4. Seed

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng



Hindi inakala ni Élan na ganoon pala ang nasosorpresa ng isang tao na hinahabol-habol at napakahalaga sa puso niya. Parang hindi siya makahinga. Tila may bikig ang lalamunan niya dahil umabot na roon ang paglobo ng dibdib niya sa tuwa.

“Happy birthday, Élan,” nakangiting bati sa kanya ni Ismael. Sa ngiting iyon, biglang naglaho ang mga sama ng loob ni Élan dito. Ang isipin na nagpakaabala itong magpunta sa resort kung saan isine-celebrate ang kaarawan niya ay isa nang malaking bagay para sa kanya.

“T-thank you.” Pati yata mga muscles niya ayaw makipag-cooperate. Hirap na siyang magsalita ay hirap pa rin siyang ngumiti. Dahil ang gusto niyang gawin nang mga sandaling iyon ay umiyak sa tuwa at magpasalamat nang walang patid.

“Happy birthday!” putol ni Borgy sa saglit na pagka-shock niya. Lumapit pa ito at idinikit ang pisngi sa pisngi niya. “'Eto nga pala ang gift namin sa iyo ni Ismael, nag-share na lang kami,” tukoy nito sa iniaabot na kahon na may makintab na pink na wrapper.

Iyon ang nagpabalik sa huwisyo niya. “Talaga lang, ha. Nag-abala pa talaga kayo.”

“Teka, bakit ikaw lang ang nag-kiss?” singit ni Ismael. “Ako rin.” Bago pa siya makapag-react ay dumikit na ang bibig nito sa pisngi niya. “There. Happy birthday uli.”

Pakenkoy na nagsipagkiligan ang ilang kaibigan niya na nakamata sa kanila. Siya naman na kaaahon lang sa pagka-shock ay mukhang mahihimatay na sa sobrang tuwa at kilig. Mabuti na lang at may presence of mind si Kim.

“Okay, guys,” untag nito sa dalawang lalaki. “Pumanhik na kayo habang hindi pa namin naililigpit ang mga pagkain. Bakit kasi ngayon lang kayo? Kanina pa kami nagkainan.” 

“Kasi po may dinaanan pa kami,” sagot naman ni Borgy.

“Sino?”

“Hindi sino, kundi ano.” May kinuha ito sa loob ng pickup truck at nang umunat ito ay nakita niya ang isang kahon ng imported wine.

“Aha! Kaya pala ang tagal n’yong dumating.”

Natuwa naman ang lahat nang makita ang dala ng dalawang lalaki. Ilang saglit pa at binubuksan na ng mga ito ang kahon sa pangunguna ni Eva.

Magkatulong sila ni Kim sa pag-aasikaso kina Ismael at Borgy. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa harap ni Ismael. Name-mental block na yata siya dahil sa magkakahalong kilig, pagkalunod sa tuwa at hindi pagkapaniwala na naroon talaga si Ismael. Mabuti na lang at makuwento si Borgy at mausisa si Kim. Siya naman ay pangiti-ngiti lang. Mabuti pa nga si Ismael at nakukuhang sumakay sa mga pagbibiro nina Borgy.

“'Buti naman at naisama mo rito itong si Ismael,” sabi ni Kim nang banggitin ni Borgy na sinadya nitong daanan ang una sa bahay.

“Paano, missed na missed na niyan si Élan,” kantiyaw ni Borgy kay Ismael.

“Pare, walang ganyanan,”sagot ni Ismael pero nakangiti.

“Okay lang 'yon,” salo naman ni Kim. “Missed na missed ka rin naman ni Élan.”

“'Oy, Élan, o, ibinibisto ka,” ani Borgy.

“Ganyan naman talaga 'yang girlfriend mo, eh. Akala mo lang matino pero madalas makulit din.”

Biglang inakbayan ni Borgy si Kim at ginawaran ng matunog na smack sa mga labi. “Pero sobrang love ko ang isang ito.”

“Pare, huwag ka namang mang-inggit diyan.”

“Aba, kung naiinggit ka, nandiyan lang sa tabi mo si Élan.”

Sa ordinaryong pagkakataon tiyak na lumubog na siya sa hiya. Ngunit hindi ganoon ang nararamdaman niya. Para pa ngang gusto niya ang itinatakbo ng usapan.

“Baka masapak ako, pare, naindiyan ko 'to no’ng debut ni Kim, eh.”

“Hindi naman, pare. Si Élan pa. Tiyak, kapag ikaw ang sinapak niyan siguradong may kasamang TLK, tender loving kiss.”

Muli, narinig ang tawanan.

“Hindi nga, Élan. Kung sakali, sasapakin mo ba ako?”

“I won’t tell,” pilyang ganti niya rito. “It’s for you to find out.”

“Oy! Oy! Palaban na siya!”

“Naku, Ismael, mapapasubo ka dito sa best friend ko.”

Aapat sila roon ngunit ang gulu-gulo nila. Ang akala niya noon ay talagang suplado si Ismael sa mga babaeng hindi pumapasa sa taste nito. Ilang ulit na kasi siyang napapahiya rito.  Pero natutuwa siya ngayon na sumasakay ito sa pambubuyo nina Borgy at Kim. Mali ba ang impresyon niya noon dito?    

Mayamaya ay pumasok sa komedor si Eva. “Iiwan ko lang 'tong isang bote ng wine dito. Nasa 'min na lahat. Siyempre, may share din 'yong nagdala,” tatawa-tawang sabi nito pagkalapag ng bote sa mesa. Namumula na ang mukha nito ngunit hindi pa mukhang lasing. Sa mga kaibigan niya, ito ang pinakatomador sa alak.

“At siyempre din, hindi naman kami papayag ni Ismael na kami lang ang iinom,” sabi naman ni Borgy nang wala na si Eva.

Kahit anong tanggi niya ay ayaw pumayag ng dalawa. Si Kim naman ay pangiti-ngiti lang. May sinisimsim na ito sa hawak na wineglass.

Nagpaunlak naman siya. Tumikim lang siya at nasarapan sa lasa kahit mainit iyon sa kanyang lalamunan. Tuluy-tuloy ang kuwentuhan nilang apat. 

Hustong naubos na nila ang laman ng bote ay bumalik uli si Eva sa komedor. Nagpapaalam na itong uuwi. Ito pa raw kasi ang maghahatid sa tatlo pa nilang mga kaibigan na may tama na ng nainom na alak.

Dahil hapon na ay nagsunuran din ang iba pa sa mga ito. palibhasa ay mga lasing na, pinakiusapan ni Kim si Borgy na ihatid muna ang mga ito. Babalik na lang ito roon pagkatapos.

Naiwan na lang silang tatlo. Nagpaalam kaagad si Kim na mahihiga muna. Tinablan na raw ito sa nainom.

Napagsolo sila ni Ismael.

“Can I ask you something?” anito na parang pinag-aaralan ang iniisip niya batay sa pagkakatingin sa mukha niya.

Pinagalaw niya ang mga balikat tanda ng tahimik na pagpayag.

“Bakit hindi ka na nanonood ng games namin?”

Muli, sa ordinaryong sitwasyon siguro tiyak na mahihiya si Élan na sagutin iyon. Baka nga iwan na lang niya ito nang hindi sumasagot. Ngunit natuwa pa siya na tinanong siya ni Ismael. “Bakit, nami-miss mo na ba ako?” nanunudyong tanong niya rito.

Nagbago ang hitsura ng ngiti nito. Tila pinapungay pa nito ang dati nang mapungay na mga mata. “Oo naman. Ikaw ang pinakamalakas mag-cheer kapag nakaka-shoot ako.”

“Akala ko kasi, bale-wala lang ako sa iyo.”

Naging flirtatious na ang ngiti ni Ismael. Hindi pa rin siya naalarma. Para siyang gamugamo na naakit pang lalo sa ningas na nagmumula sa mga mata nito. “Bakit mo naman nasabi?”

“Maraming babae ang aali-aligid lang sa iyo. Sino ba ako kompara sa mga iyon?”

“Well, magkaibigan na tayo, 'di ba?”

“Ako lang yata ang may kaibigan sa iyo. Hindi ikaw sa akin.”

Bahagyang natawa ito. “Para hindi ko lang nasipot ang party na pagpa-partner-an sana natin.”

“Hindi lang naman 'yon, eh.”

“Ano pa pala?”

Hindi siya makapaniwala na ganoong klaseng conversation ang namamagitan sa kanila ni Ismael. Napangiti rin siya. “Kalimutan na nga natin 'yon.”

“So, friends?” Inilahad pa nito ang kamay na kaagad naman niyang inabot.

“Friends.”

Natanto niya na doble pala ang lakas ng loob ng isang tao kapag nasa ilalim ng espiritu ng alak. Nagawa kasi niyang hindi bitiwan ang palad nito.

Gumalaw ang noo nito habang napapangiti. Nanatili siyang nakatitig lang dito.

Hindi naman siya nabigo. Kumilos si Ismael ayon sa inaasahan niya. Hinatak nito ang palad niya hanggang magkaharap na sila. Malapit na malapit ang distansiya ng kanilang mga katawan. Kinailangan tuloy niyang tumingala dahil parang lalo yatang tumangkad ito.

Naghiwalay ang magkahugpong na mga palad nila. Halos sabay pa sila sa sumunod na kilos. Ito, sa pagsapo sa kanyang baba habang ang isang kamay ay pumalibot na sa kanyang baywang. Siya, sa pagsasalikop ng kanyang mga kamay sa batok nito.

Nanginginig ang mga labi niya hindi sa takot kundi sa pananabik. Kulang na lang na siya ang maglapat ng mga labi sa bibig nito dahil parang wala itong balak tawirin ang natitirang distansiya sa kanila.

Siya na ang humapit sa batok nito hanggang sa magpantay ang kanilang mga mukha. Saka pa lang nagbunyi ang kalooban niya nang maramdaman ang pagkamkam ng mainit na mga labi nito sa kanyang bibig.

Pinalalim kaagad ni Ismael ang halik. Mukhang sanay na sanay ito sa ginagawa, parang nanrarahuyo. At naaakit siya. Ang bawat utos ng mga labi nito ay sunud-sunurang sinusunod niya. Lalo pang pinag-init ng mga halik nito ang alak na nasa sistema na niya.

Nang maglumikot ang mga kamay nito sa kanyang katawan, wala siya kahit katiting na tutol. Hanggang sa pangkuin na siya nito at dalhin sa isa sa mga silid doon. Nangyari ang hindi dapat sa pagitan nila ngunit masaya siya.

She felt she was on top of the world.

“BORGY, nakita mo ba si Ismael?” tanong ni Élan nang masalubong ang binata sa walkway ng campus.

Mag-iisang linggo na mula nang may mangyari sa kanila ni Ismael. Mula noon ay hindi pa niya nakakausap ito. Hindi niya alam kung talagang abala lang ito o sadyang iniiwasan siya.

“Oo, doon sa tapat ng office ng dean, may kausap.”

“Sino?”

“Estudyante rin.”

“Babae?”

Alanganing tumango ito.

Nalungkot siya sa nalaman kahit hindi pa naman nakukumpirma kung kaibigan lang o tagahanga ang kausap ni Ismael. “Puwede mo ba siyang puntahan? Pakisabi naman, gusto ko siyang makausap, please. Hihintayin ko siya sa lobby ng building namin.”

“Sige, babalikan ko siya.”

“Salamat.”

Subalit, may beinte minutos na siyang nakatayo at naghihintay sa lugar na nabanggit, ni anino ni Ismael ay walang lumalapit sa kanya. Nang mainip ay nagpasya si Elan na puntahan na lang ang lalaki sa building ng mga ito.

Tama nga si Borgy, naroon pa rin sa tapat ng dean’s office si Ismael. Kausap nito ang isang maganda, slim at matangkad na babae. At parang napakasaya ng mga ito.

Nakadama kaagad siya ng kirot sa dibdib. Kapag ba hindi na siya kaharap ay nanliligaw pa sa iba si Ismael?

Hinamig niya ang sarili at nag-ipon ng hinahon bago niya nilapitan ito. “Ismael,” tawag niya rito nang makalapit sa dalawa.

Nilingon siya ng binata. Bahagya lang ang ngiti nito nang batiin siya. “Hi, Élan, may kailangan ka?”

Iyon lang ba ang bati sa kanya ng isang supposedly ay karelasyon niya? “Hinintay kita sa building namin,” may panunumbat na sagot niya.

“Bakit?”

“Gusto kitang makausap. Hindi ba sinabi ni Borgy sa iyo?”

Parang tinitimpi lang ni Ismael na ilabas ang iritasyon nang sumagot ito. “Sinabi nga niya pero nakita mo naman, I’m still busy. Bakit ba?”

Hindi man lang siya ipinakilala ni Ismael sa babae. Nasasaktan man ay nagpakita pa rin siya ng lambing dito. “Kasi naman, hindi na kita makontak sa cellphone mo. Nagpalit ka ba ng SIM card?”

“Ahm, Élan, I said I’m still busy. Mag-usap na lang tayo bukas.”

Lalong bumigat ang dibdib niya sa sama ng loob. Napahiya siya sa babae na curious na nakatingin din sa kanya. “Anong oras?” tanong niya. “Saan? Almost a week na kitang hinahanap pero parang pinagtataguan mo na ako,” sumbat pa rin niya.

“Any time tomorrow, okay?” Halata ang pagkainip sa boses nito. Parang tahimik na ipinagtatabuyan siya.

“Hihintayin kita sa coffee shop.” Ang katapat na café ng kanilang unibersidad ang tinutukoy niya. “Alas-nuwebe ng umaga,” aniya bago ito iniwan.

Nangingilid ang mga luha niya nang masalubong niya si Kim malapit sa parking area. “Élan? Ano’ng nangyari? Bakit ganyan ang ayos mo?” magkasunod na usisa nito.

Sukat doon ay napayapos na siya sa kaibigan. Umiyak siya nang umiyak sa balikat nito. Mabuti na lang at mangilan-ngilan lang ang tao roon nang mga sandaling iyon.

Hinayaan muna nitong mahimasmasan siya saka siya inakay sa kinapaparadahan ng kotse niya. Magkatabi silang naupo sa unahan. “Okay, now, tell me. Ano’ng nangyari? Bakit ka umiiyak?

“B-bakit gano’n si Ismael? Iniiwasan na niya ako. 'T-tapos, may kausap siyang magandang babae. P-parang gusto niya akong i-ipagtabuyan nang lapitan ko sila.”

“Para ka namang bago nang bago sa mestisong bangus na iyon. Bakit ba kasi kailangan mo pa siyang kausapin? Huwag mo na siyang pansinin. Siguro, ang ipinakita niyang friendliness noong nasa resort tayo, pandoon lang iyon. Siyempre, teritoryo mo iyon. Alangan namang magsuplado siya roon.”

“Hindi mo naman ako naiintindihan, eh.”

“O sige nga, linawin mo.”

Huminga muna siya nang malalim bago niya nagawang magsalita. “M-may nangyari na sa amin ni Ismael, Kim.”

Halos lumuwa ang mga mata nito sa narinig. “Ano?!”

“Oo. Kaya nga masayang-masaya ako nang umuwi tayo. Hindi lang dahil sa sumama sa resort si Ismael. Noong kami na lang dalawa ang naiwan sa dining room, nagkuwentuhan pa kami... f-flirty conversation. One thing led to another and...” Huminga muna siya nang malalim dahil nagsisikip ang kanyang dibdib.

Parang mas nanlumo pa ito kaysa sa kanya. “Bakit ka pumayag?”

“E-eh, kasi... k-kasi, gusto ko naman talaga siya. I l-led him on, Kim. Gusto ko talagang may mangyari sa amin para magkaroon kami ng relasyon.”

Nasapo nito ng dalawang kamay ang noo. “Oh, no!”

“Ahm, Kim, atin-atin na lang ang sinabi ko sa iyo, ha? Ikaw pa lang ang nakakaalam ng tungkol sa nangyari sa amin ni Ismael.”

Parang hindi nito narinig ang sinabi niya. Masusi na pinagmasdan siya nito. “Élan, sana lang, huwag mong pagsisihan ang ginawa mo na 'to.”

Naglihis siya ng tingin dahil hindi niya tiyak na hindi mangyayari ang kapwa nila kinatatakutan.

Kinabukasan, wala pang alas-nuwebe ay naghihintay na siya sa loob ng coffee shop. Ngunit alas-diyes na ay hindi pa rin sumisipot si Ismael. Naghintay pa rin siya kahit inip na inip na siya. Mag-aalas-onse na nang magpasya siyang lisanin ang lugar na iyon.

Ang bigat-bigat ng dibdib niya sa sama ng loob kay Ismael. Sana man lang, kahit late ay sinipot siya nito.

Minabuti niyang hanapin ang lalaki sa loob ng campus. Subalit naikot na niya ang buong building ng Engineering ay hindi niya makita ito. Sa huli ay nag-text na lang siya kay Borgy. Tinanong niya rito kung pumasok si Ismael at kung alam nito kung nasaan ang lalaki nang mga sandaling iyon.

Sumagot sa text si Borgy. Pumasok daw ito kanina ngunit kaaalis lang.

Bumalik uli siya sa cofee shop sa pangambang nagkasalisi sila ni Ismael. Nagtanong pa siya sa waitress na naroon pero sabi nito walang taong pumapasok doon ayon sa deskripsiyong sinabi niya.

Lulugu-lugong umuwi na lang si Élan. Pagdating sa kanyang silid, sa unan niya ibinuhos ang hinanakit kay Ismael.   

Magmula noon ay hayagan na siyang iniiwasan ni Ismael. Ilang ulit niyang tinangka na magkausap sila ngunit pirming nagagawa nito na umiwas at magdahilan.

Hirap na hirap ang kalooban niyang tanggapin na sinamantala lang siya ni Ismael. Parang nawalan tuloy siya ng gana sa buhay. Pumapasok lang siya dahil kailangan. Ngunit hindi na niya mapagtuunan ng pansin ang pag-aaral. Nagsimulang bumaba ang performance niya sa klase.

Kahit ang mga encouragements at pagpipilit ni Kim na aliwin siya ay walang nagawa. Madalas siyang tulala. Gabi-gabi siyang umiiyak. Daig pa niya ang namatayan tuwing maiisip niya na inayawan siya ni Ismael. Na talagang sinamantala lang nito ang kahinaan niya.

Hindi niya maibunton dito ang sisi. Siya ang gumawa ng paraan para mangyari ang mga nangyari. Kaya siya ang unang dapat na sisihin. Parang hindi na babalik ang salitang tuwa sa kanyang sistema.

Hanggang isang araw, napansin ng mommy niya ang kanyang pamumutla. “Magtapat ka nga sa akin, Élan, umiinom ka ba ng slimming pills?”

“Hindi po, Mommy.”

“Eh, bakit namumutla ka? Kaunti lang naman ang nabawas sa timbang mo sa tingin ko pero maputla ka. May nararamdaman ka bang hindi maganda sa katawan mo?”

“Wala naman po. Matagal ko nang hinintuan ang pagre-reduce.”

“Mabuti pa siguro magpa-check up ka. Hindi ko gusto ang kulay mo. At parang lagi kang lulugu-lugo.”

“Tingin n’yo lang 'yon, Mommy. Okay lang ako. Wala naman akong nararamdamang kakaiba sa katawan ko. Hindi lang siguro ako nasisikatan ang araw lately.”

Sinabi lang niya iyon para huwag nitong ipilit ang gustong mangyari. Dahil natatakot siyang magkatotoo ang sinabi sa kanya ni Kim dalawang araw na ang nakararaan. Napansin din nito ang pamumutla at kawalan niya ng sigla. Baka raw nagbunga ang nangyari sa kanila ni Ismael. Itinabniya ang niya iyon sa isip. Ngunit ngayon ay alam niyang baka hindi niya magagawang itaboy iyon mula sa determinadong mommy niya.

“Dati ka nang bihirang masikatan ng araw. Pero iba ang pamumutla mo ngayon. Magbihis ka at sasamahan kita sa doktor.”

“Next week na lang, Mommy. May exam kami, magre-review pa ako,” aniya kahit hindi naman totoong may exam sila.

Pero ito pa rin ang nasunod. Nang umaga ring iyon ay sinamahan siya nito sa kanilang family doctor. Muntik nang himatayin ang mommy niya sa sinabi nito pagkatapos siyang suriin. Siya naman ay parang ginuhuan ng napakataas na pader.

“Wala naman pong sakit ang anak ninyo, Mrs. Buenviaje. Normal lang na namumutla ang isang babaeng nasa mga unang buwan pa lang ng paglilihi.”  

............

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro