8. Mag-aminan Na Kasi

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


8

Urong-sulong si Ivy na lapitan si Gemino. Pagkatapos niyang pag-walk out-an ito nang nagdaang araw ay hindi na niya ito kinibo. At ang ikinaiinis pa niya, parang bale-wala sa lalaki ang mga pande-dead-ma niya. Nakukuha pa siyang ngitian ng binata kahit irap ang iginaganti niya rito.

Pati sa kanyang sarili ay naiinis na rin si Ivy. Daig pa niya ang batang-isip sa iniaakto niya. Wala naman silang relasyon ni Gemino para umasta siyang gaya sa isang nagseselos na nobya. Walang obligasyon si Gemino sa kanya na ipaliwanag kung sino ang kasalo nito sa tanghalian kahapon. Kahit pa girlfriend nito ang babaeng iyon ay wala dapat siyang pakialam.

Pero hindi nga ganoon ang nararamdaman niya. Kaya nga bago pa maipahiya nang husto ang sarili ay naisip ni Ivy na bumalik na muna sa Antipolo.

Sa ikailang pagkakataon ay bumuntong-hininga siya.

“No sooner loved but they sighed... no sooner sighed but they asked one another the reason.”

Muntik nang mapatalon si Ivy. Nasa likuran na pala niya si Gemino. Hindi niya naramdamang nakalapit na pala ang binata.

“That’s Shakespeare’s. May sasabihin ka ba sa akin? Kanina ko pa napapansin na panay ang buntong-hininga mo. May problema ka ba?” Bahagya lang na ngumiti si Gemino ngunit tila nagsasayaw sa katuwaan ang mga mata nito.

“Ahm, kuwan, m-magpapaalam sana ako sa iyo. Uuwi muna ako sa amin bukas. Kukumustahin ko naman si Mommy,” hindi makatingin dito nang deretso na sabi niya.

“Kailan ka babalik?”

“H-hindi ko pa alam.”

“Sige, ikaw ang bahala. 'Yon lang ba ang gusto mong sabihin sa akin?”

Hindi makapaniwala si Ivy na madali lang siyang papayagan ni Gemino. Wala siyang depinidong araw ng pagbabalik doon pero “sige” lang ang isinagot nito. Samantalang noong unang dumating siya roon ay kulang na lang na itali siya nito sa mansiyon.

Lalong sumama ang loob ni Ivy. Kung hindi lang naroroon ang anak niya, malabo na bumalik pa siya sa poder ni Gemino.

Maaga pa kinabukasan ay gumising na si Ivy. Tulog pa si Kyle ay iniahon na niya ito sa crib. She felt an overpowering rush of feeling to just hold him.

Iiwan na naman niya ang kanyang anak. At ang isiping iyon ang dahilan kung bakit mabigat ang dibdib niya ngayon. “Hayaan mo, anak, iisip ako ng paraan para hindi na tayo magkahiwalay pa,” anas niya sa sanggol na himbing pa rin.

Hindi magawa ni Ivy na ibaba ang bata. Ibang-iba ang sitwasyon ngayon kaysa noong unang iwan niya ito. Parang kapag nasaling siya ay tiyak na mapapaiyak siya.

May kumatok at pumasok doon si Tita Citas. “Totoo nga bang aalis ka ngayon, Ivy?”

“Opo. Nagsabi na po ako kay Gemino kahapon pa.”

“Aba’y bakit? Isasama mo ba si Kyle?”

“Gusto ko nga po sana pero ayaw ni Gemino.”

Pinagmasdan siya nito. “Hija, ano ba’ng problema ninyo ni Gemino?”

Itinuon lang ni Ivy ang tingin sa mukha ng natutulog na sanggol sa halip na sagutin ito.

“Ang akala namin noong una, si Kiel ang ama ni Kyle. Later on, inakala naman namin na si Flynn. Pero ngayong lumitaw ka, naging malinaw nang si Gemino pala ang ama ng bata. Bakit hindi pa ninyo totohaning buuin ang pamilya ni Kyle?”

“H-hindi naman po ganoon kadaling gawin ang sinasabi ninyo, Tita Citas.”

“Ano pa ba ang problema? Nakikita ko namang nagkakasundo kayo ng pamangkin ko. At hindi naman siguro mabubuo si Kyle kung wala kayong pagtingin sa isa’t isa.”

Napabuntong-hininga si Ivy. “M-may iba pong mahal si Gemino.”

“Really? Hindi ko yata alam 'yan. Paano mo namang nalaman?”

“Nakita ko po sila kahapon sa clinic, magkasabay silang kumain.”

“Sinabi ba sa iyo ni Gemino na may relasyon sila n’ong babaeng nakita mo?”

“Hindi po. Pero hindi naman siguro sila magsusubuan kung wala silang relasyon.”

“Well... ang totoo, wala akong alam na may nililigawan si Gemino sa ngayon.”

Umingit si Kyle hanggang sa magising ito. Isinayaw-sayaw niya ang anak.

“Ang mabuti pa ay ibigay mo muna sa akin ang bata, Ivy. Para makapaghanda ka na sa pag-alis mo.”

Napipilitang inilipat ni Ivy sa bisig ni Tita Citas ang kanyang anak.

Bago ito lumabas ay muli na naman siyang kinausap. “Magtapat ka nga sa akin, hija. Kaya ka ba aalis ay dahil nasaktan ka na nakita mo si Gemino na kasalo ang babaeng iyon?”

“W-wala naman po akong karapatang m-masaktan sa nakita ko.”

Iyon lamang at lumabas na ito ng silid.

Parang walang anuman na nagsabay pa sila ni Gemino sa almusal. Nakikiramdam si Ivy rito. Kinakabahan kasi siya na baka nasabi ni Tita Citas ang napag-usapan nila kanina. Baka ikalaki pa iyon ng ulo ni Gemino.

“Ako na ang maghahatid sa iyo sa bus terminal,” walang kaabog-abog na sabi ni Gemino nang tapos na silang kumain.

Kumunot ang noo ni Ivy sa pagtataka. “May kotse ako.”

“Na iiwan mo rito. Kaya magko-commute ka na lang.”

“Bakit mo naman ipaiiwan ang kotse ko?”

“Nagawa mong iwan noon si Kyle. Posibleng iwan mo rin uli siya. At baka matagalan ka na namang bumalik. Pero kung narito ang kotse mo, sigurado akong babalik ka agad.”

She was incredulous. “Hindi ko iiwan ang kotse ko!”

“Eh, di subukan mong sakyan kung mapapatakbo mo 'yon ngayon,” kampanteng-kampanteng sabi ni Gemino. Tila nakasisiguro na hindi niya magagawang sakyan ang kanyang kotse.

Nang puntahan ni Ivy ang sasakyan sa garahe ay flat ang apat na gulong niyon. Naiinis na nasipa niya ang isang flat na gulong ng kotse. Kahapon lang niya tiningnan ang kotse at maayos pa iyon.

Nagmartsa siya pabalik kay Gemino. Kalong na nito si Kyle sa pagkakataong iyon.

“Say ‘ba-bye’ to Mommy, baby,” wika nito habang ikinakaway sa kanya ang isang kamay ng sanggol. Nakangiti pa ang bruho na akala mo, walang ginawang kasalanan.

“How can you do this to me?” Kulang na lang magbuga ng apoy ang mga mata  ni Ivy rito. “Bakit binutas mo ang lahat ng gulong ng kotse ko? Foul na ang ginagawa mo, ah!”

Tinawag ni Gemino ang yaya sa halip na sagutin siya. Nang maipasa na ang sanggol ay hinawakan siya nito sa siko at iginiya palabas ng mansiyon. Sa hardin sila nagtungo.

“May gusto lang akong tanungin sa iyo,” simula nito pagkatapos siyang dalhin sa garden swing. Magkatabi silang naupo roon. “Halimbawa ba na nakasal na si Flynn at dumating ang mga pagkakataon na hindi maiiwasan na magkita kayo, ano ang mararamdaman mo?”

“Hindi ko maintindihan kung ano ang pinupunto mo,” nababanas nang sabi ni Ivy. Hindi pa nga sinasagot ang tanong niya tungkol sa pagbutas nito sa gulong ng kotse ay iba na namang paksa ang binubuksan ni Gemino.

“Just answer me truthfully, please.”

“Honestly, hindi ko alam.”

Bumuntong-hininga si Gemino at tumayo na. “Halika. Ihahatid na kita.”

Nalilitong napasunod na lang si Ivy. Ang akala niya, kaya dinala pa siya sa hardin ay maraming sasabihin ito. “Bakit mo nga binutas ang mga gulong ng kotse ko?” untag niya sa binata.

“I’m sorry, Ivy,” malungkot na sagot nito. “Hayaan mo, pagbalik mo rito, maayos na ang kotse mo.”

Hindi niya naiwasang mapaluha nang magpaalam siya kay Kyle. Parang hindi niya mabitiwan ang bata. Sa huli ay tinawag na siya ni Gemino upang makahiwalay sa kanilang anak.

Ang pickup truck nito ang kanilang sinakyan. Wala silang imikan habang bumibiyahe. Ngunit nang lampasan nito ang bus terminal na dapat sanang bababaan niya ay siya na rin ang pumutol ng katahimikan sa pagitan nila. “Bakit inilampas mo 'ko?”

“Ihahatid na kita hanggang sa inyo.”

“Ano? Eh, hindi ba may pasok ka sa clinic ngayon?”

“Tumawag na ako kay Ria na hindi muna ako papasok. Anyway, minsan lang naman ito.”

“Na-guilty ka lang dahil binutas mo ang mga gulong ng kotse ko.”

Lihis sa topic nila ang isinagot nito. “Hindi ko girlfriend ang babaeng nakita mo kahapon sa clinic, Ivy.”

Sinulyapan niya si Gemino.

“Si Shelly iyon, anak ni Mayor Banzon, mayor namin sa Miranda. Maliit pa ang batang iyon ay madalas na sa amin. Close sa family namin ang pamilya nila. At hindi siya tulad ng inaakala mo. Dalagita pa lang si Shelly, malaking bulas lang. Likas na malambing sa aming tatlo nina Kuya ang batang 'yon.”

Natutuwa si Ivy na malaman na hindi nobya ni Gemino ang babae. Pero naiinis din siya dahil parang lumilitaw na nagseselos siya kaya kailangan pa nitong magpaliwanag.

“Noong isang araw, ipinadala niya sa clinic iyong alaga niyang Pomeranian. May sakit 'yong aso, dalawang araw nang hindi kumakain. Ginamot ko. Nakakain naman daw agad. At bilang pasasalamat, dinalhan niya ako ng lunch.

“Kung alam ko lang na magseselos ka kay Shelly, hindi na sana kita pinabayaan na makalayo kahapon. Pinagkilala ko na lang sana kayo para hindi ganitong ora-oradang gumayak ka para umuwi sa inyo.”

“Hindi ako nagseselos,” pairap na sabi ni Ivy.

“Huu, ayaw pa raw aminin na nagselos siya, halatang-halata naman.”

Humalukipkip siya at itinuon sa labas ang pansin. Magkahalong pagkapahiya at pagkainis ang nararamdaman niya. Mabuti na lang at nilubayan na siya ni Gemino.

Nang sapitin nila ang kanilang bahay ay si Maribel lang ang dinatnan nila roon. Ayon dito ay may nilakad daw ang kanyang ina.

Bago umalis si Gemino ay isang larawan ang ibinigay sa kanya. Kuha iyon nito at ni Kyle. “'Yan,” anito, “para lalo mo kaming ma-miss.”

Hindi niya alam kung bakit kahit naiinis siya ay nagawa pa niyang bilinan ito. “Mag-iingat ka sa pagda-drive.”

“Thanks, I will.” At bago pa niya ma-anticipate kung ano ang gagawin nito, bigla na lamang itong dumukwang at padamping hinalikan siya sa mga labi. “Bye, Ivy.”

DALAWANG araw pa lang si Ivy sa kanila ay hindi na siya mapakali. Aminado siya na nami-miss niya ang mag-ama. Incantation yata ang sinambit ni Gemino nang ibigay sa kanya ang picture nito na kasama si Kyle. Habang pinagmamasdan niya ang larawan ay lalo siyang nangungulila sa mga ito. Kaya naman kinabukasan din nagpasya si Ivy na bumalik uli sa Miranda.

Lunchtime siya dumating doon kaya natitiyak niyang nasa mansiyon si Gemino. Nagtuloy kaagad siya sa komedor, para mapatda lang sa nabungaran. Naroon nga si Gemino, ngunit naroon din ang mga magulang nito.

Tumayo si Gemino at nilapitan siya. Inakbayan siya at iginiya sa hapag, sa silyang katabi nito. “'Pa, 'Ma, I want you to meet Ivy, your future daughter-in-law.”

“BAKIT mo sinabi 'yon sa parents mo?” sumbat ni Ivy kay Gemino nang mapagsolo na sila.

“Ano ba ang problema sa sinabi ko sa kanila?” tila banas na sagot nito.

Kinunutan niya ito ng noo. “Ano’ng problema? Gemino, you just lied to them!”

“Bakit, kasal lang naman talaga ang kulang sa atin at magiging totoong manugang ka na nila, ah?”

“Sa biglang tingin, oo. Pero hindi nga gano’n 'yon.”

Matamang pinagmasdan siya ni Gemino. “Hindi lang gano’n 'yon dahil hanggang ngayon, hindi ka makapag-decide kung kakalimutan mo na si Flynn o patuloy mo pa siyang mamahalin kahit na mag-aasawa na siya ng iba.”

Napahumindig si Ivy. “Hindi 'yan totoo!”

“Kung hindi totoo ang sinabi ko, ano nga ba talaga ang totoo?” Naghahamon ang tono ni Gemino. “Hanggang ngayon nangangapa ka kung ano na ang talagang damdamin mo sa kakambal ko. 'Tingin ko nga, umaasa ka pa rin hanggang ngayon ng milagro. Milagrong magkaroon ng isang pagkakataon na maging kayo ni Flynn. Dahil kahit sinasabi mong naguguluhan ka, kahit pilit na ipinaiintindi mo sa akin na desidido ka nang kalimutan siya, alam kong may nararamdaman ka pa rin sa kanya, Ivy.”

“Ang galing mo naman,” nang-uuyam na sabi niya. “Mas may alam ka pa pala kaysa sa akin na may katawan. Baka naman feeling mo, ikaw ang nakasambot ng milagro kaya ang lakas ng loob mong basahin ang nasa kalooban ko?”

“Kung talagang gusto mong patunayan na hindi totoo ang assessment ko, bakit hindi ka sumama sa amin bukas sa mismong kasal ni Flynn? Panoorin mo sila ni Jam. Makinig ka kapag nag-e-exchange vows na sila sa harap ng altar. Kapag nakaya mong manood sa kanila, maniniwala na akong naka-recover ka na sa kakambal ko.”

Hindi niya nagawang sagutin ang hamon nito.

Kinabukasan, araw ng kasal ni Flynn at Jam, si Ivy lang at ang mga katulong ang naiwan sa mansiyon. Ang buong mag-anak, pati na ang anak niya ay kasama sa masayang okasyong iyon.

Aaminin ni Ivy na may lungkot siyang nararamdaman. Ngunit siguro  nakatulong na nagdesisyon siya, noon pa mang huli siyang makipag-usap at humingi ng tawad kina Flynn at Jam, na hindi na niya gagambalain pa ang dalawa.

Tatlong araw na nanatili sa Maynila ang mga Falcon. Nang makabalik na ang mga ito ay naramdaman ni Ivy na tila lihim na minamatyagan siya ni Gemino.

Hindi na lang niya ito pinapansin. Nauunawaan niyang mas importante sa binata ang interes ng pamilya, partikular na ang kapakanan ng kakambal nito.

Abala si Ivy sa pagluluto ng mango tart isang hapon nang mapasukan siya ni Gemino sa kusina.

“Wow!” bungad ng binata. “Favorite ko yata 'yong naaamoy ko na 'yon, ah.”

Ang totoo, itinanong niya sa mama nito at kay Tita Citas ang tungkol sa mga paborito ng binata. Mango tart at pastry ang paborito nito. Too bad na wala itong hilig sa cake na siyang expertise niya. Mas may hilig daw ito sa mga pies kaysa roon.

“May naluto na ako. Gusto mo?” nakangiting tanong ni Ivy kay Gemino.

Naupo ito sa harap ng kitchen table na pinaggagawaan niya. “Sige nga, pa-sample.”

Hinainan nga niya ito. Ipinaglabas din niya si Gemino ng buco-pandan juice na ginawa niya kanina.

“Gusto ko, saluhan mo 'ko.” May lambing na sabi nito.

“Eh, sawa na ako riyan.” Patikim-tikim lang siya sa mga pagkaing niluluto.

“Sige na,” ungot nito. “Saka tabihan mo 'ko rito.”

“Aba, Dr. Falcon,” pigil ang ngiting sabi ni Ivy habang nakapamaywang pa. “Nagiging demanding ka na yata ngayon.”

“Mas mabuti nga iyon para mapansin mo naman ako.”

Naupo si Ivy sa tabi ni Gemino. “Hindi pa ba kita napapansin niyan, lagi na lang nakasunod ang tingin mo sa akin.”

“Halata ba?” ngingisi-ngising sabi nito. Sinubuan siya ng binata ng piraso ng kinakain.

“Bakit, Gemino?”

“Anong bakit?”

“Bakit minamatyagan mo ang mga kilos ko?”

“Masarap ka palang gumawa ng mango tart,” pag-iiba nito. “Magbabaon ako nito sa clinic, puwede?”

Iginiit pa rin niya ang naunang paksa. “Kung iniisip mong ipagpapatuloy ko pa rin ang kahibangan ko noon sa kakambal mo, nagkakamali ka. I gave him up already, alam mo 'yon. Noon pang huli kaming mag-usap. Kaya alisin mo na sa isip mo na umaasa pa ako sa pagtingin ng kakambal mo. Lalo ngayon, asawa na niya si Jam. Kahit naman marami akong pangit na ugali, hindi kasama roon ang magkainteres pa sa isang lalaking bukod sa committed na ay asawa pa ng best friend ko.”

“All right,” nagkibit-balikat na sabi ni Gemino. “Kalimutan na lang natin ang tungkol doon.” Inubos nito ang inihain niyang mango tart.

“Gusto mo pa?” napapangiti nang tanong ni Ivy rito. Ang fruit tart na para sa apat na tao ay naubos nito sa isang upuan lang.

“Mamaya na lang. Ano naman ang tingin mo sa akin, masiba?”

Sabay silang napabulalas ng tawa.

Sa tatlong magkakapatid na lalaki ay ito ang mas malapad ang katawan. May kaunti itong flab sa tiyan ngunit sa tingin ni Ivy ay hindi iyon kapintasan dito.

“Mag-stroll naman tayo,” yaya sa kanya ni Gemino pagkatapos ng huling batch ng b-in-ake niya.

“Saan?” aniya.

“Diyan lang sa park sa may tabing-ilog. Isama natin si Kyle.”

Pumayag si Ivy. Ngunit katutulog lang ni Kyle kaya hindi na nila isinama.

Ang park na sinasabi ng binata ay hindi talaga parke. May malapad lang na dike ang magkabilang gilid ng ilog. Sa tabi ng dike ay may magkakaparehong laki ng puno na ang bawat pagitan ay may stone benches. Naiilawan ang kahabaan ng ilog sa gabi kaya nakasanayan nang gawing pasyalan ng mga taga-Miranda.

“Hindi ka ba naiinggit do’n?” ani Gemino nang may makasalubong silang pareha na magkaakbay.

“Bakit naman ako maiinggit?”

“Siyempre, masarap mag-stroll dito kung may kaakbay.”

Alangan namang aminin niya sa lalaking ito na naiinggit siya. “Kahit walang kaakbay, masarap mamasyal dito. Malinis pa ang ilog ninyo na bihira nang makita sa ibang lugar na napuntahan ko.”

“Ako, naiinggit.” At para marahil bigyan ng diin ang pahayag ni Gemino, naramdaman na lang ni Ivy na dumantay at humapit ang kamay nito sa punong-braso niya. Nagkadikit ang kanilang mga tagiliran.

Hindi siya umimik. Lalong hindi siya nagparamdam ng pag-iwas. Masarap yatang kaakbay ito. Feeling secured na secured si Ivy. At may suyong hatid ang init ng palad ng binata sa kanyang balat. May tenderness sa pagkikiskisan ng mga tagiliran nila.

Iniyakap na lang ni Ivy ang isang braso sa likod nito. Lalong nagkadikit ang kanilang mga katawan.

Naramdaman niya ang pagsagap at pagbuga nito ng hangin. Wala sa sariling napagaya na lang si Ivy. Pilit niyang pinaalalahanan ang sarili in case na ma-carried away siya. Nainggit lang si Gemino sa lovers na nakakasalubong nila. At nagkataon na katabi siya nito ngayon kaya siya inakbayan.

Nang makauwi sila ay sinalubong sila ng isang taong hindi niya inaasahang makikita agad doon.

“Ano’ng ginagawa rito ng babaeng 'yan?” madilim ang mukha na bungad ni Flynn kay Gemino.

............


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro