2. Feelings

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

2

“Mon, ano na naman ba ito?” Nakatingin si Ayanna sa isang bagong laptop na may isang malaking card sa ibabaw. Nakasulat sa card ang mga katagang: For Ayanna.

“Ipinadala ko lang 'yan doon sa kaibigan kong may computer shop sa Park Square. Papunta raw kasi siya dito kung hindi ngayon, o bukas. Apparently, natuloy siya. Nadatnan ko na lang 'yan dito sa office kanina.”

Ibinaling niya kay Mon ang tingin. Pinapasadahan nito ng tingin sa desk lamp ang ilang film negatives na hawak. Lumapit siya at hinawakan ito sa kamay. Nakangiting itinunghay naman nito sa kanya ang tingin.

“Ang dami-dami ko nang utang sa 'yo.”

“Ano bang utang ang sinasabi mo? Kahit minsan, hindi ka naman nangutang sa akin, ah.”      

“Ang dami mo nang naibigay sa akin. Ang mahal-mahal nitong laptop.”

“Mas mahal kita kaysa diyan.”

Napangiti siya. Ang mga ganoong deklarasyon ni Mon ang lalong nagpapatindi ng kanyang pagmamahal dito.

“Magbe-bake nga pala ngayon ng pineapple pie si Mama. Nabanggit ko kasi sa kanya na paborito mo 'yon. Sabi niya, bago daw kita ihatid mamaya, daanan natin 'yong ipapadala niya para sa inyo.”

“You’re too good for me, you know. Sobrang bait mo sa akin. Sobrang maalalahanin mo. Ikaw at ang mama mo, ini-spoil ninyo ako.”

“Gusto ko lang ipakita sa 'yo kung ano ang mami-miss mo kapag iniwan mo ako.” Binuntutan nito ng tawa ang sinabi.

Ibinaba na nito ang hawak na film at tiningala siya. “Seriously, gusto ko lang iparamdam sa 'yo kung gaano kita kamahal, Ayanna. Hindi naman ako humihingi ng kapalit doon. Masaya na ako na nabibigyan kita ng kasiyahan sa mga ibinibigay at ginagawa ko para sa iyo. Pero siyempre, ipokrito ako kung sasabihin kong hindi ako umaasa na gantihan mo rin ang pagmamahal ko sa iyo.”

“Gusto mong sagutin na kita ngayon?”

Nanatili ang ngiti sa mukha nito. “Oo. Pero mas gusto ko na kung sasagutin mo ako, eh, iyong sigurado ka na mahal mo nga ako.”

Kinuha niya ang isang braso nito at inilagay iyon sa mga bisig niya na parang naghehele ng sanggol. “Sinong babae kaya ang hindi magmamahal ng isang lalaking katulad mo?”

“HINDI atin ang loteng ito?” hindi makapaniwalang hingi ng kumpirmasyon ni Ayanna sa kanyang inang si Aling Nelia. Hapon na noon. Kagagaling lang niya sa pinapasukang photo developing center kung saan nagtatrabaho siya bilang supervisor. Sinalubong siya ng kanyang ina ng ganoong balita.

“Ganoon na nga, anak,” anito. “Nagpunta rito ang apo ng totoong may-ari kanina. Dala niya ang titulo ng lupa.”

“Paano nangyari 'yon, Nanay? Hindi ba’t taun-taon tayong nagbabayad ng property tax sa munisipyo? At saka ang sabi ninyo, binili ninyo ito ni Tatay doon sa mga Arevalo.” Dati nilang kapitbahay ang mag-anak na Arevalo na nag-migrate na sa Canada limang taon na ang nakararaan.

“Binili rin ito ng mga Arevalo sa iba. Pang-apat na salin na nga ang loteng ito. Kung bakit kung kailan ngayon pang nasa atin na ito ay saka naman lumitaw na may mas lehitimong may-ari ito.”

“Halimbawang mapatunayan na ang loteng ito ay doon nga sa nagke-claim na may-ari, paaalisin ba niya tayo?”

“Hindi naman. Kahit daw bayaran na lang natin sa kanya itong lote, payag na siya.”

“Kung totoo ang sinasabi ng taong 'yon, paano na tayo? Basta na lang ba natin ibibigay ito sa kanya?”

“Siyempre, hindi. Kaya nga sinasabi ko ito sa 'yo. Baka alam mo kung ano ang dapat gawin. Alam kong may batas sa mga ganito. Hindi ko kabisado kung paano ia-apply iyon sa kaso nitong lote natin.”

“Ipa-authenticate muna natin ang titulo n’ong taong umaangkin nito. Baka naman namemeke lang 'yon.”

Ganoon nga ang ginawa nila. Ngunit lalo lang nilang napatunayan na authentic ang titulong hawak ng taong naghahabol sa lote ng kinatitirikan nilang bahay.

“Paano na tayo ngayon?” nag-aalalang wika ng kanyang ina. “Saan tayo kukuha ng pambayad dito sa lote?”

Hanggang maaari sana ay ayaw niyang nakikitang namomroblema ang kanyang ina. Patay na ang tatay niya. At sa puntod nito ay isinumpa niya na hindi niya pababayaan ang ina.

“Huwag na kayong mag-alala, Nanay. Gagawa ako ng paraan.”

Nangungupahan lang silang mag-anak noon sa maliit na bungalow na dating nakatirik sa loteng kinatatayuan ng bahay nila ngayon. Plain housewife lang ang kanyang ina. Ang kanyang ama naman ay dating electrician na naging OFW sa Middle East noong mag-high school na sila ng nag-iisa niyang kapatid na si Arminda.

Itinaguyod ng kanilang mga magulang ang pag-aaral nila. Nang makatapos sa kolehiyo si Arminda ay nag-asawa kaagad ito. Hindi nagpakita ng galit ang kanyang ama ngunit alam niyang dinamdam nito ang ginawa ng kanyang kapatid.

Nang siya na lang ang nag-aaral ay nagawa nang bilhin ng kanyang mga magulang ang kanilang inuupahan mula sa mga Arevalo. At nang makatapos siya sa kolehiyo ay ipinagiba naman ng kanyang ama ang bungalow at pinatayuan ng mas malaking bahay na two-storey.

Hustong nakapasok siya ng trabaho sa photo developing center na pag-aari ni Mon nang mamatay ang kanyang ama. Natuklasan nilang may colon cancer ito na hindi ipinaaalam sa kanila. Malignant na iyon na kalaunan ay ikinamatay nito.

Ang duda niya, marahil ay matagal nang alam ng tatay niya na may cancer ito. Ngunit dahil nag-aaral pa siya noon ay ipinagwalang-bahala nito ang sakit. Batid nito kung gaano kalaki ang magugugol sa pagpapagamot ng cancer, kaya isinakripisyo nito ang sarili makapagtapos lang siya at maipagawa ang kanilang bahay. Labis na dinamdam ng kanyang ina ang pagpanaw ng kanyang ama. Palaging sinasabi nito na hindi man lang daw nila nakapiling nang matagal at napagsilbihan ang kanyang ama.

Siya man ay nagdamdam nang labis. May guilt siya sa pagkamatay ng kanyang ama. Nagtiis itong isang buwan lang sa bawat tatlong taon kung umuwi ng Pilipinas. Kung hindi ito nagpakahirap sa pagtatrabaho sa ibang bansa mapag-aral lang silang magkapatid at mabigyan ng magandang buhay, marahil ay kapiling pa nila ito hanggang ngayon.

Kaya nga isinumpa niya sa puntod ng kanyang ama na gagawin niya sa kanyang ina ang hindi niya nagawa rito. Itinalaga niya ang sarili na tagapangalaga ng kanyang ina. Na ano man ang mangyari ay hindi niya pababayaan ito.
Kahit nagdadalang-hiya, si Mon ang kanyang nilapitan. Hindi naman siya nabigo. Pinahiram siya nito ng malaking halaga na sapat para mabayaran nila ang halagang hinihingi ng apo ng may-ari ng lote.  

“WALA na sigurong ibang babae pa na mamahalin ko tulad sa pagmamahal ko sa iyo ngayon.”

Nahinto si Ayanna sa akmang pagsusubo ng hawak na kutsara. Kasalukuyan silang kumakain ni Mon sa fine-dining restaurant na kabubukas lang malapit sa bisinidad ng Times Square.

Hindi kaagad siya nakapag-react nang makita ang tenderness na literal na nakalarawan sa mukha nito. Puno ng pagsamba ang mga mata nito na nakatitig sa kanya. Damang-dama niya ang sinseridad sa inihayag nito.

“I love you...” dagdag pa nito.

Hindi niya alam kung anong kabutihan ang nagawa niya para gantihan siya ng Diyos ng isang magandang kapalaran. Napakapalad niya kay Mon. Sa loob ng tatlong taon na magkakilala sila ay wala siyang nakitang kapintasan dito.

She felt safe with him. And she knew she was secure in his love.

Nginitian niya ito. “And I love you.”

May dinukot ito sa bulsa. Nang ilahad nito ang kamay sa ibabaw ng mesa ay nakita niya ang isang pulang kahita. “Gusto kong isuot ito sa daliri mo. Sana payagan mo ako.”

Isang antigong South Sea pearl ring ang laman ng kahita. May mumunting brilyantitos ang paligid ng perlas. Napakaganda niyon. Saglit na dumaan sa isip niya na hindi siya karapat-dapat na magsuot ng ganoon kagandang engagement ring.

“M-Mon, sigurado ka ba—”

“Sigurado ako sa sarili kong gusto kitang pakasalan. At wala naman akong nakikitang problema doon. Gusto ka rin ng parents ko, lalo na si Mama. In fact, sa kanya galing ang engagement ring na ito. Ito ang ibinigay sa kanya ni Papa noong engagement night nila.”

Nakangiting iniabot niya rito ang kaliwang kamay niya. “I feel honored to wear that ring.”

“There,” sabi nito nang nakasuot na sa kanya ang singsing. “In a few months, magiging Mrs. Harmon Abreira ka na.” Humihingi ng kumpirmasyon ang mga mata nito.

“I’ll be honored even more,” nakangiti pa ring kumpirma niya.

Nang gabing iyon, naging opisyal na silang magnobyo ni Mon.

“CALL me stupid. Sabihin mo nang burara ako, ulyanin... anything. But please, Ayanna, pakipadala naman dito ng mga films na binili ko.”

Napapailing siya habang pinakikinggan ang kliyente nilang si Sarah. Freelance photo artist ito at sa pagkakaalam niya ay connected sa ilang advertising agency. Nag-aaral pa ito sa kolehiyo. Hindi nga lang niya alam kung ano ang kurso nito ngunit alam niyang disinuwebe pa lang ito.

Mahigit isang taon na nilang kliyente si Sarah. At sa loob ng panahong iyon ay hindi lang miminsan na naiwan nito sa photo developing center ang mga films at iba pang gamit na binibili nito roon. Mas bata pa ito kaysa sa kanya para sabihing nag-uulyanin na. Palibhasa ay palaging puno ang schedule nito sa pag-aaral at pagtatrabaho.

“Ikaw naman kasi,” patuloy nito. “Inuna mong ibigay sa akin 'yong sukli kaya nakalimutan ko tuloy kunin 'yong mga binili ko.”

“Huwag mo na akong sisihin. Aminin mo nang talagang sobra na ang pagkamalilimutin mo.”

“Oo na. Basta ipahatid mo lang dito 'yong mga films, please? Maghihintay ako dito sa gate ng Triboa Country Club.”

“Undermanned kami ngayon, Sarah. Absent 'yong isang clerk namin. Wala akong mauutusan para dalhin diyan ang mga binili mo.”

Subalit hindi siya tinantanan nito hangga’t hindi siya napapapayag. Sa huli, siya na lang ang nagdala ng mga naiwan nitong films.

Gaya ng sinabi ni Sarah, naghihintay nga ito sa gate ng Triboa Country Club nang tumapat doon ang taxi na kanyang sinakyan. Halos yakapin siya nito nang makita siya. Abut-abot ang pasasalamat nito nang iabot niya ang mga films.

“Mamaya ka na umalis,” anito sa kanya nang magpaalam na siya. “Party ito ng mga rich and famous kaya marami kang makikita. Sabay na tayong umalis mamaya.”

Tumanggi siya ngunit sadya nga yatang malakas ang persuasive power ni Sarah kaya napapayag din siya. Nalaman niyang launching pala iyon ng isang telecom company. Bongga ang venue kaya sikat din ang mga personalidad na dumalo sa pagtitipon.

Habang naroon siya ay nasa trabaho naman ang isip niya. May tatlumpung minuto na yata ang nakakalipas nang makasilip siya ng tiyempo para takasan si Sarah.

Dumako siya sa labas ng clubhouse. Bago pa siya masilip nito ay pumakabila na siya sa likod ng makakapal na puno ng palma. Sa kakalingon niya ay hindi agad niya napuna ang paglapit ng isang matangkad na lalaki sa lugar niya. Huli na para makaiwas. Nagkabungguan na sila.

“Aw!” daing niya. Ang tagiliran niya ang nabangga nito at halos ma-dislocate ang buto niya sa punong-braso sa lakas ng impact ng bungguan nila.

“Naku, sorry, Miss.” Hindi nito malaman kung ang braso o ang balikat niya ang hahawakan.

Hawak ang nasaktang parte ng kanyang katawan ay napatingala siya sa mukha ng lalaki Nagtama ang kanilang mga mata. Sa isang iglap ay  nawalan siya ng kamalayan sa paligid maliban lang dito.

Ilang segundong nakatingin lamang siya rito at ganoon din ito sa kanya.

He was just like any ordinary gorgeous-looking guy, clothed in an expensive dark suit. he was tall, broad, fair-skinned. He had a pointed nose, red lips and incredibly dark rounded eyes.

Ngunit hindi ordinaryo ang papabilis na tibok ng puso ni Ayanna nang magtama ang kanilang mga paningin. Parang may kung anong kapangyarihan na biglang lumukob sa kanya. Kapangyarihang nag-uutos na kilalanin niya kung sino ang lalaking ito.

“I-I was mesmerized,” tila wala sa sariling sambit nito.

Pareho pala sila ng reaksiyon. Iyon ang bumasag ng pagkakamaang niya. Alanganing ngumiti siya sa lalaki, hindi pa rin magawang alisin ang tingin dito. Nag-uunahan pa rin ang tibok sa puso niya.

“You want to go someplace else?” umaasam na tanong nito.

“I was about to leave—”

“Just a few minutes?” Nakikiusap pati ang maitim na mga mata nito.

“All right.”

Walang anumang hinawakan nito ang kamay niya na tila sa ganoong paraan ay makasisiguro ito na hindi siya magbabago ng isip sa pagpayag.

Kung kanina ay tila may kapangyarihang lumukob sa kanya, ngayon naman, sa pagdadaop ng kanilang mga palad, parang may kakaibang init na dagling nanulay roon patungo sa buong katawan niya. Pigil na pigil niya na mapasinghap.
  
Dinala siya nito sa isang panig ng clubhouse na malayo sa mga tao. Tanaw mula roon ang payapang tubig ng Triboa Bay. Nakikiagaw naman sa magandang tanawin ang mahabang linya ng mga villa na kahilera ng clubhouse.

Naupo sila ng lalaki sa isang wrought-iron bench.

“I don’t usually do this,” nahihiyang sabi nito.

“Ako man. Hindi ko ugaling makipag-usap sa taong hindi ko kilala.”

Napahinga ito, parang maraming gustong sabihin ngunit hindi naman malaman kung ano ang uunahin. “Masakit pa ba ang balikat mo?”

“Kaunti na lang.”

“Sorry talaga. Hindi kasi kita agad napansin sa likod ng mga halaman.”

“Okay lang. Hindi rin kasi ako nakatingin sa daan.”
“I got bored with the party. Hindi ko lang matanggihan ang invitation n’ong isang kliyente kaya... So, are you with someone?”

Napapangiting umiling siya. “Only with you. I mean, now.”

Ngumiti rin ito. Unti-unting nare-relax na ito, mukhang nakalimutan nang hawak pa rin nito ang kamay niya.

“May mga instances na wini-wish ko na sana panaginip lang ang ibang pangyayari sa buhay ko. But now, this very moment, I wish that this is not just a dream...”

Siya naman ang huminga nang malalim. “This is too overwhelming.”

“Exactly,” nangingislap ang mga matang sang-ayon nito. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang alam ko lang, hindi ako makakapayag na umalis ka nang hindi tayo nakakapag-usap man lang.”

“I don’t even know you.”

“Weird, right? Hindi mo ako kilala. Ngayon lang tayo nagkita. Pero pakiramdam ko, ikaw 'yong tao na unconsciously matagal ko nang hinahanap.”

Napailing siya. Dapat ay mamangha siya sa mga pahayag nito. Dapat na maalarma siya. Isa itong estranghero. Ngunit parang usok na mabilis na napapalis ang lahat ng inaalala niya sa harap nito.

“Look, I know it’s not right to swear but I’m swearing now. hindi ko ito ginawa sa iba kahit kailan. Ngayon pa lang. Sa 'yo pa lang.”

“I believe you.” Iyon ang sinabi niya dahil iyon ang nararamdaman niya. Hindi niya alam kung paano. Ngunit ang lahat ng sinasabi nito ay alam niya na totoo.

Lalong lumapad ang ngiti nito. “Thanks. Siguro puwede kong makuha ang address mo, ang number mo sa bahay at sa office, at ang cellphone number mo?”

Noon niya naalala si Mon. Nahatak niyang bigla ang kamay na hawak ng lalaki. “I-I’m sorry...” Tumayo na siya. “Kailangan ko na talagang umalis.”

“Bakit?” Hindi makapayag ang hitsura ng lalaki. Tumayo na rin ito. Akmang hahawakan na naman siya nito sa kamay ngunit iniiwas na niya iyon.

“S-sige, maiiwan na kita.” Binirahan na niya ng talikod. Kay lalaki ng hakbang niya.

“Miss, sandali! Miss!”

Lumingon siya ngunit patuloy pa rin sa paglalakad.

“I’m Kiel. Kiel Falcon."

“Ayanna Villegas,” pakilala naman niya. Iyon lang at nagmamadali na siyang umalis. Suwerteng paglabas niya ng gate ng Triboa ay may nag-aabang nang taxi. Ilang saglit pa ay palayo na siya sa natitilihang lalaki. Malayo na siya nang malingunan niya na nakatanaw pa rin ito sa kanyang sinasakyan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro