7. Twisted

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

7

“Mag-aasawa na ako, Kuya.”

Kapwa napahinto sa pagsubo sina Kiel at Gemino sa ipinahayag ni Flynn. Magkakaharap sila sa hapag nang mga sandaling iyon. Mag-aalas-onse na ng umaga ngunit kasalukuyan pa lang silang nag-aalmusal.

Magkakasunod silang umuwi nang madaling-araw. Mabuti na lang at nasa bakasyon si Tita Citas. May ipinare-renovate ito sa pag-aaring hot spring resort sa Los Baños. Walang nagsermon sa kanilang tatlo.

May magkakaiba silang lakad. Siya ay nagmula sa paghahatid kay Jam sa bahay nito sa Kapakuan. Babalik uli siya roon sa Linggo.

“Napikot ka?” tanong sa kanya ni Kuya Kiel.

“Kuya naman. Bakit naman ako papipikot? Mahal ko si Jam. Ako ang nagyayang pakasal kami.”

Binalingan nito ang kakambal niya. “Do we know her?”

“The lady in red?” nakangiting paalala naman ni Gemino. Ang unang pagkikita nila ni Jam ang sinasabi nito.

“'Yong nambato sa kanya ng payong?” napapangiti na rin na hingi ng kumpirmasyon ni Kuya Kiel.

“Mismo, Kuya.”

Nagtawanan ang mga ito. Na-offend naman siya. “Don’t laugh at me.”

“It’s so ironic,” napapailing na sabi ng kuya niya. “Samantalang hindi lang iilang magagandang flight stewardess ang nagpapakamatay mapansin mo lang.”

“Ano naman ang nakakatawa do'n?” asik niya.

“Naisip ko lang kasi, hindi ka nga pala mapipikot. Ikaw ang mamimikot.”        
  
“Jam loves me. Hindi ko siya pinilit.” Iniisip marahil nito na dati ay galit na galit sa kanya si Jam noong una. Well, naging matiyaga siya sa pagpapaibig sa dalaga. Hindi ba kapani-paniwalang mamahalin din siya nito?

“All right. Kailan tayo mamamanhikan sa kanila?”

“Pag-uusapan muna namin, Kuya. Pero baka bago matapos ang buwan na ito. Habang maluwag pa ang sched ko sa flying school.”

“Pauuwiin ko na ba sina Papa?”

“Huwag muna,” sagot niya. “Saka na lang kapag may schedule na ang kasal namin ni Jam.”

“Ako siyempre ang best man,” singit ni Gemino.

Napangiti na siya, nakahanap ng butas para makapambuska sa panganay na kapatid. “Given na 'yon. Alangan namang si Kuya ang maging best man ko, eh, gurang na 'yan.”

Akmang babatukan siya ni Kuya Kiel ngunit nakailag siya. Tawa siya nang tawa. Nang huminto siya ay binalingan niyang muli si Gemino. “Hayaan mo, ire-request ko kay Jam na 'yong pinakamaganda sa magiging abay ang i-partner sa 'yo.”

“Kahit sino na lang sa kanila. Anyway, nakita ko na rin ang babaeng gusto ko.”
Napatingin siya sa kakambal. Mukha ngang seryoso ito sa sinabi. In love na rin yata ito.

“MAY TAONG naghahanap sa 'yo, Jam.” Iyon ang iniradyo ni Kit habang nasa itaas siya ng sky room. “Naroon siya sa office ni Sir.” Ang opisina ng resort manager ang tinutukoy nito.

Kumunot ang noo niya. Wala siyang kilalang posibleng maghanap sa kanya na sasadya pa sa manager nila. Kung isa iyon sa mga kaibigan niya ay didiretso na dapat sa quarters nila. O kaya naman ay magsasadya na sa kanya sa sky room. “Sino raw?” usisa niya.

“Hindi ko naitanong. Ipinasabi lang dito ni Sir sa isang staff. Sige na, puntahan mo na at papunta na rin ako riyan.”

Bumaba na nga siya sa kanyang outpost at nagtungo sa opisina ng kanilang manager. Nagulat siya sa taong nadatnan doon. “M-Mommy?”

“Jam!” Umiiyak na sinugod siya nito ng yakap sa kanya. “Anak, I’m sorry,” ngumunguyngoy na sabi ni Joanna, ang kanyang ina.

Ilang sandali ang dumaan ay yakap pa rin siya nito at mukhang walang balak na bumitiw. Hindi siya halos makahinga sa paraan ng pagyakap nito sa kanya. Damang-dama niya sa yakap na iyon ang magkahalong pananabik as

Namasa kaagad ang kanyang mga mata. Ang akala niya ay hindi na siya maaapektuhan pa ng emosyong magmumula rito pagkatapos siyang palayasin nito sa kanila magdadalawang taon na ang nakararaan.

Kinapa niya ang damdamin. Masakit pa rin sa kanya ang alaala niyon. Masama pa rin ang loob niya sa kanyang ina maging sa lolo’t lola niya. Ngunit hindi niya maikakaila ang mabining haplos ng seguridad sa puso niya habang kayakap ito.

“How did you find me?” tanong niya rito nang magkalas sila. Napuna niyang lumabas ang manager nila upang marahil ay bigyan sila ng privacy na mag-ina.

“Matagal na kitang hinahanap, anak. Hanggang noong isang araw, nakita ko ang Ninong Lorenzo mo. Noong una, wala siyang sinasabi na alam niya kung nasaan ka. Pinagkuwento niya ako kung bakit kita hinahanap. Hindi kaila sa kanya ang nangyari sa pamilya natin kaya ikinuwento ko naman. Saka lang niya sinabi sa akin na alam niya kung nasaan ka.”

“Kumusta sina Lola?”

“Maayos naman sila. Nagkaroon ng angina ang lolo mo pero ongoing naman ang medications niya.” Saglit na huminto ito sa pagsasalita, mas naging seryoso. “Anak... h-hinahanap ka ng daddy mo.”

Napahugot siya ng hininga. “Sino sa mga daddy ko, Mommy?”

BATA pa si Jam ay napapansin na niyang mas paborito ng lolo’t lola niya ang mga pinsan niya sa nag-iisang kapatid ng kanyang ina. Sa kabila noon, ramdam naman niyang mahal din siya ng dalawang matanda.

Ngunit kapag may mga bagay na paghahatian sila ng mga pinsan niya mula sa mga ito—pagkain man iyon, laruan o damit—siguradong nakakalamang ang mga pinsan niya sa hatian.

May pangyayari nga noon na ibinili siya ng kanyang lola ng costume ng Looney Tune character na si Lola Bunny nang manggaling ang mga ito sa pagbabakasyon sa LA. Tig-i-tig-isa silang magpipinsan doon. Ang sa mga ito nga ay mas magaganda pa. Ngunit nang makita ang sa kanya ng bunso niyang pinsan, nagmaktol ito sa kanyang lola, gustong makuha ang sa kanya.

Nang sabihin ng lola niya na ibigay na lang niya iyon sa pinsan niya ay hindi siya pumayag. Nagkataon kasi na may play sa kanilang paaralan at magagamit niya ang costume doon. Ngunit sapilitang kinuha iyon sa kanya ng matanda. Nagalit pa ito. Maramot daw siya.

Umiiyak na nagsumbong siya sa kanyang mga magulang. Hindi siya pinansin ng kanyang ina. Ang daddy niyang si Daniel ang nag-abala upang mapagawaan siya ng naturang costume.

Sa kanyang paglaki, tanging ang daddy niya ang masasabi niyang lubos na nagmamahal sa kanya. Pantay ang naging pagtingin nito sa kanila ng bunsong kapatid niya. At sunod ang layaw niya sa daddy niya. Madaling magpaalam dito kapag gumigimik sila ng mga kaibigan. Madali itong hingan ng pera. Sa katunayan, kung gugustuhin niyang magwaldas ay magagawa niya. Napaka-generous ng daddy niya.

Kaya naman nang hilingin nitong magpiloto siya tulad nito ay pumayag kaagad siya. Dangan nga lang at mas gusto pala niya ang magkalikot ng makina ng eroplano kaysa magpalipad niyon. Nag-shift siya bilang aircraft maintenance technician. Hindi naman ito nagalit. Sinuportahan pa rin siya nito.

She was a true-blue daddy’s girl, hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo at mangyari ang trahedya sa pamilya nila—ang pagkalunod ng kapatid niya.

Nagluksa at na-depress ang daddy niya, ngunit hindi naman nito tuluyang inilayo ang loob sa kanya. Galit na galit naman ang kanyang ina sa kanya at sinisi siya ng kanyang lolo’t lola. Noon lumitaw ang isang lihim, mula na rin sa bibig ng lola niya. Palibhasa raw ay anak siya ng isang mamamatay-tao. Manang-mana raw siya sa kanyang ama.

Narinig iyon ng daddy niya. At sumambulat na ang matagal nang iniingatang lihim ng kanyang ina at ng mga magulang nito.

Isang delingkuwenteng anak-mayaman pala ang tunay niyang ama. Girlfriend nito ang kanyang ina. Noong unang mabuntis nito ang kanyang ina ay ito mismo ang gumawa ng paraan upang malaglag iyon. Ngunit nang muling magalaw nito ang kanyang ina, sa takot na mabuntis na naman at ilaglag lang iyon ng kanyang ama ay lumayas na lang ang kanyang ina. Sumama itong magtanan kay Daniel, ang pinakamatino sa mga manliligaw nito noon.

Pagkaraan ng siyam na buwan ay isinilang siya. Honeymoon baby, sabi ng marami. Ngunit batid ng kanyang ina na hindi si Daniel ang kanyang ama.

Pagkatapos ng mga rebelasyon ay lumayas sa bahay nila ang nakilala niyang ama. Sa katagalan ay umalis na rin silang mag-ina roon at pumisan sila sa lolo’t lola niya.

Higit ang naging paghihirap ng loob niya sa bahay ng mga abuelo. Halinhinan ang mga ito at ang sarili niyang ina sa pagpapaalalang siya ang pumatay sa kapatid niya. Siya rin daw ang sumira sa pagsasama ng kanyang mga magulang.

Nagtiis siya sapagkat ang akala niya dapat lang niyang pagdusahan ang kasalanang hindi niya ginusto; kasalanang hindi niya gugustuhing mangyari dahil mahal niya ang kapatid. Ngunit sabi nga, hindi lang ang salop ng bigas ang napupuno. Isang araw ay sumagad ang pagtitimpi niya. Hanggang sa magkasagutan silang mag-ina. Pinalayas siya nito. Noon siya nagpasyang magpakalayu-layo. 

“A-ANG daddy mo, si Daniel,” helpless na sagot ng ina ni Jam. “Noong isang taon pa siya nagbalik sa atin, anak. Noong isang taon ka pa niya gustong makita. Kung saan-saan na kami naghanap pero hindi ka namin makita. Lahat ng kaibigan mo ay tinanong na namin pero walang makapagturo sa amin kung nasaan ka...”

Loyal sa kanya ang lahat ng mga kaibigan. Halos lahat sa mga ito ay alam kung saan siya naroroon. Nabanggit na rin noon ni Ivy na hinahanap nga raw siya ng mommy niya. Natural na ipagkaila nito ang kinaroroonan niya.

“Mabuti na nga lang, naisipan kong tanungin ang Ninong Lorenzo mo. Anak, na-stroke ang daddy mo, although mild lang naman. But he was forced to retire early. Hindi na bumalik ang dating sigla niya noon. Kahit nakabalik na siya sa atin, palagi pa rin siyang malungkot. At ngayon ngang magkasakit siya, sinabihan niya ako na piliting hanapin ka. Umuwi ka na sa atin, anak.”

Bago sila maghiwalay na mag-ina, nangako siya rito na uuwi na sa kanila. Kailangan lang muna niyang ayusin ang iiwan niya. Napilitan siyang mag-resign sa resort nang ora-orada. At ang bahay niya ay maiiwan din niya. Baka bumalik na lang siya roon isa sa mga araw na darating para paupahan na lang iyon.

Hapon na nang tumawag sa kanya si Ivy. Bad shot na naman daw ito sa mga magulang. Kung maaari daw na magpakupkop ito sa kanya.

“Matitiis ba naman kita?” tumatawang sagot niya sa pamomroblema nito. Ano na naman kayang kapraningan ang ginawa nito at problemado na naman?

Nang umuwi nga siya sa kanyang bahay ay nadatnan niyang nakaupo ito sa terrace. Hindi maipinta ang mukha nito at halatang inip na inip. “Ang tagal mo naman,” bungad nito sa kanya.

“Eh, bakit kasi dito ka naghintay? Sana pinuntahan mo na lang ako sa resort.” Napansin niyang may dala itong kotse. Nakaparada iyon sa tapat ng bungalow.

“Baka kasi nandoon na naman 'yong isang guest ninyong makulit, maiimbiyerna ako lalo.”

“Sino namang guest?” aniya habang sinususian ang pinto.

“Hay, naku, isang lalaking walang magawa sa buhay at napag-trip-an akong asarin.”

“Kailan 'yon? Minsan ka lang naman pumunta sa Fine Sand, ah.”

Inunahan pa siyang pumasok nito, bitbit ang isang maliit na suitcase at isang supot ng goodies na galing sa bakeshop na pag-aari ng mga ito. Dumiretso ito sa kusina at kumuha agad ng malamig na tubig sa ref. Mukhang matagal nang naghihintay roon ang kaibigan niya. Nauhaw tuloy ang pobre.

Uminom muna ito bago sumagot. “Noon pong bigyan ninyo kami ni Sonny ng party. At pagkatapos, noong magpunta ako sa Boardwalk last week, nagkita na naman kami. Malas talaga. Huwag na nga nating pag-usapan ang virus na 'yon.”

Natawa na siya. “Kaya naman pala inis ka, pangit pala.” Ipinaghanda niya ito ng merienda. “Ano ba talaga ang latest problem mo sa olds mo?”

“Hay, naku, makipag-reconcile daw ako kay Sonny. Hiyang-hiya na raw sila sa parents ng lalaking 'yon. Nakukulili na ang tainga ko sa pangungulit nila kaya umalis muna ako sa amin. Puwede bang dito muna ako indefinitely?”

“Itinatanong pa ba 'yon? Alam mo namang welcome ka rito kahit anong oras.”
“Thanks, Jam. Gusto ko lang talagang matahimik kahit sandali. Pati nga ang cellphone ko, iniwan ko sa amin para hindi lang nila ako makontak.”

“Ivs, natagpuan na ako ni Mommy.”

Nahinto ito sa pagkagat ng ensaymada.

Ikinuwento niya rito ang naging pag-uusap nila ng kanyang ina. Hanggang sa magluto na siya ng hapunan ay hindi pa rin napapatid ang kuwentuhan nila. Dahil napunta na iyon kay Flynn. At naging interesado nang husto ang kaibigan niya sa bagong developments sa kanyang love life.

Bago sila maghapunan hiniram nito ang cellphone niya. “Hindi ko na-inform 'yong manager ng bakeshop na mawawala ako indefinitely. Absent pa naman kanina. Baka magkagulo na ang staff doon bukas.”

“'Oy, i-text mo na lang. Kaunti na lang ang load niyan.”

“Panay ang tawagan n’yo ng Flynn mo, wala kang load?”

“Siya naman kasi ang laging tumatawag, kaya hindi ako ang nababawasan ng load.”
“Don’t worry, my dear,” anitong biglang humugot sa back pocket ng capri pants na suot nito. Ilang prepaid cards ang inilabas nito. “I came prepared.” Nagtungo na ito sa terrace.

Gusto na niyang bawiin sandali ang kanyang cellphone dito. Dahil mag-aalas-nuwebe na ng gabi ay may kausap pa rin ito sa cellphone. Hindi na sila nagkausap ni Flynn. Baka magtaka na ang nobyo niya. Malamang na kanina pa ito tumatawag ngunit busy ang cellphone niya.

Hindi pa tuloy sila makapaghapunan ni Ivy. Pati sa pagbabanyo nito ay bitbit pa rin ang cellphone niya.

Naghahain na siya nang makarinig siya ng malakas na mura mula sa loob ng banyo. Ilang saglit pa at lumitaw sa pintuan ng banyo ang anyo ng guilty niyang kaibigan. “Jam, may kasalanan ako. Nahulog sa toilet bowl ang cellphone mo.”

“IVS, MAY ipakikiusap sana ako sa iyo,” paos ang tinig na sabi ni Jam sa kaibigan. Mag-aalas-nuwebe na ng umaga noon. Kape pa lang ang laman ng mga sikmura nila.

Inabutan siya nito ng tissue paper. Hindi na kasi niya maampat ang luha. Nag-long-distance call siya kanina sa bahay nila ngunit walang sumasagot. Ipapaalam sana niya sa mga magulang na bukas na lang siya uuwi. Dahil nga inaasahan niyang darating sa araw na iyon si Flynn. Sa bahay na lang ng kanyang lolo’t lola siya tumawag. Sa mga ito niya nalaman ang masamang balita.

Ayon sa mga ito ay isinugod daw sa ospital ang daddy niya nang nagdaang gabi. Nagkaroon ito ng major stroke. Comatose daw ito ngayon.

Para na naman siyang nabalik noong panahong kamamatay pa lamang ng kapatid niya. Takot na takot siya. Baka hindi niya abutang buhay ang daddy niya.

“Kung itong bahay ang iniintindi mo, huwag kang mag-alala. Hindi ako aalis dito,” sagot ng kaibigan niya. Muli siyang inabutan ng tissue paper. “Ang mabuti pa, ihatid na kita sa bus terminal. Tutal, pupunta rin naman ako sa bayan. Papalitan ko 'yong cellphone mo na nahulog sa toilet bowl. Sorry talaga, Jam. Tuloy, baka tinatawagan ka na ng sweetheart mo at siyempre hindi ka niya makontak.”

“Iyan nga ang ipakikiusap ko sa iyo. Darating kasi ngayon si Flynn. Pakibigay na lang nitong note ko sa kanya.” Pagkagaling niya sa telephone booth kanina ay ginawa kaagad niya ang sulat. At pagkatapos ay nag-empake na siya. Ilang pirasong damit lang ang nagawa niyang ilagay sa kanyang overnight bag at lumabas na siya ng silid. “Nariyan na ang phone number kina lola at sa amin. Kung hindi niya ako makontak sa isa, tumawag siya sa kabila. Hindi ko na kasi matandaan ang mga contact numbers niya. Naka-store 'yon doon sa cellphone na nahulog.”

“Naku, friend, sorry talaga. Nagi-guilty tuloy ako lalo.”

“Hayaan mo na. Hindi mo naman ginusto 'yon. Basta pakibigay mo na lang ng note na 'yan kay Flynn.”

“Sige, ako na ang bahalang mag-explain sa boyfriend mo.”

Tanghali na nang makarating si Jam sa ospital na pinagdalhan sa daddy niya.

NATUWA si Flynn nang pagdating niya dakong hapon sa bungalow ni Jam ay may tao na roon. Sa katunayan, may isang kotseng nakahimpil sa tapat ng bahay. Kaninang manggaling siya roon ay sarado at walang katao-tao. Nang magpunta naman siya sa Fine Sand, ang sabi roon ay biglaan daw na nag-resign si Jam. Sinundo raw ang dalaga ng ina nito.

Nang nagdaang gabi pa siya nagtataka. Dahil hindi niya makontak ang nobya. Busy tone ang naririnig niya tuwing susubukan niyang kontakin ang cellphone nito. At pagkatapos ay hindi na talaga niya makontak ang numero nito.

Nagkataon na kailangan niyang daluhan ang isang meeting sa Falcon Air nang nagdaang araw kaya hindi siya agad nakaluwas. Dapat kagabi pa siya nasa Kapakuan.

Nag-aalala na talaga siya kay Jam. Nararamdaman niyang may malaking problema ito.

Kumatok siya sa pinto. Subalit walang sumasagot. Naglakas-loob na siyang magtawag nang malakas. “Jam! Si Flynn ito! Nasa loob ka ba?”

Wala man lang kumikilos sa loob. Muli na naman siyang tumawag. Nagulat pa siya nang may isang babaeng lumitaw mula sa likod-bahay. May bitbit itong ilang kamatis, sibuyas-Tagalog at labanos na halatang mga kaaani lang mula sa maliit na vegetable garden sa likod.

“Yes? May I help you?” sabi ng babae. Nakasuot ito ng maikling shorts na maong na nisnis ang laylayan at hanging tank top. Ang ilang hibla ng buhok nito ay nakawala na mula sa clamp sa tuktok na umiipon sa buhok nito.

Muntik na niyang maipilig ang ulo. Hindi naman damit ni Jam ang suot nito ngunit pareho sa nobya niya ang gayak nito tuwing nasa bahay si Jam. Pati ang ekspresyon ng mukha nito ngayon ay parang sa nobya niya. “I’m Flynn,” pakilala niya. “I’m looking for Jam.”

“Jam San Diego,” wika ng babae at umakyat na ito sa terrace.

“Right,” aniya kahit hindi patanong ang pagkakabigkas ng babae.

Nagbuntong-hininga ito. “Kahapon pa ako binibigyan ng sakit ng ulo ng babaeng iyon. Maraming creditors na naghahanap sa kanya rito. May utang din ba siya sa iyo?”

Hindi niya alam na maraming inutangan si Jam. Kapag naroroon siya noon, walang pumupuntang tao roon sa pagkakaalam niya na naniningil dito. “No, boyfriend niya ako.”

“Pakisabi sa girlfriend mo na aregluhin niya ang mga inutangan niya at ako ang nagugulo rito sa pamamahay ko.”

“B-bahay mo ito?”

“Of course. Umuupa lang sa akin si Jam. Pero mag-aapat na buwan na siyang hindi nakakabayad. Ang kaso, nag-resign na pala siya sa trabaho kaya pinaghanap ko na siya ng ibang mauupahan. Lalo lang siyang hindi makakabayad sa akin ngayon na wala na siyang trabaho.”

“Maituturo mo ba sa akin kung saan siya lumipat?”

“May sinabi siyang San Fernando raw. Hindi ko lang alam kung sa La Union o Pampanga. Lagalag kasi ang babaeng iyon.”

“Baka maligaw uli siya rito. Pakitawagan naman ako, please.” Ibinigay niya rito ang kanyang calling card. “Ah, Miss, ano nga pala ang pangalan mo?”

“I’m Leah,” anito, saka matamis na ngumiti. Pati paraan ng pagngiti nito ay parang si Jam. Hindi nga lang magkamukha ang dalawa. “Hayaan mo, kapag naligaw uli rito si Jam, ipapaalam ko sa iyo.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro