7. Touch

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Hinawakan ni Rovinia ang rim ng baso ng mango shake na inihain sa kanya ni Winona. Napangalahati na niya iyon ay hindi pa rin nababawasan ang pagkapikon na nararamdaman niya.

Nagtungo siya sa bahay nito upang may mapaghingahan ng kanyang inis sa mga ipinagtapat sa kanya ni Aira. Asar na asar siya na nagawa ni Viper ang magpakababa nang ganoon-ang kapangahasan nitong kasabwatin si Aira, at sabihin ditong may lihim siyang pagkagusto kay Viper.

Ang lalong nagpapakulo ng dugo niya sa ginawa ng bruhong iyon ay ang plano nitong pagpapaselos sa kanya para lang makatiyak ito na nagkakagusto na nga siya rito.

Kahit kailan, wala kang mapapatunayang herodes ka!

Ngunit sa isang banda, nitong mga huling araw ay may mga kilos siya na positibong nagpapahayag na may nabubuo nga siyang pagkagusto kay Viper. Crush na niya ito kahit sa sarili lang niya aaminin. Naging obvious kaya rito ang mga kilos na iyon? Diyos ko, hindi naman po sana. Baka kapag nagkataon lalong lumobo ang tiwala sa sarili ng bruhitong iyon.

"Baka naman madurog na 'yang baso sa mga kamay mo."

Napabitaw siyang bigla sa basong kaharap niya, sabay tingala sa nagsalitang si Winona.

"May thirty minutes ka na yata rito pero para ka pa ring toro na sumisingasing sa galit. Kahit microscopic bacteria, matatakot na maipit sa mga bagang mo. Pa-check-up ka sa dentist mo bukas. Baka nagkaroon na ng crack ang mga ngipin mo."

Inirapan niya ito. "Nakakapagbiro ka pa riyan. Bakit, sa tingin mo ba, hindi big deal ang ginawa ng Viper Iñigo na 'yon?"

Naupo ito sa katapat niya. "Friend, nagiging big deal lang sa 'yo 'yon kasi nga, admit it, may feelings ka na doon sa tao."

"Of course I don't!"

"O, tingnan mo na. Sobrang adamant 'yang pagtanggi mo kaya napaghahalata ka."

Natameme siya sa obserbasyon nito. Daig pa nga naman niya ang isang teener na malapit nang mabisto ng kanyang secret crush.

"Ruby, wala namang masama kung aaminin mo ang totoo. Ke yumabang o hindi si Viper kapag nalaman niya na crush mo siya, hindi mo na problema 'yon. Pabayaan mo na kung masundot nang kaunti ang pride mo. Ang feelings, hindi dapat sinu-suppress. Walang iniwan 'yan sa masamang hangin, kapag s-in-uppress mo, masamang amoy ang lalabas."

Sukat sa sinabi nito ay napabulalas siya ng tawa. "Hay, Winona, ang galing mo talagang ta-timing."

"If I were you, I'd just go with the flow."

"Alam mong hindi ko ugali 'yon."

"Kaya nga lagi kang malungkot. Kahit gusto mo, sinasabi mong ayaw mo. Puwede mo namang pagbigyan 'yang feelings mo, ah. I'm sure, kung kagaya talaga si Viper ng mga nababalitaan ko, hindi magtatagal, mabubura din ang feelings mo sa kanya."

"Bakit, ano ba ang nababalitaan mo tungkol sa kanya?"

"Na mabilis lang siyang magpalit ng girlfriend."

"Kapag sinunod kita, ise-set up ko lang ang sarili ko sa heartbreak."

"May choice ka ba? Kapag itinago mo 'yan, lalo ka lang pepestehin ni Viper hanggang sa mabuking ka niya. Pero kapag in-accommodate mo ang pagpe-flirt niya sa 'yo, sandali lang ang konsumisyon mo dahil eventually, he'll get tired of you and then find another conquest."

Napapangitan siya sa scenario na sinasabi ni Winona ngunit nauunawaan din niya ang logic niyon. "Sobrang risky ang sinasabi mo."

"Gano'n talaga. It's a case of choosing between two evils. You have to be clever and choose the lesser one."

Bakit nga ba hindi niya sundin ang suhestiyon nito?

KINALUNESAN, napansin ni Rovinia na nakataas ang hood ng kotse ni Viper at may kinakalikot ito roon. Pauwi na siya kaya bumaba siya sa basement parking.

Nilapitan niya ito. "May problema ba sa kotse mo?"

Lumingon ito sa kanya. "Ikaw pala, Ruby. Oo, parang hindi ko gusto ang tunog. Nag-aalala nga ako na baka itirik ako nito sa daan."

Napansin niya na may mga talsik ng putik ang tire area ng kotse nito. "Siguro, malayo ang pinanggalingan niyan kahapon."

"Oo, malayo nga. Ginabi na nga ako ng uwi. Hindi ko na nga ito naipalinis muna. Galing kasi ako sa Nueva Ecija kahapon. Doon ako nag-weekend. Medyo rugged ang terrain ng lugar na napuntahan ko. I should have used a four-by-four."

"Kung gusto mo, sumabay ka na sa akin. Idadaan na kita kung saan ka man tutuloy ngayon."

"Talaga?" anitong nagulat man pero parang natuwa naman. "Hindi ko tatanggihan 'yan."

Isinakay na nga niya ito sa kotse niya. "Saan ba kita idadaan?" tanong niya rito nang makalabas na sila ng basement parking.

"Sa bahay na lang. Kung gusto mo, ako na lang ang magda-drive para hindi ka gaanong mapagod."

Hmm, bakit nga ba hindi? "Okay lang sa 'yo?"

"Oo naman. Bihira lang mangyari ang ganito na makakasabay kita nang hindi kita pinipilit."

Napangiti lang siya sa pasaring nito. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng lalaking ito kapag nadiskubre nito na simula sa araw na iyon ay hinahayaan na niyang makalapit ito nang husto sa kanya?

"Can I push my luck a bit and ask for a brief snack with you somewhere?"

"Depende siguro kung saan 'yong somewhere," aniyang hindi pa rin matiis na hindi magpakipot nang bahagya.

"May coffee shop sa kanto three blocks from here. Doon na lang tayo."

"Okay."

Napatingin uli ito sa kanya, parang hindi na naman makapaniwala.

Nang huminto sila sa harap ng Figaro ay inalalayan pa siya sa pagbaba ng kotse na parang isang perfect gentleman. Sa tingin niya, ingat na ingat itong magkaroon siya ng dahilan para bawiin ang pagpayag niya.

Maganda ang ambience ng coffee shop. Nagustuhan kaagad niya ang naririnig na bossa nova sa piped-in music.

Wala siyang gaanong alam sa kape at tsa dahil kung hindi chocolate ay gatas lang ang iniinom niya. Kaya nga bihira siyang pumasok sa mga coffee shops. Ngunit hinayaan niyang kumbinsihin siya ni Viper na sumubok na uminom ng kape. Cappuccino ang in-order nito para sa sarili at sa kanya naman ay latte espresso with cherry and whipped cream.

"How does it taste like?" tanong ni Viper nang tikman niya ang isinilbi sa kanila ng waitress.

"Masarap. I think I can get used to drinking this."

Napangiti ito. "Good. Sa susunod na punta natin dito, i-try mo naman ang ibang flavor."

Kamuntik nang tumaas ang isang kilay niya. Sa susunod? Oh, well, he's trying to push his luck further. "Okay," sabi na lang niya.

"Paano ka nga pala natutong lumangoy at naging magaling pa kung may phobia ka dati sa tubig?" out of the blue ay naitanong nito.

Hindi iyon ang inaasahan niyang pag-uusapan nila. At sandaling napaisip muna siya. Nabanggit na ba niya rito na dating takot siya sa tubig? "Bakit mo naman naisip na itanong sa akin 'yan?"

"Gusto ko kasing makilala ka pa. Lahat ng tungkol sa 'yo, gusto kong malaman. I mean... I want to know you more, Ruby."

Parang may humaplos sa puso niya. Hindi dahil sa sinabi nito kundi sa facial expression na nakita niya rito. Magkakahalong takot, pag-aalangan at pag-asam ang nakita niya sa mga mata nito habang nagsasalita ito. At parang lalo lang itong gumuwapo sa ekspresyong iyon.

"I hope you won't mind my asking."

"No, I won't. May nangyari kasi noon, matagal na. Eight years ago pa. Muntik na akong mapahamak dahil sa phobia ko sa tubig. Kaya nang tumira na ako dito sa Manila, nagpaturo akong lumangoy kay Tita Espie."

"Si Tita Espie pala ang mentor mo."

"Oo. Hirap na hirap nga siyang turuan ako noong una. Siguro, ilang linggo rin bago ko nagawang maging at ease sa tubig. Kaya nang matuto na akong lumangoy, nag-volunteer akong magturo sa mga bata sa kanilang lugar."

Marami pa silang napagkuwentuhan. Kadalasan ay ito ang palaging nagtatanong tungkol sa kanya.

She found the conversation even more enjoyable. Lalo na at naging at ease na ito at palabiro. Nakapag-tatakang hindi ito nagpahaging ng pagdiga sa kanya. Hindi tuloy nila napansin na gumagabi na.

Imbes na ihatid ito ay ito na ang naghatid sa kanya. Magta-taxi na lang daw ito para makapagpahinga na siya. Mabuti na lang at wala na sa condominium unit niya ang kanyang ina. Nakabalik na ito sa Palayhat. Kung hindi, baka ulanin siya nito ng tanong at panunukso. Wala na yatang pinakahahangad ang nanay niya ngayon kundi ang magka-boyfriend na siya.

Oras ng uwian nang sumunod na araw, nasa basement parking siya nang mapansin niya si Viper. Nakasandal ito sa hood ng isang Toyota Fortuner na parang may hinihintay. "Hi, Ruby," bati nito nang mapatapat siya.

"Hi," aniya at ngumiti rin dito.

"Puwede ka ba uli maimbitang magkape ngayon?"

Hindi na siya nasorpresa. Siya pala talaga ang hinihintay nito. Ngumiti uli siya. "Puwede. Kumusta na nga pala ang kotse mo?"

"Nasa auto repair shop na. Itong dala ko ngayon, sa dad ko. Puwedeng dito ka na sumakay? Daanan na lang natin mamaya ang kotse mo?"

Natawa na siya. Ang hitsura kasi nito ay para bang napakalaking pabor ang hinihiling nito. "Sinabi mo, eh."

He smiled broadly. Tila nabunutan ito ng tinik. Marahil namamangha pa rin ito na hindi na siya tumatanggi sa mga pagyayaya nito.

"Nakapag-try ka na bang mag-snorkel?" tanong nito sa pagitan ng pag-inom nila ng kape. Cappuccino ang in-order nito para sa kanya pero mas nag-enjoy siya sa blueberry cheesecake na kasama niyon.

"Hindi pa. Hindi ko pa nata-try mag-sea diving."

"May beach house kami sa Anilao. Kung gusto mo, doon tayo sa weekend. Tuturuan kitang mag-snorkel. Ako na ang bahala sa diving gear mo. Basta sumama ka lang."

Pumayag naman siya.

"Thanks, Ruby."

Natawa siya. Para na naman kasing hindi ito makapaniwala na pumapayag siyang sumama rito.

Mula Lunes hanggang Biyernes ay araw-araw siyang iniimbitahan nitong magpalipas ng oras sa coffee shop na iyon. At araw-araw din nitong ipinaaalala sa kanya ang lakad nila sa Anilao. Alam niyang hanggang sa huling sandali ay hindi pa rin ito makapaniwala na papayag siyang sumamang mag-isa rito sa isang out-of-town trip.

Pero nakaligtaan niyang magpaalam kay Tita Espie. Kaya hindi rin sila natuloy ni Viper sa Anilao.

Alam niyang na-disappoint ito. Ngunit sinabi na lang nitong tumuloy sila sa susunod na weekend. Pumayag naman siya. Maaga na siyang nagpaalam kay Tita Espie na hindi siya makakapagturo ng swimming lessons sa mga bata sa darating na weekend.

Sa loob ng dalawang linggo, hindi sila pumalya ni Viper sa pagtungo sa Figaro tuwing lalabas sila ng opisina. Sa bawat araw ay nadaragdagan ang mga nalalaman niya tungkol dito. Nadaragdagan din ang damdamin niya para dito. Damdaming hindi na yata paaawat pa. Sa pagdaraan ng mga araw ay unti-unti rin niyang natutuklasan na hindi na yata applicable pa sa kanya ang sinabi ni Winona. She knew she was falling for Viper. She was hoping against hope she could still turn her back.

MAAGANG-MAAGA nang sumunod na Sabado ay dinaanan siya ni Viper sa kanila. Ang akala niya ay magkokotse sila patungong Batangas. Ngunit dinala siya nito sa Manila Bay Yacht Club. Isang forty-six-foot hydrofoil na may pangalang "Lady Love" ang sinakyan nila.

"Welcome aboard!" nakangiting sabi nito nang makapasok siya sa loob ng yate.

"This is nice. Parang bago pa."

"Bago pa talaga ito. Ito ang latest acquisition ng dad ko. Pero nang mabili na niya, he realized na hindi pala sila vibes ng dagat."

"Ano'ng ibig mong sabihin na hindi vibes ng dagat?"

"May seasickness pala siya. Akala kasi niya, kapag sanay na sa eroplano, ganoon din ang biyahe sa dagat. Kaya ibinigay na lang niya sa akin ito. Ako na ang madalas gumamit nito ngayon."

"Bakit, wala ka bang mga kapatid?"

Lumawak ang ngiti nito at tiningnan siya. "Wow! At least ngayon, natatanong mo na ako tungkol sa mga personal na bagay." Sasagot sana siya ngunit pinigilan siya nito. "Wala akong mga kapatid na lalaki. Dalawa lang kami ng Ate Joan ko. One time, ipapakilala kita sa kanya. I'm sure you'll like her."

Handa ba siyang makilala ang pamilya nito? Pangmalaliman na yata iyon.

"SANA... sana lagi kong nakikita sa 'yo na lagi kang nagtitiwala sa akin," sabi ni Viper kay Rovinia. May kalahating oras nang nakalabas ng Manila Bay ang yateng sinasakyan nila. Katatapos lang nilang mag-almusal noon. Magkatabi silang nakatayo sa railings ng upper deck. Banayad ang alon at malayang inililipad-lipad ng maharot na hangin ang dulo ng kanyang ponytail. "Tulad ngayon, sumama ka sa akin dito nang mag-isa."

"Basta ba lagi kang katiwa-tiwala, bakit naman hindi?" natatawang sagot ni Rovinia. Tuwing gagamitan siya nito ng ganoong tono-iyong tonong seryoso ngunit parang may pag-aalangan ay napapangiti siya. Malayung-malayo kasi iyon sa personalidad nito na mataas ang confidence level.

"I feel so peaceful with you beside me here. Sa tinagal-tagal ng paglalayag ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito... Can you please hold my hand?"

Hindi niya inaasahan ang hihilingin nito. Nakaumang ang palad nito malapit sa kanyang kamay. Kung gugustuhin nito ay maaari namang ito na lang ang umabot sa kamay niya.

Magtatanong sana siya kung bakit gusto nitong hawakan niya ang kamay nito. But she felt stupid to ask that question, so she just reached out and held his hand.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Viper. Nang tingnan niya ito ay nakapikit na habang dinadala sa dibdib nito ang kamay niya.

She felt mushy inside. Bakit ba ganito katindi ang epekto sa kanya ng gesture na iyon ng lalaking ito?

Ang saya-saya niya. Gusto niyang yumapos dito at sabihin dito na makakaya nilang harapin ang kahit na anong masamang pangyayari nang hindi mawawala ang saya na iyon.

"How I wish that this is gonna be forever..." wika nitong bahagya na lang niyang narinig sa malakas na hangin. Ngunit ibinaba rin nito ang kamay niya. Nanatili nga lang na hawak nito iyon. Dumilat na ito at binalingan siya. "Thank you, Ruby. I won't forget this moment. Kahit ano'ng mangyari mamaya, bukas o pagkalipas ng maraming taon, hinding-hindi ko ito makakalimutan." Pagkatapos niyon ay itinaas nito ang kanyang kamay at marahang hinagkan ang likod ng palad niya.

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro