8. Welcome Surprise

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


8

Hindi nakapagsalita kaagad si Ayanna sa nabungaran niya sa kanilang sala. Inakala niya kanina na baka binibiro lang siya ng ina nang ibigay nito ang pangalan at deskripsiyon ng taong naghahanap sa kanya sa ganoong oras ng gabi.

“Kumusta ka na, Ayanna?”

“K-Kiel...” nasabi lang niya.

Sukat doon ay walang babalang niyakap siya nito. Mahigpit na ibinilanggo nito ang katawan niya sa mga bisig nito.

Napapikit siya. Saglit na hinayaan niya ang sarili na namnamin ang init ng yakap nito, ang pagbaha ng kaligayahan sa dibdib niya. 

“I’m sorry,” sabi nito nang magawa na nilang magkalas. “Maraming nangyari sa bahay kaya na-late ako sa pagpunta sa Triboa. Wala ka na nang dumating ako doon.” Ang ayos nito ay parang gusto na namang manugod ng yakap.

Sinenyasan niya ito na maupo uli. Nauna pa siyang naupo sa tapat nito dahil parang biglang nanghina ang mga tuhod niya. “Paano mo nalaman itong bahay namin?”

Iniabot muna nito sa kanya ang isang bronze pin na ang nakaukit ay mukha ng isang falcon. “Happy anniversary, Ayanna,” masuyong bati nito habang nangingislap ang mga mata.

Nakangiti rin na tinanggap niya iyon. “Thank you. Happy anniversary din. Pangwalo na ito.”

“You know... I feel married to you even if we don’t live together,” madamdaming pahayag nito na lalo pang nagpalobo ng kaligayahan sa dibdib ni Ayanna.

“Pakiramdam ko naman, walong taon na akong nagtataksil kay Mon dahil hindi ko nagawang ipantay man lang sa damdamin ko sa iyo ang pagmamahal ko noon sa kanya.”

“Matatapos na ang mga paghihirap natin ngayon, mahal ko.”
“May alam ka?” nagtatakang tanong niya.

Pinagalaw ni Kiel ang mga balikat habang masuyong pinagmamasdan siya.

“Hindi mo pa ako sinasagot. Paano mo nga nalaman itong sa 'min?

“Itinuro sa akin ng ex-husband mo.”

Lalong nabigla siya sa narinig. Parang mahihirinan na lumunok muna siya bago niya nakapa ang boses. “S-saan kayo nagkita ni Mon?”

“Sa clubhouse.”

Napapikit siya, sabay sapo ng kanyang mukha. Sinasabi na nga ba niya. Malinaw na kumpirmasyon iyon na tama ang kutob niya.

“What’s wrong, Ayanna?” ani Kiel na tila naalarma sa reaksiyon niya.

Ilang saglit muna ang lumipas bago niya nakuhang itunghay uli ang kanyang mukha rito. “Napakalaki ng dapat nating ipagpasalamat kay Mon, Kiel.”

“Alam ko. Nagkita tayo ngayon dahil sa kanya—”

“Hindi lang iyon,” agaw niya. “Napakalaki ng isinakripisyo niya para lang lumigaya ako. Lalo kong napatunayan iyon ngayon.”

“Hindi ka daw niya mabibigyan ng anak kaya kayo naghiwalay.”

“Hindi ako ang may gustong humiwalay sa kanya, Kiel. Siya ang nag-file ng annulment pagkatapos lumabas ang result ng test sa aming dalawa at nalaman nga namin na baog siya. Handa akong pangatawanan ang pagsasama namin kahit gano'n pero siya ang kumalas.

“Alam ko na ayaw lang niyang magdusa ako nang habang-buhay sa piling niya. Pero ngayon, pagkatapos mong sabihin na nadatnan mo siya sa Triboa, alam ko na ang pinakamalaking dahilan ng pakikipaghiwalay niya sa akin.”

“Ano?”

“Noon pa ako nagdududa na alam niya ang tungkol sa atin.”

“Kaya pala kilala niya ako.”

Napabuntong-hininga siya. “Siguro, nararamdaman niya na hindi ko maibigay nang buo ang pagmamahal ko sa kanya. At kung nadatnan mo siya sa clubhouse kanina, malinaw na alam niya ang minsan sa isang taon na pagkikita natin doon.”

“You feel guilty?”

“Ikaw, hindi ba?”

Lumabas ang takot sa mga mata nito. “Magsa-sakripisyo pa rin tayo?”

She smiled, trying to reassure him. “Hindi. If I understand him right, he would feel relieved now that we are together. Although, tiyak na masasaktan siya kapag nalaman niyang tuluyan na akong mawawala sa kanya sa pagkikita natin na ito. Pero kung malalaman niya na nagsasakripisyo pa rin tayo na kagaya ng dati, masasaktan pa rin siya para sa akin.”    

Tumayo ito mula sa sofa at tinabihan siya. Sinapo nito ang magkabilang gilid ng kanyang mukha. Titig na titig ang maiitim na mga mata nito sa kanyang mga mata. “Tama ka. Napakalaki ng dapat nating ipagpasalamat kay Mon. Siya ang may pinakamalaking isinakripisyo sa ating tatlo. Tatanawin nating utang-na-loob iyon sa kanya.

“Maghihintay pa rin ako, Ayanna. Hihintayin ko hanggang dumating ang panahon na bumaba na ang hatol ng korte sa annulment ng kasal ninyo. Kaunting tiis na lang, mahal ko. Liligaya na rin tayo.” Pagkatapos ay dinampian nito ng halik ang kanyang ulo.

Bilang tugon ay yumakap uli siya rito. Ibinaon niya sa dibdib nito ang kanyang mga takot. “Salamat. Iyan din ang inaasahan ko sa iyo. Na maghihintay ka hanggang sa hindi na magiging isang pagkakamali ang pagsasama natin.”

Hinaplus-haplos nito ang mahabang buhok niya. “Ngayon pa ba naman ako hindi makakapaghintay? Ngayon pa na nakikita ko na ang bunga ng mga pagsasakripisyo natin?”

Tama ito. Mas tiyak na ang kanilang pag-asa sa pagkakataong iyon.

Nang makaalis ito ay kinausap siya ng kanyang ina.

“Siya ba ang hinihintay mo noon sa Triboa bago ka ikasal?” direktang tanong nito.

Umamin naman siya. “Siya nga, Nanay.”

Napailing ito sa isinagot niya. “Kung nalaman ko lang ito noon, sana, ako na mismo ang humadlang sa pagpapakasal mo kay Mon. Hindi tama na papagdusahin mo iyong tao sa loob ng mahabang panahon. Sobra-sobra ang pagmamahal na ibinigay niya sa iyo. Sa tingin mo, makakalimot pa siya ganyang mahaba na ang panahon na ipinagsama ninyo?”

Nawalang bigla ang kaligayahan na naramdaman niya kanina. “Nanay—”  

“Martir ang asawa mo, Ayanna. Hindi ka na makakakuha ng kagaya niya. Sana lang, matumbasan din ng Kiel na iyan kahit kalahati lang ng pagmamahal ni Mon sa iyo. Sana hindi ka paluhain ng lalaking 'yan.”

Nasaktan siya sa sinabi nito. Ngunit hindi niya masisisi ang ina. Kahit sino ay hahanga sa pagmamahal na iniukol sa kanya ni Mon. At mahal ng kanyang ina ang dating manugang.

NAGDIDILIG ng halaman si Ayanna sa kanilang hardin nang biglang may mga brasong yumakap sa kanya mula sa likuran. “Ay!” gulat na bulalas niya, dahilan para mabitiwan niya ang hawak na hose.

“Ang sipag naman ng mahal ko,” sabi ng pamilyar na boses ni Kiel. Kasunod niyon ay dumampi ang mga labi nito sa kanyang buhok.

Nakangiting pumihit siya upang makaharap ito. Ang kaligayahang nakikita niya sa mga mata nito ay kasiyahang mabilis na namahay sa dibdib niya. “Ang aga mo. Hindi ka ba papasok sa office?”

Isang linggo na mula nang unang magpunta ito sa kanila. Halos gabi-gabi, pagkagaling nito sa opisina, ay nagtutuloy na ito sa kanila.

Hindi matapos-tapos ang kanilang mga kuwentuhan. Pinupuno nila ang isa’t isa ng mga mahahalagang bagay na nangyari sa kanya-kanyang buhay.

“I’m giving myself a day off. Gusto kong ipasyal ang mahal ko.”

Lalong lumawak ang pagkakangiti ni Ayanna. Pinaglaro niya ang mga daliri sa kuwelyo ng polo na suot nito. “At saan naman po ninyo ako ipapasyal?”

“Saan ba ang gusto ng mahal ko, sa Vigan, sa Mount Mayon o sa Palawan?”

“Ang yabang niyan,” natatawang sabi niya.

“Hindi naman ako nagyayabang lang. Seryoso ako.”

Nawala ang tawa niya. “Paano...?”

“Mag-eeroplano tayo papunta sa pipiliin mong pasyalan.”

Well, alam niyang mayaman ito ngunit posible ba na makabiyahe sila nang ora-orada? “Kung sabihin kong gusto ko sa Palawan?”

“Di doon tayo pupunta.”

“Ang layo n’on.”

“Okay lang. Makakabalik naman tayo rito kahit after lunch kung gusto mo.”

Tiningnan niya ito ng tinging hindi naniniwala.

“Trust me. Narito na tayo by one o’clock. Kaya nga magbihis ka na. Ipagpapaalam kita kay Nanay.” Pinangatawanan na nitong “Nanay” rin ang itawag sa kanyang ina. Tutal naman daw ay iyon din ang itatawag nito sa nanay niya kapag mag-asawa na sila. 

Pormal naman ang pakikitungo rito ng kanyang ina. Alam niyang kay Mon pa rin ang loyalty ng nanay niya. Hindi niya maiaalis iyon, lalo pa at naging napakabuti rito ng dating asawa niya.

Ngunit malaki ang pag-asa niya na matatanggap din nito si Kiel pagdating ng araw.

Nasa loob na sila ng airstrip ng Falcon Air nang maunawaan niya ang dahilan kung bakit malakas ang loob ni Kiel na magyaya sa malalayong lugar.

“I-ikaw ang may-ari ng Falcon Air?” tanong niya rito.

“Korporasyon ito. Isa lang kami sa may-ari,” paliwanag naman nito bago siya giyahan sa isang eroplanong nakahimpil sa tarmac.

Maliit lang ang eroplano. Ayon kay Kiel ay anim na katao lang ang kasya roon. Medyo takot tuloy siyang sumakay. Sa iilang beses na pagsakay niya sa eroplano ay pawang commercial planes ang nasakyan niya. Malalaki ang mga iyon at hindi tulad ng sasakyan nila ngayon.

Naramdaman yata nito ang kanyang takot. Ito mismo ang nagkabit ng seat belt niya. Pagkatapos ay ikinulong ng isang kamay nito ang palad niya.

“Bago lang ang eroplanong ito,” pagbibigay nito ng assurance. “Huwag kang matakot. Hindi tayo maaano.”

Nagawa naman niyang ngitian si Kiel. Nakadarama siya ng takot, oo. Ngunit may tiwala siya sa sinabi nito. Ligtas ang pakiramdam niya kapag ganoon na katabi lang niya ito.

Maluwalhati naman silang nakapaglakbay. Wala pang kalahating oras ay tanaw na niya ang makapigil-hiningang sights sa hilaga ng Palawan. Sa Busuanga Airport sila lumapag.

Isang Ford F150 pickup truck ang naghihintay sa kanila nang bumaba sila sa airport. Dinala sila ng driver niyon sa isang tila pribadong daungan. Isang lantsa, isang sailboat, isang maliit na yate at isang mas malaki pa ang tanging nakadaong doon.

“Sa inyo rin ito?”

“Sa pamilya namin,” simpleng sagot nito.

“My goodness! You should be guilty. Napakaraming nagugutom na Pilipino. Isang barangay na ang mapapakain kung ipagbibili mo ang maliit na yateng 'yan,” aniyang itinuro ang yateng katabi ng sailboat.

Napahalakhak ito. “Natutuwa ako sa nakikita ko sa iyo. At least, concerned ka rin sa mga less fortunate. Pero hindi ba mas mabuting hindi nalalaman ng kaliwang kamay ang ibinibigay na tulong ng kanan?”

Napangiti na siya. Nakuha niya ang ibig sabihin nito. Tumutulong ito sa mga kapus-palad, lihim nga lang.

Humapit ang pagkakaakbay nito sa kanya. “I’m always grateful with whatever God is giving me. Alam kong hindi lahat ng tao ay nabibiyayaan na tulad ko. And you know what? Ikaw ang pinakamalaking biyaya na ibinigay Niya sa akin...” Puno ng kombiksiyon ang mga mata nito habang sinasabi iyon. “At habang-buhay kong ipagpapasalamat iyon sa Kanya.”

Lalong lumawak ang ngiti niya. Nayakap pa niya ito sa tiyan.

Ang sailboat ang ginamit nila ni Kiel. Dinala nito ang bangka malapit sa dalampasigan ng isang maliit na lake. Napakaganda ng tanawin doon. Hindi yata siya magsasawa sa pagtingin sa malinaw na tubig ng dagat, sa siksikang mga puno sa kabundukan, at maging sa naggagandahang hugis ng rock formations sa mga dalisdis.

Nang maipondo na ni Kiel ang sailboat doon ay ibinaba nito ang layag. Pagkatapos ay inabutan siya nito ng fishing rod.

Napamata siya rito. Napapangiti naman ito. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata nang maisip niya ang significance ng ginagawa nila ngayon.

Naaalala pa rin ni Kiel ang ipinangako sa kanya nito four years ago!

“Thank you,” tanging nasabi niya. Pinangingiliran na ng luha ang kanyang mga mata.

Nasalo na ng daliri nito bago pa man malaglag ang luha niya. “Don’t cry, sweetheart. I was just trying to make you happy.”

“But I am, Kiel. You have no idea kung gaano ako kaligaya ngayon.”

“Kahit hindi ko nasunod nang buo ang pangako ko sa iyo?”

Napakunot-noo siya. “What do you mean?”

“Sailboat kasi 'tong ginamit natin at hindi rowboat gaya ng promise ko sa iyo,” pilyong turan nito.

Natawa na siya. “Kahit anong klaseng boat pa ang sakyan natin basta makakapamingwit tayo nang ganito.”

Dinampian nito ng masuyong halik ang kanyang noo. “But you have to understand... Hindi ko agad matutupad ang iba ko pang pangako sa iyo. Mahirap kasing... you know, it is so easy to get tempted if I... we—”
“Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin,” agaw niya dahil hirap itong i-express ang gustong tukuyin. “Hindi pa kompleto ang kalayaan natin. We have to stay kung paano tayo dati. Pagtataksil pa rin kay Mon kung lalampas tayo doon.” 

Ang totoo ay may mas malaki siyang agam-agam sa kanyang kalooban. Paano kung sa tingin ng korte ay hindi mabigat ang grounds na inihain ni Mon sa application nito ng kanilang marriage annulment? Kapag nangyari iyon, habang-buhay nang hindi magkakaroon ng katuparan ang pag-iibigan nila ni Kiel.

TUMUTUNOG ang cellphone ni Ayanna. Mahina lang iyon ngunit ang assigned ringing tone ni Kiel ang naririnig niya. Ipinasa niya ang ginagawa sa isa nilang salesclerk at nagkumahog siyang pumasok sa private office niya.

“Sweetheart?” wika ng excited na tinig ni Kiel sa kabilang linya. “Are you busy?”

Busy nga sila. Pero parang hindi niya magagawang tanggihan ito kung ang boses ay ganoon kasigla. “What is it, Kiel?”

“Pupunta kasi ako sa Lokuake ngayon. May titingnan akong prospective project doon. Malapit na lang 'yon sa amin sa Miranda. Puwede tayong doon muna tumuloy. Tamang-tama, pagkagaling natin sa amin, maaari tayong dumiretso sa Lokuake tuloy uwi na pagkatapos.”

Biglang kinabahan siya. “I-ipakikilala mo ako sa inyo?”

“Oo. Gusto kong sorpresahin sila. Panahon na para ma-meet mo ang mga kapatid ko at si Tita Citas.”

“Will they... like me?”

“Of course!” sagot nitong puno ng sigla at assurance. Napanatag tuloy ang loob niya dahil doon. Wala pang tatlumpung minuto ay sinusundo na siya ni Kiel.

Habang-daan ay ikinukuwento sa kanya nito kung ano ang napipintong proyekto na sasadyain nila sa bayan ng Lokuake. “Actually, government property raw ang site ng prospect namin. Pero malapit iyon sa mansiyon ng biyenan ni Jericho.”

Nabanggit na nito sa kanya na ang Jericho na iyon at ang asawa niyon ang nagturo kay Kiel ng potential site ng gagawing airstrip. Ang property raw sana ng mga ito sa Bukal ang unang choice ni Kiel ngunit hindi pumayag ang mga ito. May wildlife sanctuary daw na malapit doon at ayaw ng mga itong mabulabog ang mga hayop doon.

Bago sumapit ang tanghalian ay pumasok ang kanilang sinasakyan sa napakalawak na bakuran ng isang magarang mansiyon. Literal na nalula siya sa laki ng bahay. Ngayon niya lubos na naisip kung gaano kayaman ang pamilyang kinabibilangan ni Kiel. Gusto niyang manliit.

“Welcome to my home, sweetheart,” nasisiyahang sabi ni Kiel nang pagbuksan siya nito ng pinto ng kotse.

“Kiel... hindi kaya—”

“'Ayan ka na naman,” sansala nito sa pag-aatubili niya. “You don’t have to worry about any one in my family. They’ll all gonna love you. Trust me.” At para bigyan ng diin ang sinabi nito, hinapit siya nito sa baywang at tinamnan ng halik ang kanyang ulo.

Kung nakakalula ang labas ng mansiyon ay mas nakakalula ang loob niyon. Naghuhumiyaw ang elegance ng disenyo at kalidad ng furnishings. Daig pa niya ang naglalakad sa loob ng palasyo ni Queen Elizabeth.

“Nasaan ang kambal?” tanong ni Kiel sa unipormadong kawaksi na sumalubong sa kanila.

“Kahapon pa po lumuwas sa Maynila si Sir Flynn,” sagot nito. “Si Sir Gemino naman po, nasa clinic pa.”

Binalingan siya ni Kiel. “Sayang, hindi mo mami-meet ang mga kapatid ko. But I’m sure you’ll love my Tita Citas.”

Dinala siya nito sa isang malawak na silid na ayon dito ay family room. Dalawang babae ang nadatnan nila roon. Ang isa ay may-edad na at ang isa naman ay mas matanda lang marahil sa kanya nang kaunti. May kalong na sanggol ang mas batang babae.

“Hello,” walang buhay na bati ni Kiel sa mga ito.

Napatingin tuloy siya rito. Wala pang dalawang minuto ang nakalilipas ay napakasigla nito. Ano at tila bigla itong na-disappoint?

Ang mas batang babae ang unang nag-react. “Kiel! What a surprise! Hindi namin alam na darating ka ngayon.”

“Kaya ba narito ka na naman?”

“Kiel, hijo,” sansala rito ng mas matandang babae. “Halika, ipakilala mo sa amin ang kasama mo.”

Nai-mental note kaagad niya na may disgusto si Kiel sa mas batang babae. Nakadama siya ng hindi maipaliwanag na pakiramdam. Iyong damdamin na nararamdaman marahil ng mga babaeng may nobyo o asawa sa isang kakompetensiyang babae.

Lumapit nga sila sa matanda. “Tita Citas, I want you to meet Ayanna, my fiancée.” Humalik si Kiel sa pisngi nito. Ganoon din ang ginawa niya nang iumang nito ang mukha sa kanya. “Sweetheart, Tita Citas ko and this is Samantha, family friend namin.”

Isang pilit na ngiti ang ibinigay ni Samantha sa kanya na sinuklian niya ng isang pilit ding ngiti. Sa tingin pa niya ay hinapit nito nang husto ang sanggol na noon ay hindi naman gaanong  naglilikot.

“Malihim talaga ang pamangkin kong ito, Ayanna,” sabi ng matanda sa kanya, bahagya lang ang ngiti. Parang lihim na ina-assess siya nito habang nakatingin sa kabuuan niya. “Ngayon ko lang nalaman na may pakakasalan na pala siya.”

Isang kiming ngiti lang ang naging tugon niya. Nagsimula na siyang maasiwa, lalo na at mas tahasan ang ginagawang pag-aaral ni Samantha sa kanya.

“Nakalimutan na namang ipakilala nitong si Kiel ang baby niya,” sabi ng babae. “This is Kyle, Ayanna, your future stepson.” anito at lumitaw sa mukha ang isang matagumpay na ngiti.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro