10. Heartbeats

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


10

“Ba-kit ma-lung-kot ang a-nak kong magan-da?”

Ngumiti lang si Jam sa daddy niya. Kauuwi niya noon mula sa kanyang trabaho. Nagpalit lang siya ng pambahay at hinanap na niya ito. Natagpuan niya ito sa paborito nilang tambayan—sa garden set na nasa patio.

Mabigat na mabigat pa ang kalooban niya sa katatapos na pag-uusap nila ni Ivy sa cellphone. Kaya gusto niyang makatabi man lang ang daddy niya sa mga oras na iyon. Palaging may calming effect sa kanya ang presensiya nito.

Itinabi niya nang husto ang isang silya sa kinauupuan ng daddy niya. Pagkatapos ay naupo siya roon at humilig sa balikat nito.

“May prob-le-ma ang a-nak ko?”

Niyakap niya ang braso nito sa halip na sumagot.

“Sa pu-so ba?”

Hindi pa rin siya umimik.

“Ba-ka ata-ki-hin ka niyan, si-ge ka.”

Napangiti na siya at lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa braso nito.

Ilang sandali na nanatili silang ganoon.

“Daddy,” aniya nang makaipon ng sapat na lakas ng loob para sa mga bagay na gusto niyang itanong dito. “Paano po ba ibinabalik ang trust sa isang taong mahalaga sa iyo?”

“Sim-ple lang, a-nak.” Ayon dito, ang tingnan daw niya ay iyong laki ng kahalagahan ng taong iyon sa buhay niya. Iyong aspeto ng pagmamahal. Dahil iyon daw ang mag-uudyok para makapagpatawad ang isang tao. Tulad na lang daw ng pagmamahal nito sa kanila ng mommy niya. Pagkaraan daw ng ilang panahon ay nangibabaw rito ang pagmamahal. Kaya raw nagawa nitong magpatawad at eventually, magtiwala uli.

“Daddy, if I do something foolish, ikahihiya n’yo ba ako?”

Tinanong siya nito kung anong kaistupiduhan ang nakatakda niyang gawin. Napapangiti naman ito na parang tinutudyo siya.

“Tulad ng... ahm, m-manligaw ng lalaki.”

Natawa na ito nang tuluyan. Pagkatapos ay kinalas nito ang pakakayakap niya sa braso nito. May dinukot ito sa bulsa at ibinigay sa kanya ang isang singsing. Tumayo na ito. Napatayo rin siya. “'Pa-hi-nga mu-na 'ko sa 'taas.”

Napuna pa niya ang nanunudyong kislap ng mga mata nito bago niya napansin na nakanganga pala siya habang sinusundan ang papalayong bulto ng daddy niya.

Muling naaa  mapagmasdang mabuti ang singsing na inilagay nito sa palad niya—ang engagement ring na ibinalik niya kay Flynn kahapon!

Handa na siyang sundan ang daddy niya nang mapansin ang pigura ng lalaking papalapit mula sa harap ng bahay.

Flynn!

FOR A while, they just looked at each other. She drank from the calm and sweet demeanor of the man who had the ability to diffuse tranquility in her unease.

Bakit nga ba siya pinangunahan kahapon ng galit? Bakit hindi niya pinansin ang pagmamahal sa mga mata nito? Nakita na niya iyon kahapon—sa magagandang mata nitong parang sabik na nakatingin sa kanya.

At ngayon ay naroon na naman ang pananabik na iyon, unti-unting lumalawak habang lumiliit ang kanilang distansiya.

“Jam...” he said tentatively. Malamlam ang mga mata nito ngunit mukhang determinado kung ano man ang pakay sa kanya.

She breathed his name. “Flynn...”

Napahinga ito, medyo napangiti, kakamut-kamot sa batok. “Ano ba ang uunahin natin? Ang pananabik natin sa isa’t isa o ang paliwanagan?”

“H-how about saying you forgive me?” nangingiting sabi niya ngunit pinangingiliran ng luha sa mga mata.

Lumawak na ang ngiti nito. “Mamaya na. Kapag humingi ka na ng tawad.”

“I’m sorry,” lumuluhang bulalas niya, sabay lapit dito. Napakulong kaagad siya sa mga bisig nito. Yumapos siya rito na para bang ayaw na niyang maghiwalay pa sila kahit kailan. Niyakap siya nito ng isang yakap na mahigpit na halos hindi siya makahinga, ngunit maluwag at sapat para muli niyang madama ang tenderness nito.
“Oh, sweetheart... I missed you... I missed you this way...”

Matagal silang nagyakap. Matagal na nakipagduweto ang tibok ng dibdib niya sa pintig ng puso nito.

“Jam, sweetheart... wala kang dapat ihingi ng sorry. Hindi mo naman sinadya ang mga nangyari. Pareho nating hindi sinadya.” Lumuwang na ang yakap nito sa kanya ngunit hindi siya nito binitiwan.

“Si Ivy, sinira niya ang relasyon natin.”

“Hindi talaga nasira. Kumbaga sa bahay, medyo nilindol lang, binagyo. Pero tingnan mo, buo pa rin tayo. Wala pa ring ibang taong umaagaw sa iyo o sa akin.” Biglang nawala ang ngiti nito. “Pero teka sandali, iyon lang ang nasabi sa akin ng daddy mo. Totoo nga bang wala pa?”

Napahagikgik na siya. Umabot naman ang isang kamay nito at pinalis ng mga daliri ang luha sa mga mata niya. “Wala po akong balak na ipaagaw ang sarili ko sa iba,” aniya. “Baka ikaw nga riyan. May nakita akong flight stewardess na didikit-dikit sa iyo sa loob ng Seven-Eleven noong isang araw.”

“Kaya pala hindi mo ako pinansin nang tawagin kita, nagselos ka pala.”

Marahang hinampas niya ito sa dibdib. Anyong nang-aalaska kasi ito.

“Nag-iisang anak iyon ng hinahangaan mong si Mayor Banzon, ang mayor namin sa Miranda. At hindi pa po iyon flight stewardess. Estudyante pa lang ang dalagitang iyon. Kinukutus-kutusan ko lang iyon dati. Kaya malambing sa akin, sa aming magkakapatid, dahil feeling niya, bunso siya sa amin.”

“Totoo?”

“Totoo. Hindi ko na nga kailangang sagutin pa 'yan. Dahil kung iyon ngang discreet na pang-aakit sa akin ni Ivy, wala kahit na anong epekto, doon pa kaya sa nene na iyon na parang bunsong kapatid na lang namin?”

“Eh, doon sa iba? Doon sa mga flight stewardess na siguradong nagsisipagpantasya sa iyo?”

“Sandali nga, nililibang mo ako, hindi pa nga ako nakaka-kiss man lang.” At bago pa siya makapag-react, dumaop na ang mga labi nito sa bibig niya.

May tao kayang hinihimatay sa kaligayahan? Iyon kasi ang nararamdaman niya. Nanlalambot ang mga buto niya habang pinagbubuti ni Flynn ang paghalik sa mga labi niya.

Nang magkalas sila para sumagap ng hangin ay pinangko na siya nito. Dinala nito ang kanilang mga sarili sa bakal na silya ng garden set.

Yakap pa rin siya nito nang maupo sa silya, habang kalong siya. “Now, sweetheart, again, for the record, will you marry me?”

Tumatawang umoo siya nang malakas. “Pero bakit nga pala napunta kay Daddy itong engagement ring na isinauli ko sa iyo kahapon? At paano mo nalaman itong bahay namin?”

“Kinausap ko kasi siya pagkagaling kong makipag-usap kanina kay Ivy. Nagpakilala ako at sinabi ko ang intensiyon ko sa iyo. Sabi niya kung sigurado raw ba ako sa sinasabi ko. Sabi ko naman, isang taon ko nang gustong matuloy ang kasal natin. Mukha namang boto agad ang daddy mo sa akin. Mas madali siyang pagpaliwanagan kaysa sa 'yo.”

Nilukutan lang niya ng ilong ang pangangantiyaw nito.

“Sabi niya, huwag daw akong mag-alala at kakausapin ka niya. Titingnan daw niya kung ano ang magagawa niya. Kaya iniwan ko ang singsing sa kanya para hindi mo matanggihan kung ang daddy mo ang magbibigay. At tungkol naman sa address ninyo, isinama iyon ni Ivy sa sulat mo sa akin pati na rin ang sketch nitong sa inyo.”

“Patawarin na lang natin si Ivy.”

“Ano pa nga ba? Tutal naman, nangyari na ang lahat. Wala na tayong magagawa. Hindi na maibabalik pa ang isang taon na nawala sa atin.”

Kinuha nito sa kamay niya ang singsing at isinuot uli sa daliri niya. “Mas bagay talaga ito sa daliri mo kaysa sa bulsa ko,” anito at hinagkan ang daliring iyon.

Kontentong ibinaon niya ang mukha sa leeg nito. “Oh, Flynn...”

“Sweetheart, may itatanong lang ako.”

“Ano 'yon?” 

“Tungkol sa isang sanggol...”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro