4. Without Hope

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

4

“Baka naman mauna pa tayo sa groom niyan,” wika ng ina ni Ayanna. Narinig nito nang sabihin niya sa driver na maghahatid sa kanila sa simbahan na aalis na sila. “Halos isang oras pa bago mag-alas-nuwebe. Beinte minutos lang naman ang layo natin sa pagkakasalan ninyo.”

“Gusto ko na pong umalis, Nanay,” matatag na sagot niya.

Pinagmasdan siyang mabuti nito. “Ikaw lang yata ang nakita kong ikakasal na malungkot. Ano ba ang problema mong bata ka? Nagkagalit ba kayo ni Mon?”

“Hindi po, Nanay. Wala ho akong problema. At lalong hindi kami nagkakagalit ni Mon. Umalis na ho tayo.”

Walang nagawa ito kundi ang sundin siya. Subalit sa halip na kumanan sa daan patungo sa resort na paggaganapan ng kasal ay pinadiretso niya ang driver sa daan patungo sa Triboa Country Club.

“Aba, eh, bakit doon tayo pupunta? May dadaanan pa ba tayong abay doon?” nagtatakang tanong ng kanyang ina.

“Wala po, Nanay,” aniyang napapabuntong-hininga. “May gusto lang po akong tingnan bago tayo magtuloy sa resort.”

Akmang magtatanong pa ito ngunit nang ipaling niya sa labas ng bintana ang tingin ay hindi na ito nagsalita pa.

Nang makarating sila sa Triboa ay bumaba pa siya sa kotse. Bitbit ang mahabang train ng kanyang damit-pangkasal ay nilakad niya ang daan patungo sa clubhouse. Subalit wala siyang nakita isa mang tao roon.

“Tayo na, anak,” tawag ng kanyang ina nang may labinlimang minuto na yata siyang nakatayo sa tabi ng wrought-iron bench. Sumunod pala ito sa kanya.

Sinikap niyang hamigin ang sarili bago niya nagawang ihakbang ang mga paa. Wala na... Wala na...

BY THE Sea Resort. Iyon ang pangalan ng resort na pagdarausan ng garden wedding nina Ayanna at Mon. Maraming tao ang dumalo sa kasal. Karamihan ay kamag-anak ng nobyo niya. Sa panig niya ay isang mag-asawang tiyuhin at ilang pinsan lang niya ang dumalo. Mas marami pa kung tutuusin ang dumalong common friends nila ni Mon.

“Anak...” pigil ng kanyang ina nang bababa na siya ng bridal car.

Nagtatakang tiningnan niya ito.

“Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa iyo. Alam kong may gumugulo sa isip mo. Nararamdaman kong nagdadalawang-isip ka sa pagpapakasal kay Mon. Tama ba ang pakiramdam ko?”

“Huwag n’yo na lang akong pansinin, Nanay. Handa na po ang lahat. Mangyayari ang kasal gaya ng inaasahan.”

Kung kaninang magpunta sila sa Triboa ay pagtataka lang ang nakita niya sa mukha nito, ngayon may bahid na ng pag-aalala ang mga mata nito. “Ayanna, anak, kung hindi mo naman pala lubos na gusto ang pagpapakasal mong ito kay Mon, bakit ka pumayag?”

“Wala kayong dapat alalahanin, Nanay. Alam ko na magiging mabuting asawa si Mon.” 

Huminga ito nang malalim. “Huwag mo sanang pagsisihan ang pasya mong ito, anak.” Saka pa lang siya pinayagan nitong makababa ng kotse.

Napakaganda ng wedding venue. Mahusay at artistic ang kinuhang wedding specialist ni Mon. Nagmukhang wonderland ang resort. Napakarami rin ng makukulay na bulaklak sa paligid.

Sa isang mapanuring mata ay sasabihing hindi iyon mukhang kasal. It was like a festive event. Maiingay ang mga tao. Masasaya ang tinutugtog ng arkiladong acoustic band.

May pagmamalaki ang ngiti ng mga magulang ni Mon. Si Mon mismo ay hindi nawawala ang kislap ng mga mata at ang malawak na ngiti sa mukha.

Lahat ay masaya maliban lang sa kanya. Lumuluha ang puso niya ngunit hindi iyon mahahalata. Nagpaskil siya ng ngiti sa kanyang mga labi. Madali lang namang gawin iyon. Paluluwangin lang niya ang mga magkalapat niyang labi, ikukulubot ang gilid ng kanyang mga mata.

Umayon lang siya sa agos. Sumagot siya sa mga tanong ng nagkakasal. Sumunod siya sa mga utos nito. Lahat ay inayunan niya kahit labag sa kalooban niya.

“I now pronounce you man and wife,” narinig niyang wika ng pari sa kanila mayamaya. “You may now kiss the bride.”

Maingat na itinaas ni Mon ang kanyang belo. Marahang idinantay nito ang bibig sa mga labi niya. Dinig niya ang palakpakan ng lahat. And with that kiss, her fate was sealed.

KATULONG pa ni Ayanna si Mon sa pag-aalis ng mga pins sa belo na nakakabit sa kanyang buhok. Nasa isang suite na sila noon ng Astoria Plaza. Pagkagaling sa wedding reception ay doon na sila nagtuloy. Tutulak naman sila kinabukasan para sa isang linggong honeymoon sa Hong Kong.

Nang maalis ang belo at lahat ng pins sa kanyang buhok ay nasisiyahang inilugay iyon ni Mon. “Love, talagang napakaganda mo.”

Ngumiti siya nang bahagya. Ito man ay napaka-guwapo. Ang mga mata nito ay nangingislap na parang palagi itong excited. Bukas ang mukha nito na parang palaging nag-aanyaya ng pakikipagkaibigan. Medyo makapal ngunit makurba naman ang mga labi nito na parang tulad sa Hollywood actor na si Brendan Fraser.

Kung tutuusin ay mas guwapo pa ito kaysa kay Kiel. Mas matangkad lang dito ang huli ngunit sa kabuuan ay mas charismatic ang personalidad ni Mon. Napakabait pa nito. Kaya nga hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit kay Kiel pa siya nagkagusto.

“A-are you happy?” tanong niya rito sa kawalan ng masasabi.

“Sobra.” Ikinulong nito ang kanyang mukha sa mga palad. “Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na mag-asawa na tayo. I love you very much, Ayanna.”

“Salamat,” tanging nasabi niya. Hindi niya magantihan ang pahayag nito. Alam niyang hindi kasintaas ng antas ng pagmamahal ni Mon sa kanya ang nararamdaman niya para dito.

Hindi siya tumutol nang dampian nito ng halik ang kanyang bibig. Gumanti siya nang lumalim pa ang halik nito sa bibig niya. Naging masuyo ang mga labi nito. Naging sabay na mapagbigay at mapag-angkin ang mga kamay nito.
Hindi naman mahirap sa kanyang tugunin ito. Ipinikit lang niya ang mga mata. Mayamaya ay pinangko na siya nito. Saglit pa at lumapat na ang kanyang likod sa malambot na kama.

Naging mapusok na ang mga halik nito. Tinutunaw ng init niyon ang kalamigan niya. Siguro nga ay talagang mahal siya nito. Dama niya sa bawat halik, haplos at daing nito ang suyo at pag-iingat.

Bago mag-isa ang kanilang mga katawan, iisang pangalan lang ang nasa isip niya. Si Kiel.

“ISANG taon at pitong buwan na kayong kasal. Malapit na ba akong magkaapo, Ayanna, Mon?”

Nasamid si Mon sa sinabi ng kanyang ina. Dumalaw sila noon dito. Kagagaling nila mula sa pagbabakasyon sa Bali, Indonesia. Inihatid nila ang mga pasalubong sa kanyang ina.

Nang pumisan si Ayanna kay Mon ay pinakiusapan ng kanyang asawa ang nanay niya na sumama na rin sa bahay nila. Ngunit tumanggi ang kanyang ina. Hindi raw nito iiwan ang bahay na puno ng alaala ng kanyang ama. Sa ngayon ay isang batang pinsan niya ang kasa-kasama nito sa bahay.

“Hindi pa po, Nanay. Hayaan ninyo, kayo ang unang makakaalam kapag naglihi na ako.”

“Naiinip na ba kayo, Nanay?” nakangiting tanong ni Mon dito.

“Hindi naman. Naisip ko lang na karamihan sa mga bagong kasal nagkakaanak kaagad sa unang tatlong buwan ng pagsasama. Mahaba-haba na rin naman ang isang taon at pitong buwan.”

“Naiinip na nga kayo,” natatawang sabi ni Mon.

“Naku, eh, mabuti na rin 'yang hindi muna kayo magkaanak. Mas mapaghahandaan ninyong mabuti. At mas maganda rin na matagal ang panahon na ibinibigay ninyo sa isa’t isa. Gaya niyan, nakapagbabakasyon kayo nang walang inaalalang bata na maiiwan.”

Inakbayan siya ni Mon. “At gusto ko pa po na ma-enjoy ako nang husto nitong si Ayanna.”

Sinundot niya ito sa tagiliran. Napapitlag ito at tumatawang tumayo sa kanilang kinauupuan. “Iidlip muna ako, Nanay. Sinumpong na naman ako ng insomnia kagabi.”

“Pumasok ka na sa dating kuwarto ng asawa mo. Malinis naman iyon.”

“Bukas po ba, Nanay?”

Kinapa ng nanay niya ang bulsa. “'Eto ang susi.”

Nang wala na sa paningin nila si Mon ay lumapit pa sa kinauupuan niya ang ina. “Anak, tapatin mo nga ako. Maligaya ka ba sa piling ni Mon?”

“Bakit naman ganyan ang tanong ninyo, Nanay?”

“Ina mo ako, Ayanna. Alam ng isang ina kung kailan masaya at totoo ang ngiti ng anak niya at kung kailan pakitang-tao lamang iyon.”

“Nanay, alam ninyo kung gaano kabait si Mon. Wala akong problema sa kanya. Lahat ng bagay, ginagawa niya para lang ako mapaligaya.”

“Pero hindi ka pa rin maligaya.”

“Nanay—”

“Kung totoo ang sinasabi mo, wala pala kay Mon ang problema. Nasa 'yo.”

Napayuko siya sa sinabi nito.

“Sabihin mo nga sa akin, anak. may kinalaman ba ang ipinagkakaganito mo sa dahilan ng pagpunta mo sa Triboa noong bago ka ikasal?”

“Kung ano man ang tungkol doon, kalimutan na lang ninyo. Asawa ko si Mon. Mananatiling ganoon hanggang sa pagtanda namin.”

“Asawa mo nga si Mon kaya dapat na maging matapat ka sa kanya.”

Nang-angat uli siya ng tingin dito. “Inaakusahan ba ninyo ako na nagtataksil sa aking asawa, Nanay?” naghihinanakit na tanong niya rito.

“Alam kong hindi mo magagawa iyon.”

“Hindi nga po. Kaya wala kayong dapat na ipag-alala.”

“Pero may inililihim ka. At nagpapahirap sa loob mo ang lihim na iyon. Bakit ayaw mong ipagtapat sa akin, anak?”

Hinawakan niya ito sa braso. “Nanay, hayaan na lang ninyo ako. Kung ano man ang problema ko, kaya kong dalhin iyon. Huwag na kayong mag-alala sa akin. Sa kabila ng ipinag-aalala ninyo, maligaya ako sa piling ni Mon. Puwede kong sabihin na mas masuwerte ako kaysa sa ibang babae dahil si Mon ang asawa ko.”

“Ang gusto ko lang naman, maging panatag ang loob mo. Hindi ko kasi maialis sa isip ko na baka kaya ka hindi masaya ngayon ay dahil napilitan ka lang pakasal kay Mon noon. Alam mo na, napakarami ng naitulong niya sa atin. Magiging masakit sa kalooban ko na iyon lamang ang dahilan kaya pumayag kang pakasal sa kanya.”

“Mahal ko si Mon, Nanay. Huwag na kayong mag-isip ng kung ano-ano.” Tinapik-tapik niya ang braso nito. Ngunit batid niya na hindi napaglubag ng mga sinabi niya ang kalooban nito.

I’m sorry, Nanay... Pero huli na po para magsisi.

Nang pauwi na sila ay kapansin-pansin ang pananahimik ni Mon. Magmula noon, madalas na niyang mahuli ito na nag-iisip. Masayahin pa rin naman ito kaya hindi niya masasabi na may kinikimkim itong problema. Katagalan ay nakasanayan na niya ang ganoong aktuwasyon ng kanyang asawa.

ISINILID na ni Ayanna sa loob ng drawer ang hawak niyang leather coin purse. Nasa dati niyang silid siya nang mga sandaling iyon. Pagkagaling ng Triboa ay nagtungo siya sa bahay ng kanyang ina. Wala ito roon. Ayon sa pinsan niyang kasa-kasama nito ay sinundo raw ito ng isang kakilala. Mabuti naman iyon, walang magtatanong sa kanya. Hindi madaragdagan ang kanyang pagsisinungaling.

Galing kay Kiel ang coin purse. Gaya noong mga nakaraang taon tuwing sasapit ang petsang iyon ay nagkikita sila nito sa Triboa Country Club. Anniversary gift nito sa kanya ang leather coin purse. Noong nakaraang taon ay isang miniature lamb na gawa sa bulak ang ibinigay sa kanya nito.

Saglit muna niyang pinagmasdan ang tatlong items na laman ng drawer. Lahat ng iyon ay may naka-engrave na petsa at pangalan nila ni Kiel. Sa halip na tuwa ay lungkot ang lumulukob sa kanya habang tinitingnan ang mga iyon.

Kahit wala silang pinagkakasunduan ni Kiel ay parang may unwritten agreement silang sinusunod na magkikita sa pook na iyon ng Triboa tuwing sasapit ang araw na iyon.

Maikli lang ang palitan nila ng mga salita sa mga nakaraang pagkikita nila. Kanina lang sila nakapag-usap nang medyo matagal.

“Humanap ka na ng ibang babaeng mamahalin,” sabi niya kanina rito.

“Ayoko,” sagot naman nito.

“Hindi makabubuti sa ating pareho na humawak pa rin sa isang pag-ibig na wala namang puwang.”

“You want me to move on?”

“Oo. Iyon naman ang tama.”

Hinuli nito ang kanyang mga mata. Matiim na tumitig ito roon. “How?”

Nakuha niya ang punto nito. Nag-init bigla ang sulok ng kanyang mga mata. Hindi siya nakakibo.

“Tell me, Ayanna, paano ako uusad?”

“Tatlong taon na at... at hindi tama na patuloy pa rin nating minamahal ang isa’t isa kahit n-nakatali na ako kay Mon.” Nagbaba siya ng tingin nang pumatak na sa kandungan niya ang mga luha. Inapuhap niyang punasan ng mga daliri ang magkabilang pisngi niya.

“Ayokong gumaya sa iyo, Ayanna.”

Lumipad ang tingin niya rito. Ngunit nakatingin na ito sa gawi ng dagat.

“Itinuloy mo pa rin ang pagpapakasal mo kay Mon kahit alam mo na higit mo akong mahal kaysa sa kanya. Kahit hindi mo sabihin sa akin, alam kong nagdurusa ka. Hindi lang ang kasal ninyo ang nagtatali sa iyo kay Mon. Itinali ka rin ng awa mo sa kanya, ng kabaitan niya sa iyo, ng matagal na panahon na pinagsamahan ninyo.

“Tell me, Ayanna, iyan ba ang paraan ng pag-usad na sinasabi mo?”

“Nagpakita na ako sa iyo noong bago pa ako makasal kay Mon. Handa ako noon na talikuran ang pagpapakasal sa kanya para sa iyo. Pero tinanggihan mo ako,” ganting sumbat naman niya.

“Dahil magiging mas masakit sa kanya ang gusto mong mangyari. Mas nakakakonsiyensiya iyon sa parte ko. Sa parte nating dalawa. Kaya sinabi ko sa iyo na huwag ka munang magpakasal sa kanya. Dahil baka sa pagdaan ng panahon gumaling din ang pananakit na gagawin mo sana sa kalooban niya. Baka sakaling kapag nagtagal-tagal makakita siya ng ibang babaeng mamahalin. Kung mangyayari iyon, malaya na sana tayong makakabalik sa isa’t isa.

“Pero hindi ka nagpapigil. Siguro naaawa ka sa kanya kung bigla ka na lang aatras sa kasal ninyo. Hindi mo na-realize na mas nakakaawa siya habang nakikisama sa isang asawang ibang lalaki ang tunay na mahal.”

Napahagulhol na siya sa puntong iyon. Tama si Kiel. Iyon naman talaga ang totoo. Nakakaawa si Mon na naging napakabuti sa kanya. Hindi makatarungan na atrasan niya ang pagpapakasal dito. Hindi niya kayang iwan ito nang nakabitin sa ere. Napakalaki ng utang-na-loob niya rito. Kaya sumubo siya sa isang maling desisyon.

Naramdaman na lang niyang yakap siya ni Kiel. “I’m sorry.” Hagud-hagod nito ang kanyang ulo at likod. “Hindi ko gustong sumbatan ka. Wala namang mangyayari kahit patuloy tayong magsumbatan. Nangyari na ang pagkakamali.”

Malungkot na isinara niya ang drawer. Tatlong taon na silang nagtitiis. Parang habang-buhay na ang katumbas niyon.

Kailangan niyang magdasal at humingi sa Diyos ng lakas ng loob. Dahil hanggang ngayon ay wala siyang nakikitang solusyon sa kanyang problema. Oh, Diyos ko, tulungan Mo po akong maging matatag. Makaya ko po sana ang pagsubok na ito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro