8. Sweet And Thoughtful

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

"Wow! Ang cute naman ng bag na 'to." Binuhat pa ni Winona ang munting bag na nakita nito sa passenger seat ng kotse ni Rovinia. "Anong laman nito, ha?"

"Sabon lang 'yan." Galing kay Viper ang bag ng mga sabon. Mula nang manggaling sila ni Viper sa Anilao ay naging constant date na niya ito. May mutual understanding na sila na "sila" na.

Hindi na siya gaanong nag-isip. Nakakasawa na kasing kontrahin ang damdamin niya. Gusto naman talaga niya si Viper. At sabi nga ni Winona, "Go with the flow."

Kung ano ang mangyayari kapag nagsawa na sa kanya si Viper at nakahanap na naman ito ng iba, saka na niya poproblemahin iyon. Ang mahalaga ay masaya siya ngayon. Sa wakas, pagkaraan ng maraming taon, sumaya rin ang love life niya.

"Sabon? Anong sabon?" Kinalag nito ang ribbon na nagsisilbing tali ng bag. "Wow! Ang bango. Teka, bakit pangalan mo ang nakalagay sa wrapper nito? Saan ba galing ito?"

"Ibinigay sa akin 'yan ni Viper."

"Viper na naman. Lately, lagi mo na lang siyang bukambibig. At napapansin ko, idinadaan yata sa regalo ng isang 'yon ang panliligaw sa 'yo."

Totoong kung anu-anong bagay na sa tingin ni Viper ay magugustuhan niya ang ibinibigay nito. Hindi yata ito makokontento nang walang ibibigay sa kanya tuwing magkikita sila. Kapag naman pinupuna niya ito, palagi lang nitong sinasabi na kaligayahan na nitong bigyan siya. Tulad na nga lamang ng sabon na binubusisi ni Winona nang mga sandaling iyon. "Ayaw magpapigil, eh."

"Made-to-order yata ang sabon na ito."

"Tama ka. 'Yong kaibigan daw ni Viper na perfumer ang pinagpagawaan niya ng mga sabong 'yan na exclusively named for me."

"Wow! Grabe rin palang ma-in love ang isang 'yon, ano? Eh, kumusta ka naman?"

"Okay naman ako," pilyang sagot niya. Alam niyang gusto lang nitong magpakuwento ng tungkol sa kanila ni Viper. Mula kasi nang magkaroon sila ng unawaan ng binata ay hindi pa siya nagkukuwento rito.

"You mean, masaya ka naman sa relasyon n'yo?"

"Oo."

Saglit na tinungangaan siya ni Winona na animo naghihintay pa ng susunod niyang sasabihin. Nang hindi na siya umimik ay hinawakan siya nito sa magkabilang braso at inalog siya. "Nakakainis ka na! Sobrang secretive mo na ngayon. Magkuwento ka na. Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo nasasabi lahat sa akin ang lahat ng laman ng masayang 'yon."

Tawa siya nang tawa rito. Ikinuwento nga niya rito ang mga kilig moments niya kay Viper. Kilig na kilig din si Winona habang nagkukuwento siya. At nang matapos siya, bakas sa mga mata nito ang tahimik na pag-asam na sana nga magpatuloy ang kanyang kaligayahan.

"Salamat, ha," aniya rito bago sila maghiwalay.

Saglit siyang tiningnan ni Winona na para bang inaalam kung ano ang ipinagpapasalamat niya. Pagkatapos ay sinundot siya nito sa tagiliran. "'Corny mo kaya, ano?" muli na naman silang nagkatawanan.

Hindi niya inaasahan na iyon na ang huling pagsasama nila ni Winona. Dahil nang sumunod niyang makita ang kaibigan ay nagpapaalam na ito. Nagbibitiw na ito sa tungkulin sa kanilang opisina.

"'SOMETHING bothering you?"

Nilingon ni Ruby si Viper. Kasabay niya ito sa tanghalian. Umiling siya. "I'm okay."

"Dahil ba 'yon sa unexpected na pagre-resign ni Winona?"

"Hindi mo naman siguro maiaalis sa akin na malungkot. Almost two years ko rin siyang nakasama sa office. At siya ang pinaka-close sa akin dito."

"Hayaan mo, madalas mo na lang siyang dalawin. Kung gusto mo, ihahatid pa kita sa kanila."

Nginitian niya ito. Paano ba niya ipaliliwanag dito na hindi na niya maaaring dalawin si Winona? Aalis na ang kaibigan niya sa bahay ng mga ito.

"Kapag ako ba ang umalis, malulungkot ka rin?"

Nawala ang ngiti niya. "Aalis ka rin?" Wala sa sariling nahawakan niya ang suot niyang white gold necklace. Bigay iyon ni Viper noong isang araw lang. Sa kabila ng pagtanggi niyang tanggapin iyon ay naigiit pa rin nito ang gusto nang ito na mismo ang magkabit niyon sa leeg niya.

Hayaan na raw niya ito sa pagbibigay sa kanya ng mga ganoong bagay. Makasisiya raw dito na mabigyan siya ng kahit na ano. At masasaktan daw ito kapag tinatanggihan niya ang mga ibinibigay nito sa kanya. Kaya wala siyang nagawa kundi tanggapin na lamang iyon.

"Hindi, Ruby. Habang tinatanggap mo ako sa buhay mo, hindi ako mawawala."

Napakasinsero ng ekspresyon nito habang sinasabi iyon ngunit hindi niya maialis sa sarili ang magduda. Mapanghahawakan kaya niya ang salita nito? Noon lang isang buwan ay na-meet niya ang mga magulang nito at ang kapatid nitong si Joan. At sa kanilang ikalawang pagkikita ng babae ay naging open na kaagad ito sa kanya. Mismong ito ang nagkukumpirma na maraming naging girlfriend si Viper. "What if you get tired of me?"

Ngumiti ito. "That won't happen."

"Mahirap yatang panghawakan ang sinabi mo na'yan."

"Bakit naman? Hanggang ngayon ba, wala ka pa ring tiwala sa akin?"

"Marami ka kasing naging girlfriends. Lahat ba sila, sinabihan mo na hindi ka magsasawa sa kanila?"

Ilang saglit munang nakatitig lang ito sa kanya bago sumagot. "Sa maniwala ka o sa hindi, sila ang nagsawa sa akin kaya hindi nagtatagal ang relasyon namin."

"Mahirap yatang paniwalaan 'yan."

"Wala ka pa ngang tiwala sa akin kung gano'n." Tumingin ito sa labas ng office canteen. "Kunsabagay, hindi kita masisisi. Gano'n kasi talaga ang image ko sa lahat yata ng tao. Dati kasi, kapag nararamdaman ko nang hindi na masaya sa akin ang girlfriend ko, ako na ang gumagawa ng paraan para kalasan nila ako. Ang akala naman ng iba, ako lagi ang may kasalanan sa breakup namin ng mga 'yon."

Nagbuntong-hininga ito bago muling tumingin sa kanya. "Sana naman huwag kang tumulad sa kanila. Sana, hindi mo ako husgahan agad. You have to take me on trust, Ruby. Dahil wala naman akong puwedeng ibigay na proof sa ngayon na totoo lahat ng sinasabi ko sa 'yo."

Hindi na siya nakipagtalo rito. Totoo naman na hindi isandaang porsiyento ang tiwala niya rito. Kaya nga bukas ang isip niya noong una pa man na baka dumating ang araw na pagsawaan siya ng binata. Naidasal na lang niya na sana nga ay totoo ang sinasabi nito.

Sa kabila niyon ay hirap siyang itaboy ang pagdududa. Paano nga ba ako magtitiwala sa iyo nang lubos, Viper? You used Aira to get some reactions from me. At hanggang ngayon, hindi mo masabing mahal mo ako.

"ITONG dulo ng baril ang titingnan mo. Dapat, naka-steady lang ito sa target mo. then hold your breath bago mo pindutin ang gatilyo," turo kay Rovinia ni Viper.

Iilan lang ang mga nagta-target shooting sa kinaroroonan nila. Malayong parte na iyon ng Quezon City. Doon siya niyaya ni Viper nang weekend na iyon upang turuan siyang bumaril.

Pinipilit niyang tandaan ang mga sinasabi nito. Ngunit talagang nanginginig ang kanyang mga kamay sa paghawak ng may kabigatan ding armas. Lahat ng putok niya ay malalayo sa target area.

Muling ibinalik nito sa tainga niya ang pares ng earmuff at mula sa kanyang likuran ay ipinosisyon nito ang kanyang mga kamay sa pistola.

Lalo yata siyang nanginig dahil halos yakap na siya nito. Dama niya ang mainit na singaw ng katawan nito sa kanyang likod sa suot niyang manipis na cotton blouse. At ang mabangong hininga nito ay tumatama sa ibabaw ng kanyang tainga.

Ito na ang nagtutok ng dulo ng baril sa target habang hawak ang mga kamay niya. Pagkatapos ay marahang binitiwan siya nito.

She held her breath. Pagkatapos ay maingat niyang pinisil ang gatilyo. Pumutok ang baril at gumalaw ang katawan niya sa tila pagsikad niyon.

Hindi niya nasentruhan ang target ngunit malapit ang tama sa target area.

"That's better!" nasisiyahang sabi nito sa kanya pagkatapos nitong alisin sa tainga niya ang earmuffs pati na rin ang protective eyeglasses sa mga mata niya.

Ilang ulit pa nilang ginawa ang ganoon hanggang sa siya na ang kusang umayaw.

Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam niya habang nakapaloob sa mga bisig ni Viper. Gusto niyang ayaw niya. Naaasiwa siya ngunit ayaw niyang kumawala. She liked his now familiar scent. She loved the way he moved her hands. She almost melted with the heat from his broad body.

Kapwa sila walang imik nang patungo na sila sa sasakyan.

Nang makasakay na sila, tulad ng nakagawian nito tuwing sasakay sila ng kotse, ay kinuha nito ang seat belt niya upang ikabit iyon. Ngunit sa halip na ikabit ay nanatili lang na hawak nito iyon.

They were there, in close proximity with each other. He, trying to decide what he thought he should do at the moment; she, holding her breath because she couldn't think of any other thing to do.

"Ruby..." paanas na sambit nito na parang nakikiusap. Titig na titig ito sa kanyang mga mata.

Nang bumaba ang mga mata nito sa kanyang bibig ay nagsimula na siyang mangatal. She let out a gasp when his mouth swooped down to conquer her lips.

"RUBY... Oh, Ruby..." padaing na anas ni Viper sa ibabaw ng kanyang ulo habang yakap na siya nito.

Dama niya ang mabilis na tibok ng dibdib nito. Alam niyang ganoon din siya. She was still trembling from the kiss they had shared. Parang tinangay ng halik nito ang kakayahan niyang mag-isip nang mga sandaling iyon.

Matagal-tagal din sila sa ganoong ayos bago nito niluwagan ang pagkakayakap sa kanya.

Tinitigan na naman siya nito. Itinaas pa nito nang bahagya ang kanyang baba upang magpantay ang kanilang mga mata.

Hindi niya matagalan ang ningas sa titig nito. Tila tahimik na inihahatid niyon ang mensahe na higit pa sa halik ang nais nito.

Siya man, kung magpapatuloy na pagharian siya ng mga sensasyong hanggang nang mga sandaling iyon ay damang-dama pa niya, malamang na maging sunud-sunuran siya sa lahat ng ipag-uutos nito.

Nang muling bumaba ang tingin nito ay napapikit na siya. Wala pang isang saglit at naramdaman uli niya ang mainit na mga labi nito, sa ituktok ng kanyang ilong, sa sulok ng kanyang bibig. Hanggang sakupin na nito ang mga labi niya.

Again, she gave in to the kiss. Dahil paano ba niya lalabanan ang napakatamis na karanasang iyon?

Napakalas lang siya rito sa pagsagi ng isang alaala.

"Ruby, what's wrong?" naguguluhang tanong ni Viper nang bahagya niyang itulak ito.

"B-baka gabihin tayo sa daan."

Bago siya tuluyang bitiwan nito ay marahan muna nitong hinaplos ang gilid ng mukha niya habang nakangiti ito. Pagkatapos ay hinalikan nito ang likod ng isang kamay niya. Saka pa lamang nito ikinabit ang seat belt niya.

Wala silang imikan habang-daan. Hindi niya alam kung tinatantiya nito kung ano ang reaksiyon niya sa namagitan sa kanila.

Siya naman ay hindi malaman kung ano ang uunahing isipin. Ayaw niyang i-classify ang namagitan sa kanila bilang resulta ng matiyagang paghihintay na matalo siya. Gusto niyang paniwalaan ang ibinubulong ng puso niya. Na bunsod ng pagmamahal ang pinagsaluhan nilang matatamis na halik. Sumasabay rin sa utak niya ang isang alaala maraming taon na ang nakararaan.

Posible kayang magkapareho ang halik ng dalawang magkaibang lalaki? Dahil hindi siya maaaring magkamali. Kahit matagal nang nangyari, parang sariwa pa rin sa isip niya ang mga halik noon ni Eldric.

Maaaring mas mapusok si Eldric noon kaysa kay Viper ngayon ngunit parehung-pareho ang halik ng mga ito.

Nang maihatid siya ni Viper sa condominium unit niya ay nanatili pa ito roon nang may isang oras. Nagkuwentuhan pa sila. Parang ayaw nang umuwi pa nito. Bakas ang pananabik nito sa kanya kahit halos maghapon na silang magkasama. Madalas na malingat lang siya nang kaunti ay nakaumit na kaagad ito ng halik. Hindi ito kontento kapag malayo siya rito. At palagi itong nakaakbay, o nakahawak sa kamay, sa buhok, sa tuhod, sa balikat niya.

At gusto niya ang kalambingan nito. It illicited a response from her far from the timid, hesitant young woman she was before. Bawat halik nito ay tinutugon niya. Sa bawat haplos nito ay nagpapaubaya siya.

Itinaboy lang niya ito kaya ito umuwi. Gusto muna kasi niyang mapag-isa. Gusto niyang analisahin muna ang biglang bumilis na progreso ng relasyon nila ni Viper.

Maaaring kinikilig siya sa takbo ng mga pangyayari. At para siyang lumulutang sa cloud nine sa panibagong antas ng kanilang relasyon nito. Ngunit naroroon pa rin ang pangamba nang una niyang pagpasyahan na subukang papasukin ito sa buhay niya. Nalalapit na ba ang araw na pagsasawaan siya nito?

Kasasara pa lang niya ng pinto pagkaalis ni Viper nang tumunog ang ringing tone ng kanyang cell phone. Si Pingkit ang tumatawag sa kanya.

"Hi, napatawag ka," bungad niya rito. "Hindi ka nag-reply sa text ko sa 'yo kahapon at kanina." Alam naman niyang kapag hindi ito nag-text back ay malamang na wala na naman itong load dahil prepaid ang gamit nito. Pero ngayon ay tumatawag pa ito.

"Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko sa 'yo, Ruby," anito, seryoso ang boses.

"Bakit, tungkol ba saan ang sasabihin mo?"

"Brace yourself, friend. Buhay pala si Eldric."

......................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro