9. Poison Ivy

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

9

“Hello?” sagot ni Flynn sa teleponong ibinigay sa kanya ng isang kawaksi nila. Ayon dito hindi raw nagpakilala ang caller ngunit siya ang hinahanap. “Who’s this, please?”

“I-I’m Leah...” tugon sa kabilang linya.

Napakunot-noo siya. Wala siyang kilalang ganoong pangalan. “Leah who? Do I know you?”

“I hope you still remember me. Nagkita tayo sa isang bungalow sa Kapakuan.”
Naalala na niya. Ang babaeng kasera ni Jam. Natatandaan niyang bumalik pa siya roon pagkaraan ng isang linggo pagkatapos niyang malaman na umalis doon si Jam. Ngunit wala nang impormasyong masabi sa kanya ang babae. Sabik na tumugon siya. “Yeah, I still remember you. May balita ka na ba tungkol kay Jam?”

“Meron na.”

“Nasaan na siya? May address ka na niya?” kulang na lang ay alugin niya ang receiver na para bang sa pamamagitan niyon ay bibilisan nito ang pagsagot.

“Ahm, Flynn, h-hindi ko kasi puwedeng sabihin sa phone. Magkita na lang tayo. Marami kasi akong sasabihin sa iyo tungkol kay Jam.”

“Bakit? Nasaan ba siya? Is she okay?” Kinakabahan siya dahil baka wala si Jam sa maayos na kalagayan. Naalala niya na noong isang araw ay nakita niya ang dating nobya sa labas ng 7-Eleven. Tinawag niya ito ngunit hindi siya nilingon. Parang wala itong narinig na sumakay sa isang taxi. Nasundan sana niya ito kung hindi malayo ang pinaghimpilan ng kanyang kotse.

Hindi kaya may amnesia si Jam?

“I guess she’s... okay.”

“You guess? Hindi ka sigurado?”

“Flynn, magkita na lang tayo bukas. Sasabihin ko sa iyo ang lahat-lahat ng tungkol kay Jam.” Sinabi nito kung ano ang oras at kung saan sila magkikita. Pagkatapos ay nagpaalam na ito sa kanya.

Maghapon na ang tawag na iyon ang laman ng isip niya. Hindi siya mapakali kaya lumuwas siya kahit sa makalawa pa niya kailangang magpunta sa flying school. Nag-park siya malapit sa harap ng 7-Eleven. Dalawang beses na niyang nakita si Jam doon sa parehong oras. Nag-abang siya at nagbaka-sakali.

DALA ang dating kotse ng daddy niya ay mabagal na dumaan si Jam sa tapat ng 7-Eleven. Puwede sana niyang lakarin na lang ang convenience store mula sa kanilang airfield ngunit nag-iingat na siya.

Mula nang aksidenteng makita niya si Flynn sa loob ng tindahan ay napilitan na siyang magkotse. Dahil baka sa susunod na pagkakataong makita siya ni Flynn doon ay hindi na siya suwertihin na may daraang taxi na masasakyan niya patalilis dito. Uhaw na uhaw lang siya at naiinitan kaya gusto niyang dumaan sa convenience store. Kahit kasi malilim sa loob ng hangar na kinahihimpilan ng eroplanong in-overhaul niya kanina ay napakainit pa rin ng singaw roon. Ito na yata ang pinakamainit na summer dito sa Pilipinas.

Ipinarada niya ang dalang sasakyan sa harap ng convenience store nang matiyak na wala siyang nakitang kahawig man lang ng bulto ni Flynn sa loob niyon. Pagkatapos ay pumasok na siya sa loob. Iilan lang ang tao roon kaya mabilis siyang nasilbihan ng salesclerk.

Nagbabayad pa lang siya sa counter ay sumisipsip na siya sa straw ng kanyang Slurpee.

Paglabas niya sa glass door ay may biglang humarang sa daraanan niya.

“Kumusta ka na, Jam?”

Pinanginigan siya ng katawan at muntik na niyang mabitiwan ang hawak na plastic cup. “F-Flynn.”

“BAKIT mo ako pinagtataguan, Jam?”

Napakagat-labi siya sa hinanakit sa tinig ni Flynn. Dinala siya nito sa pinakamalapit na café sa lugar na iyon. Nakaupo na silang magkaharap sa isang pandalawahang mesa.

Hindi siya dapat makadama ng remorse. Ang lalaking ito ang may malaking kasalanan sa kanya. Itinaas niya ang mukha at pumantay sa paningin nito. “Wala kang karapatang sumbatan ako, Flynn. Pagkatapos ng mga ginawa mo.”

“Bakit, ano ba ang ginawa ko?”

“Sinaktan mo lang ako. Pinaasa. Niloko.”

“Niloko?” mapaklang tumawa ito. “Sino ba ang nanloko kanino? Ilang ulit akong nagpabalik-balik sa Fine Sand at sa Kapakuan. Pero para kang bula na bigla na lang naglaho. Mabuti pa nga ang bula, kapag nawala, minsan may naiiwang bakas. Pero ikaw, wala.”

“Hindi totoo 'yan,” napapahumindig na sagot niya.

“Alin ang hindi totoo? Na bigla ka na lang nag-resign sa Fine Sand? Na bigla ka na lang umalis sa tinitirhan mo? Hindi mo man lang naisip na maghahanap ako sa iyo. Na para akong tanga na umaasang madadatnan kita kapag bumalik ako sa bungalow mo. Na lahat ng lugar ng San Fernando dito sa Pilipinas ay nagalugad ko na pero kahit anino mo ay hindi ko nakita.”

Literal siyang napatanga sa pinagsasasabi nito. “Ibinigay sa iyo ni Ivy ang sulat ko! At hindi San Fernando ang pinuntahan ko. Ospital, Flynn. Doon ako tumuloy nang araw na umalis ako sa Kapakuan. Litung-lito ako no’n dahil sa paghihintay sa iyo, dahil sa guilt, dahil sa pag-aalala sa daddy ko.

“He had a major brain stroke at na-comatose siya. You have no idea what fear and pain I’ve been through. Still, I waited countless hours, days, weeks for your call. Pinipilit kong sabihin sa sarili ko na ang isang lalaking nagpakita ng pagmamahal at intensiyong pakasalan ako, gaya ng ibig sabihin ng singsing na ito,” aniyang iniharap dito ang daliri niyang may suot na diamond engagement ring, “ay hindi manloloko sa akin. Pero salamat na lang kay Ivy. Siya ang nakatuklas kung bakit hindi ka na nagpakita pa sa akin.”

Ito naman ang napaawang ang bibig sa haba yata ng litanya niya. “Anong sulat ang sinasabi mo?”

“'Yong sulat na ibinigay ni Ivy sa iyo no’ng araw na supposedly magkikita tayo sa bahay ko. Kinuha mo daw iyon, sabi niya sa akin. Doon nakasulat ang dalawang contact numbers ko.”

“Wala akong nami-meet na Ivy sa Kapakuan. Ang kasera mo ang nakita ko roon noong bumalik ako nang hapon na iyon. At wala siyang ibinigay na sulat sa akin.”

Lalo siyang nagtaka. “Kasera ko?”

“Oo, si Leah.”

Nangunot na ang noo niya. Gusto niyang manggigil sa galit na nararamdaman. Napakagaling pala nitong magtahi ng kasinungalingan. Bakit ngayon lang niya iyon natuklasan? “Flynn, wala akong kasera. Bahay ko ang bungalow na iyon. At lalong wala akong kilalang Leah.”

NANG marating ni Flynn ang parke ng Macea ay halos walang tao roon. Sa palagay niya, mabuti na ang ganoon. Doon ang usapan nila ni Leah na magkikita sila.
Sinadya niyang agahan ang pagpunta. Gusto niyang tiyakin sa sarili na handang-handa siya sa pagkikita nilang iyon ni Leah. He even reviewed in his mind all the things and the details he should tell her.

“Hi.”

Napalingon siya sa kanyang kanan. Isang nakangiting Leah ang nakita niya. Nangingislap ang mga mata nito na tila tuwang-tuwa. Para na namang si Jam ang ayos at gayak nito. Pati sa gupit ng buhok ay magkatulad ang mga ito. “Hi,” ganti niya. “You’re early.”

“Ikaw rin naman.”

“Early bird catches the worms.”

Lalong lumawak ang ngiti nito.

“So, shall we go to a nearby café or you want us to talk here?”

Luminga ito sa paligid. “Wala gaanong tao. Dito na lang tayo.”

“Ano na ang balita mo kay Jam? Saan mo siya nakita?”

“Noong isang araw lang kami nagkita. Nagkagulatan pa nga kami.”

“Saan?”

“Sa tindahan ng mga pasalubong sa may Los Baños.”

“Ano raw ang ginagawa niya roon?”

“Nagbabakasyon daw sa isa sa mga private hot spring resorts doon.”

“Itinanong mo ba ang address niya? Inalam mo ang contact number niya?”

“Hindi.”

Just as he thought she would say. “Bakit?”

“It’s no use, Flynn.”
P
“Bakit?”

“Dahil... may asawa na si Jam.”

“I don’t believe you.”

“Maniwala ka. Malaki na nga ang tiyan niya nang magkita kami.”

“Sabihin mo sa akin ang pangalan ng resort na tinutuluyan niya.”

“Flynn, may asawa na siya. Huwag mo nang ipagpilitan ang sarili mo sa kanya.”

Tinitigan niya ito. “Hindi mababago ng estado niya ngayon o ng nakaraan niya ang pagmamahal ko sa kanya.”

Nawala ang kislap ng mga mata nito. Nagbaba ito ng tingin. “Pahihirapan mo lang ang sarili mo.”

“Mas mahihirapan ako kung hindi ko na siya makikita.”

“Wala siyang pagpapahalaga sa iyo. Nag-asawa na siya ng iba. Bakit hindi mo na lang ibaling sa iba ang pagmamahal mo sa kanya?”

“Kanino?”

“M-maraming babae na may higit pa sa mga katangian na nakita mo kay Jam. Tumingin ka lang sa paligid mo.”

“Sinong babae?”

Nag-angat ito ng tingin sa kanya, nagsusumamo na ang mga mata. “I’m here, Flynn... Why don’t you try it with me?” anitong hinawakan pa ang kanyang punong-braso.

Tinitigan lang niya ito.

“Kiss me, Flynn...” Lalo pa nitong inilapit ang sarili sa kanya.

“I don’t kiss liars, Ivy, or Leah, or whoever you are.”

Nanlaki ang mga mata nito. Bahagyang lumayo ito at inalis ang kamay na nakakapit sa kanya. “N-nagkita na kayo ni Jam?”   

Iba ang itinugon niya rito. “You have lied to me about so many things.”

“I-I did not lie about my name. I was christened ‘Ivy Leah Ilustre.’”

Itinuon niya rito ang nagbabagang mga mata niya. “You should have been christened ‘Poison Ivy.’ There’s so much poison dripping from your mouth. Bakit gusto mong paglaruan ang mga taong nasa paligid mo?”

Umiling lang ito at nagsimula nang mamasa ang mga mata.

“What you did was all premeditated!” napamura pa siya sa galit na nararamdaman.

“Flynn, hindi—”
“Dapat, noong una pa lang tayong nagkita nagduda na ako. You made a big fool out of me. Ginawa mo akong tanga, Ivy. Ginago mo ako.” Nag-uumalpas ang galit niya sa dibdib. Kung lalaki lamang ito, kanina pa niya sana nasuntok.

“F-Flynn—”

“Pati ayos at pagdadamit ni Jam gusto mong gayahin. Bakit? Ano ang satisfaction na makukuha mo roon? Masaya ka ba na makapanloko ng kapwa mo? Naligayahan ka ba na may sinira kang relasyon? Na may winasak kang pagtitiwala dahil sa mga inimbento mong kuwento?”

“It’s easy to stand back and judge like what you are doing now... Hindi mo ako kilala, Flynn. Hindi mo alam kung ano ang mga pinagdadaanan ko.”

“Bakit? Ano ba ang rason mo at ginawa mo ang mga iyon? Ano ba ang valid na  dahilan para hindi ka husgahan sa ginawa at gagawin mo pang panloloko sa kapwa mo?” He was relentless. Hinayaan niyang mapangibit ito sa ningas ng galit niya. Hindi niya ito hiniwalayan ng tingin. Isang taon na inalisan nito ng kulay ang buhay niya. Isang taon nitong pinapaniwala sa isang kasinungalingan at sinaktan ang kalooban ng babaeng mahal niya.

“Ikaw lang ba ang may karapatang magmahal sa unang pagkikita, Flynn?” tanong nito habang umaagos ang luha sa magkabilang pisngi.

Pinalalim lang niya ang pagkakakunot ng noo.

“Natatandaan mo pa naman siguro ang naramdaman mo noong una mong makita si Jam.” Sandaling tumigil ito at nagpakawala ng buntong-hininga. “Paano kung may taong nakaramdam din ng feelings na kaulad ng naramdaman mo noon kay Jam? Paano kung... k-kung ako ang taong 'yon?”

Nagulat siya sa sinabi nito. Na-love at first sight ito sa kanya?

“Masuwerte ka dahil kahit nahuli nang konti, minahal ka din ni Jam. Na hindi mo naranasan ang rejection na naramdaman ko.”

“Rejection?”

“Every time na hahanapin mo sa akin si Jam, tuwing magmamakaawa ka na ipaalam ko sa iyo sakaling makita ko siya, pakiramdam ko, kahit hindi mo naman alam, paulit-ulit mo akong ibinabasura. I mean, imagine yourself loving Jam but she was devotedly in love with someone else. Ano ang pakiramdam n’on, Flynn?”

Pinahid ng mga daliri nito ang basang pisngi. “I’ve realized, hindi pala palaging maganda ang epekto ng pag-ibig sa ibang tao. Love sometimes makes you do insane things. Iyong mga bagay na dati, alam mo na pagbali-baliktarin man ang mundo ay hindi mo magagawa. But then, magigising ka na lang isang araw na ginagawa mo na... And you can’t help it.”

Unti-unting nawala ang apoy sa kanyang mga mata. Daig pa niya ang tumakbo nang ilang ulit sa isang oval. Nakadama siya ng pagkahapo.

May binuklat ito sa dala nitong shoulder bag. Kapagkuwan ay iniabot nito sa kanya ang isang sulat. “'Yan ang sulat na hinahanap mo sa akin.”

“Sulat ni Jam sa akin noon?”

Tumango ito. “I admit I made an ugly mess of your relationship with Jam. Alam kong hindi sapat na mag-sorry lang ako sa inyo. Isipin mo na lang kung gaano kabigat na dalahin sa dibdib ang ginawa ko. Iyon na lang sana ang makapagpagaan sa galit mo sa akin.” Habang sinasabi iyon ay binubukalan na naman ng luha ang mga mata nito. Humakbang na ito paatras. “Good-bye, Flynn.”

PAGPASOK na pagpasok pa lang ni Jam sa kotse ay tumunog ang kanyang cellphone. Pangalan ni Ivy ang nasa screen. Ang akala niya ay hindi na nito ginagamit ang dati nitong SIM card m. Nagsawa na siya sa araw-araw na pagsubok na tawagan ang kaibigan sa numerong iyon.

Sabik na sinagot niya ang tawag. “Ivy?”

“Jam, I want you to listen to me,” bungad agad ng pamilyar na tinig ng kaibigan niya.

“Are you okay? Nasaan ka?”

Hindi nito sinagot ang tanong niya. “Jam, may nagawa akong malaking kaistupidahan at involved kayong dalawa ni Flynn doon...”

Kinabahan siya bigla. Nagsasabi nga ba ng totoo si Flynn sa kanya kahapon?

“Jam, isang taon ko na kayong pinaghihiwalay ni Flynn.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Don’t interrupt me, please. Una ko siyang nakita sa Fine Sand noong araw na una rin kayong magkita roon. Siya ang talagang dahilan kung bakit nag-decide akong makipag-break kay Sonny. At noong magpunta ako sa bahay mo, pati ang paghiram ko sa cellphone mo ay intentional. Dala ko ang cellphone ko noon. Pinatay ko lang. Intentional din na inihulog ko sa toilet bowl ang cellphone mo. Noon kasing malaman ko na sinusundo ka ng mommy mo, nagka-idea na ako. Alam kong aalis ka sa Kapakuan at darating naman doon si Flynn.

“I thought I could manipulate the situation to my advantage. Pero hindi ko na naituloy na sundan si Flynn, nagkaproblema na sa pamilya namin. At nang kaya ko na uli na subaybayan siya pagkaraan ng isang taon, wala pa rin pala siyang ipinag-iba. Ikaw pa rin ang mahal niya.

“Hindi totoo ang mga pictures na ibinigay ko sa iyo, Jam. Ipinaretoke ko lang iyon sa isang kakilala na expert sa mga ganoong bagay. Gawa-gawa ko lang ang kuwentong ipinagpalit ka niya sa babaeng iyon na nasa picture. They’re all lies. Ang sulat na ipinabibigay mo sa akin kay Flynn, kanina ko lang ibinigay sa kanya.”

“B-bakit mo ginawa sa amin ito?”

“I... f-fell for him the first time I saw him.”

Nanlumo siya sa ipinagtapat nito. “Ivy—” 

“Alam ko na dahil sa ginawa ko, kamumuhian mo pati ang bakas ko. Sana lang, kapag nagdaan na ang matagal na panahon, mabawasan kahit kaunti ang galit mo sa akin...”

Hindi siya makaimik sa mga narinig. Pinaglaruan sila ni Ivy. Silang dalawa ni Flynn.

To think na hindi niya pinaniwalaan ang mga sinasabi ni Flynn sa kanya kahapon. Worse, ibinalik pa niya rito ang ibinigay nitong engagement ring sa kanya.

Mabuti na nga lamang at hindi niya dala ang mga pictures na bigay ni Ivy sa kanya noong ayon dito ay sinubaybayan nito si Flynn at natuklasan nitong bukod sa kanya ay may iba pa itong girlfriend. Kung dala niya ang mga larawan kahapon, marahil ay naipamukha pa niya kay Flynn ang supposedly ay akala niyang kataksilan nito.

Hindi nga pala ordinaryong girlfriend ang pagkakasabi sa kanya ni Ivy noon kundi live-in partner daw ni Flynn. Kaya naman nasaktan siya nang todo. Dahil buung-buo ang tiwala niya noon sa nobyo.   

Ngayon ay huli na kahit malaman man niya na dapat lang niyang pagtiwalaan ang binata. Tuluyan na niyang tinapos ang lahat ng kanilang ugnayan.

“Good-bye, Jam,” dinig niyang paalam ni Ivy.
Hindi na niya nakapa pa ang boses hanggang sa mawala na ito sa kabilang linya.

Oh, God! helpless na sambit niya sa isip, sabay pikit ng mga mata. Saan pa niya ngayon hahanapin si Flynn para itama ang ginawang pagtataboy rito kahapon? Hindi niya inalam ang address nito sa Miranda. At alam niyang wala ito roon dahil nasa Manila. Martes pa lang nang araw na iyon. Alangan namang mag-set siya ng kampo sa harap ng 7-Eleven at hintayin ito na mapagawi uli roon?

Napaungol siya. Dahil ngayong alam na niyang wala naman palang kasalanan si Flynn sa paghihiwalay nila, aaminin niyang mahal pa rin niya ang binata. At handa siyang gawin ang anuman—kasama na ang pagkakampo sa harap ng convenience store kung kinakailangan—magkaayos lang sila muli.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro