9. Shocking Revelation

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Shocked si Rovinia sa sinabi ni Pingkit. “B-buhay si Eldric?” ulit pa niya.

“Oo. Si Mama ang nagsabi sa akin. Actually, noon pa palang isang Sabado niya nalaman. Pero kanina lang niya naalalang ikuwento sa akin.”

“Pero nakita kong patay na siya noon. At hindi lang ako. Mismong mga bodyguards niya noon ang nagsabi na patay na si Eldric nang mahulog siya sa mga bato.”

“'Yon lang ang akala ng lahat. Pero hindi pala siya namatay. Naging malubha lang siya noon. Grabe raw ang pinsala ni Eldric sa pagkahulog niya.”

“Sino’ng nagbalita diyan na buhay pa si Eldric?” Hirap pa rin siyang paniwalaan ang ibinabalita nito.

“Ruby, hanggang three minute call lang ang load ng cell phone ko.”

Pinutol kaagad niya ang pag-uusap nila. Pagkatapos ay siya na ang tumawag dito. “Sino raw ang nagsabi sa mama mo na buhay pa si Eldric?”

“Mismong si Mama ang nakakita kay Eldric dito sa Palayhat. Kasama raw nito ang mga magulang. Tinanong pa nga raw ng mama ko 'yong katiwala ng mga Castillo kasi nga hindi siya makapaniwala. At kinumpirma naman daw ng katiwala na si Eldric nga ang nakitang 'yon ni Mama.”

“A-ano kaya ang ayos niya? Hindi kaya siya pilay o nagkadiperensiya ang alinmang parte ng katawan niya?”

“Hindi naman daw. Naayos daw sa cosmetic surgery ang mga malalalim na peklat. At alam mo ba? Binata pa rin siya hanggang ngayon. Wala sigurong sira-ulong babaeng magkagusto sa kanya.”

NANG sumunod na weekend ay tumanggi si Rovinia sa imbitasyon ni Viper na mag-scuba diving sa beach resort ng mga ito sa Anilao.

“Uuwi ako sa amin sa Nueva Ecija, Viper. Kaya hindi ako makakasama sa 'yo.”

“Dadalaw ka sa mother mo?”

“Oo,” sabi na lang niya. Ang totoo ay gusto lang niyang makatiyak sa mga itinawag sa kanya ni Pingkit noong isang araw. Gusto niyang siya mismo ang makapagpatunay na buhay pa nga si Eldric.

“Kailan ka babalik dito?”

“Linggo ng hapon. Hindi naman ako puwedeng magtagal doon. Kailangang nasa office ako sa Lunes.”

Hinalikan nito ang sentido niya. Pagkatapos ay ikinulong siya nito sa maluwang na yakap. “I’ll miss you... Two months nang lahat ng weekends na magkasama tayo.”

Gusto sana niyang sabihin dito na puwede naman itong sumama sa kanya sa Palayhat. Baka nga matuwa pa ang nanay niya kapag nakita nitong may kasama siyang lalaki.

Hindi naman niya masabi-sabi kay Viper ang imbitasyon. Hindi niya alam kung bakit minsan ay hindi pa rin nawawala ang pagkahiya niya rito. Minsan ay takot pa rin siyang ipakita rito nang lubos ang kahalagahan nito sa kanya at ang fondness niya rito. Mag-volunteer ka namang sumama, please.

Ngunit kahit hint ay hindi ito nagpakita na gusto siyang samahan nito sa Palayhat.

Natuloy siya sa pag-uwi sa kanilang bayan nang Sabadong iyon. Kahit hindi siya nagpasabi sa nanay niya na uuwi siya ay hindi ito nagulat nang dumating siya. Marahil ay inaasahan na nito ang pag-uwi niya pagkatapos niyang mabalitaan na buhay si Eldric.

“Nakita n’yo ba siya, 'Nay?” tanong niya sa kanyang ina hindi pa man siya nagtatagal na dumating.

“Si Eldric? Hindi. Hindi ko siya nakita pero maraming tagarito ang nakakita sa kanya.”

So, totoo nga palang buhay pa si Eldric. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Walong taon ang dumaan at noon lang lumutang ang balitang buhay pala ito.

“Huwag mong iyakan ang gano’ng klaseng lalaki, Rovinia.”

“Hindi siya ang iniiyakan ko, Nanay. Isipin na lang ninyo, ang tagal kong kinimkim sa dibdib ko ang guilt ng pagkamatay niya.”

“Ikaw ang ginawan niya ng masama noon.”

“Pero dahil ang alam ko namatay siya, kahit sabi nga ninyong ako ang nagawan niya ng masama, nakaramdam pa rin ako ng guilt sa nangyari.”

“Sila dapat ang makaramdam ng guilt dahil niloko nila tayo, si Eldric at ang mga magulang niya. Napakatagal, Rovinia. Walong taon nila tayong niloko. Hindi man lang sila nagkaroon ng obligasyong moral na ipaalam sa atin na buhay pa ang walanghiyang lalaking 'yon.”

“'Nay, baka po... baka nag-aalala rin sila na kung malalaman nating buhay pala si Eldric ay sampahan natin siya ng kaso.”

“Kung ganoon nga ang dahilan nila, nagpapatunay lang 'yon kung gaano sila kawalanghiya. At naduduwag silang panindigan ang ginawa ng Eldric na iyon.”

Hindi niya masalungat ang mga sinabi nito.

Nang mabalitaan ni Pingkit na naroroon siya sa Palayhat ay dinalaw kaagad siya nito. Malaki na ang tiyan nito. Sa palagay niya ay nasa pitong buwan na. Dinala siya ni Pingkit sa ina nito.

“Si Mama ang mas makakapagkuwento sa 'yo nang detalyado.”

“Babalik pa kaya rito si Eldric?”

“Ewan lang natin. Siguro naman babalik pa siya. Lalo na nga ngayon na hindi ka na tumitira dito sa Palayhat. Pero ano nga kaya ang dahilan at ngayon lang siya nagpakita rito? Ang tagal na rin yata ng walong taon.”

Nang makita siya ng ina ni Pingkit ay pinapasok kaagad sila nito. Nagtaka siya nang igiya sila nito sa isang bakanteng silid.

“Mabuti nang walang makakarinig ng pag-uusapan natin, Ruby,” anito. “Ayokong madamay kung sakali pero hindi ko naman matitiis na hindi sabihin sa 'yo ang lahat ng nalalaman ko.”

“Salamat po, Tita.”

Inulit lang nito ang mga naikuwento na sa kanya ni Pingkit sa telepono. Ngunit may isang binanggit ito na noon lang niya narinig.

“Hindi mo na makikilala si Eldric ngayon, Ruby. Ako nga, nalaman ko lang na siya si Eldric dahil tinawag siya sa pangalan ni Congresswoman Castillo.”

“Bakit po, Tita?”

“Dahil iba na ang hitsura niya ngayon. Mas gumuwapo siya pero nabago na ang mukha niya ng cosmetic surgery. Binago ang mukha niya, Ruby.”

TULAK-TULAK ni Rovinia ang nangangalahati nang laman ng pushcart sa loob ng supermarket nang makarinig siya ng mga pamilyar na boses. Luminga-linga siya. Subalit wala naman siyang kakilala roon. Pagliko niya sa kasunod na isle ay narinig na naman niya ang mga pamilyar na boses. Tumatawa ang mga ito. Huminto siya.

“You should thank me. Kung hindi sa akin, hindi siya matatakot na baka mawala ang attention mo sa kanya,” sabi ng tinig-babae.

“Ano ba kasi ang sinabi mo sa kanya?”

“Simple lang. Ang sabi ko, aakitin kita kapag nagpatuloy pa siya sa pagpapakipot sa 'yo.”

Tumawa ang boses-lalaki. “Sinabi mo 'yon?”

“Oo.”

“Ibig lang sabihin n’on na hindi pala niya alam ang relationship nating dalawa.”

“Wala naman talagang nakakaalam n’on kundi ang head ng admin, 'di ba?”

Nang lumayo na ang mga tinig, hindi na niya narinig ang iba pang pinag-uusapan ng mga ito. Naglakad uli siya. Pinagulong uli niya ang pushcart hanggang sa makarating siya sa dulo. Noon niya nakita si Viper. Tulak-tulak din nito ang isang pushcart kasama si Aira.

Napahinto uli siya. Natulos na siya sa kanyang kinatatayuan. Ano na nga ba ang kasasabi lang ng babae? Na walang nakakaalam ng relasyon ng mga ito kundi ang CEO lang ng kanilang kompanya?

Pakiramdam niya ay umakyat sa ulo niya ang lahat ng dugo niya sa katawan. She felt cheated. May relasyon pala ang dalawa pero bakit niligawan pa rin siya ni Viper?

Niligawan ka nga ba niya?

Lumung-lumo si Rovinia hanggang sa makauwi sa kanyang unit. Hindi niya napigilan ang sariling umiyak. Pagkaraan ng mahabang panahon ay ngayon lang uli siya nagmahal at napaglaruan pa siya nito.

Dapat ay nakinig na siya sa warning bells noon sa utak niya nang makilala niya si Viper at maglalapit ito sa kanya. Ang mga katulad nito ay hindi nakokontento sa iisang babae.

Tumunog ang kanyang door chime. Ayaw sana niyang pagbuksan ang kung sino mang nasa pinto. Wala siya sa mood na makipag-usap sa kahit kanino. Ngunit nang apat na ulit nang tumutunog iyon ay napilitan na rin siyang tunguhin ang pinto. Baka si Winona iyon o kaya ay sino man sa mga taga-Palayhat.

Ngunit si Viper ang napagbuksan niya. Napangiti pa ito nang makita siya.

“Hi! did I disturb you, Ruby? Nagising ba kita?”

“I don’t want to talk to you, Viper.”

Nabura ang ngiti nito. “Bakit? Are you not feeling well? May masakit ba sa 'yo? May nagawa ba akong ikinagalit mo?”

“You should ask yourself that. Ayoko nang makita ka pa uli.”

Napahumindig ito. “But why? Ano ba’ng nagawa ko na ikinagalit mo? Tell me.”

Nagbabaga ang mga matang itinuon niya rito. “Kailangan mo ba talagang magmaang-maangan? My goodness! Kung nalaman ko lang kaagad kung gaano kababa ang pagkatao mo, hindi ko na pinag-isipan pang tanggapin ang pakikipaglapit mo sa akin. Bagay nga kayong magsama ni Aira. Doon ka na lang sa kanya. Just leave me alone from now on!” Pagkasabi niyon ay ibinalibag na niya ang pinto sa harap nito.

Nagkulong na siya sa kanyang silid. Naririnig niya ang paulit-ulit na pagpindot ni Viper sa door chime ngunit nagtaklob siya ng unan sa kanyang tainga.

Saksi ang mga sumunod na araw kung gaano ang pagpupumilit ni Viper na makausap siya. Napilitan siyang magpalit ng SIM card ng cell phone niya para hindi na siya kulitin nito sa katatawag at kate-text. Lahat na ng pagtanggi para maitaboy ito ay nasabi na niya rito. Bandang huli ay nakaisip din siya ng paraan para maitaboy si Viper: ang hindi pagpansin dito.

Kahit kinakausap siya nito ay parang wala siyang naririnig. Hindi niya tinitingnan ito. Para lang itong hangin kung tratuhin niya.

Bilib din naman siya sa kakulitan nito. Ganoon na ang trato niya ay patuloy pa rin ito sa kasusubok na kulitin siya.

Subalit isang araw ay nakahanap din ito ng paraan para makakuha ng reaksiyon sa kanya. Linggo noon, magsisimba siya. Pagbaba niya ng kanyang kotse ay hinarangan kaagad siya nito.

“Please, Ruby, ano nga ba ang nagawa kong kasalanan sa 'yo?
Tell me, please. Huwag mo naman sana akong husgahan agad. Hindi mo pa naririnig ang side ko. At hindi mo pa nasasabi sa akin kung ano ang naging kasalanan ko sa 'yo.”

Nainis na naman siya. Ngunit parang naaawa na siya rito. Mahigit isang linggo na itong nagmumukhang tanga sa kasusunod sa kanya. “Narinig ko kayong nag-uusap ni Aira. Nandoon kayo sa supermarket last week. Ipinaaalala ko sa 'yo, kung hindi mo na matandaan. Nandoon din ako. Hindi n’yo nga lang ako nakita. Sa bibig mo mismo nanggaling na may relasyon kayong dalawa. Sabi mo pa nga, ang head lang ng administration ang nakakaalam ng tungkol doon. Well, now, count me in dahil alam ko na rin. Ngayon, ikakaila mo pa rin ba 'yon?”

Nanlaki ang mga mata nito sa pagkagulat. Ngunit hindi na niya hinayaan pang makapaglubid pa ito ng kasinungalingan sa kanya. Sumakay uli siya sa kotse. Uuwi na siya. Mamayang hapon na lang siya magsisimba. Hindi rin siya mapapatawad ng Diyos dahil puno na naman ng galit ang dibdib niya.

Humahabol ito sa kanya. Kaya naman pinasibad na niya ang kotse.

Imbes na umuwi, sa minipark ng isang mall nagtungo si Rovinia. Gusto niyang malibang at malayang makapag-isip. Gusto niyang gumaan nang kaunti ang dibdib niya. Nagtataka na siya kung bakit habol nang habol si Viper sa kanya. Nabisto na at lahat ang kalokohan nito ay nagpipilit pa rin na makausap siya.

Talaga bang malaking challenge siya para dito kaya ganoon na lang ang pagpipilit nitong mabawi siya? Pero bakit?

Nang umuwi siya dakong hapon ay kinalap niya ang lahat ng mga bagay na ibinigay ni Viper sa kanya. Naisip niyang baka ang mga iyon ang talagang binabalik-balikan nito sa kanya. Hindi siya sigurado roon ngunit wala na siyang maisip na iba pang dahilan.

Inilagay niya ang lahat ng mga ibinigay nito sa kanya sa isang kahon. Pagkatapos ay ipinadala niya iyon dito sa pamamagitan ng isang forwarding company. Mabuti na ang ganoon para may katibayan siya na naibalik na niya rito ang lahat ng mga bagay na galing dito. At para hindi na sila magkausap pa nang personal. Sana lang, pagkatapos niyon, ay tantanan na siya nito.

“HUWAG kang lilingon. Huwag kang sisigaw. Huwag kang gagawa ng kahit na anong moves para makatawag ng pansin sa ibang tao.”

Nanginig si Rovinia nang marinig ang babala. Boses ni Viper iyon. Mahina lang ang tinig nito, sapat para marinig niya. Kasabay niyon ay naramdaman niyang may tumutok sa kanyang likod na isang matigas na bagay.

Nasa likuran lang niya ito, malapit na malapit. Langhap niya ang pamilyar na amoy ng men’s cologne na gamit nito.

Bakit kailangan pang humantong sa pagtutok ng baril sa kanya ang pagpipilit nitong makausap siya? Hindi naman siguro siya malaking kawalan para dito.

Gusto niyang mapailing. Masamang tao nga yata ito para mag-resort sa ganoong kilos.

“Go on. Buksan mo ang pinto,” utos pa nito.

Diyos ko! Iligtas N’yo po ako sa taong ito. Paano kung sa inis nito sa kanya ay gawan pa siya ng masama? Lalo na siyang nanginig sa posibilidad na iyon.

Nang makapasok sila sa unit niya ay narinig niya ang lagitik ng pinto sa likod nila. Ini-lock nito iyon! Diyos ko po!

“Puwede ka nang humarap ngayon.”

Marahan na bumaling siya rito, nanginginig pa rin sa nerbiyos.

“I’m sorry, I have to do this,” sabi kaagad nito nang magkaharap sila.

Awtomatikong dumako ang tingin niya sa mga kamay nito. Wala naman pala itong dalang baril o armas. Kahon lang ang dala nito. Iyong kahon na pinaglagyan niya ng lahat ng mga ibinigay nito sa kanya. Marahil ang kanto niyon ang itinutok nito sa likod niya.

“Napakasama mo talaga!” nanggigigil na sabi niya rito.

“I admit I am. Pero ito na lang ang naiisip kong paraan para hindi mo ako matakasan.”

“I have never met anyone who is so low—”

“Inaamin ko naman.”

“And you expect me to listen to you? Tinakot mo pa ako. Napakasalbahe mo!”

“Oo na. Salbahe ako, masama, lahat na ng pangit na adjectives, ibato mo na sa akin. Pero, Ruby, hindi ako aalis dito hangga’t hindi mo naririnig ang sasabihin ko. Pinsang-buo ko si Aira. Magkapatid ang mother ko at ang daddy niya. Iyon ang sinasabi kong relasyon namin nang marinig mo kaming nag-uusap.”

Hindi siya makapaniwala. Nanghihinang napaupo na lang siya sa sofa.

AYON sa kuwento ni Viper kay Rovinia, totoong kinausap nito si Aira para pagselosin siya para lang malaman ang tunay niyang damdamin dito. Ngunit hindi na rin naman nga kailangan dahil naging open na siya rito.

Nagtataka lang siya kung bakit magkaiba ang sinabi ni Aira kay Viper at sa sinabi nito sa kanya nang kausapin siya noon.

“Nasaktan mo rin naman ako nang ibalik mo ang mga ito,” ani Viper na ang tinutukoy ay ang laman ng kahon. “You know what? Wala nang silbi ang mga ito, wala nang halaga...” Kinuha nito ang necklace sa loob ng kahon bago lumapit sa kanya. Dumako ito sa kanyang likuran. “Magkakaroon lang muli ng halaga ito kapag nasa 'yo, Ruby.” Isinuot na nito ang kuwintas sa leeg niya.

Gusto niyang tutulan ang ginagawa nito ngunit bago niya masabi ang pagtutol ay naikabit na nito ang kuwintas sa kanya. Pagkatapos ay tumabi ito sa kinauupuan niya.

“Huwag mo na uling gagawin 'yon... shutting me out and avoiding me like a plague. Ayokong mawala ka sa akin. You became the most important person in my heart the moment I first laid my eyes on you...” Kinuha nito ang kamay niya at dinala sa dibdib nito. “Sayang at hindi ko kaagad na-realize iyon noong una.”

Magtatanong sana siya ngunit hinagkan nito ang kamay niyang iyon.

“Peace?” anitong nakangiti na.
Ano pa nga ba ang magagawa niya?

MAGKAHALONG kaba at antisipasyon ang nararamdaman ni Rovinia habang papalapit siya sa Palayhat. Noong isang araw ay nag-text sa kanya si Pingkit. Nabanggit daw ng katiwala ng mga Castillo na darating nang weekend na iyon ang pamilya ni Eldric kasama ito.

Wala naman siyang balak na magsampa pa ng demanda laban kay Eldric. Napatawad na niya ito sa ginawa sa kanya. Dahil una, hindi naman siya nito natuloy na halayin noon. Ikalawa, matagal nang nangyari iyon. Ang akala pa nga niya at ng lahat ng mga taga-Palayhat ay patay na ito.

Gusto lang niyang magkaroon ng closure sa kanila ni Eldric. Gusto niyang masagot ang mga tanong na hindi nasagot noon, walong taon na ang nakararaan.

Sinadya niyang idaan ang kanyang kotse sa kalye ng mga Castillo. Ngunit nang tumapat siya sa bahay ng mga ito, hindi naman niya magawang umahon sa kotse niya. Kinakabahan pa rin siya kahit ilang ulit na niyang ni-rehearse sa utak ang mga kailangan niyang sabihin kay Eldric.

Isang buntong-hininga muna ang pinawalan niya bago niya nagawang bumaba ng kotse. Para lang magulat dahil siyang pagbukas naman ng pedestrian gate ng mga Castillo. At ang iniluwa niyon ay ang pinakahuling tao na inaasahan niyang makikita sa Palayhat. “Viper?”

“R-Ruby?” Parang nawalang lahat ang dugo sa mukha nito pagkakita sa kanya.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya, labis pa rin ang pagtataka.

“Ahm, ano... kuwan, eh...”

“Hijo, sino’ng kausap mo riyan?” anang tinig ng isang matandang babae. Saglit pa at lumitaw ito roon. Si Congresswoman Castillo pala iyon.
Hijo?

“Eldric, bakit hindi mo papasukin sa loob ang bisita mo?”

Ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata. Tinawag na “Eldric” ng matandang babae si Viper!

Parang biglang pumait ang bibig niya sa mabilis na pagdating sa utak niya ng realisasyon—si Viper ay si Eldric! 

....................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro