. Nakialam kasi ako noon. Dahil talagang gusto ko nang tumigil siya sa ganoong hanapbuhay. Kaya naman ako ang sinisi nang husto ng mga biyenan at bayaw ko.

“Pero dahil doon ay nahinto ang pagdukot nila ng mga bata. Alam kong natakot din sila. Bumigat na nang labis ang naging kaparusahan sa mga mahuhuling kidnapper. At ako naman, namasukan na lang noon bilang katulong. Hanggang isang araw ay sunduin ako ng mga magulang mo para alagaan ka.

“Ang mga pangalan na inilista mo riyan, ipakikiusap ko sa 'yo na gawan mo ng paraan para mahanap at maituwid ang mga pagkakamali namin.”

“Eh, Yaya, talaga po bang wala kayong alam tungkol sa tunay na mga magulang ni Reina?”

NAKATITIG lang si Daphne sa kanyang cellphone. Para bang ano mang sandali ay tutunog iyon at makikita niya sa munting screen na ang tumatawag ay ang taong gusto niyang makausap at makita.

Iyon ang bago niyang cellphone. Pagbaba nila ni Kirk noon sa eroplano ay isang lalaking may itim na F150 ang naghihintay sa kanila sa tarmac.

Ipinakilala ni Kirk sa kanya ang lalaki, si Linus, kaibigan daw nito. Tinawagan pala ito ni Kirk at ito ang pinabili ng bagong cellphone na tulad ng modelo ng nasirang cellphone niya.

“As promised,” nakatawang sabi pa sa kanya noon ni Kirk nang iabot sa kanya ni Linus ang paper bag na naglalaman ng bagong cellphone.

Kaya lang hindi na natupad ang sinabi ni Kirk na ihahatid siya nito sa kanila para makilala ang kanyang mga magulang. May sinabi rito si Linus na hindi niya narinig. Isinakay lang siya ng mga ito sa kotse niya at pagkatapos ay sumakay na si Kirk sa pickup truck ng kaibigan nito.

Mula noon ay hindi na sila nagkita. Sabi pa nito noon, hindi raw ito makatatagal nang hindi siya kaagad makikita.

Mabuti na lang at hindi na nag-usisa pa ang kanyang mga magulang tungkol kay Kirk. Normally ay mag-uusisa ang mga ito lalo pa nga at hindi pa nakita ng mga ito si Kirk sa kanila. May bahagya mang pagtataka ay natuwa na rin siya. Hindi kasi niya alam kung paano sasagutin ang tanong ng mga ito kung sakali.

Mahigit dalawang linggo mula nang makabalik sila sa Maynila. Kahit tawag mula kay Kirk ay wala.

Kunsabagay, hindi niya nasabi rito ang kanyang address. Hindi rin niya naipaalam dito ang kanyang cellphone number. Ngunit alam naman nito ang numero ng kanilang telepono sa bahay.

Hindi ba totoo rito ang sinimulan nitong panliligaw sa kanya sa isla? Ginawa lang ba siyang aliwan nito habang nagbabakasyon doon?

Ang sakit naman. Dahil siya, kahit sinasabi niyang hindi kaagad nabubuo ang isang pag-iibigan sa buong magdamag, ngayon ay nangungulila siya nang husto kay Kirk. Lahat ng mga ginawa nila sa isla ay parang sine na nakikita niya nang malinaw kapag walang abog na naaalala niya ito.
Mahal na nga yata niya ang binata. Biro ng pagkakataon na sinasabi niyang hindi siya mahuhulog dito ngunit nararamdaman niyang mahal na niya ito. At ito naman, parang bula na lang na naglaho sa buhay niya.

Bakit nga ba pag-aaksayahan pa siya nito ng panahon? Nabasa niya sa isang business magazine na anak pala ito ng steel magnate na chairman at CEO ng Sandejas Steel. Ang tiyahin nito na sinasabi nitong nagtatrabaho sa mall at nagpadala ng mga damit niya noon sa isla ay nasa executive position ng mall na iyon. Mayaman pala talaga ang angkan nito. At kahit sinong babae ang gustuhin nito, hindi ito mahihirapang paibigin. Samantalang sa kanya ay pulos pagpapakipot ang napala nito.

Sana naging isang ordinaryong tao na lang si Kirk. Baka magawa pa niyang lapitan ito at siya ang magsabi rito na ituloy na nito ang panliligaw sa kanya. Dahil kung lalapitan niya ito pagkatapos niyang malaman ang tunay na katayuan nito sa buhay, baka isipin pa nito na social climber siya.

Naputol ang pagsesenti niya nang biglang tumunog ang ringing tone ng kanyang cellphone. Si Reina ang tumatawag. Samahan daw niya ito na kunin ang ipina-reserve na painting ng lolo nito sa art gallery sa Quezon City.

“Bakit naman sa Quezon City pa naisip ng lolo mo na bumili ng painting?” angal niya. Wala siya sa mood na lumabas ng bahay nang araw na iyon. Pagkasimba nilang mag-anak kanina ay nagmukmok na siya sa kanyang silid. Wala talaga siyang gana sa lahat. Dalawang linggo na siyang ganoon.

“Kasi nga sa gallery doon nagdi-display ng artworks ang paborito niyang pintor. Sige na, Daphne, samahan mo na ako. Pupuntahan na kita riyan sa inyo.”

Wala siyang nagawa kundi pumayag. Dinaanan siya sa kanila ni Reina at nagkotse na lang sila.

Nang marating nila ang gallery ay wala ang curator doon. Lumabas lang daw ito sandali ayon sa taong pinag-iwanan ng gallery. Naikot na nila ang buong art gallery ay wala pa rin ang curator.

Inip na inip na siya. Samantalang si Reina naman ay panay ang komento sa kanya.

“Bakit ba ganyan ka? Wala kang kabuhay-buhay. Mula nang magbakasyon kayo ni Kirk sa islang 'yon, nagkaganyan ka na. Tell me, ano pa ba ang nangyari do’n? Meron ka pa bang hindi nasasabi sa akin?”

Hindi niya naikuwento rito ang lahat ng nangyari sa isla. Nasabi lang niya na nagsimula nang manligaw roon si Kirk sa kanya. Ngunit wala siyang balak na idetalye rito ang namagitang intimacy sa kanila ng binata.

Pakiramdam kasi niya, sagrado ang intimacy na iyon. Walang malisya. Puro at punung-puno ng pagmamahal. Kaya hindi niya maunawaan kung bakit naputol na lang nang ganoon ang komunikasyon nila ni Kirk.

“Huwag mo na lang akong pansinin, Rein. Baka PMS lang ito.”

“Dumalaw na ba sa inyo si Kirk?”

“Hindi.”

Mapanudyo ang naging ngiti nito. “Kaya naman pala nagkakaganyan ka.”

Dumating na ang curator ng art gallery kaya hindi na ito nakahirit pa ng panunudyo. Halos isang oras din silang naghintay bago naibigay ang painting. Inirolyo lang iyon at ipinasok sa blueprint holder tube.

“Mag-snack muna tayo. Gutom na ako,” reklamo ni Reina nang makalabas sila ng gallery. “Kadikit lang nito ang Chowking, doon na lang tayo.”

Nagtungo nga sila sa sinabi nitong fast-food restaurant. Medyo marami na ang tao ngunit may naupuan naman sila. Patapos na silang kumain nang mapansin niya ang bulto ni Kirk sa dulo, tatlong mesa ang layo nito sa kanila.

Hindi siya maaaring magkamali. Nakatagilid ito kaya malinaw niyang nakikita ang profile ni Kirk. Para siyang nakabitan ng bagong recharged na baterya. “Rein, si Kirk, o.”

“'Asan?”

“'Ayun, sa dulong table.” Handa na siyang tumayo upang puntahan ang binata nang maupo sa tabi nito ang isang babae. May kasama pala ito. Marahil nagpunta lamang ang kasama nito sa restroom at ngayon nga ay bumalik na. Dahil may pinggan sa harap ng babae at nagpatuloy na ito sa pagkain.

“Daphne, may girlfriend naman pala ang Kirk mo. Kaya siguro hindi ka na niya dinalaw sa inyo.”

Wala na siyang nasabi. Natulala na lang siya sa mga ito. Parang lalo pang piniga ang dibdib niya nang makitang tumawa ang babae sa kung anong ikinuwento ni Kirk. Pagkatapos ay humilig pa ito nang saglit sa braso ng binata.

“Umalis na tayo, Rein.” Hindi na niya hinintay na makapagprotesta si Reina. Pinunasan niya ang bibig at tumayo na. Hindi na niya nilingon pa ang dalawa.

Ang sakit-sakit ng kalooban niya. Sakit na parang hindi na mawawala kahit kailan.


..................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro