4. "Friends"

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Nagsisimula pa lang magtanong si Rovinia kay Pingkit ay naiiyak na ito. Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang tumuloy ito sa condominium unit niya. Sa loob ng dalawang araw ay nirespeto niya ang pananahimik ng kaibigan. Nagkukuwentuhan sila ngunit hindi muna siya nagtanong tungkol sa problema nito.

Nang mga sandaling iyon, dala ng habag at pagnanais na makatulong kay Pingkit, sinimulan na niyang basagin ang katahimikan nito.

“A-ang sakit-sakit pala, Ruby,” anito, sabay yakap sa kanya. Umiyak lang ito nang umiyak sa balikat niya. Nanahimik naman siya at hinayaang makalma ito nang kusa.

Nang mahimasmasan ito ay hindi na niya kailangan pang mag-usisa. Ito na ang nagkusang nagkuwento sa kanya.

“Ayaw na nga sana naming mag-asawa na masundan ang pangatlo. Kasi nga, sa tatlo pa lang, nahihirapan na kami. Pero hindi ko maintindihan kung bakit nitong huli, humihirit pa siya ng isa. Sa kakapilit niya, 'eto, nagbuntis nga ako...”

Totoo pala ang palagay ng nanay niya.

“Siguro, gusto lang niyang ma-divert ang pansin ko kaya gusto niyang masundan ang bunso namin. Dahil ang totoo p-pala...” Napaiyak na naman ito.

Sa tingin niya ay sobra-sobrang sakit talaga ang naramdaman nito sa ginawa ng asawa.

“M-maingat siyang magtago ng kalokohan niya. Wala man lang akong nahalata. Pero no’ng isang araw, nagpunta ako sa kabilang bayan dahil may ipinakukuhang documents sa akin 'yong boss ko sa isang client namin doon. I-I saw them, Ruby. Galing sila sa Vista Verde. Nakapulupot sa asawa ko 'yong babae. At 'yon namang magaling na lalaki, pahalik-halik pa sa ulo at pisngi ng malanding 'yon!”   

“Ano’ng ginawa mo?”

“Nilapitan ko sila. Sinampal ko silang pareho.”

“Sa public?”

“Ruby, nagdilim na ang paningin ko no’n. Alangan namang hintayin ko pang makauwi muna ang asawa ko? Sasabunutan ko pa nga sana 'yong babae kung hindi lang napigilan ako ng walanghiyang asawa ko.”

“Ano’ng nangyari pagkatapos?”

“Umuwi ako at sumunod siya. Hindi ko siya pinapasok sa bahay.”

“Sana, nag-usap muna kayo bago ka lumayas sa inyo.”

“Paano naman ako makikipag-usap sa kanya, eh, huling-huli ko na nga sila ng babae niya? Nagde-deny pa siya. Samantalang nalaman ko sa bilas ko na mag-iisang taon na pala akong niloloko ng walanghiyang lalaking 'yon.”       

Well, typical of a man. Bakit nga ba ipinanganak na polygamous ang mga lalaki? “So, ano’ng plano mo ngayon? At paano ang mga anak n’yo?”

“Hindi ko alam. Magulo pa ang isip ko. Kahit kailan, hindi ko naisip na puwedeng magtaksil sa akin ang asawa ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Kung ano ang mangyayari sa mga anak namin kapag tuluyan na kaming naghiwalay.”

Napailing siya. Sa minsang pagkakamali napakaraming konsekwensiya ang naging bunga. At isipin na lang na mag-aapat na ang anak nito.

Nang sumunod na araw, pagkagaling niya sa opisina ay nadatnan niyang ang nanay naman niya ang kausap ni Pingkit. Basa na naman ng luha ang mga mata ng kaibigan niya. Hindi niya alam kung ano ang ipinayo rito ng kanyang ina. Ngunit pagkatapos niyon ay parang naging maaliwalas na ang mukha ni Pingkit.

Kinabukasan ay nagpaalam na ito sa kanya. Babalik na raw ito sa Palayhat.

“Tinawagan ako ng asawa ko, Ruby. Susunduin niya ako rito ngayon.”

“Bati na kayo?” dismayadong tanong niya.

“Well...” anito, saka bumuntong-hininga. “Mag-uusap muna kami. Lahat naman ng tao, nagkakamali. Siguro, bibigyan ko pa siya ng isang chance. After all, may mga anak kami. Baka mahirapan sila kung makikipaghiwalay ako sa ama nila.”

Siguro nga ay may katwiran si Pingkit. Ngunit paano naman ang damdamin nitong nasaktan, ang self-worth nitong naapektuhan nang labis, ang kasagraduhan ng matrimonyo ng kasal na binaboy ng taksil nitong asawa? Mabubura ba iyon nang ganoon na lang?

INILIKO ni Rovinia ang kotse niya sa isang eskinita. Lumiko rin doon ang kotseng nasa likuran niya.

Kotse iyon ni Viper. Bago mag-uwian ay nilapitan na naman siya nito. Niyayaya siya nitong mag-stroll sa mall.

Kamuntik na siyang matawa. Ano ba naman sila, mga estudyante na nag-i-stroll pa? Hindi siya sumama. Nangulit ito. Sinabi na lang niya na may appointment siya sa tumatahi ng office uniform nila.

Maaari sanang sa Biyernes na lang niya puntahan ang office uniform niya. Ipinabalik niya iyon sa modista dahil sobrang sikip sa kilikili at maluwang naman ang waistline. Ang kaso, para hindi na siya kulitin pa ni Viper, minabuti niyang totohanin ang alibi niya. Pupuntahan na lang niya ang patahian ng modista.

Tumingin siya sa rearview mirror. Nakasunod pa rin sa kanya ang kotse ni Viper. Bigla siyang nagpreno. marahil ay hindi nito inaasahan ang gagawin niya kaya kamuntik nang sumalpok ang unahan ng kotse nito sa bumper niya.

Yamot na bumaba siya ng kotse at kinatok ang bintana nito sa driver’s side. “Ano ba’ng problema mo?” masungit na sita niya rito nang buksan nito ang bintana.

Guilty ang hitsura nito nang sumagot. “Teka, teka, bakit ka ba nagagalit?”

“Bakit mo 'ko sinusundan?”

“Bakit naman kita susundan?”

Medyo nagpanting ang mga tainga niya sa sinabi nito. Magde-deny pa ito samantalang kanina pa ito nakasunod sa kanya. “Bakit nga ba?”

“Aba, hindi kita sinusundan. Nagkataon lang siguro na pupuntahan ko rin 'yong pupuntahan mo. Hindi naman siguro masamang dumaan din ako sa mga dinadaanan mo.”
Aba’t ang hudas, lumulusot pa! Inis na tinalikuran na niya ito.

“Hey, wait!”

Hindi niya pinansin ang pagtawag nito. Mabilis siyang bumalik sa kanyang kotse. Ngunit nang makapasok na siya ay pinigilan ni Viper na maisara niya ang pinto. Nakasunod pala kaagad ito. “Ano ba’ng problema mo?” asik niya, pilit binabawi ang pinto ng kotse ngunit mahigpit ang pagkakakapit nito roon.

“Wala akong problema. Baka ikaw ang mayroon. Bigla mo akong hinarang sa gitna ng kalsada para lang tarayan. Ano ba’ng problema mo?” gagad nito sa paninita niya.

“Aba’t!” Pinigilan niya ang bibig niya. Hindi siya nagmumura ngunit nang mga sandaling iyon ay gusto niyang magmura. “Let go!” nanggigigil na utos niya rito.

“Lady, I think you have a problem. Why, you’re overreacting. Ano ba ang mayroon sa akin para kainisan mo? I’ve been trying to be nice to you since day one.”

Kailangan niyang magpakahinahon. “Wala. Wala, okay? Just let me go. Nakakaabala na tayo sa traffic dito.”

Lumingon ito sa likuran nila. “Tayo lang ang nandito kaya huwag mong ikatwiran ang traffic. Sige na. Once and for all, sabihin mo kung ano ang ikinaaayaw mo sa akin.”

Napailing siya. Ang kulit talaga ng hudyong ito. “Gusto mong pag-usapan natin 'yan dito sa gitna ng kalsada?”

“Why not?”

“Are you out of your mind?”

“Malapit na, hangga’t hindi mo sinasabi sa akin kung bakit inis ka sa akin. Kung bakit ayaw mo akong kaibigan. Bakit ayaw mo akong kausap?”

“I just don’t like your kind, that’s all,” pananalampak na lang niya. Hindi yata talaga uubra ang discreet na pagpapaabot ditong ayaw niyang magkaroon ng ano mang ugnayan dito.

“My kind?” napapantastikuhang wika nito. “And what’s exactly my kind, Miss Arenas?”

Naitirik niya ang mga mata. Desidido talaga itong makipagbalitaktakan sa gitna ng daan. Bigla niyang pinasibad ang sasakyan. Sa pagkagulat ay nabitiwan nito ang pinto ng kotse niya. Mabuti na lang at walang pulis doon. Kung nagkataon ay marami itong maitsa-charge sa kanila ni Viper.

Nang marating niya ang dress shop ng modista ay bahagya pa lang napapawi ang inis niya. Pinuna tuloy nito ang mood niya.

“Parang galing ka sa giyera, ah,” sabi ng may katabaang modista. Lampas-kuwarenta na marahil ang edad nito at ang kulot at mahabang buhok ay pirming nakaipon sa isang perpektong bun sa ituktok nito. May kalakihan ang dress shop na ang kadalasang tinatahi ay mga office uniform. Tatlo ang mananahi roon at isang helper bukod sa master cutter at proprietress na kausap niya.

“Hindi naman, Ate Siony. May kinainisan lang ako habang papunta ako rito.”

“Sino naman?” Isinenyas nitong maupo siya sa wooden bench na nakapuwesto sa bukana ng patahian.

“Isang walang modong motorista.”

“Marami talagang ganyan dito sa Maynila. Lalo na 'yong mga mahilig sumingit at mag-cut.”

“Sinabi mo. Tapos na ba 'yong ipina-repair ko, Ate Siony?”

“Oo. Kaunting lilip na lang sa tinastas ko sa may manggas. Teka’t pakihintay mo lang sandali.” Kinausap ng modista ang helper at ito ang pinaglilip ng office uniform niya.

Habang nilililip ang uniporme ay dumampot siya ng isang catalogue ng mga business suit sa mesita. Siya namang pagsungaw ng isang bultong nagpabalik kaagad sa inis niya. Ano’ng ginagawa ng asar na 'to dito?

“Good afternoon, Ate Siony,” bati ni Viper sa modista habang sa kanya naman nakatingin, medyo nakangisi.

“Good afternoon, po, Sir Viper. Kukunin n’yo na ba ang ipinatahi ninyong pantalon?”

“Oo sana kung tapos na.” Binalingan siya ni Viper, nakangisi. “Hi, Ruby,” bati sa kanya nito na para bang hindi sila nagtalo sa gitna ng kalsada kani-kanina lang.

Isang pekeng ngiti ang iginanti niya rito. “Hi.”

Naupo ito sa katapat niyang bench. Alam niyang tulad niya ay wala rin itong balak na magpunta roon. Ngunit nang malaman nitong doon siya patungo ay nagpunta rin ito para lang asarin siya.

Disimulado siyang huminga nang mapansing nakatingin lang ito sa kanya. Bakit ba kapag nasa paligid lang niya ang lalaking ito ay hindi niya magawang manatiling cool?

“Can’t we at least be friends, Ruby?” sabi nito pagkatapos ng ilang minutong pananahimik.

Hindi niya inaasahang iyon ang sasabihin nito. Mabuti na lang at abala si Ate Siony. Ayaw niyang doon pa sila gumawa ng eksena ni Viper. “And then what?” aniya, sadyang hininaan ang boses para hindi makaagaw ng pansin ng mga naroon.

“Wala, friends lang. Alam ko naman hindi mo ako gusto. I know you dislike my kind, remember? Gusto ko lang talagang maging maayos ang treatment natin sa isa’t isa. I mean, you treat others nicely, so why can’t you treat me just the way you treat them? Well, let me rephrase it,” pahabol nito nang makitang tumaas ang isang kilay niya. “I got the message when you told me you don’t like my kind, okay? Kaya nga hindi na kita kukulitin gaya noon—”

“And that’s a promise?” agaw niya rito.

Napailing ito bago sumagot. “Okay, promise. Pero gusto ko pa ring maging friends tayo. Is that asking too much, Ruby?”

Tingnan lang sa kanya ng lalaking ito kapag nagsingit na naman ito ng pagpe-flirt. “Okay, friends,”
napipilitang sang-ayon na lang niya.

“Whew! Thank God!”

Napalingon sa kanila ang mga tao roon. Ibinaling naman niya ang mukha sa kabilang direksiyon upang hindi na patuloy pang makakuha ng pansin sa mga ito.

“For starters, can I treat you to a snack?”

Sinasabi na nga ba.

“Puwede namang magsabay sa pagkain ang mga magkaibigan, 'di ba?” patuloy pa nito.

“Okay. Pero kanya-kanyang bayad tayo.”

Mukhang aangal ito sa sinabi niya ngunit nanahimik na lang.

“At kung puwede lang, ayokong lagi kang nakatitig sa akin.”

“Pero—” Hindi na nito itinuloy kung ano man ang balak na sabihin. Lumitaw sa mukha nito ang tila pagkatalo at paglalaho ng tiwala sa sarili.

Naging palaisipan sa kanya ang ekspresyong iyon ni Viper. Nasaktan ba niya ito?

Nang tingnan uli niya ito ay wala na ang ekspresyong iyon. Nakangiti na ito na tila tuwang-tuwa na.

Nagkamali lang ba siya ng tingin?

“WHAT’S so special about this place? Noong una mo akong yayaing mag-snack, gusto mong dito tayo. Ngayong niyaya mo na naman ako, dito mo pa rin ako dinala, kahit malayo ito sa pinanggalingan natin at marami naman tayong nadaanang ibang snack house,” tanong ni Rovinia kay Viper nang mag-convoy sila patungo sa Beagle’s.

“Saka mo na alamin,” sagot naman nito. “Nagpapa-impress pa ako sa 'yo. Wala ka dapat mabibistong nakaka-turn off tungkol sa akin.”

Nilingon niya ito at tinaasan ng isang kilay.

“Oops,” sabi naman nito, sabay taas ng dalawang palad, “friends.”

“Mabuti naman at hindi mo kinakalimutan.”

Self-service ang kainan. Nakabili na sila ng mga pagkain nang magsalita uli ito. “Masasarap ang pagkain nila rito kaya gusto kong dito ka dalhin. Kakilala namin ang may-ari nito. In fact, nakapasok na ako sa kitchen nila kaya alam ko kung paano ginagawa ang mga isine-serve nila. Sigurado akong malinis ang mga pagkain...”

Hindi niya inaasahan na ang isang tulad nito ay mag-aaksaya ng panahon para sa mga ganoong detalye.

“Mismong ang mag-asawang may-ari ang nagtitimpla ng mga pagkain dito. Hanga nga ako sa tandem nila. Pareho sila ng interes. Pareho silang nag-e-enjoy sa negosyo nila na dati, eh, hobby lang nila.”

“That’s nice.”

“Minsan, 'pag bumalik uli tayo rito, ipapakilala kita sa kanila.”

“Pakiramdam ko, hindi mo lang sila ordinaryong kakilala.”

Ngumiti ito. “Tama ka. Close friends ko sila. At malaki ang naitulong sa akin ng mag-asawang may-ari nito. 'Nga pala, i-try mo itong truffle nila. Mas gusto ko ang lasa ng truffle dito kaysa roon sa ginagawa sa restaurant ng mga hotels.”

Pakiramdam niya parang may mali sa sinabi nito. Hindi nga lang niya matukoy kung alin at kung paanong ganoon ang naramdaman niya. Nagiging paranoid na yata ako kapag ang lalaking ito ang kausap ko.

Tinikman na lang niya ang truffle na iniaalok nito. “Hmm... masarap nga.”

“I told you. 'Yan ang pinakagusto ko rito sa Beagle’s.”

“Bakit nga pala Beagle’s ang pangalan nito? 'Di ba, aso 'yon?”

“Oo nga. Bago nila itayo ito, may alaga silang beagle, si Mustang. Ang kaso, namatay si Mustang bago mag-operate itong snack house.”    

“At sa sobrang pagmamahal nila sa aso, ipinangalan sa kanya ang snack house na ito. Pero dahil hindi bagay ang Mustang na maging pangalan ng restaurant, ginawa na lang Beagle’s, tama ba?”

“Ang galing mo, ah. Gano’n nga ang kuwento nito.”

“Mahilig ka ba sa pets, Viper?”

“Well, hindi masyado. Pero lately, gusto ko na ng aso. In fact, may alaga akong Labrador retriever sa amin.”
Sa puntong iyon, naalala niya na may isang lalaki noon na ayaw sa mga aso. She should have recognized the warning signs long before she got involved with the man. Ang isang taong walang amor sa mga pets ay kadalasang maramot at makasarili. Patay na siya, Ruby. Kalimutan mo na ang mga pagkakamali niya. Forgive him and forgive yourself for falling for that kind of man. Napakatagal nang panahon para patuloy na kimkimin mo pa iyon.

“Bakit bigla kang nalungkot? May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?”

“H-ha? Hindi, w-wala. May naalala lang ako. Don’t mind me.” Kung bakit naman kasi tuwing makikita niya si Viper ay hindi niya maiwasang maalala si Eldric.

“Siguro... siguro, dati may isang lalaki na nanakit sa 'yo, 'no?”

“Kalimutan mo na lang 'yon. Malapit nang gumabi. Kailangan ko nang umuwi.”

“Okay. Next time, gawin natin uli ito, ha?”

Nginitian lang niya ito. Kahit pumayag na siyang maging magkaibigan sila ay wala pa rin siyang plano na maging malapit dito. He could spill his charm so easily and before she knew it, she was hooked already. No way, Viper. No way!

.......................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro