10. Of Sacrifices, Truth And Happiness

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng




Nalilitong nakamata lamang si Ayanna kay Mon. Sa halos pitong taong pagsasama nila ay naging perpektong asawa ito sa kanya. Lahat ng tungkol dito ay sinasabi nito sa kanya. Anong lihim ang sinasabi nito?

“Mabilis ang naging hatol ng korte sa annulment ng kasal natin dahil ang sekretong iyon ang inilagay kong grounds sa pagpapawalang-bisa ng kasal...”

Ipinabahala nga pala niya rito ang lahat kaya hindi niya alam ang sinasabi nito. Palibhasa tutol siya sa ideya noong una. Pumipirma lang siya sa dapat pirmahan nang hindi na binuklat pa ang mga nakalagay sa application for marriage annulment.

“Hindi pa man kita nakikilala, alam ko nang baog ako, Ayanna.”

Nabigla siya sa ipinagtapat nito.

“Mauunawaan ko kung kamumuhian mo ako.”

Nanlulumong nasapo niya ang noo. Parang sumasakit na ang kanyang ulo. “B-bakit mo ginawa 'yon?”

“Natakot kasi akong mawala ka... Naisip ko na baka kapag nalaman mo ang tungkol sa pagiging baog ko, talikuran mo ang relasyon natin. Mahal na mahal kita. Hindi ko kakayaning mawala ka.”

Muling napatingin siya rito. Puno ng paghihirap ang hitsura nito. “Bakit pala ikaw pa ang nag-suggest na magpatingin tayo sa fertility expert?”

“Dahil alam kong sooner or later ay matutuklasan mo rin ang tungkol sa pagiging inutil ko. At hindi ko na rin makaya ang guilt noon. Naisip ko na kung magpapatingin tayo at matuklasan na baog ako, mas magaan na tanggapin iyon sa parte mo, kaysa sa malaman mo na noon ko pa alam ang kapansanan ko.”

“Kahit naman nalaman kong baog ka, hindi ako nakipaghiwalay sa iyo. Ikaw ang nag-file ng annulment.”

“Ayaw kasi akong patahimikin ang konsiyensiya ko. At alam ko, nararamdaman kong hindi ka na maligaya sa piling ko. Mas masakit isipin sa parte ko na habang-buhay ka na nagtitiis sa pagsasama natin.”

“M-Mon—”

“Nitong nagdaang taon, kahit papaano, nakaya ko ang paghihiwalay natin. Alam ko na magagawa ko rin na kalimutan ka pag nagtagal pa. Hindi ako pinababayaan ng Diyos. Ngayon, mas makakausad na tayong pareho.”

Nalaglag ang mga luha ni Ayanna. Mahal pa rin niya ito at nasasaktan siya na makitang nasasaktan ito. Lalo pa nga na siya ang dahilan ng sakit na nararamdaman nito. Akmang yayakap siya rito ngunit pinigilan siya nito.

“Huwag, Ayanna... Hindi pa ako ganoon katapang.”

Naunawaan niya ang ibig sabihin nito. Lalo siyang napaiyak.

“Hangad ko ang kaligayahan mo.” Nagpaalam na ito pagkasabi niyon.

Wala siyang nagawa kundi ihatid ng tanaw ang papalayong bulto nito. At nang umusad na ang sasakyan nito, napagtanto niyang ganap na ang kalayaan niya—nila ni Kiel.

ISINUOT ni Ayanna ang pinakapaboritong bestida. Inayos na mabuti ang kanyang buhok. Subtle ang makeup na inilagay niya sa mukha ngunit nakuha niya ang epektong nais niyang makuha. Nang titigan niya sa salamin ang sarili, alam niyang higit siyang gumanda kaysa dati.

Pagkatapos magwisik ng paborito niyang pabango ay bumaba na siya ng bahay. Maaga pa naman. Dadaan muna siya sandali sa photo developing center bago magtuloy sa opisina ni Kiel. Gusto niyang sorpresahin ang nobyo.

Nobyo. May karapatan na siyang itawag ang titulong iyon ngayon kay Kiel. Nagdala ng magandang ngiti ang isiping iyon sa kanyang mukha. Hanggang sa makarating siya sa photo center ay nasa mga labi pa rin niya ang ngiting iyon.

“Mag-breaktime ka muna,” sabi niya sa isang salesclerk. “Dito muna ako habang wala ka. Kakaunti pa naman ang mga customers natin.” Tamang-tama, kapag nagtungo siya sa opisina ni Kiel ay malapit nang mag-lunchtime. Mas mahaba ang oras nila para mag-usap.

Matagal nang nakaalis ang salesclerk nang marinig niya ang tinig na medyo pamilyar sa kanya. Kausap niyon ang isa pa nilang salesclerk.

“I’d like a reproduction of these pictures, please.”

Napalingon siya sa nagsalita. Nakatingin na rin ito sa kanya—si Samantha. 

“Hi, Ayanna. Tama pala ang sinabi sa akin ni Kiel, dito ka raw nagtatrabaho.” Kinukuha na ng salesclerk ang hawak nitong pictures ngunit hindi nito ibinigay. Sa halip, lumapit ito sa tapat niya.

Isang tipid na ngiti ang iginanti niya kay Samantha. Kailan nagkausap ito at si Kiel? Kahapon lang naman sila nagkakilala ng babaeng ito. At kasabay niyang lumuwas si Kiel. Biglang kinutuban siya ng hindi maganda.

“Look at these pictures. Hindi ba magandang palakihan?” Ang ngiti nito ay parang nanunuya.

Nang tingnan niya ang mga larawan, kuha iyon nito at ni Kiel habang magkayakap na tila nagsasayaw. Ang isa naman ay tila kuha sa isang bar. Magkaakbay pa ang dalawa.

Nabuhay ang selos sa dibdib niya.

“Wala ka man lang bang sasabihin?” Iniinis nga talaga siya nito.

“Well, wala akong karapatang mag-comment sa past relationship ni Kiel. Hindi naman importante iyon sa relasyon namin ngayon.”

Halatang nasaktan ito sa sinabi niya. Iisa lamang ang kahulugan niyon—mahal pa rin nito ang nobyo niya.

“Importante pa rin lalo na kung nagbunga ang nakaraang iyon.” May diin ang mga salitang pinawalan nito.

“You mean si Kyle?”

“Nakita mo naman, kamukha siya ni Kiel.”

“Pero hindi mo siya kamukha.”

Bumakas lalo ang galit sa mukha nito. “Pero hindi ibig sabihin n’on na hindi ko na siya anak. Mas malakas lang talaga siguro ang dugo ni Kiel. Na ipinagpapasalamat ko dahil isang malinaw na ebidensiya iyon ng identity ng bata.”

Napipilan siya. May katwiran ito. Ngunit hindi siya patatalo sa babaeng ito. “Well, halimbawa ngang totoo ang sinasabi mo, wala pa rin akong pakialam doon,” pagsisinungaling niya. “Hindi ka niya pinakasalan. Wala siyang pananagutan sa iyo.” Ang totoo, masakit sa kanyang isipin na niloko siya ni Kiel. Mas mabuti pa siguro kung inamin nito sa kanya ang pagkakamali. Baka makaya pa niyang tanggapin.

Mukhang nasaktan ito sa sinabi niya. “Maybe you’re right. Pero tandaan mo ito, minsan na rin akong nalagay sa posisyon mo sa puso ni Kiel. Minsan na rin niyang sinabi sa akin ang mga pangako gaya ng kasal. Pero inanakan lang niya ako at hindi pinakasalan. Huwag kang pakasisiguro na hindi rin niya gagawin sa iyo ang ginawa niya sa akin.” Pagkasabi niyon ay nagmartsa na itong paalis.

Nanghihinang nagtungo siya sa pribadong silid ng photo center. Mas paniniwalaan ba niya si Kiel kaysa kay Samantha? Kung hindi anak ni Samantha ang bata ay bakit dinadalaw nito iyon sa Miranda? At kung totoo nga ang sinasabi nito, ibig lamang sabihin noon na hindi naging tapat si Kiel sa kanya.

Sinikap niyang kalmahin ang sarili. Kailangan nilang mag-usap ni Kiel.

“AKALA ko, makakaya kong itago na lang ang tungkol kay Kyle, Kiel. Pero nang ipanganak ko siya, na-realize ko na hindi ko pala siya puwedeng ipagdamot sa kanyang ama. Kaya dinala ko siya sa inyo noon. Alam kong magmamalasakit kayo sa kanya...”

Nagtatagis ang mga bagang ni Kiel habang pinakikinggan si Samantha. Nasa parking lot sila noon. Doon siya naabutan nito.

Nais sana niyang sa loob na lamang ng opisina sila mag-usap. Ngunit parang desperada na ito. Hindi na ito makapaghintay.

“Babalik na sana ako sa States. Handa na akong kalimutan ang anak natin para harapin doon ang pagbabagong-buhay ko. Pero hindi ko pala kaya... Hindi ko kayang mapalayo sa anak natin. Kung m-magpapakasal kayo ni Ayanna, kukunin ko na lang ang anak natin. Lalayo na lang kami.”

“Maybe you should seek help from a doctor, a psychiatrist to be more specific. Malala na ang diperensiya ng utak mo,” nanggigigil na sabi niya rito.

“How dare you!” galit na bulyaw nito. Akmang sasampalin siya nito ngunit mabilis na nasalag niya ang kamay nito.

“Yes, how dare me. Alam mo ba kung bakit? Dahil hindi ko na masikmura ang mga pagsisinungaling mo. Unang-una, a few months ago, nagkita kami sa Miranda ng mommy mo. Dala niya ang recent photo ninyong dalawa na kuha sa Portland nitong nagdaang summer. Kasama ninyo roon sina Mama at Papa, since nasa Oregon din sila. Supposedly, sa panahon na iyon, dapat mga seven o eight months pregnant ka. Pero hindi ka buntis sa kuhang iyon.”

Unti-unting nagkulay-suka ang mukha nito.

Nagpatuloy pa siya. “Another thing. May sulat na kasama ang sanggol nang matagpuan siya. Sulat ng kanyang ina. I’m sure alam mo iyon. Pero sigurado ako na hindi mo alam kung ano ang nakalagay doon. Ang sabi sa isang portion doon, gusto ng ina ni Kyle na magkaroon ng magandang buhay ang bata. Dahil wala raw itong kakayahang ibigay iyon dito.

“Now, Samantha, kung hindi ko kilalang mayaman ka, baka napapaniwala mo pa ako. Gusto mo pa bang dagdagan ko ang mga ebidensiya na hindi ikaw ang ina ni Kyle? Gusto mo bang ipaalala ko sa iyo na noong gabing dalhin mo ako sa pension house mo, pinilit mong may mangyari sa atin?”

“Hindi totoo 'yan!”

“Really? Kaya pala hubad ako nang magising. Hinubaran mo ako. You tried, I know. Pero kilala ko ang sarili ko. I can never perform if I am drunk—”

“Tama na!” Sinundan pa nito iyon ng pagmumura. “I hate you! Bakit ba ikaw pa ang minahal ko? Hindi lang naman ikaw ang lalaki sa mundo!” Muli na itong sumakay sa dala nitong kotse at pinaharurot iyon.

That was it. Naging obsessed yata sa kanya si Samantha para gawin nito ang mga kasinungalingang iyon. Kahit paano ay nakadama siya ng awa rito.

Napapailing na nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa kanyang sasakyan.

“KIEL!” tawag ni Ayanna bago pa ito makasakay sa kotse.

Lumingon ito sa kinaroroonan niya, agad nagliwanag ang nagdidilim na mukha.

Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Pasugod na lumapit siya sa kanyang nobyo. Nang makalapit ay yumapos siya rito. “I’m sorry, Kiel.”

Ilang sandaling hindi ito nakakilos. Pagkaraan ay natatawang kinalas nito ang kanyang mga kamay. Siya naman ang ikinulong nito sa isang maluwang na yakap. “Hey, sweetheart, I like this surprise. Bakit ka nagso-sorry?”

“Narinig ko ang pag-uusap ninyo ni Samantha,” pagtatapat niya.

“So?” Ang anyo nito ay nagpapahiwatig na hindi iyon big deal dito.

“Kasi... kasi kahapon, medyo nagdududa pa ako na anak mo nga sa kanya si Kyle...” Hanggang kanina nga ay nagdududa pa rin siya nang makita niya ang mga larawan. Ngunit kanina lang, habang kausap nito si Samantha, na-realize niya na family friend nga pala ng mga ito ang babae. Natural lang na may ganoong mga pictures ito. 

Ngumiti ito at tumitig sa kanyang mga mata. Nakita niya ang pagkagiliw roon. “Makapaghihintay ako hanggang sa puwede mo na akong mabigyan ng isang ‘Kyle.’ I mean, legally.”

“Puwede na ngayon.”

Nawala ang pagkaaliw sa mga mata nito. “What do you mean?”

“We’re free, Kiel. Bumaba na kahapon ang desisyon ng korte sa annulment ng kasal ko kay Mon. Puwede na tayong magpakasal.”

“Oh, Ayanna!” Mabilis na nayakap siya nito nang mahigpit.

Gumanti siya ng yakap. And finally, she knew she had come to her real home. Tumulo ang luha niya sa pagdagsa ng kaligayahan.

“Does this mean you’re proposing?” pilyong sabi nito nang magkalas sila.

“Was it obvious?” pilya ring ganti niya.

Bigla ay binuhat siya nito at isinayaw-sayaw. “At last! At long, long last!”  

Nang ibaba siya nito ay matagal nilang pinagsawa ang mga sarili sa pagtititigan at pagngingitian. Kapwa hindi pa rin sila makapaniwala na natapos na ang mga paghihintay nila.

Umangat ang isang kamay ni Kiel. Pinalis ng mga daliri nito ang luhang tumulo mula sa kanyang mga mata. Ito man ay nangingislap din ang mga mata sa nagbabantang luha.

Ngunit maaliwalas ang mukha nito. “I love you...”

“And I love you...”

Unti-unting bumaba ang mukha ni Kiel hanggang sa lumapat ang bibig nito sa mga labi niya. Iyon na siguro ang pinakamatamis na halik na pinagsaluhan nila.

Isang malayang halik, puro at lantay. Isang halik na wala nang bahid ng takot at guilt.

¤

Sabi nga, love conquers all. Kaya naman kahit imposible dati, sa bandang huli ay nagkaroon din ng happy ending ang love life nina Kiel at Ayanna. Pero sino nga kaya kina Flynn at Gemino ang ama ni Kyle?

..................



http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro