7. Unhurried Kiss

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

"Kinuha ko lang ito roon sa mga ipinadala ni TJ kanina," paliwanag ng Ate Lucy ni Kitty nang pumunta ito nang hapong iyon sa opisina nila. Ang tinutukoy nito ay ang tatlong red roses na dala nito at bahagyang iwinawagayway sa mukha niya. "Para daw sa 'yo. Ang dami-dami nga."

Nagpadala pala ng mga bulaklak ang binata sa kanila. Hindi man lang nito itinawag o i-t-in-ext sa kanya. "Ate naman, bakit nagdala ka pa niyan dito? Baka makita 'yan nina Myrtle at Greta. Alam mo namang nuknukan ng buskador ang mga 'yon."

"Eh, di hindi ko na lang sasabihin sa kanila kung kanino galing. Ano, puwede na ba tayong umalis?" Patungo sila nito sa TV station na pinaglilingkuran na nito. Kukunin daw ng ate niya ang unang paycheck nito. Pagkatapos ay tutuloy sila sa press conference ng isang pelikulang ang Elle ang nagdisenyo ng mga costumes na ginamit.

Kailan lang ay natanggap ang ate niya bilang researcher ng isang TV magazine. Nakiusap ito sa kanilang mga magulang na payagan itong magtrabahong muli para daw ito na ang magtaguyod kay Bryce.

Kung tutuusin ay hindi naman kailangang magtrabaho ng ate niya. Ngunit nahihiya rin siguro ito sa daddy at mommy nila.

"Sandali, may ibibilin lang ako kay Greta."

Nagawa at napuntahan nilang magkapatid ang dapat puntahan. Nakita niyang suot ng ilang cast ng pelikula sa press conference ang costumes na idinisenyo nila sa Elle. Sa kalagitnaan ng press conference ay napalingon ang ate niya at natigilan. "Oh, my God!"

Tiningnan niya ang nakita nito. Siya man ay nagulat. Dahil nasa kaliwa lang ng ate niya ang ama ni Bryce na si Jim, may kaakbay na isang mestisahing babae.

Humakbang ang kapatid niya patungo sa direksiyon ng mga ito. Napasunod naman siya. "Ate, please, huwag kang gagawa ng eksena rito."

Hindi ito umimik. Lumapit pa ito hanggang sa distansiyang tiyak na makikita ito ni Jim.

Hinawakan niya ang braso ng kapatid. "Ate..."

Hindi ito nag-eskandalo. Nakatingin lang ito sa dalawa. Hindi naman ito pansin ni Jim. Kaswal na nakikipag-usap lang ito sa kasamang babae.

Tiningnan niya ang ate niya. Parang kahit anong sandali ay magbe-break down na ito roon. "Ate, umuwi na lang tayo."

Hindi siya pinansin nito. Lalo pa itong lumapit kay Jim. "J-Jim, hihintayin kita sa amin anytime tomorrow. Kailangan nating mag-usap."

Napuno ng pagtataka ang mukha ni Jim. Parang noon lang nito napansin ang ate niya. "Hey, my name's not Jim. Who are you?"

Siya naman ang napamaang. Ano ba ang drama ng lalaking ito?

Umangat ang palad ng ate niya ngunit napigilan niya ito. "Ate, huwag dito."

"Napakasama mo!" nanggigigil na sabi ng ate niya kay Jim. "Lalo mo lang pinatunayan sa akin kung anong klaseng lalaki ka!" Pumihit na ito at tinalikuran na ang dalawa. Halos hilahin siya ng kapatid niya makalayo lang sa lugar na iyon.

Nang marating nila ang kanyang kotse, doon nag-iiyak ang Ate Lucy niya. Hindi niya malaman kung paano aaluin ito.

"Ate, okay ka na ba?" aniya nang maging sigok na lang ang iyak nito. "May gusto ka bang puntahan muna o tutuloy na tayo sa 'tin?"

"U-umuwi na lang tayo, Kitty."

Nang makauwi sila ay nagtuloy kaagad ito sa nursery. Kinuha nito si Bryce sa kuna sa pagtataka ng yaya nito. Pagkatapos ay niyakap nito nang mahigpit ang bata na para bang aagawin iyon ng kung sino. Hindi naman makaimik ang pamangkin niya. Naguguluhan man sa inaakto ng ate niya ay tila nakikiramdam lang ito.

"Ate, hindi na makahinga ang anak mo," paalala niya. Saka pa lang nito niluwagan ang pagkakayakap sa bata. Naupo ito sa gilid ng kama habang kalong si Bryce. Tinabihan niya roon ang mag-ina. "Ano na ang balak mo ngayon?"

"Wala na akong balak na makipagkita pang muli sa lalaking iyon. Dahil sa inasal niya kanina, parang bigla akong nagising. Manloloko nga pala siya talaga, isang oportunista. Sinamantala niya ang kahinaan ko noon. Sinamantala niya ang s-sobrang pagmamahal ko sa kanya..." Nangilid na naman ang luha sa mga mata nito.

"Kalilimutan ko na talaga siya, Kitty. Natiis niyang hindi makita ang anak niya. Hindi nga nakakapagtaka na magdrama siya kanina na parang hindi niya ako kilala. Ipinagkaila pa niya na siya si Jim. Siguro, ibang pangalan ang pakilala niya sa babaeng iyon. Bibiktimahin na naman siguro niya. Malamang na mangyayari din doon ang ginawa niya sa akin. Pero may araw din siya. Makakatapat din siya ng babaeng gaganti sa mga kagaguhang pinaggagawa niya. Kaya mula ngayon, hindi ko na aasahan na babalikan pa niya kami ni Bryce."

"Hayaan mo, Ate, pagtutulungan natin ang pagpapalaki kay Bryce."

"Salamat. Kahit nagpakagaga ako noon kay Jim, tinulungan pa rin ninyo ako nina Mommy. Salamat... hindi kayo nagsasawang tulungan ako."

"Siyempre naman. Matitiis ka ba namin?"

ISANG hapon, paglabas ni Kitty sa Elle ay nadatnan niyang naghihintay si Terushi sa parking lot, sa tabi ng kanyang kotse. Napangiti kaagad ito nang makita siya.

"Ano'ng ginagawa mo diyan?" nakangiting tanong niya rito. "Kanina ka pa ba?"

"Hindi pa naman gaano. Alam ko kasing pauwi ka na kaya dito na ako naghintay."

"Bakit hindi ka na lang umakyat sa office?"

"Baka kasi tuksuhin ka na naman ng mga kasama mo, mahiya ka tuloy."

Natawa siya. "Kahit naman hindi ka makita ng mga 'yon, talagang lagi nila akong itinutukso sa iyo."

"Sana hindi ka mapikon."

"Ano sa tingin mo?" nakangiting sabi niya ngunit naghahamon.

Lumapad ang pagkakangiti nito. "I love it when you look at me like that."

Bigla naman siyang nahiya ngunit tinawanan niya ito. "Teka nga, tatayo na lang ba tayo rito?"

"Gusto ko sanang yayain ka. Early dinner lang, please." Exaggerated ang pagpapaawa nito.

"Okay, mag-convoy na lang tayo. Saan bang restaurant 'yon?"

"Puwede bang sumakay ka na lang sa kotse ko at pagkatapos nating mag-dinner, ihahatid na lang kita rito?"

"Okay." Sumakay nga sila sa BMW nito.

Patungong Makati ang daang tinutumbok ng sasakyan nito. Nasa Bel-Air na sila nang ipasok nito ang sasakyan sa bakuran ng isang maganda at may kalakihan ding bahay na ang arkitektura ay Italian-inspired. Hindi iyon bago ngunit moderno pa rin ang hitsura. Napatingin siya kay Terushi.

"Sa garden sa gilid tayo magdi-dinner. But if you want to freshen up first, we'll go inside."

"Kaninong bahay ito?"

"Sa half brother kong namatay. Ibinenta niya ito sa akin noon. Pero kalahati pa lang ang nababayaran ko, namatay na siya."

"Dito ka tumitira?"

"Hindi. Pero paminsan-minsan, umuuwi ako rito."

Isang lalaki ang nagbukas sa kanila ng pinto. Marahil ay singkuwenta o higit pa ang edad nito. Ipinakilala siya rito ni Terushi. Mang Dino raw ang pangalan nito. Ito raw ang katiwala ng bahay. Ito na ang nagturo sa kanya kung nasaan ang restroom.

Paglabas niya roon ay iginiya siya ni Terushi sa glass door sa tagiliran na gawa sa glass panel. Hindi pa man sila lumalabas doon ay tanaw na niya ang magandang view ng hardin.

May side porch doon. Doon niya nakita ang isang maliit na round table na puno ng mga natatakpang pagkain.

"Ang ganda pala rito," aniya habang iginagala ang paningin sa paligid na puno ng iba't ibang klase ng ornamental plants. Hindi nga lang niya alam ang mga pangalan ng mga iyon ngunit ang iba, lalo na iyong ang hitsura ng mga dahon ay parang palma, ay deep green ang kulay. Ang iba naman ay may madidilaw na dahon. Mayroon ding lila at may mga halamang kombinasyong puti at berde ang kulay. May hanging plants din na nakasabit sa isang wooden trellis.

"Sabi na nga ba magugustuhan mo rito. Gusto mo na bang kumain?"

"Hindi pa naman ako gutom."

"Halika, may ipapakita ako sa 'yo." Bumaba sila nito sa tatlong baitang na taas ng side porch. Saka lang niya nakita ang isang fountain na ang ayos ay batis na umaagos sa elevated at malalaking bato. Sinasalo ang tubig ng isang man-made lagoon. Isang panig ng lagoon ang may lilim at ang gilid ay kinortehan na parang upuan para sa dalawang tao. Dinala siya roon ni Terushi. "Maligamgam ang tubig dito. Parang sa hot spring. Pero mechanical ang nagpapainit ng tubig. Nakaka-relax kapag ibinabad ang mga paa diyan."

Parang asiwa si Kitty na magbasa ng mga paa ngunit gusto rin naman niyang pagbigyan ito. Pumayag siyang sabay nilang ilubog sa tubig ng lagoon ang kanilang mga paa.

Mainit nga iyon, mas mainit nang kaunti sa maligamgam. Ngunit habang tumatagal ay nasasanay siya sa temperatura. "This is nice."

"Alam ko kung gaano ka ka-busy mula Lunes hanggang Biyernes. Gusto ko naman na bigyan ka ng ganitong treat para makapag-unwind ka. Kahit gaano ka ka-busy, huwag mong kalilimutan na mag-relax paminsan-minsan. Taste the fruit of your labor."

"Opo, father," tudyo niya.

"Hindi naman sa sinesermunan kita. Pero noong una kasi kitang makita, parang ang dami mong pasan na problema. 'Tapos no'ng mag-meeting tayo, madalas kong mahuli na kumukunot ang noo mo."

Nilukutan niya ito ng ilong. "Paano pong hindi kukunot ang noo ko, eh, napaka-weird ng mga demands mo."

"Sabi ko nga sa 'yo, gusto ko lang mag-iwan noon ng lasting impression. Tiniyak ko lang na hindi mo ako makakalimutan."

Mayamaya ay nagyaya na itong umahon. Kumain na raw sila.

Ilang putahe lang naman ang nakahain. Ngunit lahat ng mga naroon ay pawang mga paborito niya. Hindi niya alam kung nag-research ba ito sa ate niya at kay Myrtle o talaga lang nataon na mga paborito niyang pagkain ang ipinahain nito.

Asikaso siya ni Terushi habang kumakain sila. Daig pa niya ang isang prinsesa kung tratuhin nito. Ang ikinalolobo ng dibdib niya ay makita na parang tuwang-tuwa ito habang pinagsisilbihan siya. Habang lumalalim ang pagkakakilala nila, napupuna niya na malayung-malayo pala sa unang impresyon niya noon ang totoong Terushi.

"In-order mo ba sa restaurant ang mga ito?" usisa niya nang kumakain na sila.

"Hindi. Pero okay lang ba sa 'yo ang lasa?"

"Oo naman. Masarap nga, eh."

Ang ngiti nito ay para nang sa isang kiniliti. Sobrang katuwaan ang nasa mga mata nito. "That's nice to hear. Sana, kapag inimbitahan uli kita, papayag ka pa rin."

"Oo naman. Si Mang Dino ba ang nagluto nito?"

"Hindi."

"Eh, sino?"

Nagbaba ito ng tingin na parang nahihiya. Pagkatapos ay sumulyap sa kanya. "Baka kasi hindi ka maniwala kapag sinabi ko."

Puno ng interes na naikalang niya ang kanyang mga siko sa mesa. "Ikaw ang nagluto ng mga ito?"

Tumango ito. "'Yan lang ang mga natandaan kong recipe sa mga iniluluto noon ni Mama. Hindi ko nga lang makuha ang eksaktong lasa ng luto niya. Masarap kasi siyang magluto."

Hindi nga siya makapaniwala. "Ano ka ba? Mas masarap ka pa ngang magluto kaysa sa akin. Ibig bang sabihin nito, hindi ka pumasok kanina sa office para lang lutuin ang mga ito?"

"Pumasok naman ako pero bago mag-lunch, lumabas na rin ako. Si Mang Dino ang namalengke ng mga ingredients. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na nagustuhan mo ang mga niluto ko."

Napangiti na naman siya. "You're wrong. Alam ko. Your eyes were a giveaway. Para silang nagsasayaw kapag sobrang saya mo."

Napahalakhak na ito. "You're such a sweet girl. Kaya naman hindi ako mapakali kapag hindi kita nakita sa loob ng isang araw. Parang kulang ang araw ko kapag hindi ko narinig ang boses mo. Tell me, Kitty, uso pa ba ang gayuma?"

Iningusan at nilukutan niya ito ng ilong ngunit ang totoo ay kinikilig siya sa mga pronouncement nito.

Masaya rin siya tuwing kasama niya si Terushi. Sinasalitan ng paminsan-minsang tawanan at halakhak ang hapunan nila. Takipsilim na ay naroroon pa rin sila. Sinindihan na ni Mang Dino ang mga ilaw sa side porch pati na ang garden lights.

"Sayang nga, hindi man lang nakita ni Kuya ang anak niya bago siya namatay," kuwento nito nang usisain niya tungkol sa kapatid nitong dating may-ari ng bahay. "Kasi naman, inilihim niya sa amin ang tungkol sa nabuntis niyang babae. Ipinagbilin nga niya sa akin na hanapin ko raw ang mag-ina niya. Pero hindi na niya nasabi sa akin kung saan ko hahanapin."

"You mean, nilayasan ang kuya mo ng asawa niya?"

"Hindi naman niya asawa 'yong babae, girlfriend lang. Hindi man lang niya naipakilala sa parents ko. At wala rin akong idea kung sino ito. Hindi rin malinaw kung sino sa kanila ang unang nakipaghiwalay. Gano'n naman kasi si Kuya, hindi talaga siya seryoso sa mga babae. Siguro, kaya lang niya nagawang sabihin sa akin ang tungkol sa babaeng nabuntis niya dahil nga may dapat siyang panagutan dito. Kasi naman, hindi yata niya ipinagtapat sa girlfriend niya na grabe na ang sakit niya. Kahit nga sa amin, hindi rin niya ipinagtapat. Nalaman na lang namin na malala na siya."

"Siya 'yong patay na iniyakan mo noon sa ospital, 'di ba?"

"Oo, siya nga. Sandali ko lang siyang naabutang buhay. Itinawag lang sa akin ng nurse na naghihingalo na si Kuya. Sina Mama at Papa nga, hindi na siya inabot."

"Kaya pala sobrang nagmamadali ka noon. Ano ba ang naging sakit ng kapatid mo?"

"Colon cancer. Sayang talaga. Bata pa siya. He's only thirty-four."

"Oo nga, sa edad na iyon, marami pa siyang magagawa sa buhay niya. Alam kaya ng girlfriend niya na may sakit siya?"

"Ewan ko, hindi na nasabi sa akin ni Kuya. Siguro hindi alam n'ong babae. Kung alam n'on, malamang na hindi siya pumayag na maghiwalay sila ni Kuya."

"Sayang, ano? May pamangkin ka pala pero hindi mo alam kung nasaan. Sinubukan mo na bang hanapin?"

"Hindi ko nga masimulan kasi wala naman akong idea kung ano ang hitsura noong babae. Pangalan lang ang alam ko, Cindy Lou. Ang apelyido, hindi na rin nasabi sa akin ni Kuya."

Napailing siya. "What a coincidence. Cindy Lou rin ang tunay na pangalan ng kapatid ko."

Napatitig sa kanya si Terushi. "Cindy Lou ang tunay na pangalan ni Ate Lucy?"

Nakiki-ate na rin ito sa ate niya samantalang mas matanda pa ito sa kapatid niya. Hindi na lang niya pinansin iyon.

"At single mother siya, 'di ba? Hindi kaya siya nga ang girlfriend ni Kuya?"

"Imposible 'yon dahil noong isang araw lang, nakita namin ang ama ng pamangkin ko."

"I see. Pero puwede ko bang makita ang picture niya?"

"Sige, hihingi ako sa ate ko kung may naitatabi pa siya. Malay mo, siya pala ang tatay ni Bryce. Pero sabi ko nga, buhay na buhay pa ang manlolokong iyon."

Muli siyang nagtungo sa restroom. paglabas niya nakita niya sa dingding na malapit sa hagdang patungo sa ikalawang palapag ng bahay ang isang malaking painting. May nakapinta roon na isang malaki ngunit malabong imahe ng dulo ng golf club. Sa loob ng imahe ay ang malayong pigura ng isang lalaking may hawak na golf club at mukhang papalo ng bola.

"Favorite ni Kuya ang golf kaya ikinomisyon niya ang isang artist na gawin ang obrang 'yan," paliwanag ni Terushi nang makita nito kung ano ang tinitingnan niya.

Siya naman ay mas interesado sa pigurang nakikita niya roon. Parang hawig ito kay Jim. Ngunit tulad ng sinabi niya kanina, malabong maging si Jim ang kapatid ni Terushi. Dahil nga nakita nila ito ng ate niya noong isang araw. "May ibang picture ka ba ng kuya mo rito?"

"Wala, eh. Noon kasing mamatay siya, ipinadala ni Mama sa bahay ang lahat ng mga alaala at personal na gamit ni Kuya. Ang painting na iyan lang ang natira dito."

Nagpasya si Terushi na ihatid na lang siya sa kanila. Uutusan na lang daw nito ang company driver para ihatid sa kanila ang kanyang kotse.

Pumayag na lang siya. Kung siya kasi ang tatanungin, pareho lang naman nilang gusto na magtagal pa sila na magkasama.

"Thank you for the nice dinner," sabi ni Kitty rito nang ihatid siya nito hanggang sa front steps nila. "Salamat sa pag-aabala mong magluto at dalhin ako sa magandang bahay na 'yon."

"You're welcome. Basta para sa 'yo-" Natigil si Terushi sa kung ano pang sasabihin. Humugot ito ng hininga bago tumitig sa kanya. "Kitty, ayokong isipin mo na nanunuyo lang ako, na nagpapa-impress lang ako. Ginagawa ko ito dahil gano'n ang response ko tuwing makikita kita. Kahit mahirapan ako, basta mapasaya lang kita, masayang-masaya na ako. I would love to do things for you if it would make you happy."

Siya naman ang hindi maawat ang ngiti. Sa huli, dumukwang siya at ginawaran ito ng isang hindi nagmamadaling halik sa pisngi.

Natawa siya nang makitang nakapikit si Terushi kahit tapos na ang halik. Itinaboy na niya ito. Para kasing nararamdaman niya na may mga matang nakatingin sa kanila.

Tama nga ang hinala niya. Dahil nang pumasok na siya sa loob ay naroon ang ngingiti-ngiting kapatid niya.

"Kayo na ba?" anito, mapanudyo ang hitsura.

"Ano ka ba? Magkaibigan lang kami, 'no." Umakyat na siya sa hagdan at nagtungo sa kanyang silid. Nakasunod pa rin ang ate niya.

"Eh, bakit may pa-kiss-kiss ka pa with matching tirik ng mga mata."

Iningusan niya ito. "Ang OA mo." Pagsasarhan na sana niya ito ng pinto ng silid niya nang may maalala siyang itanong dito. "Ate, ano ba ang favorite sports ni Jim?"

Nabura ang ngisi nito. "Bakit mo naman naisip na itanong 'yan?"

"Basta sagutin mo lang ako."

"Golf."

.........................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro