1. Heart Beating Fast

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/


Alas-nuwebe beinte na ayon sa table clock na nakapatong sa bedside table ng kamang kinahihigaan ni Sarah.

Napabalikwas siya nang bangon. Noon lang siya nagising nang ganoon katanghali. Palibhasa halos isang linggo siyang puyat dahil sa paglalamay sa burol ng kanyang Lola Maring.

Pagkaalala sa namayapang matanda, nakadama kaagad siya ng lungkot. Iba ang lungkot niya ngayon kaysa noong anim na taong gulang pa lang siya at namatay ang kanyang ina. Musmos pa ang isip at damdamin niya noon kaya hindi niya gaanong ininda ang pagkawala ng ina.

Hindi gaya sa Lola Maring niya, na dalawang taon niyang inalagaan. Ngayon  nag-iisa na lang siya. Oo nga at buhay pa ang kanyang ama ngunit sa Maynila nakatira. At nagisnan na niyang malayo ang loob nito sa kanya.

Bumangon na siya sa kama at tinungo ang malaking bintana. Binuksan niya iyon at bumaha ang nakasisilaw na liwanag sa silid. Awtomatikong naitabing niya ang palad sa kanyang mga mata. Ano pa ba ang aasahan niya? Tanghali na at direktang nakatutok ang sikat ng araw sa gawing iyon.

Ngunit bago iyon ay napuna muna niya ang mataas na bulto ng isang lalaking pasakay sa isang puting kotseng nasa gilid ng kalsada. Nasa tapat iyon ng lumang bahay sa tabi nila.

May kumislot sa dibdib niya pagkakita sa lalaki. Sayang at nakatagilid ito sa line of vision niya para siya makasiguro. Dahil pamilyar sa kanya ang bulto nito.

Squinting a little, she tried to focus on his profile. Ngunit hindi na kayang aninawin sa likod ng tinted glass ng kotse ang mukha nito. Pagkatapos ay umusad na ang sasakyan hanggang sa mawala na sa paningin niya.

Nalipat ang tingin niya sa lumang bahay. Nagulat na naman siya. Wala na ang bahay roon. Giba na. Nangyari marahil iyon sa loob ng linggong nagdaan. Hindi lang niya napansin dahil sa pagiging abala sa mga bagay-bagay na dapat asikasuhin para sa isang namatay.

Giniba na ang lumang bahay at marahil ay patatayuan na ng bago. Sa katunayan, may mga yero at sawaling nakabakod doon.

Nang dumating siya noon sa Marbel ay kapitbahay na ng lola niya ang mag-asawang dating nakatira sa lumang bahay, sina Mr. At Mrs. Villaflor. Mababait ang mga ito. Sa katunayan, ipinamimitas pa siya ng matandang lalaki ng mga hinog na bunga ng suha mula sa dalawang puno niyon sa bakuran ng mga ito. At ang mga bunga ng rambutan sa harap ng bahay ay magkasalo pa nilang kinakain ni Mrs. Villaflor sa mga hapon na nakikipagkuwentuhan ito sa kanilang maglola.

Kailan lang ipinagbili ang lumang bahay. Lumipat na sa Luzon ang mga dating may-ari.

Umalis na siya sa bintana at sinimulan na ang isang abalang araw.

Magkatulong nilang nilinis ni Ging ang buong bahay. Ito ang dalagang kasambahay nila ng lola niya. Anak ito ng mag-asawang taga-Morales. Ang ina nito ay naging katulong ng mga lola niya noong nagsisipag-aral pa ang mga anak nito.

Nangangalahati na sila sa paglilinis nang tumunog ang telepono. Ang Tita Sofia niya ang tumatawag. “Sarah, bukas na ng madaling-araw ang flight ko pabalik sa Norway,” bungad nito. Kasalukuyang nasa General Santos ito, sa bahay ng mga biyenan.

Noong isang araw, pagkalibing sa lola niya ay sumabay na ito sa kanyang ama at mga kapatid pabalik ng GenSan kung saan diretso nang sumakay sa eroplano ang mga ito pabalik sa Maynila.

Lalong nadagdagan ang lungkot niya sa sinabi ng tiyahin. Sa mga kapatid ng kanyang ama ay ito lang ang kasundo niya. Mabait kasi ito at kahit hindi magkakasundo ang kanyang ama at ang dalawa pa niyang tiyuhin ay hindi ito nakikialam sa away ng tatlo.

“Bakit naman po napakabilis, Tita? Akala ko ba huhustuhin na ninyong isang buwan ang pag-stay rito sa Pilipinas?”

“Naririndi na kasi ako sa away ng mga kapatid ko. Patay na nga ang lola mo, ayaw pa ring magsitigil.”

“Eh, Tita Sofia, kapag umalis na kayo, paano na ako rito? Baka ako naman ang awayin ng mga kapatid ninyo. Baka akalain nila na inaangkin namin itong bahay ni Lola dahil anak ako ni Papa.”

“Huwag kang mag-alala, alam naman nila na sa akin ipinamana ng lola mo ang bahay. Kinausap ko na sina Kuya Arman. Sinabi ko sa kanila na ikaw ang in-appoint kong overseer ng bahay. Kaya nga kung ano man ang kabulastugang gagawin ng mga kapatid ko, iparating mo agad sa akin.”

“Tita... kasi...” Hindi niya maituloy ang gusto niyang sabihin.

“Kasi ano? May problema ka ba, Sarah?”

“Kasi patay na nga si Lola. Gusto ko sanang balikan ang dati kong ginagawa noong nasa Manila pa ako.”

Saglit na natahimik ito. “Sarah, isang taon na lang naman at retired na ang asawa ko. Hindi pa nga namin napag-uusapan pero most likely ay diyan kami titira. Sana naman makapagtiis-tiis ka pa. Puwede naman sigurong makahanap ka ng trabaho diyan sa Marbel o kahit dito sa Davao. Iyong trabaho na kalinya rin ng dati mong ginagawa sa Manila noon. Kung naiinip ka, you can always teach. Sayang naman ang talent mo kung hindi mo maise-share sa iba. At, Sarah, hindi ko puputulin ang sustento ko sa inyo tulad noong nabubuhay pa ang lola mo. Itutuloy ko pa rin iyon para na rin sa maintenance ng bahay. Kaya sana, huwag ka nang umalis diyan.”

Hindi naman siya magtatrabaho para sa monetary reasons lang. Magtatrabaho siya dahil gusto niyang magamit ang kanyang talento at pinag-aralan. Subalit wala na siyang nagawa. Hindi siya makatanggi sa pakiusap ng kanyang tiyahin. Makakaya pa naman siguro niyang manatili roon sa loob ng isang taon. Basta huwag lang siyang guguluhin ng kanyang mga tiyuhin.

Upang makaahon sa labis na lungkot sa pagkawala ng kanyang Lola Maring ay sinunod niya ang suhestiyon ng kanyang Tita Sofia. Nag-apply siya sa mga paaralan sa loob at labas ng Koronadal City. Dalawa sa mga iyon ang tumanggap sa kanya. Pinili niya ang pinakamalapit sa kanyang tirahan.

“Magisisimula na ako sa Lunes, Ging,” excited na balita niya sa dalaga pagkatapos tanggapin ang bagong trabaho niya.

“Eh, Ate, maghapon ka ba sa school?”

“Hindi naman. Panggabi nga lang ang magiging schedule ko, six to eight ng gabi. At Monday to Friday lang 'yon. Bakit mo itinatanong? Natatakot ka pa rin bang mag-isa rito sa bahay?”

Mula nang mamatay ang lola niya ay hindi na ito gumagawi sa itaas ng bahay kapag nag-iisa ito. Pirming nasa malapit ito sa pintong palabas ng bahay. Kahit na anong paliwanag niya na hindi magmumulto ang lola niya ay ayaw nitong maniwala.

“Hindi. Ano lang kasi... kasi...”

“Anong kasi?” kunot ang noong usisa niya rito. Hindi nito maituloy kung ano ang nais sabihin.

“Sarah...”

Napatingala siya sa hagdan na noon ay kinatatayuan ng taong tumawag sa pangalan niya. “Ate Ruffie?”

Pinsan niya ito na naglayas. Anak ito ng Tito Arman niya. Nasa Manila pa siya noon nang mabalitaan niyang lumayas ito sa poder ng kanyang tiyuhin apat na taon na ang nakararaan.

Gulat na gulat siya sa hitsura nito ngayon. Wala na ang bakas ng dating magandang mukha nito. Payat na payat ito at maputla. May mga pasa ang brasong nakahantad sa maikling manggas ng blusa nito.

Napalapit siya rito. “Diyos ko po! Ano’ng nangyari sa iyo? Sino’ng gumawa sa iyo niyan?”

Iba ang isinagot nito. “Huwag mo sanang pagagalitan itong kasama mo,” anitong sumulyap kay Ging. “Ang totoo, ayaw niya kaming papasukin kanina. Nagpilit lamang ako dahil natatakot akong masundan kami rito.”

“K-kami?”

“Kami ng baby ko. Katutulog lang niya roon sa spare bedroon na ipinagamit sa amin ni Ging kanina.”

Napasunod na siya sa pinsan niya sa tinutukoy nitong silid. Nakita niya roon ang isang magandang sanggol na babae na mahimbing na natutulog.

Mula sa sanggol ay inilipat niya ang tingin sa kanyang pinsan. Parang nakikinita niya ang sakit na dinanas nito sa pagkakaroon ng mga pasang iyon. “Bakit napasugod kayo rito, Ate Ruffie?”

“Papatayin kami ng asawa ko.”

Nanlulumong napaupo siya sa gilid ng kama. “Siya ba ang may gawa ng mga pasang 'yan?”

Tumango ito.

“Bakit niya ginawa 'yon?”

Napayuko ito. “Natuklasan niyang anak ko si Chesie.”

Nalilitong napakunot-noo siya. “Ito si Chesie?” turo niya sa sanggol.

Muling tumango ito.

“Hindi ko maintindihan...”

“Mag-iisang buwan nang galing sa abroad ang asawa ko. Ipinagbuntis at ipinanganak ko si Chesie nang wala siya. You see, anak ko si Chesie sa ibang lalaki. Nang umuwi ang asawa ko, ang sabi ko sa kanya ay anak si Chesie ng isang dati naming katulong na namatay sa panganganak. Na naawa ako sa bata kaya ko inampon. Tinanggap niya ang alibi ko. Pero nalaman din niya ang totoo.”

“Nasaan ang ama ng bata? Bakit hindi ka sa kanya tumakbo? Responsibilidad din niya ang batang ito.”

Napailing ito, malungkot na itinuon ang mga mata sa sanggol. “Patay na siya. Napatay siya ilang araw pagkatapos na matuklasan kong buntis ako kay Chesie.”

Grabe namang trahedya ang umabot sa pinsan niya. “Saan ba kayo galing? I mean, saan ka ba napadpad nang lumayas ka sa inyo noon?”

“Sa Bohol. Doon ko nakilala ang asawa ko. Now, don’t blame him for this,” tukoy nito sa mga pasa sa katawan. “He had to do what he had to do. Naging mabuti naman siya sa akin noon.

Para kay Sarah, hindi dahilan ang makagawa ng isang pagkakamali, gaano man katindi, para magkaroon ng karapatan ang isang lalaki na saktan ang asawa nito. “Ano ngayon ang balak mo?”

Itinuon nito ang mga mata sa kanya. “Sarah...” napapabuntong-hiningang sabi  nito. “Iiwan ko sana sa iyo si Chesie.”

“Pero saan ka pupunta? Bakit hindi ka na lang mag-stay dito sa bahay ni Lola? Oo nga pala, nabalitaan mo bang kamamatay lang niya?”

“Oo, nabanggit kanina ni Ging. Sayang nga, hindi ko man lang naabutan na buhay siya. Nakita sana niya ang apo niya sa tuhod...” Muli ay tumuon ang malungkot na mga mata nito sa sanggol. Ilang sandaling tinititigan lang nito ang bata.

“Ate Ruffie—”

Bumaling na ito sa kanya. “Tungkol sa tanong mo, hindi ako puwedeng manatili rito. Ayokong malaman nina Papa ang tungkol kay Chesie. Gusto kong maging lihim sa lahat ang tungkol sa kanya. Ibibigay ko siya sa iyo, Sarah. Magiging anak mo na si Chesie mula ngayon. Ikaw ang kikilalanin niyang ina.”     

........

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro