8. The Antidote

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“Maganda ang result sa sales namin ng mga unang batch ng designs ninyo rito. In fact, pinaka-popular sa exhibit namin 'yong wedding ensembles na d-in-esign mo, Myrtle. Kaya nga gagawin na naming twice this year ang wedding fashion exhibit. And that means we need more of your designs,” sabi ni Joan sa kanya. Muli na namang pumasyal ito sa Elle.

“Mabuti naman pala. Kung nagpaplano kayo ng isa pang exhibit, at least, tama lang na ganito kaaga, maihanda na ang mga designs.”

“Kaya nga personal na akong nagpunta rito. Isa pa, gusto ko naman na makakuwentuhan ka. Matagal-tagal na rin mula noong huling nagkita tayo. Hindi ka kasi sumama kina Greta sa exhibit.”

“Wala kasi ako noon dito. Nasa Nueva Ecija ako.”

“Oo nga pala, bago ko makalimutan, may ibabalita ako sa 'yo,” biglang naging excited na sabi nito.

“Ano 'yon?”

“Tungkol sa brother ko, kay Viper. Alam mo ba na ilang beses ka niyang itinanong sa akin noong exhibit? Nasaan ka raw? Inimbitahan daw ba kita? Bakit daw hindi ka dumating?”

No doubt. Kung alam ni Viper na nagde-design siya ng mga damit-pangkasal, malamang na magtatanong ito ng disenyo ng wedding gown para sa girlfriend nito.

“At kahapon lang, itinanong ka na naman niya sa akin. Kailan daw ba kita iimbitahan sa bahay.”

“Sana, pinapunta mo na lang sila ng girlfriend niya rito. Maipapakita ko pa sa kanya ang ilang designs na puwede nilang pagpilian.”

“Ano ka ba? Hindi naghahanap ng design ng wedding gown si Viper. At matagal na silang wala ng girlfriend niya. May three months na yata.”

“Eh, bakit niya ako hahanapin?”

“Ikaw naman, itinatanong pa ba 'yon?” anito na may mapanudyong ngiti sa mga labi. “Ibig lang sabihin n’on, naka-recover na sa heartbreak ang kapatid ko. At kaya ka niya itinatanong sa akin, I think he finds you interesting.”

Napanganga siya. Totoo ba ang sinasabi nito? Bakit naman ngayon lang nagkainteres sa kanya si Viper? Kung kailan committed na siya nang husto kay Urison.

“FIVE weeks na tayong ganito. Natatakot na ako sa maaaring maging bunga, Uris,” nasabi ni Myrtle kay Urison nang isang araw ay sunduin siya nito sa opisina.

“Bakit ka natatakot? Ako nga, excited pa.”   

“Uris!”

“Bakit? Hindi ka rin ba nae-excite? Nasabi ko na nga kina Daddy na magpapakasal na tayo.”

Nadismaya siya sa sinabi nito. “Bakit mo ginawa 'yon?”

“Why? It’s the most natural and logical thing to do,” nagpapakuwelang sabi naman nito. “Nagmamahalan tayo at nagkakasundo naman. Dapat lang na makasal tayo.”

“Pero hindi ba nga napag-usapan natin na kailangan munang mawala ang epekto ng gayuma sa atin bago tayo gumawa ng kahit anong hakbang?”

“'Di ba nga nawala na? Naubos na natin ang antidote. Ibig sabihin n’on, wala na ang epekto ng gayuma sa atin.”

Saglit na natilihan siya sa sinabi nito. “May nabago ba sa 'yo? Napi-feel mo na ba ngayon na si Kitty ang mahal mo at hindi ako?”

“Hindi.”

“Hindi? Eh, di hindi pa rin pala nawala sa 'yo ang epekto ng gayuma.”

“Nawala na nga. Naubos na ang antidote so, wala na ding bisa ang nainom natin na gayuma.”

Inis na tumingala siya. Nagpapaikut-ikot lang sila nito. “Pero ganoon pa rin ang nararamdaman mo, natin sa isa’t isa. That only means na hindi umepekto sa atin ang pangontra sa gayuma. We’re still under its power. At kailangan nating makawala roon bago tayo gumawa ng kahit anong hakbang. Kaya hindi mo pa dapat sinabi sa parents mo na pakakasal tayo.”

“Hey, darling, darling, listen to me.” Hinawakan pa nito ang mga kamay niya at tiningnan siya nang tuwid sa mga mata. “Nakainom nga tayo ng gayuma kaya tayo nagkagustuhan. Now, nang mainom na natin ang pangontra ay ganoon pa rin ang pakiramdam natin para sa isa’t isa, ibig lang sabihin n’on: hindi na tayo napapasailalim sa impluwensiya ng gayuma. You know what? We are now under the spell of l-o-v-e. 'Got it?” dagdag pa nito, pilyung-pilyo at pagkatapos ay nandagit ng mabilis na halik sa bibig niya.

Nang manatili lang siyang nakatingin dito, muling inilapit nito ang mukha sa kanya, ikiniskis ang ilong nito sa ilong niya at dinampian na naman ng halik ang mga labi niya.   
Napapikit na lang siya. Sino nga ba ang makakakontra sa lohika ng sinabi nito? Mas masarap na magpatangay na lang sa nararamdaman niya. Tinugon niya ang halik nito. Ang damping halik kanina ay maalab na ngayon.

“KINAKABAHAN ka ba?” tanong ni Myrtle kay Urison. Sinalubong niya ito sa pinto. Usapan na nilang pupunta ito sa kanila nang hapon na iyon ng Sabado. Kakausapin nila ang kanyang pamilya. Ipapaalam na nila sa mga ito ang balak nilang pagpapakasal.

Humalik muna ito sa kanya bago sumagot. “Hindi. But I can tell you are. Nanlalamig ang kamay mo. Dapat din ba akong kabahan?”

“Hindi naman. Kaya lang kasi...”

“Istrikto ang stepfather mo?”

“Hindi. Mabait sa akin si Uncle Dino.”

“I see. So, dapat pala akong kabahan sa kuya mo?”

Pinagalaw niya ang mga balikat. “Well, he can be difficult if he wants to. Pero hindi naman nakikialam iyon sa mga ganitong affairs. Si Mama at si Uncle Dino lang ang kakausapin natin.”

“Wala akong dapat ikatakot sa kanila kahit tutulan pa nila ang pagpapakasal natin. Pareho na tayong nasa tamang edad. Kung tututol sila, bahala sila. We will only tell them, not ask permission from them.” 

Parang ayaw yata niya na maging ganoon. Para sa kanya, paghingi ng pahintulot ang gagawin nila. Pagpapaalam at hindi simpleng pagsasabi lang. Ngunit hindi niya masalungat ang sinabi ni Urison. Sa tingin niya nakahanda itong gawin ang lahat matuloy lang ang kasal nila. At tama rin naman ito. Nagmamahalan sila at dapat lang na mauwi iyon sa kasalan.

Magkatabi sa sofa sa sala ang mama niya at Uncle Dino nang dalhin niya si Urison sa sala. Ang hindi niya inaasahan ay naroroon din ang Kuya Perry niya. Sana lang huwag nitong paandarin ang ugali nito na mahirap ispelingin.

Nagsimula kaagad si Urison pagkatapos ng mga pleasantries. “Nagkasundo po kami ni Myrtle na magpakasal na. Gusto po sana naming hingin ang blessing ninyo tungkol sa bagay na ito.”

Nakita niyang ngumiti ang mama niya. Masaya ito para sa kanya. Si Uncle Dino ay pormal lang. Ang kuya naman niya ay parang kongresista na nag-aabang ng maigaganti sa argumento ng kalabang kongresista. She could sense he would give them a hard time.

“Kailan n’yo ba balak magpakasal?” tanong ni Uncle Dino.

“Middle of next month na po sana kung maaayos lahat ng mga dapat naming asikasuhin.”

“Nagsisimula pa lang ang buwan. So, mahigit isang buwan na lang pala ang preparations na gagawin ninyo,” sabi naman ng mama niya.

“Opo.”

“Baka gahulin kayo niyan,” ani Uncle Dino. “Mas maganda siguro kung may dalawang buwan ang preparasyon ninyo.”

“Bakit ba kayo nagmamadali?” singit ng kuya niya. “Buntis ka na ba, Myrtle?” Nang-aakusa ang tinging ipinukol nito kay Urison.

“Of course not!” pahumindig na sabi niya.

“Pasensiya ka na sa kapatid mo. He doesn’t know the word ‘tact’ exists,” muling wika ng padrasto niya.

“Oo nga pala, kayo ni Mama ang author ng salitang ‘tact,’” ganti naman agad ng kuya niya. “In fact, you are so tactful no one knows about your little secret.”

“Perry!” halatang dismayadong sansala rito ng mama niya. “Diyos ko naman, anak. Kailangan bang maging ganito ka sa harap ng magiging bayaw mo?” anito sa kuya niya saka nito binalingan si Urison. “Pasensiya ka na sa panganay ko, Urison.”

Ngumiti at tumango lang si Urison dito.

Tumayo na ang Kuya Perry niya at hinarap nito ang kanyang nobyo. “Ito lang ang tatandaan mo, bayaw. Kaming tatlo, suportado ni Myrtle sa lahat ng mga pangangailangan namin. Siguruhin mo lang na hindi magbabago 'yon kahit makasal kayo.”

“Kuya, please,” angal niya. Hiyang-hiya na siya kay Urison.

Hindi na nakasagot pa ang nobyo niya. Walang paalam na umalis na roon ang kanyang kapatid.

“Kahit kailan talaga, walang modo 'yang anak mo,” galit na komento ni Uncle Dino.

“Ituloy na lang natin ang pinag-uusapan,” pag-iiba ng mama niya. Halatang hiyang-hiya ito kay Urison.

   Hindi naman nag-aalala si Myrtle sa magiging reaksiyon ng nobyo niya sa sinabi ng kanyang kuya. Alam nito ang sitwasyon niya. At alam din nito na malaki ang pensiyon ni Uncle Dino kaya hindi totoo na sinusuportahan niya pati ito. Ang totoo, si Kuya Perry lang ang sinusuportahan niya financially.

Napag-usapan nila kung saan ang venue ng kasal. Gusto sana ng mama niya na idaos iyon sa simbahan. Gusto naman nila ni Urison ng isang garden wedding. Itinakda na rin ang pamamanhikan sa susunod na Sabado.

Excited siya sa kanilang pagpapakasal ni Urison. Mahal niya ito at alam niyang mahal din siya nito. Kaya hindi niya maunawaan kung bakit may nararamdaman siyang munting takot.

“YOU MEAN, mauunahan n’yo pa kami ni Terushi na magpakasal?” hindi makapaniwalang sabi kay Myrtle ni Kitty. Tapos na ang pamamanhikan sa kanila nina Urison. Nagtungo sa kanila ang magulang nito, dalawang kapatid na lalaki at ang mag-asawang Robielle at Salvador. Naging maayos naman ang usapan. Nagkasundo kaagad ang magkabilang panig. At iyon ay dahil wala noon ang kuya niya.

“Ganoon na nga. Ayaw na ni Uris na patagalin pa ang kasal. Nakipag-usap na nga kami sa kinuha niyang wedding planner. Naka-plan na rin lahat ng mga lalakarin namin tulad ng pag-a-apply ng lisensiya, family planning seminar, pagkausap sa mga magiging ninong at ninang.”

“Well, I am relieved. Hindi na ako makokonsiyensiya na hindi ko man lang nabigyan ng chance si Uri na magustuhan siya.”

Napangiti si Myrtle. Medyo nahihiya rin naman siya rito dahil ito talaga ang pinursiging ligawan noon ni Urison. “Kailan naman ang balak ninyo ni TJ?”

“May mga problema pa kasi sa respective families namin. Medyo komplikado nga. Pero nabubugnot na rin ang isang 'yon. Sabi niya, kahit daw sa huwes na lang kami magpakasal kung puro pasaway ang mga relatives namin.”

“Speaking of pasaway, ganyan din si Kuya Perry.”

“Tinutulan ba niya ang pagpapakasal ninyo ni Uri?”

“Hindi naman. Pero ipinahiya niya kaming tatlo nina Mama at Uncle Dino kay Uris. Mabuti na nga lang nang mamanhikan sa amin ang pamilya ni Uris, wala noon si Kuya Perry.”

“Hayaan mo na nga ang mga pasaway na 'yan. Hindi naman sila ang main character sa kuwento.”

“Tama ka. Mabuti na nga lang, medyo malawak ang pang-unawa ni Uris.”

Noon pumasok sa eksena si Greta. Kagagaling lang nito sa labas, may bitbit na manggang manibalang at bagoong alamang. “Hi, guys!” masayang bungad nito sa kanila.

Nagkatinginan sila ni Kitty. “Don’t tell me na naglilihi ka na naman?” aniya rito.

“Hindi, ah. Medyo naglaway lang ako nang makita kong may nagtitinda nito sa tabi ng fast-food diyan sa kabilang building. Kaya 'eto, bumili ako.”

“Doon tayo sa lounge,” sabi ni Kitty. “Baka may client na biglang pumasok.”

“Bakit? Dahil nakakahiya?” tanong niya. Tiningnan niya ang kanilang mga suot. Pawang naka-corporate attire sila. Si Greta lang ang medyo casual ang suot. At pagkatapos ay makikita ng kliyente na nagsasawsaw siya sa bagoong alamang ng manggang manibalang.

“Hindi, 'no,” wika naman ni Greta. “Ang sabihin mo, baka maki-share pa sa atin, eh, kakaunti na nga lang ito.”

Natawa sila ni Kitty hindi sa sinabi nito kundi sa contortion na ginawa nito sa sariling mukha.

Lumipat nga silang tatlo sa lounge sa loob. Doon nila nilantakan ang mangga at bagoong.

“Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mong magpakasal kay Uri kahit minahal n’yo lang ang isa’t isa dahil sa gayuma?” usisa ni Greta nang muling banggitin ni Kitty ang tungkol sa nalalapit na kasal niya.

“Nainom na namin ang antidote pero ganito pa rin ang pakiramdam namin, Greta.”

Humingi ng paglilinaw ang naguguluhang si Kitty. Si Greta na ang nagkuwento rito ng lahat.

“Ibig mong sabihin, hindi ka kumbinsido na wala na sa kanila ni Uri ang epekto ng love potion, ganoon ba?” paglilinaw pa nito pagkatapos ng kuwento ni Greta.

“Tama ka. Hindi nga ako kumbinsido. Kasi nga, wala namang nabago. For all we know, sobrang romantic lang talaga ng nagpainom kina Myrtle ng love potion na 'yon kaya imbes na antidote ay gayuma pa rin ang ibinigay niya kay Uri. Akala niya siguro, talagang mag-asawa kayo.”

Natigilan siya sa sinabi ni Greta. Napaisip tuloy siya.

“Myrtle, maputi na 'yang buto ng mangga. Tigilan mo na.”

“H-ha?” Saka lang niya napansin na wala nang masimot na laman sa kinakain niyang buto ng mangga.

“Hayaan mo, mamaya bago mag-uwian, baka nandoon pa 'yong binilhan ko ng mangga. Ibibili kita,” tatawa-tawang sabi ni Greta.

DALAWAMPUNG araw bago ikasal sina Urison at Myrtle ay ginugulo pa rin ang isip niya ng sinabi ni Greta. Kaya naman nagpasya na lang siya na balikan si Tata Landoy sa Nueva Ecija.

Hindi niya sinabi kay Urison ang pag-alis niya. Gusto niyang matiyak na hindi siya maiimpluwensiyahan ng gagawin o sasabihin nito. Kapag kasi nilambing na siya nito ay wala na siyang magawa. Kaagad na sumusuko siya sa gusto nito.

Mabuti na lang at naabutan niyang nasa bahay ang mag-amang Landoy at Abel nang magtungo siya sa mga ito sa Nueva Ecija.

Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa sa matanda. Sinabi niya rito ang pakay niya. “Tata Landoy, last month po, bumalik dito si Uris. Binigyan ninyo siya ng dalawang botelya ng pangontra sa gayuma na naipainom ninyo sa amin noon. Pero naubos na po namin ang laman ng botelya, wala pa ring nagbago sa amin. Hindi pa rin kami bumabalik sa dati ni Uris.”

“Eh, hindi naman talaga kayo babalik sa dati,” napapangiting sagot nito. “Hindi naman pangontra ang hiningi sa akin ng asawa mo kundi iyon pa ring gayuma.”

Daig pa niya ang nabagsakan ng bubong sa kanyang narinig. Lumung-lumo siya sa nalaman sa matanda.

.....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro