1. Double Minded

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/


Fascinated na sinundan ng tingin ni Ivy ang pulutong ng mga ibon na lumilibot sa baybayin ng Fine Sands Beach Resort. Puti ang kulay ng mga iyon na parang tagak, matutulis ang tuka at marahil kamag-anak ng kingfisher.

Isang Jet Ski ang bumasag sa katahimikan ng umaga. Umaalimbukay ang alon na iniiwan sa bawat madaanan niyon. Lumayo ang magagandang ibon hanggang sa hindi na maabot ng kanyang tanaw.

Kasisikat pa lang ng araw. Hindi pa mainit ang dantay niyon sa balat ni Ivy. Kaya naman naisipan niyang maglatag ng beach towel sa isang panig ng tuyong buhangin sa aplaya.

Nakadamit-panligo na siya. Suot niya ang isang pares ng yellow and orange bikini. Magbibilad muna siya ng katawan sa pang-umagang araw. At kapag nagising ang fiancé niyang si Sonny ay yayayain na niyang maligo.

Ang pinakamalaking beach house ng resort ang inokupa nina Ivy at Sonny. Nang nagdaang gabi pa sila dumating doon ng kanilang mga kaibigan. Nang nagdaang gabi pa nagsimula ang party. Itutuloy pa iyon buong araw.

Well-wishing party iyon na ibinigay ng kanilang malalapit na kaibigan ni Sonny. Tapos na ang kanilang shower at stag party noong nakaraang linggo. Ginanap iyon sa magkahiwalay na venue. Tatlong araw na lang ay ikakasal na sila.

May beinte minutos nang nagsa-sunbathing si Ivy nang makitang dumaong sa pampang ang Jet Ski. Umahon ang lalaking sakay niyon. Habang naglalakad ito ay inaalis ang life vest na suot.

Natuon ang pansin ni Ivy sa mukha ng lalaki. Napalunok siya. Parang diyos ito ng kaguwapuhan na umahon sa dagat. May kung anong kapangyarihan ang lumukob sa kanya nang matitigan ang maiitim na mata nito. Kahit blangko ang ekspresyon ng mukha ng lalaki ay tila nakatawa ang mga mata, akmang-akma sa perpektong hugis ng matangos na ilong nito.

Napabangon si Ivy. Lumunok siya dahil parang nagkabikig ang kanyang lalamunan. Noon niya napansin na pinipigil na pala niya ang paghinga.

Tumatambol ang dibdib na sinundan niya ito ng tingin. Anong klaseng pagka-crush ba ang nararamdaman niya? At beinte-tres na siya para tubuan pa ng infatuation gaya ng isang teener.

"Ikaw naman," dinig niyang sabi ng lalaki sa isa pang lalaking sumalubong dito, iniabot doon ang life vest na hawak. Magkahawig ang dalawa, marahil ay magkapatid. Parehong guwapo ang mga ito, dangan nga lang at mas matangkad at mas guwapo ang naunang lalaki.

"Sabayan mo nang mag-breakfast si Kuya," sabi dito ng sumalubong.

"What about you?"

"Nagkape na ako. Mamaya na ang heavy breakfast." Nalampasan na si Ivy ng mga ito.

Likod na lang ng matangkad na lalaki ang natatanaw ni Ivy ay hindi pa rin niya hinihiwalayan ng tingin.

"Hello there."

Bumaling si Ivy sa nagsalita sa tapat ng kinauupuan niyang beach towel-ang lalaking sumalubong sa kanyang crush. Kumunot ang noo niya. Bakit siya kinakausap nito?

"I'm Gemino. Puwede ba kitang makilala?" nakangiting tanong ng lalaki sa kanya.

"W-why?" nagtatakang sagot ni Ivy. Sa pangkaraniwan ay pagtatarayan niya ito.

"Dahil gusto kitang bigyan ng advice."

Kumunot na naman ang noo niya. Ano bang kahibangan ang sinasabi nito? "Why?" ulit niya.

"Ako muna siguro ang dapat mong sagutin. I asked for your name."

"I don't readily give my name to strangers."

Ikinibit nito ang mga balikat. "Suit yourself then. Pero bibigyan pa rin kita ng advice."

"At bakit naman ako mangangailangan ng advice mo?"

"Dahil turned off ang kakambal ko sa mga babaeng nagpapapansin sa kanya."

Kakambal pala ng taklesang ito ang guwapong lalaki. Lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Ivy at tumaas pa ang isang kilay. Nabuksan na ang baul ng kanyang katarayan. "Sinasabi mong nagpapapansin ako sa kakambal mo, gano'n?"

Hindi na-intimidate ang lalaki. Ngumiti ito, nang-aarok ang titig sa kanya. "Hindi ba?"

"Look, wala akong panahong-"

"I'm sorry," agaw nito sa sinasabi niya. "Mali pala ang basa ko sa tingin mo sa kapatid ko kanina. Now, Miss Pretty Face, I'm gonna ride that toy." Itinuro nito ang Jet Ski. "Kung gusto mong maging alive ang umaga mo, you can ride with me."

"And you can disappear before my face. Mag-jet-ski kang mag-isa mo!"

Napapailing na nginitian lang siya ng lalaki. Tinungo na nito ang kinaroroonan ng Jet Ski.

Inis na tumayo si Ivy, iniligpit ang beach towel at bumalik sa beach house.

"You had your dip this early?" tanong ni Sonny na noon ay pupungas-pungas pa. Mukhang kagagaling nito sa banyo. May bula pa ng toothpaste ang kaliwang sulok ng bibig nito.

"Hindi pa. Wala akong kasamang maligo. Ang tagal mo kasing gumising," medyo naiinis pa rin na sabi niya.

"Whoa! Mukhang hindi maganda ang gising ng honey ko. Halika pala, maligo na tayo."

Sa lahat ng ayaw ni Ivy ay iyong inuuto siya. Kaya nga tinarayan niya ang lalaki sa beach, parang ganoon ang nararamdaman niya. At ngayon naman ay si Sonny. "Ayoko na. Nawalan na ako ng gana."

"Honey, malapit na ang kasal natin. Ayokong magka-wrinkles ka. Please, huwag ka nang sumimangot." Lumapiti at inakbayan siya. "'Ligo na tayo habang hindi pa nakakasunog ng balat ang init ng araw."

Inalis niya ang pagkakaakbay nito. "Maligo kang mag-isa mo!" Umakyat siya sa hagdan patungo sa silid na inookupa niya.

"Honey, naman."

Hindi pinansin ni Ivy ang protesta ni Sonny. Nang makapasok sa silid ay nag-shower siya. Nagmukmok lang siya roon. Sinusuyod niya ng tingin ang beach mula sa picture window ng silid. Ngunit hindi na niya muling nakita ang guwapong lalaki.

What is happening to me?

Ikakasal na siya kay Sonny, ang kanyang boyfriend nang tatlong taon, ngunit narito siya at sabik na nag-aabang sa isang lalaking kanina lang niya nakita. Weird. Nang magutom ay napilitan na rin siyang bumaba ng silid.

"Where's Sonny?" aniya sa mga kaibigang abala na sa paggayak ng malaking hall ng beach house para sa party.

"Nasa beach," sagot ng pinakamatalik niyang kaibigan na si Jam. Lifeguard ito sa resort na iyon. Kasalukuyang naglalagay ito ng decorative balloons sa dingding. "Naliligo na sila ng mga boys. Mag-breakfast ka na."

"Kumain na ba kayo?"

"Tapos na. Ikaw na lang ang hindi pa. Sumabay na rin sa amin si Sonny kanina."

Nagtungo si Ivy sa komedor. Nagugutom siya ngunit parang nawalan na ng gana. Mag-isa na lang pala siyang mag-aalmusal.

Naisip niyang sa restaurant na lang ng resort kumain. At least doon marami pa rin sigurong kumakain. Hindi man niya makatabi ang mga iyon, parang may kasalo na rin siya.

Lumabas nga si Ivy ng beach house at nagtungo sa restaurant. May kalayuan din iyon ngunit ayos lang sa kanya.

The walk did her good. Pawi na ang pangit na mood ni Ivy nang marating niya ang kainan. Pumuwesto siya sa gawi ng bintana. Iilan na lang pala ang kumakain. Kunsabagay malapit nang mag-alas-nuwebe. Tapos nang mag-almusal ang karamihan.

Hindi pa naisisilbi ang in-order niyang pagkain nang mapansin niyang pumasok doon ang lalaking kumausap sa kanya kanina sa beach. Nakita siya kaagad nito at kumaway. Hindi niya ito pinansin.

Ngunit may kakulitan yata ang lalaki. Kahit ipinaramdam na ni Ivy na ayaw niyang makasalo ito o ang makipag-usap man lang dito ay sa mesang inookupa pa niya naupo. "'Mind if I join you, Miss Beautiful?" nakangiting tanong nito gayong nakaupo na.

"Yes, I would mind," prangkang sabi niya. Tiyak ni Ivy na ang katarayang nakamarka sa kanyang mukha ay sapat para umalis ito at huwag na siyang gambalain kahit kailan.

Lumawak ang pagkakangiti ng hudas na para bang compliment para dito ang sinabi niya. "All right, have it your way."

Laking pasasalamat ni Ivy nang tumayo ito at lumipat ng mesa. Iyon nga lang, ang mesang nilipatan ng lalaki ay sa katabi lang ng mesa niya. Naupo pa ito paharap sa kanya.

Banas na banas si Ivy habang kumakain. Dahil tuwing maliligaw ang mga mata niya sa katapat ay nakikita niyang nakatitig ang lalaki sa kanya. Kulang na lang na sikmatan niya ito.

Pinigilan niya ang sarili. Walang mangyayari kung magpapakakunsumi siya sa pagkainis dito. Bahala itong maduling sa pagtitig huwag lang siyang gagambalain.

Sa pagkain natuon ang inis niya kaya wala sa loob na inatake niya iyon. Mabilis na naubos ang kanyang almusal.

Sinenyasan ni Ivy ang waitress para sa kanyang bill. Noon tumayo ang lalaki sa kabilang mesa, muling lumapit sa kanya. "You have the most pleasant face I've ever seen in a woman," pormal na sabi nito sa mahinang tono. "At hindi masamang pangitiin mo ang mukhang iyan lalo na kung makapagpapasaya ka ng kahit isang tao lang na nasa paligid mo." Bahagyang ngumiti ito at pagkatapos ay iniwan na siya.

Hindi kaagad nakabawi si Ivy. Kahit nang makalabas ng restaurant ang lalaki ay shocked na nakasunod lang ang tingin ni Ivy sa papalayong bulto nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang taong naglakas ng loob na mambara sa kanya. At hindi man lang siya nakaganti.

"JAM, PASENSIYA ka na kay Sonny, ha? Alam mo namang makulit ang isang 'yon, eh," sabi ni Ivy sa kaibigan. Kalalabas lang nito ng beach house. Tinakasan ni Jam ang pilit na ipinaiinom na alak ng nobyo ni Ivy. Naka-duty si Jam nang hapong iyon sa resort kaya nagpauna na.

Medyo lasing na si Sonny. Kinukulit nito si Jam na uminom pa ng isang shot. Tumanggi ang kaibigan niya ngunit ipinagpilitan pa rin ni Sonny ang alak. Mabuti na lang at nang inilapag ni Jam ang baso ay lumabas agad ito ng hall na pinagdarausan ng party. Nahinto na ang pangungulit ng nobyo niya. Kaya sumunod siya kay Jam sa labas.

Ngumiti sa kanya ang kaibigan. "Alam ko. At alam ko rin kung gaano ka niya kamahal."

"Right. Kaya nga ako magpapakasal sa kanya." Habang nalalapit ang kasal nila ni Sonny ay lalong parang gusto niyang takasan. Kahit paano ay mahal naman niya ang kanyang nobyo. Mahal na mahal siya nito. Boto sa nobyo ang kanyang mga magulang. At napakayaman ng angkan na kinabibilangan ni Sonny.

Ngunit noon napagtanto ni Ivy na hindi pala sapat iyon-iyong pagmamahal na kahit paano lang. Lalong hindi sapat na dahilan ang pagiging aprubado ni Sonny sa kanyang ama't ina; kahit pa nga napakayaman nito.

"You still have time, you know." Ang pagkakatingin ni Jam sa kanya ay parang nang-aarok. Nababasa marahil ng kaibigan ang pagdadalawang-isip niya.

"What are you trying to say?"

"Ang ibig kong sabihin, kung may konting duda ka pa sa pagpapakasal kay Sonny, may panahon pa para pag-isipan mong mabuti ang tungkol doon. Then call it quits if you have to."

"Jam, three days na lang at ikakasal na kami."

"So what? Ano naman ang gusto mo, isubo ang sarili kahit na-realize mo na hindi mo pala talaga gustong magpakasal sa kanya?"

Napangiti si Ivy, pilyang ngiti. "You know what? I might take your advice for that. Now, go. Late ka na."

Bumalik si Ivy sa loob ng beach house. Maingay na ang party. Nakipagsaya siya sa kanilang mga kaibigan. Lasing na si Sonny at ang halos lahat ng kalalakihan doon.

Habang pinagmamasdan niya ang kanyang nobyo, unti-unting nabubuo ang isang desisyon sa kanyang isip.

ISANG oras pa lang na nakikipagsaya si Ivy sa gitna ng party ay tumalilis na siya. Lumabas siya ng beach house.

Mainit ang sikat ng araw ngunit hindi niya pansin. Parang may humihila sa kanyang mga paa patungo sa tabing-dagat.

Biglang kumabog ang dibdib ni Ivy pagkakita sa isang taong nakasandal sa lounge chair. Kaya pala para siyang hinahatak na magpunta roon, naroon ang guwapong lalaki.

Nakadama siya ng pagnanais na lapitan at magpakilala rito. She walked towards him. Lalo siyang nasabik. Malapit na si Ivy nang may isang babaeng biglang lumapit dito. Maganda ang babae, flirtatious nga lang kung ngumiti. At naka-G-strings lang ito.

Nagngingitngit na huminto siya sa paglapit.

"Hi, are you alone?" narinig ni Ivy na tanong ng babae sa guwapong lalaki.

"No, I'm not," sagot ng lalaki.

"You're with friends?"

"I'm with my family."

"Your parents?" Halatang sanay sa ganoong conversation ang babae. Nakangiti pa rin ito kahit na walang indikasyon ng kahit anong encouragement na ipinakikita ang lalaki.

"No, my wife," sagot uli ng huli at inginuso ang babaeng nasa itaas ng outpost ng lifeguard.

Parang bombilyang nag-dim light ang sumunod na reaksiyon ng babae. Para namang bombilyang tuluyan nang napundi si Ivy pagkarinig sa sagot na iyon ng lalaki. Dahil ang babaeng nasa itaas ng outpost ay si Jam.

Pakiramdam ni Ivy, para siyang sinampal ng realisasyong iyon. Kaya pala bale-wala sa lalaki ang pagpi-flirt ng babaeng kumakausap dito, kay Jam ito nagkagusto. At sigurado siyang hindi pa ito kilala ni Jam, ngunit "wife" na ang pakilala nito sa kaibigan niya!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro