6. The Teasing Cynic

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng



Malakas na busina ang gumulantang kay Sarah. Napaatras siyang bigla sa ginagawang pagtawid. Sandaling nawala sa isip niya na nasa gitna siya ng kalsada.

Kay bilis ng kabog ng dibdib niya nang magawa niyang makatawid. Kamuntik na siyang madisgrasya dahil nahulog na naman siya sa malalim na pag-iisip. Bahagyang nawala ang kaba niya nang pumasok siya sa kanyang klase.

Habang nakaharap sa kanyang mga estudyante sinikap niyang mag-concentrate sa pagtuturo. Kulang na lang na hilahin niya ang oras para matapos na ang klase at makauwi na siya.

Pagsapit ng uwian ay nilapitan siya ni Pal. “You look bothered. May problema ka ba?” anito.

“Wala,” kaila niya. “I’m okay.”

“Ihahatid na kita.”

“Pal,” babala niya rito.

“Pero hindi ako mapapalagay nang ganyan ka. Sige na naman, o, pumayag ka nang ihatid kita kahit ngayon lang.”

“Salamat sa pagmamalasakit mo—”

“Are you ready?” biglang singit ng tinig ni Harmon.

Kamuntik na siyang mapatalon sa pagkagulat. Ilang dipa marahil ang layo nito sa kanila ni Pal ngunit ang boses nito ay parang napakalapit. Parang may mga galamay iyon na agad humatak sa kanya at inilayo siya sa lahat ng impluwensiya maliban lang dito.

“Tayo na kung ready ka na,” sabi nitong tinanguan lang si Pal. “Kanina pa ako tumatawag sa iyo pero patay ang cellphone mo,” dagdag pang sabi ni Harmon sa tono na naninita.

“I’m sorry, inio-off ko kasi iyon kapag nasa klase ako. Hindi ko lang nai-on uli.”

“Sana inilagay mo na lang sa silent mode at hindi mo pinatay. Mabuti na lang, maayos na ngayon si Chesie. Nataranta nang husto sa kanya kanina si Ging kaya dinala ko na sa doktor.”

Hindik na napamata siya rito. “Ano’ng nangyari sa anak ko?”

“Ayaw tumahan kanina. Halos hindi na makahinga sa kakaiyak ang bata kaya lumipat ako sa inyo. At si Ging, subok nang subok na makontak ka pero hindi ka nga makontak. Kaya nagdesisyon na ako na dalhin na lang sa ospital si Chesie.”

“Ano’ng sabi ng doktor? Ano raw ang problema kay Chesie?”

“Colic lang daw. Pinadapa lang si Chesie n’ong pedia at mayamaya lang, tumahan na ang bata. Kaya huwag ka nang mag-worry, okay na siya.”

“Salamat, Harmon. Mabuti na lang at nando’n ka.”

Ikinibit lang nito ang mga balikat. “Halika na. Umuwi na tayo.”

Napatingin na lang siya kay Pal. Nakauunawa namang itinaas nito ang isang kamay at umatras na.

“Kumusta na ngayon si Chesie?” usisa na naman niya kay Harmon nang makasakay na sila sa kotse nito.

“Natutulog na nang iwan ko. Ayaw ngang dumede kanina bago matulog. Nadala yata ang pobre sa kabag na inabot niya. Pero bago naman kami umalis ng clinic, idinemo sa akin ng pedia kung paano dapat iposisyon ang bata kapag tapos na itong padedehin. Itinuro ko na rin iyon kay Ging.”

Hindi na nasundan pa ang pag-uusap nila. Bumalik na naman sa isip niya ang proposal nito noong isang araw.

Nang tumapat na sila sa bahay, bago pa siya panghinaan ng loob ay nagawa rin niyang sabihin kay Harmon ang nasa isip. “Bakit mo naisip na i-suggest sa akin na maging pangalawang ama ka ni Chesie?”

Naging pormal bigla ang mukha nito. Parang nainis ito sa itinanong niya. Ngunit hindi na niya mababawi ang nasabi. “Ngayon mo lang naisip na itanong iyan bago mo ako tanggihan?”

“Eh, kasi naman, napaka-unusual ng proposal mo.”

“Ano naman ang unusual doon? Alam ko naman na kilala mo ako.”

“Iyon na nga, eh. Kilala kita ayon sa pagkaka-describe sa akin ni Ayanna. Kaya nga nagtataka ako sa iyo. Hindi ka naman dating ganyan ka-cynical.”

“Magbabatuhan ba tayo ng mga accusations at pintas?”

Napabuga siya ng hangin. Tuwing mag-uusap sila nang seryoso ng lalaking ito, palagi na lang silang nagtatalo. “I’m sorry. Bukas na lang tayo mag-usap. I have to check on Chesie first.”

“Itawag mo sa akin kung okay pa rin siya o ano.”

Napatingin siya rito. Ngunit umaakma na itong lalabas ng kotse. Feeling dutiful father na agad ang isang ito samantalang tinanggihan ko na nga ang proposal niya.

Maayos naman na si Chesie. Himbing pa rin ito nang tingnan niya. Kahit masungit si Harmon, nagpapasalamat na rin siya at naroon ito. Hindi niya alam kung may namamatay sa kabag. Ngunit kung hindi na makahinga ang bata sa kakaiyak ay hindi nga siguro malayong mangyari iyon.

Kinilabutan siya sa naisip. Mahal na mahal na niya si Chesie at gagawin niya ang lahat huwag lang mawala ito sa kanya.

Agaw-tulog na siya nang mag-ring ang telepono. Napilitan siyang sagutin iyon. “Hello?”

“Bakit hindi mo na ako tinawagan?” masungit na sumbat sa kanya ni Harmon.

Napapikit siya. Kung bakit naman kasi hindi na niya naalalang tawagan ito. Tiyak na masisira na ang gana niya sa pagtulog. Sinikap niyang hindi mahalata ang iritasyon niya. “Sorry, nawala na sa isip ko. Okay pa rin naman si Chesie.”

“Dumede na ba uli siya?”

Hindi na niya nakontrol ang iritasyon. “Oo, katatapos lang. Salamat sa pag-aalala, salamat sa pagdadala mo sa kanya sa doktor, salamat sa pagsundo mo sa akin, at salamat sa pagsusungit mo. Goodnight.” Ibinaba na niya ang receiver sa katangan.

Katatalikod pa lang niya ay tumunog na naman ang telepono. Nang sagutin niya iyon ay si Harmon pa rin ang nasa kabilang linya.

“Did I say something wrong?” tanong nito.

Napapikit na naman si Sarah at pinilit kontrolin ang sarili. “Hindi. Totoong nagpapasalamat ako sa mga ginagawa mo sa amin ni Chesie. Kaya lang, nang tumawag ka, makakatulog na sana ako. Ngayon, sira na ang tulog ko.”

“Gusto mo bang ipaghele kita?” May amusement sa boses nito habang sinasabi iyon.

“As if naman gagawin mo.”

“Why don’t you try me?”

“Hang up, Harmon. Gabi na.”

“Eh, ano naman? Sabi mo nga, sira na ang tulog mo.”

“Ano ba’ng nangyayari sa iyo? Hindi ka pa ba inaantok? It’s past midnight already.”

“Sarah...”

“Ano?”

“Tell me honestly, may... crush ka ba sa akin?”

Ibinaba na niya ang awditibo at inilagay sa negative ang ringer niyon bago niya binirahan ng balik sa higaan.

Tumitilaok na ang manok ay gising na gising pa rin siya. Sa inis niya kay Harmon, gusto na niyang patayin ito—patayin sa halik. Grrr! Sa dinami-dami naman ng lalaki, bakit ba ang intrimitidong iyon pa ang nagustuhan ko?  

TULAD ng dapat asahan, tanghali nang nagising kinabukasan si Sarah. Hindi na niya napaarawan si Chesie. Note na lang ni Ging ang inabutan niya sa kusina. Namamalengke na raw ito.

Naghihilamos siya nang may tumawag sa labas ng bahay. Paglabas niya ay delivery boy pala iyon ng flower shop. May dala itong isang bungkos na yellow tulips. Para sa kanya na naman ang mga iyon.

Wala na namang nakasulat kung kanino galing ang mga bulaklak. Ngunit may maikling note sa card. I dreamt of your smile last night. I hope these will bring that smile to your lips again.

Habang binabasa niya ang sulat sa card, parang nagdududa na siya na kay Pal galing ang mga bulaklak. Kilala niya ang sulat-kamay nito, magkaibang-magkaiba sa sulat-kamay na nasa card. Ngunit naisip din niya, kagabi ay nagpipilit itong ihatid siya. Napuna rin nito na problemado siya. Sapat na dahilan para padalhan siya nito ng mga bulaklak.

Pinagmasdan niya ang mga sariwang petals ng tulips. Napangiti siya. Pag-angat niya ng tingin ay papalapit na sa kanya si Harmon.

“Good afternoon,” pambubuska agad nito. “You look beautiful in that outfit. Lalo na dahil may hawak ka pang magagandang bulaklak.”

Inirapan niya ito at binirahan ng talikod. Walang salitang pumasok na siya sa bahay. Pagkasara niya ng pinto ay pinagmasdan niya ang sarili. Naka-pajama pa nga siya ngunit makapal naman ang robang nakapatong doon.

Tiniyak lang niya na maayos si Chesie at pagkatapos ay dali-dali na siyang naligo.

Paglabas niya sa sala ay kampanteng nakaupo roon si Harmon. Naningkit kaagad ang mga mata niya. “Ano’ng ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?”

Napatayo ito. “Hey, hey, cool ka lang. Hindi ko sinira ang door lock ninyo. Dumating si Ging at pinapasok niya ako rito.”

“Bakit nga nandito ka na naman?”

“Hinihintay ko 'yong sagot mo.”

Nalukot na ang noo niya. Malakas yata talagang manghawa ang lalaking ito. Hindi naman siya konsumido dati. “Sagot? Anong sagot?”

“'Yong sagot sa tanong ko kagabi bago mo ako pagbabaan ng telepono,” ngingisi-ngising sabi nito.

Sa asar niya ay pinagbabayo niya ito sa dibdib. Kumpirmasyon ang pagngisi ng loko na buko na siya nito. At pagkatapos ay kinukulit pa siya ng tanong. “Sumosobra ka na talaga!”

Nasalag nito ang mga atake niya. Yakap na siya nito para pigilin ang pagpupumiglas niya. Napaiyak na siya sa labis na frustration.

“Sshh... huwag ka nang umiyak. Crush din naman kita kaya quits na tayo.”    

Inuuto siya nito, alam niya. Lalo lang tuloy lumampas sa boiling point ang pagkainis niya. Nagpilit na naman siyang kumawala sa pamimigil nito.

“Will you keep still?” saway nito sa mahina at tila naglalambing na tinig. “Nate-tempt na akong halikan ka baka akala mo.”

Napaiyak na naman siya. Iginiya siya nito paupo sa sofa habang yakap pa rin siya.

“Tahan na... Sorry na. Ang sarap mo kasing inisin kasi pikon ka.”

Hindi siya tumugon doon. Para kasing mas lumambing pa ito. At pakiramdam niya, totoong-totoo ang lambing na iyon.

Napapawi na ang inis niya. Unti-unting napapalitan iyon ng masarap na pakiramdam habang yakap-yakap siya nito at nakabaon ang mukha niya sa dibdib nito. Naisip tuloy niya, mali nga yatang tanggihan niya ang proposal nito.

Mayamaya ay kusa na siyang kumalas kahit sana ayaw pa niya. Baka kasi mahalata na nitong nasasarapan na siya sa posisyon nilang iyon. Tiyak na bubuskahin na naman siya nito.

Hindi siya tumitingin dito ngunit hindi siya umiwas nang akbayan siya nito.

“Marami tayong dapat pag-usapan, Sarah. But first, you have to eat your brunch. Dinalhan kita ng pagkain.”

Noon lang niya napansin ang picnic basket na nasa tabi ng sofa. Nakakasawa nang magprotesta kaya sinunod na lang niya ang lahat ng sabihin nito.

Masasarap ang dala nitong pagkain. Sinaluhan pa siya nito ngunit wala talaga siyang gana. Puno ng apprehension ang dibdib niya sa kung anu-ano pa ang pag-uusapan nila.

“I’m serious about my proposal, Sarah,” wika ni Harmon nang mapansin nito na nilalaro na lang niya ang pagkaing nasa plato niya. “Gusto kong bigyan ng pangalan ang anak mo. Kung pakakasal ka sa akin, magkakaroon na ng kikilalaning ama si Chesie. At makatitiyak kang mabibigyan ko siya ng magandang kinabukasan.”

“Bakit biglang-bigla, gusto mong magkaroon ng kikilalaning ama si Chesie?” may pagdududang tanong niya.

“It’s pretty obvious. Alam mong wala akong anak.” Lumipat ang tingin nito sa labas ng bintana na para bang mapagagaan niyon ang susunod na sasabihin nito. “Alam mong kahit kailan... hindi ako maaaring magkaanak.”

Alam nga niyang baog ito. At alam din niya na ang kakulangang iyon ang nagbunsod dito para magkusa ito na makipag-hiwalay kay Ayanna.

Ang hindi niya tiyak ay kung ano na ang damdamin nito para sa dating asawa. Ayon sa kuwento sa kanya ni Ayanna, bukod sa pagiging baog ni Harmon ay may isa pang napakalaking dahilan kung bakit pinili ni Harmon na ipa-annul ang kasal ng mga ito. Hindi nga lamang naikuwento ng kanyang kaibigan kung ano ang dahilang iyon. Ngunit base sa pag-aanalisa niya sa sitwasyon ng mga ito noon, iyon ay ang lihim na damdamin ni Ayanna sa naging asawa nito ngayon.

Alam iyon ni Harmon. Kaya pinili na lang nitong magparaya. Hindi marahil nito natiis na makisama sa asawa na ibang lalaki ang talagang minamahal.

“Salamat sa proposal mo, Harmon. It was a very generous offer. Pero kagaya nga ng nasabi ko na, tumatanggi ako.”

“NAG-PROPOSE na sa iyo ang isang guy na matagal mo nang pangarap na pansinin ka man lang, at pagkatapos, you turned him down? C’mon, Sarah, get real.” 

Umiling lamang siya sa pag-o-overreact ni Lindy. Dahil maaga pa naman para sa duty ng kanyang kaibigan, sinamahan muna siya nito na magbayad ng telephone at electric bill sa bangkong katabi ng pharmacy na pinapasukan nito. “You didn’t get it, did you?”

“Talagang hindi. Look, parang ganito lang 'yan, eh. Ilang araw mo nang pinapantasya ang Cadbury Fruits and Nuts at pagkatapos, nang may magbigay nito sa iyo, bigla mong tinanggihan. Sa tingin mo, paano ko maiintindihan ang logic doon?”

“He’s still in love with her.”

“Who?”

“His ex-wife. Lindy, kahit naman mahal na mahal ko si Harmon, hindi ako papayag na sa bawat araw ng pagsasama namin, naipapamukha sa akin na hindi ako ang talagang mahal ng lalaking pinakasalan ko.”

“So, mahal na mahal mo na pala siya. Siya ba ang dahilan kung bakit sa loob ng dalawang taon mo rito sa Marbel, wala ka man lang napansing lalaki? Secret love mo na ba siya noon pa?”

“Lindy—”

“Paano mo naman nalaman na mahal pa nga niya ang babaeng iyon? Ang sabi mo, matagal na silang naghiwalay. Absence makes the heart forget and wander. Imposibleng manatili pa rin ang dating pagmamahal niya sa ex niya. Maaaring may matira pero madali nang mabubura iyon kung may isa nang tulad mo na magpapalimot sa kanya.”

“Natatakot ako, Lindy. Baka habang-buhay na pagdurusa lang ang danasin ko sa piling ni Harmon. Mas mabuti pa sigurong makisama ako sa isang lalaking hindi nga ako mahal pero wala namang ibang babaeng minamahal.”

“Well, kung ganyan ang attitude mo, siguro, hindi pa malalim ang pagmamahal na nararamdaman mo para sa kanya.”

“How can you say that? Tatlong taon na akong lihim na nagmamahal sa kanya.”

Sasagot sana ito nang biglang mapalingon ito sa babaeng dumaan sa tabi nila palabas ng bangko. “Sarah, look.”

Sinundan nga niya ng tingin ang babaeng tinitingnan nito. Parang biglang nabarahan ang lalamunan niya. Dahil ang babaeng iyon ay may malaking pagkakahawig sa kanya!

“Kung hindi lang mas maliit at mukhang mas bata sa iyo ang babaeng iyon, sasabihin kong kakambal mo siya.”

Nagkibit-balikat lang siya kahit hindi pa rin siya nakakabawi sa pagkabigla. “Ganoon naman talaga, minsan, may mga kakilala tayo na may kamukha sa ibang mga tao na kilala natin,” pagwawalang-bahala niya. Ang totoo ay kinutuban siya nang makita niya ang babae.

Biglang tumayo si Lindy.

“Saan ka pupunta?”

“Wait ka lang diyan.” Ang teller na pinanggalingan ng babaeng lumabas ang nilapitan ni Lindy.

Nakangiti ito nang bumalik sa kanya. “Alam ko na ang pangalan ng babaeng kamukha mo,” anito. “Élan Buenviaje. Nadulas 'yong teller at nabanggit niya ang tungkol sa mga Buenviaje na may-ari ng mga fishing vessels sa GenSan.”

Naisantabi muna ang pangyayaring iyon kay Sarah. Ngunit itinago niya sa sulok ng isip ang tungkol kay Élan Buenviaje.

“IBALIK mo ang batang 'yan sa pinanggalingan niya.”

Parang pagsabog ng bomba sa pandinig ni Sarah ang sinabing iyon ng kanyang ama. Walang abog na dumating ito sa Marbel at nang makita nito na karga niya si Chesie ay katakut-takot na interrogation ang ginawa nito sa kanya. Napilitan tuloy siyang ipasa kay Ging ang bata dahil biglang nagpalahaw ng iyak sa tila kulog na boses ng kanyang ama.

Sinabi na lang niya rito na inampon niya ang bata. Na patay na ang ama nito at may sakit naman ang ina. Hindi niya maaaring ipagtapat na anak si Chesie sa pagkakasala ng pinsan niya.

“Pero, Papa, hindi ko alam kung nasaan na ang tunay na ina ni Chesie. Lumayo na siya nang iwan niya ang bata rito.”

“Wala akong pakialam! Basta ilayo mo ang batang iyan dito. Ayokong masayaran ng dugong ampon ang pamamahay na ito.”

“'Pa, alam naman ni Tita Sofia ang tungkol sa bata. At okay lang sa kanya na ampunin ko si Chesie. In fact, pinadadalhan pa nga niya ng suporta ang bata.”

Lalong nagdilim ang mukha ng kanyang ama. “Wala akong pakialam sa sinabi sa iyo ni Sofia. Ako ang narito kaya ako ang susundin mo. In the first place, hindi tayo magkakagulo ngayon kung noon pa mang una ay ipinaalam mo na sa akin ang tungkol sa batang 'yan.”

Napaiyak na siya sa puntong iyon. “Hindi ba kayo naaawa sa bata, Papa?”

“Huwag mo akong gamitan ng ganyang arte!”

“Intindihin naman ninyo ako. Hindi ko kayang ipamigay si Chesie. Napamahal na sa akin ang bata.”

Naningkit ang mga mata nito sa pagkakatingin sa kanya. “Huwag mo akong piliting pamiliin ka, Sarah. Ibabalik mo sa kanyang ina ang batang iyan o lilisanin ninyo ang bahay na ito?”

Gusto sana niyang sabihin dito na wala na itong karapatan sa bahay na iyon. Sa Tita Sofia niya ipinamana ang bahay. Ngunit may paggalang pa rin siya sa kanyang ama kaya nagtimpi siya. “Bakit gano’n na lang ang pagtanggi ninyo sa batang ito? Wala naman siyang kasalanan sa inyo.”

Dinuro siya nito. “Huwag mong bilugin ang ulo kong babae ka! Alam ko ang kaugnayan ng batang 'yan kay Arman.”

Nagitla siya sa sinabi ng ama. Sa pagkakaalam niya ay sila lang nina Ate Ruffie at Tita Sofia ang nakakaalam ng tungkol kay Chesie.

“Babalik ako rito. At sa pagbabalik ko, kailangang wala na rito ang batang 'yan.” Pagkasabi niyon ay binirahan na ng alis ng kanyang ama.

Wala siyang nagawa kundi ang umiyak.

“Who’s that?”

Napaangat siya ng tingin. Nasa harap na pala niya si Harmon. Karga nito si Chesie na marahil kinuha nito mula kay Ging.

Tinabihan siya nito sa upuan. Dumukot ito ng panyo sa bulsa at iniabot sa kanya. “Siya ba ang papa mo?”

Tumango siya habang nagpupunas ng luha. “Hindi niya matanggap si Chesie. Harmon, kung ipipilit ko kay Papa ang gusto ko, mapipilitan akong umalis sa bahay na ito. At paano naman ako aalis dito? Sa akin ipinagkatiwala ng Tita Sofia ko ang pangangalaga ng bahay na ito.”

Napatangu-tango ito, ilang sandaling natahimik. “There is only one option left then.”

“Ano 'yon?”

Itinuon nito ang mga mata sa kanya. “I think you know what I’m talking about.”

........

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro