7. Tampuhan

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Parang naulit lang ang eksena nang huling magtungo si Winona sa sala ng huwes. Naroon pa rin si Ate Nora at si Atty. Enriquez na ngayon ay abogado na nila ni Kestrel. Si Ruby lang ang nadagdag sa mga sumaksi.

Ang kaibahan lang nang mga sandaling iyon ay hindi siya masaya. Kung noong una siyang ikasal ay naluluha siya sa labis na kaligayahan, ngayon naman ay naiiyak siya sa labis na paghihirap ng loob sa pagpapakasal na gagawin.

Sa kabila ng pagtutol niya ay naipilit pa rin ni Kestrel na magpakasal sila. Makonsiyensiya naman daw siya kapag libong tao ang nawalan ng trabaho kapag bumagsak ang mga negosyong naiwan ni Tim, dahil sa patuloy na pagtanggi niyang makasal sila ni Kestrel. Kaya sa huli ay napapayag din siya nito.

Nabiktima na naman uli siya ng sitwasyon.

Tila siya nakalutang sa hangin. Pirma na lang siya nang pirma sa mga papeles na iniaabot ni Kestrel sa kanya. Ito ang pinabahala niya sa lahat. Magulo ang isip niya at umaantak pa sa pagluluksa ang dibdib niya.

Parang wala sa sarili si Winona habang ikinakasal sila. Kung minsan ay inuulit pa ng huwes ang tanong sa kanya bago niya masagot.

Pilit na pilit ang pakikiharap niya sa munting salu-salo na ginawa pa rin sa bungalow. Halos hindi magdaan ang pagkain sa lalamunan niya. At dahil alam naman ng apat nilang bisita ang estado niya, pagkakain ng tanghalian ay nagpaalam na rin ang mga ito maliban kay Ate Nora.

“Magpatulong ka nang ihanda ang mga dadalhin mo,” sabi ni Kestrel sa kanya nang makaalis na ang huling bisita. “Para maaga tayong makaalis dito. Ayokong abutan tayo ng dilim sa daan.”

“S-saan tayo pupunta?” nalilitong tanong ni Winona.

“Sa bahay natin sa Manila. Saan pa ba?” Ang sinasabi marahil ni Kestrel ay ang tinitirhan nito. Nang pumayag siyang pakasal dito, hindi niya naisip na isasama rin siya nito sa Maynila.

“Pero ayokong umalis dito.”

“At hindi ka rin puwedeng mag-isa rito.”

“Bakit hindi? Kasama ko naman si Ate Nora.”

“Hanggang kailan ka niya masasamahan?” tila yamot nang tugon ni Kestrel. “Alam mong may asawa at mga anak siyang inuuwian.”

Naiinis na rin siya. Wala man lang bang konsiderasyon ito sa nararamdaman niya? “Madali nang makahanap dito ng puwede kong makasama. Tutal naman, kasal na tayo. Hindi na manganganib na bumagsak ang mga negosyong iniwan ni Tim.”

Nakita niyang gumalaw ang kalamnan nito sa panga. “Huwag mo nang gawing mahirap ang simpleng request ko sa 'yo, puwede? Ilang ulit kang ipinagbilin sa akin ni Tim. Pinapangako pa niya ako na titiyakin ko ang kapakanan mo. Let me make this straight. Ayoko rin namang pakasalan ka. Pero dahil sa kahilingan ng isang namatay, napilitan akong gawin iyon. Kaya pareho lang tayong ayaw sa sitwasyong ito. So don’t make it harder for me.”

Mabigat ang loob na sinunod na lang niya ito.

Habang-daan ay nagkukukot ang kalooban ni Winona. Unang araw ng kasal nila ni Kestrel nagtalo kaagad sila. Samantalang sa buong panahon na nakilala niya si Tim, kailanman  hindi niya ito nakitang nainis o nagsungit sa kanya.

Pakiramdam tuloy niya, tingin ni Kestrel ay isa lang siyang pabigat dito.

Malaki ang bahay na pinagdalhan nito sa kanya. Two-storey iyon, walo ang silid. Dalawang maid ang nadatnan nila roon. Ang mga ito ang kumuha ng mga gamit niya at itinuloy iyon sa isang silid. Sumunod siya sa mga ito.

Magpapalit sana siya ng damit nang bumukas ang pinto ng silid at pumasok si Kestrel. “Bakit ka pumasok dito?” sita niya.

“Bakit hindi ako papasok dito, eh, kuwarto ko rin ito?”

“Pero... pero ayokong makisama sa 'yo sa iisang kuwarto.”

“Pero kailangan nating magsama sa iisang kuwarto,” pagmamatigas naman nito. “Buntis ka. Nangako ako kay Tim na aalagaan ko kayo ng bata. Hindi ko magagawa 'yon kung ihihiwalay kita sa pagtulog ko. Paano kung bigla na lang sumakit ang tiyan mo or something? Besides, nakakalimutan mo yata, Winona, asawa mo na ako ngayon. At ang isang asawa, obligadong tumabi sa pagtulog sa asawa niya.”

MASAMANG-MASAMA ang loob ni Winona kay Kestrel. Gusto nitong magsama sila sa iisang silid gayong ni hindi pa nga siya nakakaraos na magluksa sa pagkamatay ng taong mahal niya.

He was virtually a stranger. Oo nga at ilang beses na itong nagpupunta sa Lokuake para asikasuhin ang mga naiwan ni Tim at para siya tulungan ngunit parang iwas ito sa kanya. 

Mabuti pa noong unang makilala niya ito. Mabait ito sa kanya. Medyo nagiging close na nga sila. Isipin na lang na nagka-crush pa siya rito noon.

Ngunit ngayon ay malayung-malayo na ito sa mabait na lalaking nakilala niya noon. Parang wala itong konsiderasyon man lang sa nararamdaman niya.

Natatandaan pa niya ang sinabi ni Tim bago ito namatay. Hindi raw siya mag-iisa kahit mawala na ito. Hindi raw siya pababayaan nito. Kaya siguro ilang beses nitong kinausap si Kestrel noon. Si Kestrel ang itinalaga nitong tagapangalaga niya.

Bumuntong-hininga si Winona. Bakit ba kailangan pang mamatay ang asawa niya? Naranasan na niyang sumaya. At napakaikli pa ng panahon na naging masaya siya para muli na naman siyang magdusa.

Nang maramdaman niyang pumasok sa silid si Kestrel ay mabilis niyang pinunasan ang kanyang luha. Nagtulug-tulugan siya upang makaiwas na makipag-usap dito.

Namalayan niyang umangat ang kumot niya. Napigil tuloy niya ang hininga. Ngunit tumakip din ang kumot na iyon hanggang sa kanyang balikat. May limang minuto rin yata ang hinintay niya bago siya dumilat nang bahagya. Wala na roon si Kestrel. Nakita niyang nakahiga na ito sa sofa bed na nasa isang panig ng silid.

Nakahinga na siya. Hindi naman pala siya tatabihan nito.

She started to relax. Saka pa lang siya nagpahila sa antok. Para lang magising dakong hatinggabi. Sumasakit ang kanyang tiyan. Naninigas iyon.

Diyos ko! Bakit ganito ang nararamdaman ko?

Hinimas-himas ni Winona ang kanyang tiyan sa pag-asang mababawasan ang sakit. Ngunit lalo lang sumidhi ang pananakit na nararamdaman niya. Napapakagat-labi siya tuwing hihilab ang sakit. Lampas pa lang ng anim na buwan ang tiyan niya. Hindi pa siya dapat makaramdam ng ganoon.

Sa minsang pagbugso ng kirot ay napadaing siya bagama’t impit lang. Nag-aalala siyang magising si Kestrel.

Ngunit nagising din ito. Bumalikwas ito ng bangon at inilang-hakbang lang nito ang kinahihigaan niya. “Winona, what’s wrong?”

“Ang tiyan ko, sumasakit.”

“Ha? Naku, kailangang madala ka sa ospital ngayon din!” Simbilis ng ipuipong kumilos ito upang magpalit ng pang-ibabang pajama. Pagkatapos ay hinagilap nito ang susi ng kotse, pinangko siya, ibinaba ng bahay patungo sa garahe.

Halos paliparin nito ang kotse patungo sa ospital. Ngunit pagdating doon ay unti-unti nang nawala ang pananakit ng kanyang tiyan. Ayon sa doktor na tumingin sa kanya ay dala lang marahil iyon ng stress. Ngunit nagsiguro si Kestrel. Hindi ito pumayag na lumabas siya hangga’t hindi nakukuhanan ng mga tests.

Kinunan siya ng ultrasound at ilang laboratory tests. Kinabukasan na sila nakauwi.

“Salamat,” aniya rito nang pauwi na sila. “Pasensiya ka na, naabala ka pa tuloy. Wala naman palang problema sa amin ni Baby.”

“Siguro naman ngayon, naiintindihan mo na kung bakit ayokong pumayag na maiwan ka sa Lokuake at kung bakit gusto kong magkasama tayo sa kuwarto.”

Hindi niya ito sinagot. Siguro nga ay gusto lang nitong maprotektahan siya tulad ng ipinangako nito noong nabubuhay pa si Tim. At dapat din niyang isipin na malaki ang isinakripisyo nito para lang masunod ang mga huling habilin ni Tim.

Pagdating nila sa bahay, ang unang ipinaasikaso ni Tim sa mga katulong ay ang paglilipat ng kanilang mga gamit sa ibabang silid. Ayon dito, hindi raw makabubuti sa kanya na nasa ikalawang palapag sila habang buntis pa siya.

Hindi na lang siya kumontra. Ang totoo, sa kanyang kalagayan ay nahihirapan nga siyang umakyat sa hagdan.

Sa pagdaan ng mga araw ay napansin niyang civil lamang ang pakikitungo sa kanya ni Kestrel. Inaasikaso naman siya nito. Sa mga prenatal checkup niya ay pirming sumasama ito kahit na sinasabi niyang kaya naman niyang mag-isa. Personal din nitong inaasikaso ang mga pangangailangan niya tulad ng pagbili ng mga gamit niya, vitamins, at pati na ang pagpapasuweldo sa katiwala sa bungalow sa Lokuake at pang-maintenance niyon.

Siya naman, kahit na sa paghahanda man lang ng isusuot nito sa pagpasok sa opisina ay sinisikap niyang gampanan.

Ngunit kailanman ay hindi ito nag-confide sa kanya. Hindi niya alam kung ano na ang lagay ng negosyong naiwan ni Tim dito. Wala itong binabanggit tungkol sa mga problemang kinakaharap nito kung mayroon man. At lalong wala silang light moments nito tulad ng pagbibiruan nila ni Tim kahit noong hindi pa sila nagiging mag-asawa.

Si Kestrel ay isang taong malamig kung ang pagbabasehan ay ang pakikitungo nito sa kanya. Kinakausap lang siya nito kapag kailangan. Palaging tahimik ito kapag kaharap siya o nasa silid silang dalawa.

Dahil doon ay nangingilag tuloy siya rito. Hindi niya alam kung ano ang mga iniisip o inaasahan nito mula sa kanya. At noon na lang niya naiisip na napakalaki nga palang talaga ng isinakripisyo nito lalo na sa aspetong personal.   

Pero hindi naman puwedeng habang-panahon na lang silang ganoon. Lalo na ngayong kabuwanan na niya at malapit na siyang magsilang. Kaya isang araw ay kinausap niya ito.

“Kapag nakapanganak na ako, puwede bang doon na muna kami sa Lokuake ng bata?”

Parang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. Biglang naging pormal ang mukha nito. “Bakit?”

“Ayoko lang makasagabal sa 'yo. Alam ko, marami kang ginagawa at inaasikaso sa opisina.”

“Asawa na kita ngayon, Winona. At ang isang asawa, dapat naroon din kung nasaan ang asawa niya.”

Hindi niya nagustuhan ang isinagot nito. “Hindi ba puwedeng maging exception tayo sa rule? Sa papel lang naman tayo mag-asawa. At nangyari lang 'yon dahil sa habilin ni Tim bago siya mamatay.”

“Huwag mong kalilimutan na kasintibay ng kasal natin ang ibang mga conventional na kasalan. Mag-asawa na tayo ngayon, sa mata ng Diyos at ng tao. Wala nang magagawa roon ang kahit sino. Kahit tayong dalawa pa.”

“Puwede nating ipa-annul ang kasal pagkapanganak ko.”

Nakita niyang naggalawan ang mga kalamnan nito sa panga. “Walang mangyayaring annulment, itanim mo 'yan sa isip mo. Dahil kapag ginawa natin 'yon, siguradong parang mga buwitreng lalapa sa mga hinahawakan kong negosyo ngayon ang mga kamag-anak namin ni Tim at pati na mga business associates. You see, Winona, mas binding pa sa kasal ang pangangailangan na maprotektahan ang mga negosyong sinikap itayo ni Tim ni Lolo at ng ama niya noon.”

“Paano kung ayaw na nating makisama sa isa’t isa? Pulos sila na lang ba ang iintindihin natin? Wala na ba tayong karapatang lumigaya?”

“Kapag dumating ang araw na nagmahal ka ng ibang lalaki, magsabi ka lang sa akin, Winona. Palalayain kita.” Tila nabubugnot na iniwan siya nito.

ISANG malusog na batang babae ang isinilang ni Winona. Sinamahan lang siya ni Kestrel sa obstetrician niya para sa kanyang huling prenatal checkup ay hindi na siya pinauwi pa ng doktor.

Mabilis lang siyang nanganak. Ang mga sinasabi ng ibang babae na nakapanganak na ay hindi niya naranasan. Sumakit lang ang tiyan niya. Sakit na bearable naman, at wala pang isang oras ay pumutok na ang panubigan niya. Kasunod niyon ay lumabas na ang sanggol.

Naluha siya nang umuha ang bata. Sayang at hindi na ito nakita pa ni Tim. Alam niyang magdudulot ang anak nila ng labis na kaligayahan dito kung buhay pa ito ngayon.

Kamukha niya ang bata na pinangalanan niyang “Winter.” Wala itong nakuha sa ama kundi ang morenang kulay.

Si Kestrel ang tuwang-tuwa nang makita nito ang sanggol. Noon lang niya nakitang natuwa ito pagkaraan ng mahabang panahon. Umusal tuloy siya ng dasal. Sana nga ay maging mabuting ama ito sa bata.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Kestrel sa kanya nang kuhanin na ng nurse ang sanggol upang ibalik sa nursery.

“Okay lang ako.”

“Pero parang malungkot ka. Umiyak ka pa nga.”

“Naalala ko lang si Tim.”

Tumango ito, saka nagbaling ng tingin. “Mahal na mahal mo talaga siya.”

Iba ang isinagot niya rito. “He would have been proud of our child. Hindi man lang niya n-nasilip ito bago siya nawala sa mundo. Ni hindi niya nasabi sa akin k-kung anong pangalan ang gusto niya sa anak namin. I miss him t-terribly.”

Niyakap siya ni Kestrel nang tuluyan na siyang mapaiyak. Ngunit wala itong sinabing kahit ano. Tahimik lang ito habang inaalo siya. And she was grateful for that.

Ikalawang araw niya sa ospital ay pinalabas na sila ng doktor. Ikinuha naman siya ni Kestrel ng isang private nurse na pansamantalang mag-aalaga sa kanila ng sanggol.

Tutol siya roon. Kaya naman niya ang kanyang katawan. Ngunit nasunod pa rin ito. Pagkaraan ng isang linggo ay lubos na siyang malakas. Pinaalis na niya ang nurse. Isang yaya naman ang kinuha ni Kestrel. Hinayaan na lang niya ito sa gusto nito. Ngunit madalas na siya pa rin ang nag-aalaga ng anak niya.

Tuwing umuuwi si Kestrel buhat sa opisina, ang sanggol kaagad ang inaatupag nito. Nilalaro nito ang bata. Binabantayan nito hanggang bago sila maghapunan. At sa umaga, bago ito pumasok ay kinakau-kausap muna ang anak niya.
Naging routine na ni Kestrel ang ganoon. Siya naman, nagagawa na niyang pagsilbihan si Kestrel bukod sa paghahanda ng isusuot nito. Siya na rin ang nagluluto para dito. Lalo pa nga at ipinagkatiwala na nito sa kanya ang pamamahala sa bahay, sa mga bills nila at sa binuksan nitong joint account nila. Unti-unti na rin siyang nakakaraos sa pagdadalamhati niya sa pagkamatay ni Tim.

“Pumasyal naman tayo sa mall,” sabi sa kanya ni Kestrel isang weekend. “Ang laki na ni Winter. Kailangan na natin siyang bilhan ng mga bagong damit.”

Natawa siya. “Ano ka ba? Ang dami pa niyang bagong damit sa drawer. Hindi pa nga nagagamit 'yong iba. 'Di ba nga, kailan ka lang bumili?” Linggu-linggo yata ay may iniuuwi itong damit at laruan ng bata.

“Ipasyal na lang pala natin siya. Makakabuti sa kanya kung maraming mga bagay na makikita.”

Pumasyal nga sila sa mall. Pinagtatawanan nila si Winter na hindi malaman kung saan isusuling ang tingin sa mga makukulay na bagay na nakikita nito. Isinakay rin nila ito sa rides na maaari na sa edad nito.

Laging nakaalalay sa kanila si Kestrel. Madalas na kapag kalong niya ang bata ay nakaakbay ito sa kanya.

Hindi naman na niya pinapansin ang ganoong kilos nito. Nasasanay na siya.

Nang magsawa sa pag-iikot ay kumain na sila. Sa fast-food restaurant na lang sila dinala ni Kestrel dahil hindi maialis ng bata ang tingin sa mascot doon.

“Noon bang bago ka kausapin ni Tim tungkol sa... sa mga inihabilin niya sa 'yo, may girlfriend ka ba?” naisip niyang itanong habang kumakain sila.

“Bakit mo naman naitanong 'yan?”

“Naisip ko lang na posible 'yon. At kung may girlfriend ka nga, hindi mo siya kailangang i-break.”

Umiling ito. “Kung nasa bad mood lang ako ngayon, sasabihin kong nagpapatawa ka at hindi maganda ang joke mo.”

“Bakit naman?”

“Mag-asawa na tayo. We are legally married. Hindi ako puwedeng mag-girlfriend. Pagtataksil 'yon sa 'yo.”

“Pero hindi naman tayo... I mean, kung may girlfriend ka nga noon at mahal mo pa rin siya ngayon, okay lang sa akin na balikan mo siya. Ang dami-dami mo nang isinakripisyo. Ayokong kunin lahat sa iyo.”

“Kahit sundin ko ang sinasabi mo ngayon, sa tingin mo, may matinong babae ang papayag sa magiging setup natin? Winona, saang anggulo mo man tingnan, magiging kabit pa rin siya. Kaya kalimutan mo na ang tungkol diyan. Mag-concentrate na lang tayo kung ano ang mayroon sa atin. Kailangang mapalaki natin si Winter nang maayos. We are one family. We have to stay that way.”

“Pero hindi naman tayo nagmamahalan.”

“Madali nang solusyunan 'yon. If and when you are ready, that is.” Pinisil pa nito ang baba niya.

Ang ibig bang sabihin nito siya lang ang kailangang magmahal dito at magkakaayos na sila? Hindi naman yata tama iyon.

Laman ng isip niya ang pinag-usapan nilang iyon ni Kestrel hanggang sa pagtulog. Dapat na ba niyang kalimutan si Tim at ibaling na niya ang kanyang pagmamahal kay Kestrel? Hindi yata niya kayang gawin iyon.

Dahil yata doon ay nanaginip siya. Nilapitan daw siya ni Kestrel at hinalikan siya sa pisngi. Nang magising siya pagsapit ng umaga ay nakita niyang tulog pa rin ito sa sofa bed. Ngunit nagtaka siya kung bakit lukot ang bahagi ng kamang hindi naman niya hinigaan.

NAGPATULOY ang maayos na setup nila ni Kestrel. naging mas malambing na ito kaysa dati. Hindi na impersonal ang pakikitungo nito sa kanya. Madalas pa nga ay pinasasalubungan siya nito kahit wala namang okasyon at wala naman itong ibang lugar na pinuntahan. Kahit paano ay masasabi niyang naging mas malapit na silang magkaibigan ngayon kung hindi man mag-asawa sa tunay na kahulugan niyon.

Hanggang isang araw ay mabasa niya ang birth certificate ng anak niya. Parang umakyat ang lahat ng dugo sa ulo niya nang mabasa niyang si Kestrel ang nakalagay na ama ng anak niya.

Nagtimpi siya ng galit hanggang nang dumating ito nang hapong iyon. 

“You seem upset,” kalmadong puna nito nang mapatingin sa kanya mula sa pagkausap nito kay Winter.

Tinalikuran niya ito at kinuha niya ang kopya ng birth certificate ng anak niya.

“Ano 'to?” nagtatakang tanong pa nito nang iabot niya rito ang papel.

“Bakit mo inirehistro sa pangalan mo ang anak ko? Si Tim ang ama niya. Dapat na si Tim ang nakalagay riyan bilang ama ng bata.”

Umalis ito sa kuna at hinarap siya. “Pero patay na si Tim. Ako na ang tumatayong ama ni Winter.”

“Hindi sapat na dahilan 'yon para agawin mo sa asawa ko ang karapatan sa anak niya!”

Gumalaw na naman ang kalamnan sa panga nito. Ngunit mahinahon pa rin ang sagot nito sa kanya. “Dating asawa, Winona. Namatay na asawa. You always seem to forget that I am now your husband.”

“Sa pangalan mo lang ako asawa.”

“Do you think that would make me any less your husband?”

“Pero wala kang karapatang ipalit ang sarili mo bilang ama ni Winter sa birth certificate niya!”

“Sa batas, kapag ang bata ay isinilang sa loob ng kasal ng dalawang mag-asawa, kahit hindi pa nito biological father ang asawang lalaki ay awtomatikong nagiging anak niya ito. Gusto ni Tim na hindi madehado ang bata sa mga karapatan nito. At wala akong ginawa na hindi ayon sa mga habilin niya. Huwag mo sanang kalilimutan 'yon.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ito ng silid.

Napahiya si Winona sa kanyang sarili. Hindi muna niya binigyan si Kestrel ng pagkakataon para ipaliwanag nang maayos ang dahilan ng ginawa nito bago niya sinumbat-sumbatan.        

Nang maghahapunan na sila ay hinanap niya ito. Ngunit naikot na niya ang buong bahay ay hindi niya makita si Kestrel. Napilitan siyang magtanong sa isang kawaksi. Ayon dito ay umalis daw si Kestrel at hindi pa bumabalik.

Nang bumaba siya sa garahe ay wala nga ang Wrangler jeep nito. Sa halip na ang kotse ay ang jeep ang sinakyan nito paalis.

Hatinggabi na ay gising pa siya. Hindi pa rin bumabalik si Kestrel. Nag-aalala na siya. Kaya napilitan siyang tawagan ito sa gamit nitong cell phone. Ngunit nagri-ring lang iyon, hindi nito sinasagot ang tawag niya.

Magdamag siyang hindi nakatulog sa pag-aalala.

Pagsapit ng umaga ay tinawagan na naman niya si Kestrel. Ngunit naka-off ang cell phone nito. Hindi niya malaman ang gagawin niya. Sising-sisi siya kung bakit inaway pa niya ito nang nagdaang gabi.

Tumawag siya sa opisina nito. Ayon sa sekretarya nito ay naroon nga si Kestrel. Ngunit ayaw raw nitong paabala. Kaya hindi rin niya nakausap.

Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag na ligtas naman pala ito.

Hapon. Handa na ang paghingi niya ng apology kay Kestrel ay nag-abang sila ni Winter sa pagdating nito. Naroon sila sa harap ng bahay. Ngunit namitig na ang mga ugat niya sa pagtayo roon ay hindi ito dumating.

Hindi na siya mapalagay. Napakahirap pala ng wala na nga ito sa bahay ay alam pa niya na galit ito sa kanya. At panay rin ang pagbabalisa ng anak niya. Parang hinahanap-hanap nito ang pakikipaglaro dito ni Kestrel.

Kaya pagdating ng umaga, bitbit si Winter ay pinuntahan niya ito sa bahay ng mga magulang nito. Ngunit hindi na rin niya inabutan doon si Kestrel. Nakaalis na raw ito ayon sa ina nito.

Kinuha ng ginang ang anak niya. Nilaru-laro ito at kinausap. Para namang nakakaintindi na nag-baby talk ito. Mukhang nakagiliwan nga ito ng ginang. Panay ang halik nito sa bata.

Siya naman ay natuon ang pansin sa isang malaking watercolor painting sa dingding ng sala. Isang babae iyon na nasa gitna ng malawak na clearing na tinutubuan ng mga ligaw na bulaklak. Nakatalikod ang babae sa painting ngunit nakalingon ito, kita ang kalahati ng mukha. May hawak itong sandals na nakasukbit sa likod nito. Ang isa sa mga sandals ay kapansin-pansin na tanggal ang takong. Parang pamilyar sa kanya ang mukha ng babae.

“Isa 'yan sa mga huling painting ni Kestrel bago kayo ikasal,” sabi ng ginang sa kanya. Napansin marahil nito ang interes niya sa painting. Nabaling na roon ang pansin niya. “May bumibili nga niyan sa exhibit pero hindi niya ipinagbili. Please stay, hija. Mag-usap muna tayo.”

Minsan lang niya ito nakita pati ang ama ni Kestrel. Noong manganak siya ay dinalaw siya ng mag-asawa sa ospital. She thought they were nice. Pero hindi siya gaanong kinausap ng mga ito noon. At sa tingin niya ay iniiwas siya ni Kestrel sa mga ito.

Curious din naman siya kung ano ang pag-uusapan nila ng ginang kaysa pinagbigyan niya ito.

“Walang sinasabi ang anak ko pero alam kong nagkatampuhan kayo,” panimula nito. “Dalawang gabi na siyang dito umuuwi. Mula nang magpaalam siya sa amin ng papa niya na mag-aasawa na siya at ang mapapangasawa niya ay dating asawa ng namatay niyang pinsan, marami nang nagbago sa buhay niya. Marami ring kakaiba sa mga desisyon niya. Pero iginalang naming lahat iyon.

“Ang sabi niya noon sa amin, sa huwes lang kayo magpapakasal at kung puwede ay huwag na kaming dumalo. Baka raw makadagdag lang sa strain na pinagdaraanan mo. Dahil nga sariwa pa sa 'yo ang pagkamatay ni Tim. Bago ka namin dalawin sa ospital, sinabihan niya kami na huwag kaming babanggit o magtatanong sa 'yo ng kung anu-ano. Hintayin muna raw naming maka-adjust ka sa napakahirap na sitwasyong kinalalagyan mo.

“Isipin na nga naman, kamamatay lang ng lalaking mahal mo. Isisilang mo ang anak mo na ibang lalaki ang magigisnan niyang ama. Hindi naman kayo magnobyo ng anak ko pero napilitan kang pakasal sa kanya. Kaya nga umayon na lang kami sa gusto niyang mangyari.

“Ang gusto ko lang namang sabihin, Winona, sana, maintindihan mo rin ang kalagayan ni Kestrel. Kung mahirap sa 'yo ang pagsasama ninyo, sana, maunawaan mo rin na hindi rin madali para sa kanya ang lahat. 

“Isinakripisyo niya ang kanyang career bilang artist para lang pagbigyan ang mga kahilingan ni Tim bago ito namatay. Alam mo bang ilang beses niyang tinanggihan ang kanyang ama tuwing sasabihin ng asawa ko na tulungan na lang siya nito sa negosyo namin?

“Ibig lang sabihin n’on na ang pagpipinta talaga ang gusto niyang gawin. Pero naisantabi na lang iyon dahil kailangan siyang mag-take over sa mga naiwan ng unang asawa mo.

“Kaya sana, kung may mga pagkukulang man siya sa inyo ng anak mo, unawain mo na lang. Pagpasensiyahan mo. Ganoon talaga ang mag-asawa, inuunawa ang pagkukulang ng isa’t isa.”

Nanunuot sa puso niya ang mga sinabi nito. At muli, napahiya na naman siya sa kanyang sarili. “Ang totoo po niyan, ako talaga ang may kasalanan kung bakit biglang umalis si Kestrel sa amin.”

“Well, kung ganyan naman palang marunong kang umamin sa pagkakamali mo, walang magiging problema. Pero kailangan mo siyang puntahan at kausapin.”

Bago siya umalis, humiling ito na idalaw naman niya roon ang bata kapag naroon ang asawa nito.

MISSED ka na ni Winter. Umuwi ka na, please. Sorry sa lahat ng nasabi kong hindi maganda. I’m sorry kung nasaktan kita. Text iyon ni Winona kay Kestrel nang makauwi sila ng bata sa bahay.

Naduduwag siyang puntahan ito. Nag-aalala siya na baka i-reject nito ang paghingi niya ng tawad. At nahihiya rin siya. Pagkatapos ng mga napag-usapan nila ng ina nito ay noon lang niya malinaw na naunawaan kung gaano kalaki ang nai-give up ni Kestrel para lang matiyak na magiging maganda ang kinabukasan nila ng anak niya.

Lumampas na ang lunchtime ay hindi man lang nag-reply ito sa text niya. Tumawag siya sa opisina nito. Busy na naman daw ito ayon sa sekretarya.

Talaga nga yatang nagalit nang husto sa kanya si Kestrel.

Pero hindi na siya makakatagal nang ganoon. Kaya minabuti niyang puntahan na lang ito sa opisina bago mag-uwian. Nag-taxi na lang siya patungo roon.

Nang naroon naman na siya, hindi niya magawang umakyat sa opisina nito. Kung gusto talaga siyang kausapin nito, kahit gaano ito kaabala, sana ay kinausap man lang siya sa telepono kahit sandali. Nag-return call man lang sana ito o kahit nag-text man lang sa kanya.

Pero hindi nga nito ginawa. Nangangahulugan lang iyon na galit pa nga ito sa kanya.

Hindi naman siya makaalis. Sumapit na ang uwian ay naroon pa rin siya sa lobby. Wala nang mga taong lumalabas ay hindi pa rin bumababa si Kestrel.

Malungkot na nagpasya na lang siyang umuwi.

Nakahakbang na siya nang biglang bumukas ang elevator at iniluwa niyon ang asawa niya. Parang kinurot ang puso niya nang makitang kasabay at kausap pa nito ang isang magandang babae. They were both smiling at each other—the kind of smile Kestrel used to give her when they first met.

.........................

O, ha? Ano ka ngayon, Winona?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro