2. Lunch Date

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“Puwede ka bang lumuwas dito bukas?” tawag ni Kitty kay Robielle pagkatapos nilang mag-usap ni Terushi Aguila.

   Nakatira si Robielle sa isang isla. Minsan lang ito lumuluwas sa Manila sa loob ng isang buwan. Maliban na lang kung pinaluluwas niya ito para sa mga importanteng bagay. Ito talaga ang inaasahan nila sa Elle sa pagdidisenyo. Marketing naman at retail merchandising ang forte niya.

  “May isang client tayo na mas marunong pa sa designer. Gusto niyang magpa-design ng line of lingerie. Pero ang gusto niya, isama ang ideas niya sa ide-design natin.”

Nagpupuyos pa rin ang loob niya sa pagkainis sa bago nilang kliyente. Parang naririnig pa niya ang mga sinabi nito kaninang mag-usap sila.

“Admit it, Miss Delgado. Hindi ba kaya ninyo pinagaganda nang todo ang mga idine-design ninyong lingeries  para sa satisfaction naming mga lalaki?” May pagkapilyo ang ngiting nakamarka sa mga labi nito habang sinasabi iyon. Hindi na niya mabakas sa mukha nito ang hinagpis na nakita niya noon sa ospital. “Dahil normally, kami naman ang makakakita sa mga babaeng nagsusuot ng mga sexy lingeries na 'yan.”

“Excuse me,” hindi niya napigilan na gambalain ito sa gitna ng pagsasalita. Hindi niya tiyak kung dapat ba siyang ma-embarrass sa mga sasabihin niya. Wala siyang pakiramdam na ganoon. Inis ang nararamdaman niya kahit nagpapakapropesyonal siya sa harap ng lalaki. “Mas marami pa rin sa patrons namin ang single. Meaning, walang lalaking makakakita sa kanila habang suot nila ang lingerie. At para sa personal satisfaction lang ang motibo nila sa pagsusuot ng mga iyon.”

Lalong naging pilyo ang ngisi nito. “Well, now, Miss Delgado, how naïve of you. Hindi mo ba naiisip na mas marami ngang lalaki ang nakakakita kapag single pa ang isang babaeng magsusuot ng sexy lingerie ninyo?”

Nanlaki ang mga mata niya nang makuha ang ibig nitong sabihin.

Natawa na ito. “Kaya nga dapat na i-consider mo ang ilang points at ideas na iiwan ko sa 'yo. Para na rin sa pagde-design ninyo ng bagong line na hopefullypagkakasunduan natin.”    

“Ano’ng sabi mo?”

Bumalik kaagad sa kasalukuyan si Kitty pagkarinig sa boses ni Robielle. “Sabi ko, ikokonsulta ko muna sa inyo.”

“Kaya mo nang pagdesisyunan 'yan.”

“Ayoko kasing tanggapin 'yong project.”

“Bakit naman?”

“Naiinis ako do'n sa client.”

Narinig niyang tumawa ito sa kabilang linya. “Our clients are always right. Hindi ba, 'yon ang motto ng mga negosyante na tulad natin?”

“Ang kulit kasi. Sige na, lumuwas ka na bukas para ikaw na ang makipag-usap sa isang 'yon. You’ll know how to put him in his proper place.” Kung siya ay may pagka-bossy, si Robielle naman ay nabiyayaan ng excellent persuasive powers. Mahirap pahindian ang kaibigan niyang ito.

“Him? You mean, lalaki ang kliyenteng sinasabi mo?”

“Bading yata 'yon kaya metikuloso.” Gusto niyang bawiin ang sinabi. Malayo sa pagiging bakla ang hitsura at kilos ng Mr. Aguila na iyon. Mas angkop sigurong tawagin itong pabling. Panay ang pa-cute sa kanya nito kanina kahit pa nga parang nag-uudyok ito ng argumento sa pagitan nila. Na lalong ikinainis niya.

Lalo lang lumakas ang tawa ni Robielle sa sinabi niya. “Sorry, Kitty, may importante akong misyon ngayon kaya hindi pa ako puwedeng lumuwas diyan.”

“Misyon? Anong misyon?”

“Misyon na may kinalaman sa love life ko.”

  'Tsus! Sigurado tungkol na naman iyon sa ikinuwento niya na lalaking kapitbahay sa isla. Sa wakas, mukhang muli na namang mabubuhay ang love life ng kaibigan niya.

Hapon, bago mag-uwian ay nilapitan siya ni Greta. “Tumawag si Mr. Aguila ngayon lang. Ipina-reset niya ang meeting. Gawin na lang daw ninyong lunchtime 'yon bukas. May importanteng lakad daw siya sa umaga at may business meeting din siya sa hapon.”

“Nag-confirm ka na sa kanya?”

“Oo. Wala ka namang ibang appointment bukas bukod lang do'n sa meeting n’yo, 'di ba?”

Dismayadong napangiwi siya. “Greta, alam mo namang last Thursday of the month bukas. Sched 'yon ng lunch date ko sa family.”

“Problema ba 'yon, eh, di isama mo sa kakainan ninyong restaurant si Mr. Aguila.”

“Ano?!” Kulang na lang ay lamunin ng malalaking mata niya si Greta. “Hindi siya kailangang makilala ng pamilya ko and vice versa. Alam mo namang business ang pag-uusapan namin. Ibang-iba 'yon sa atmosphere kung ang family ko ang kasalo kong kumain.”

“You know,” sabi ni Greta na may kasama pang iling, “hindi ko maintindihan kung bakit ganyan ka mag-react kay Terushi Aguila. Hindi ka naman dating ganyan sa ibang mas makukulit pang client natin noon.”

“Greta, ngayon lang ako naka-encounter ng isang kliyenteng hindi lang binubusisi ang lahat ng detalye kundi pinakikialaman pa pati ang mga designs natin.”

“All right,” ngingiti-ngiting sabi nito, iniharang pa ang mga kamay. “Tatawagan ko uli si Mr. Aguila. I-inform ko siya na i-reset na lang ang meeting ninyo sa isang linggo.”

Nanlaki na naman ang mga mata niya. “Bakit naman sa isang linggo pa?”

“Dahil po may business trip daw si Mr. Aguila sa LA. Sa makalawa na ang alis niya. Kaya nga pinipilit niyang i-accommodate sa schedule niya ang meeting ninyo.”

Nahagod niya ang kanyang buhok. “Kung kayo na lang kaya ni Myrtle ang makipag-meeting sa kanya bukas?”

“Hello? Figures na kaya ang pag-uusapan. At ikaw ang in-charge doon. Kaya huwag mo na lang ipa-reset ang meeting n’yo.” Nagsasalita ito habang kinukuha na ang bag sa drawer ng table nito. “Uwian na. Baka mainip si Carlo ko sa ibaba. Bye, Kitty.”

“Teka, teka muna—”

Kinawayan lang siya ni Greta at lumabas na ito ng opisina. Frustrated na naihilamos niya sa mukha ang isang kamay.

Kinabukasan ng umaga, bago siya umalis ng bahay ay nagsabi na lang siya sa kanila na hindi siya makakasama sa kanilang lunch out nang araw na iyon.

ISANG Chinese restaurant sa Mall of Asia ang venue ng lunch meeting nina Kitty at Terushi Aguila. Sinikap niyang makarating doon sa oras. Ngunit wala pa ang lalaki roon nang dumating siya. Dinala siya ng supervisor ng restaurant sa reserbadong table.

Late nang dalawampung minuto si Mr. Aguila. Inis na inis si Kitty. Sa lahat pa naman ng ayaw niya ay iyong pinaghihintay siya nang matagal. Hindi na niya makuhang ngumiti nang dumating ito.

“I’m sorry, Miss Delgado. I just came from a meeting. I can’t get out on time. I’m sorry I’m late,” tuluy-tuloy na paliwanag nito sa panahong kinakamayan siya habang paupo ito at pagkatapos ay tiningnan ang menu.

“I cancelled my earlier commitment just to get to this meeting, Mr. Aguila. Hindi lang naman ikaw ang busy,” hindi ngumingiting tugon niya.

Tumango lang ito at bumaling na sa waiter na naghihintay sa kanila. Nag-order na ito ng pagkain. pagkatapos ay saka pa lang siya binalingan nito. “What about you?” usisa nito nang marahil ay mapansin nito na hindi man lang niya tiningnan ang menu.

“Kanina pa ako naka-order. I thought the meeting was off. Twenty minutes is long enough or so you should have thought.” Hindi niya nagawang itago ang inis sa boses niya.

“Hey, I said I’m sorry.” Ipinatong nito ang magkabilang siko sa mesa at matamang tiningnan siya. “Can I call you ‘Kitty’?” Nang hindi siya sumagot ay nagpatuloy ito. “Kitty, sometimes you have to make allowances to others. There’s no harm in being tolerant sometimes. Minsan talaga, nagkakamali ang tao. Minsan din, wala siyang mapagpilian kaya napipilitan siyang piliin ang mas urgent. Can you now forgive me?”

Parang napahiya siya sa sinabi nito. Noon isinilbi ang order niya. Nang makaalis ang waiter ay iniabot niya rito ang folder na dala niya. Naglalaman iyon ng proposal at initial sketches ng ilang designs na ipinaipon niya kay Greta. “You can browse it while I eat.” Walang pakialam na sinimulan na niyang kumain. Kahit pabalat-bunga ay hindi siya nagyayang saluhan nito. Alam niyang pangit iyon. Ngunit kailangan niya ng outlet sa kanyang pagngingitngit.

This time, he did not give her a hard time. May ilang itinanong lang ito sa kanya. Isinulat na nito sa isang papel ang mga suhestiyon nito. Nang matapos siyang kumain ay tapos na rin ito sa pag-aaral sa kanilang mga proposals. Saka pa lang dumating ang in-order nito.

“This is good so far,” anito. “Pag-aaralan ko ang mga proposals mo. Pag-aralan mo rin ang proposals ko. Mag-set uli tayo ng meeting, Thursday next week, same time. I promise not to be late again.”

“I’ll check with my schedule first bago tayo mag-meet next week,” aniya kahit alam naman niyang libre siya sa araw at oras na sinabi nito. Hanggang maaari ay ayaw niyang isama ang trabaho sa mga aktibidad na kahit tulad lang ng simpleng pagtatanghalian. “I’ll let your secretary know.”

“Tawagan mo na lang ako sa direct line ko kung kailan ka available beginning Thursday next week. Ako na ang mag-a-adjust ng oras ko sa 'yo.”

Kamuntik nang tumaas ang isang kilay niya. Akala ba niya ay sobrang abala ito? Bakit siya ang pinapipili nito ng schedule sa oras na libre siya? “Okay,” sabi na lang niya. “I think hindi ko na mahihintay na matapos kang kumain. I need to get going.”

“Sandali lang naman akong kumain, Kitty. Kahit ten minutes lang sana, mag-stay ka pa. Para naman hindi ako magmukhang kawawang boyfriend na iniwan ng nobya niya sa gitna ng tanghalian.” May kasamang nagpapaawang ngiti na sabi nito.

Kahit naiinis siya sa kaharap ay hindi niya napigilang mapangiti. Hindi niya alam kung ano ang gustong palabasin nito. Siguro ay wala naman siyang dapat ipag-alala. Hindi na siya bata para hindi makayang i-handle ang isang lalaking tulad nito. “Okay,” sabi na lang niya.

“Thank you.” Nagpapungay pa ito ng mga mata habang nakangiti.

Kunsabagay, magaganda naman talaga ang mga mata nito. Deep-set ang mga iyon at mahahaba ang mga pilik na parang sa babae. Kaya nagtataka siya kung bakit ang pangalan nito ay pangalang Hapon gayong Pinoy na Pinoy ang anyo at kulay nito. May kalakihan nga ang ilong nito ngunit matangos iyon at bumagay sa mga labi nitong bahagyang makapal.

“May dumi ba ako sa mukha?” tanong nito pagsulyap sa kanya.

NAG-INIT ang mukha ni Kitty sa pagkapahiya. Napuna pala ni Terushi ang pagmamasid niya rito. Pinilit na lang niyang magpakakaswal. “Naisip ko lang, you have a Japanese-sounding name pero hindi ka naman mukhang Hapon.”

“Hindi talaga dahil wala naman akong lahing Hapon. If you’re interested, I’ll tell you about the story behind it.”

Itinaas niya ang mga palad. “Okay.”

“Okay what? Okay, you’re interested? Or okay, you don’t want me to bore you with my story?”

Natawa na naman siya. Alam niyang pinipilit lang nitong mawala ang pagiging pormal niya sa harap nito. “Okay, you bore me with it and I’ll try not to yawn.”

Ito naman ang tumawa. “I was ten days short of nine months when my mother gave birth to me. Nasa isang commercial arcade daw siya nang makaramdam ng pananakit ng tiyan. Wala siyang kasama. Mabuti na lang daw, may isang turistang Hapon na nakakita sa kanya. Ito ang nagdala sa kanya sa ospital at tumawag kay Papa. Hindi iniwan n’ong Hapon si Mama hangga’t hindi dumarating sa ospital ang papa ko. At bilang pasasalamat ng parents ko roon sa Hapon, isinunod nila rito ang first name ko. I was christened ‘Terushi Jan Aguila.’ And I’ll appreciate it if you’d call me ‘TJ’ instead of ‘Mr. Aguila.’”

Naiiling na napangiti siya sa segue nito. “Well, you didn’t see me yawn.”

“Does that mean we’ll see each other Thursday lunchtime next week?”

“I told you—”

“Thanks,” sabi nito, saka ngumiti nang may pang-eengganyo. “Thursday then.”

Hindi pa niya nasabing namanipula yata siya nito nang may tumawag sa pangalan niya. Napakagat-labi siya nang makita niyang ang mommy pala niya ang tumawag sa kanya. Palapit na ito sa kanilang mesa kasunod ng kanyang daddy at Ate Lucy. Noon lang lumabas ng bahay ang ate niya mula nang manganak ito. Tiyak na naiwan si Bryce sa pangangalaga ng yaya. “Mommy, bakit narito kayo? Akala ko ba, sa Timog kayo magla-lunch?”

Ang daddy niya ang sumagot. “Ang ate mo ang nakaisip na i-try namin dito para makapasyal na rin pagkatapos.”

“Dito kami nag-lunch. Pauwi na nga sana kami nang makita ka ng daddy mo.”

Kakaiba ang ngiti ng Ate Lucy niya nang masulyapan niya ito. Saka lang niya naalala ang kaharap. “Ahm, this is Mr. Terushi Aguila, client namin sa Elle. Mr. Aguila, ang family ko.”

Nagpalitan ng pleasantries ang mga ito. Pagkatapos ay niyaya ni Terushi ang mga ito na samahan sila roon. Sa pag-uusap ng mga ito, parang palagay kaagad ang loob nito sa kanyang pamilya.

Pasulyap-sulyap na siya sa kanyang relo dahil babalik pa siya sa kanilang opisina. Ngunit parang nagkakasarapan pa ng kuwentuhan ang mga ito. Lalo na ang kanyang ama na may nabanggit na business associate na kanegosyo rin pala ng pamilya nina Terushi.

“Bakit hindi na lang kayo sumama sa amin sa pamamasyal?” suhestiyon ng mommy niya mayamaya.

Mabilis ang naging sagot niya. “Babalik pa ako sa office, Mom. I’m quite busy. Nag-meet lang kami ni Mr. Aguila para sa business.” Tiniyak niya na maliwanag sa mga ito na tungkol sa trabaho ang lunch nila ni Terushi, just in case na magkaroon ng ibang ideya ang mga ito sa kanila ng kliyente.

“How about you, TJ?” sabi naman ng kanyang ama. “Sumama ka na sa amin.”

“I’d love that, Sir. Pero next time na lang po kapag makakasama na natin si Kitty.”

Pasulimpat na napasulyap sa kanya ang Ate Lucy niya. Sinasabi na nga ba na kahit anong pagdiriin niyang tungkol lang sa trabaho ang dahilan kaya sila magkasama ni Terushi, mag-iisip pa rin ng ibang ideya ang pamilya niya. Siya na ang nagpaalam para lang makabalik na siya sa kanilang opisina. Sinabayan naman siya ni Terushi sa paglabas patungo sa car park.

“I like your family,” anito nang makaagapay sa kanya. “Ganyan din ang parents ko. They are warm people. I think you’ll like them.”

Hindi siya nagkomento roon. Malabong makilala niya ang mga magulang nito. Wala naman siyang balak na makipagkaibigan dito. Mananatiling kliyente lang ito para sa kanya. He may possessed an enormous sex appeal but she didn’t fall easily for his kind. Maaaring noon ay ganoon ngunit hindi na ngayon.

At upang makuha ni Terushi Aguila ang ideyang nais niyang iparating dito ay si Myrtle ang pinakiusapan niyang makipagkita rito nang sumunod na Huwebes. Nagdahilan na lang siya kay Myrtle na may importante siyang aasikasuhin.

Kaya naman laking gulat niya nang pagpasok niya sa opisina nang Biyernes ng umaga ay madatnan niya si Terushi na naghihintay sa lobby ng office building nila.

She tried to put on a calm demeanor though her nerves were jittery all of a sudden.

“Hi,” bungad nito nang makita siya. Nakatutok kaagad ang paningin nito sa kanyang mga mata na para bang binabasa nito kung ano ang ikinukubli niyon. “You didn’t show up yesterday.”

“I’m sorry, something came up and you know...” dinugtungan niya ng galaw ng mga kamay ang kasinungalingang hindi niya masasabi. “Okay naman daw ang kinalabasan ng meeting ninyo ni Myrtle. Tumawag siya sa akin pagkatapos ng meeting ninyo.”

“But I missed you...” malakas lang nang kaunti sa bulong na sabi nito at may kasunod pang buntong-hininga.

Nagkabikig siyang bigla sa emosyon na nakita sa mukha nito. Oh, God! Huwag naman po sa isang ito. Please, no!

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro