9. Sweeter The Second Time

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


“Sabihin mo na tama ako. If you were really honest with me, you’ll tell me I’m correct with my presumption.” Tila nakikiusap ang mga mata ni Ismael habang sinasabi iyon kay Élan. Ngunit habang tinitingnan niya ito ay nahahaluan iyon ng tila pagmamalaki. Parang may halong hamon ang kompiyansang makikita sa mukha nito.

“Maraming mga gabi noon na napapanaginipan ko ang anak natin. Fetus pa lang siya sa panaginip ko pero nagsasalita na.” Nag-iinit ang sulok ng kanyang mga mata habang inaalala niya ang nakaraan. “Sabi niya sa akin, gusto pa niyang mabuhay. Gusto niyang maranasan na mahalin.

“Wala kang idea kung gaano kasakit iyon sa kalooban ko every time na magigising ako at malalaman na panaginip lang pala iyon. And so I said to myself na kung magmamahal uli ako at magpapakasal sa isang lalaki, titiyakin ko na ang lalaking iyon may totoong respeto at pagmamahal sa akin. Para naman ang magiging mga anak ko ay hindi mamamalimos ng pagmamahal. Para hindi isang pamilyang ang ama walang pakundangang manakit ng kalooban ng kanilang ina ang kakalakihan nila.

“Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan, Ismael. Pero iisa lang ang titiyakin ko sa iyo. Hinding-hindi ko na ilalagay sa alanganin ang buhay at kaligtasan ng magiging mga anak ko.”

Si Ismael naman ang hindi nakaimik. Ang pagsungaw ng mga luha sa mga mata ay napigilan niya. Ngunit ito naman ang hindi nakapagpigil. Namula muna ang mga mata nito, pagkatapos ay nagsimula nang pumatak ang mga luha roon. Saka pa lang siya nag-iwas ng tingin.

“Siguro, hindi sapat ang paghingi lang ng apology sa nagawa ko.” Dinig niya ang paghugot nito ng hininga. “Matagal din naman akong sinurot ng konsiyensiya ko. Kaya nga lumayo ako. Iba’t ibang paraan ang ginawa ko para makalimot. Pero siguro nga, once na naroon na ang pilat, kapag nasaling iyon, magdurugo uli.”

Muli na naman itong sumagap ng hangin na tila nagpipilit lang na pigilan ang sarili na muling mapaiyak. “I’m so sorry, Élan. I’m really, really sorry. Kung makakatulong iyon para mabawasan man lang ang mga sakit na naibigay ko sa iyo noon, hayaan mo, paulit-ulit na sasabihin ko.”

“Huwag na lang, Ismael. Tama na ang mga nasabi mo. Mas mabuting hindi na natin banggitin para makalimot na ako... tayo.”  

“Can I at least hug you?”

Nang hindi siya sumagot niyakap na lang siya nito. Mahigpit ang yakap nito, nang-aalo. At ang luha na napigil niya kanina sa pagpatak, tuluyan nang nalaglag mula sa mga mata.

“ANO NA naman 'to?” tanong ni Élan kay Ismael nang abutan siya nito ng dalawang concert tickets. Gabi na noon. Paalis na nga siya ng opisina nang dumating ito.

“Hindi ba, paborito mo dati ang bandang South border? 'Ayan, bumili ako ng tickets para makapanood tayo ng concert nila.”

Noong Sabado bigla na lang itong sumulpot sa bahay nila at kinaray siya sa Subic. Maghapon silang nanood ng dolphin at sea lion show at iba pang panoorin sa Ocean Adventure. Dinala siya nito sa Butterfly Garden at nanood sila ng mga unggoy sa gilid ng daan. Walang sawa ito sa pagkuha sa kanya ng larawan mula sa dala nitong digital camera.

At Lunes pa lang nang araw na iyon.

“Ismael, Westlife ang paborito kong banda noon, hindi South border.”

“Sorry, nanghula lang naman ako. Wala kasi akong alam tungkol sa iyo noon.”

Hindi siya tiyak kung sinsero ang lungkot na dumaan sa mukha nito.

“Pero magaling din naman ang South border kahit napalitan na ang lead vocalist nila,” bawi nito kapagkuwan. “Noon kasi, natatandaan kong si Luke Mejares pa ang kasama nila.”

“Bakit hindi na lang ang mga kapatid mo ang isama mo?” Iyon din ang sinabi niya rito nang yakagin siya nito sa Subic noong Sabado. Ayon dito ay may kanya-kanyang lakad daw ang mga iyon.

“May mga pasok sila. Malapit na ang finals. Bawal maglakwatsa.”

“Eh, di ang ibang mga kaibigan mo na lang ang isama mo.”

“May mga pamilya na ang mga iyon. 'Yon namang mga wala pa, busy rin sa mga personal activities nila.”

“Ako rin naman, busy, ah. Pumapasok din ako.”

“Pero anak ka naman ng big boss. Biyenan mo ang isa pang boss. At asawa ka ng magiging immediate boss mo.” Kinindatan pa siya nito pagkasabi niyon.

“What did you say?”

“Anak ka ng big boss.”

“Hindi 'yon. 'Yong huli.”

“Asawa ka ng magiging immediate boss mo.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” nakakunot ang noo na tanong niya.

Pabirong pinamaywangan siya nito at kinunutan ng noo. “Nakalimutan mo nang asawa mo ako? Shame on you.”

Lalong lumalim ang pagkakakunot niya. “Hindi ako nakikipagbiruan sa iyo.”

Saka pa lamang ito sumeryoso. “Hindi ba’t alam mo naman na magbabakasyon si Daddy Mac? Well, kinausap na niya ako. Mula sa Wednesday, ite-train na niya ako dito sa opisina bilang pansamantalang kapalit niya.”

“Ano? Hindi ba’t nagbabakasyon ka lang dito sa Pilipinas? Babalik ka rin sa States, 'di ba?”

“'Yon nga ang balak ko nang bumalik ako. Pero ngayon, nagbago na ang isip ko. I’ll try and see if I can find my pasture here.”    

Nagbaling siya ng tingin, sabay hawak sa kanyang noo. Ang akala niya ay ang ama nito ang uukopa pansamantala ng iiwang puwesto ng daddy niya sa pagbabakasyon ng kanyang mga magulang. At lalong hindi niya nainip na hindi na ito babalik sa Amerika.

“Élan, hindi naman siguro sa walang tiwala sa 'yo si Daddy Mac. Ayaw lang siguro niyang mahirapan ka kaya hindi sa iyo ibinigay ang responsibilidad na iiwan niya. Huwag sanang sasama ang loob mo sa naging desisyon niya.”

“I know.” Hindi iyon ang iniisip niya sa nalaman. Ngunit mabuti na nga sigurong iyon ang isipin ni Ismael. Kaysa naman magkaideya ito sa totoong apprehension niya sa pagsasama nila sa iisang opisina.

“ARAY! Aray ko!” Mabilis na nailayo ni Ismael ang kamay ni Élan sa malaking bukol nito sa cheekbone. Kanina ay namumula iyon. Ngunit ngayon ay nagsisimula nang magkapasa.

Nasapak ito ng isang nakainom na lalaking nanonood din ng concert. Napagselosan nito si Ismael. Napansin marahil ng lalaki ang pagsulyap-sulyap kay Ismael ng babaeng kasama nito.

“Ikaw na ang humawak nitong ice bag kung nasasaktan kang ako ang nagdadampi nito sa bukol mo.”

Hindi nito kinuha ang iniaabot niya. “Ikaw naman, wala ka man lang TLC kung manggamot.”

“Kaya nga ikaw na ang humawak nito.”

“Ikaw na. Bakit ba kasi ang layo mo? Kaya hindi mo makontrol ang pagdampi, eh. Parang diring-diri ka sa akin.”

“Ang dami naman kasing demand. Ginagamot na nga...” Medyo totoo ang sinabi nito na malayo ang katawan niya rito kaya hirap siyang kontrolin ang pagdampi ng bulsa de yelo sa bukol nito.

Nag-aalangan kasi siya. Kapag kasi lumalapit siya halos iduldol na nito ang katawan sa kanya.

“'Yan kasi ang napapala ng mga lalaking lumilipad ang mga mata pati sa girlfriend ng iba, nasasapak.”

“Tingnan mo ikaw, nagbintang na naman,” hindi patatalong sabi nito. “'Yan ang hirap, eh, akala mo kasi babae lang ang ginagawang sex object ng iba. Hindi ko nga maalala man lang ang hitsura ng babaeng kasama ng tarantadong iyon. At siya ang tingin nang tingin sa akin, hindi ako sa kanya.”

“Hmp! Malay ko ba, eh, sa concert ako nakatingin at hindi sa inyo.”

Hindi na ito sumagot. Sa halip, hinila nito ang kamay niya hanggang mapaupo siya sa kandungan nito. “Ay!” Nabitiwan tuloy niya ang bulsa de yelo. Mabilis namang nadampot nito iyon at inilapag sa mesita habang ang isang kamay nito ay pumigil agad sa kanyang baywang.

Nagsikap siyang kumawala ngunit lalo lang siyang hinapit palapit sa katawan nito. “Ismael, ano ba?!”

“You always wanted to see the worst in me, right?” mahina ngunit nanggigigil na sabi nito. “Sinusubukan kong lumapit sa iyo. Sinisikap kong mapalapit ka sa akin, pero ikaw itong pilit na lumalayo.”

“Ismael, bit—”

“Naging bulag ka sa mga pagkakamali ko noong una. Pero bakit nang mamulat ang mga mata mo, hindi ka na nakakita ng kabutihan sa pagkatao ko?”

“Ano ba’ng pinagsasasabi mo?”

“Hindi ba, totoo naman ang sinasabi ko? Bumalik ako dahil sa palagay ko ay mahaba na ang limang taon para gumaling na ang mga sugat na nagawa ko noon sa damdamin mo. Sabi ko sa sarili ko, ngayong napatawad mo na ako, gusto ko sanang bigyan ng panibagong chance ang relasyon natin...”

God, totoo po ba ang mga naririnig ko?

“Pero ikaw naman ngayon ang lumalayo. Tuwing magyayaya ako sa 'yo, lagi ka na lang tumatanggi.”

“Nakakatanggi ba talaga ako?” sikmat niya rito.

“Pero nakakahiya na rin sa sarili ko na pirmi na lang akong nangungulit sa iyo. Mas masarap naman siguro sa pakiramdam 'yong kapag niyaya kita, kusa kang sasama at hindi iyong laging napipilitan ka lang. Para tuloy lagi mong ipinapamukha sa akin na hindi na puwedeng magkabalikan pa tayo.”

“Ano bang pagbabalikan ang sinasabi mo? Ismael, matagal nang nai-file ang annulment natin. May boyfriend na ako ngayon.”

“To hell with annulment! To hell with your boyfriend!”

Nagpilit na naman siyang kumawala ngunit lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Sa isang iglap ay nagawa siya nitong siilin ng halik.

Malalim ang halik nito, nang-aangkin. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Mabuti na lang at nakaupo siya. Ngunit pagkaalala na sa kandungan siya nito nakaupo ay nagpilit na naman siyang makakalas.

Pinakawalan nito ang mga labi niya. Pero isinubsob nito ang mukha sa kanyang leeg. “Ikaw ang asawa ko. Ako ang may karapatan sa iyo, pero bakit kailangan ko pang ipagpilitan pati ang simpleng paghalik sa iyo?” tila desperado nang pahayag nito.

“Huwag mo naman akong itaboy, Élan. Huwag mo naman akong pagdamutan kahit ngayon lang... Kahit ngayon lang.”

Nang tumunghay si Ismael sa kanya, nangingislap ang mga mata nito sa pinipigilang luha. Dumako ang isang kamay nito sa ilalim ng kanyang baba at bahagyang itinaas iyon hanggang sa magpantay ang kanilang mga mukha.

Marahang-marahan, parang hinihintay nito na iiwas na naman niya ang sarili, na tinawid nito ang natitirang distansiya sa kanila.

Naglapat uli ang kanilang mga labi. Masuyo at marahan siyang hinalikan nito. At sa pagkakataong iyon ay inignora niya ang mga depensang parang kurtina na naghihintay lang na maiharang. Kinalimutan niya ang palagay ni Benedict tungkol sa muling paglapit sa kanya ni Ismael.

Malayang tinugon niya ang panunuklas ng mga labi ni Ismael. Puno ng ingat na tinuklas nito ang bawat bahagi ng kanyang bibig. Masuyong kumamkam ito at mapanuksong nagpaubaya. Siya man ay buong puso nang nagpapaubaya sa mga halik at haplos nito.

Lulong na siya sa mga sensasyon nang maramdaman niyang umangat ang kanyang katawan. Pinangko na pala siya ni Ismael.

“Sina Mommy, b-baka magising sila.”

“They will ignore us,” mabilis at tiyak na tugon nito. “Alam nilang walang masama sa gagawin natin.”

Muli, naranasan niya kung paano angkinin ni Ismael.

NAGISING si Élan sa mararahang halik sa kanyang mga paa. Nakikiliti siya pero masarap sa pakiramdam ang mainit na hiningang tumatama sa kanyang balat.
“Darling...”

“Hmm?”  lango na sagot niya. Bago sa pandinig niya ang tawag na iyon ngunit gusto ng kanyang mga tainga. Pakiramdam niya ay angkop na angkop na itawag sa kanya.

Kani-kanina lamang pinaliguan din ng halik ni Ismael ang buong katawan niya bago siya tuluyang inangkin nito.

“Do you know... that you have the most luscious feet...?”

Napangiti siya. Nawala na ang lahat ng bahid ng antok sa kanyang katawan. Napupuno na naman ang kanyang pandama ng mga sensasyong kapwa umalipin sa kanilang dalawa kanina. “Luscious feet? I thought luscious is only apt for the lips... and fruits.” Parang gusto niyang matawa. May prelude ba sa dalawang nagniniig na ganoon ang conversation?

Hindi na ito sumagot. Umaakyat na ang mga labi nito sa kanyang hita. Hindi nagtagal at bilanggo na naman nila ang isa’t isa.

“Darling...?” mahinang tawag sa kanya ni Ismael nang unti-unti nang napapawi ang eratikong tibok ng kanilang puso.
“Yeah?”  

“I’m starved.”

“Me, too.” Ala-una na ng madaling-araw at pinipilit lang niyang imulat ang mga mata sa magkahalong pagod at antok.

Pumihit ito at pagkatapos ay inangkin na naman ang kanyang bibig. Nang magsimulang maglakbay ang mga kamay nito sa katawan niya ay natatawang pinigilan niya ang mga iyon. “Hey, akala ko ba gutom ka na rin?”

“I can’t get enough of you...”

Nagsikap na siyang makabangon. “Well, you’ll have more of me, later. Pero ngayon, bumaba na tayo. Talagang gutom na ako.”

Ilang sandali pa at para silang mga magnanakaw na tumatawid ng kabahayan. Hindi na sila nakaabot pa sa komedor. Sa kusina na lang sila kumain.

Nag-aanasan sila habang kumakain. Nagsusubuan. Daig pa nila ang mga bagong honeymooners. At masayang-masaya siya.

TULALA si Élan pagkatapos matanggap ang tawag ng kanyang abogado. Bumaba na raw ang desisyon ng korte tungkol sa pagpapawalang-bisa ng kasal nila ni Ismael. Binati siya nito dahil annuled na ang kasal niya. Congratulations daw. Tapos na raw ang problema niya. Tapos na raw ang paghihintay niya.

Ngunit mali. Hindi na iyon ang hinihintay niya ngayon. Kabaliktaran na noon ang gusto niyang mangyari.

Hanggang sa makauwi siya sa bahay ay iyon ang laman ng isip niya. Hindi tuloy siya makaalis sa hardin dahil baka mahalata ng mommy niya na may pinoproblema siya. Tiyak na uusisain siya nito. At ayaw niya munang pag-usapan ang tungkol sa annulment.

Bukod doon ay maghapon na hindi nagpakita o tumawag man lang si Ismael. Hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang tungkol sa annulment ng kasal nila ngayong nagkakaunawaan na sila nito.

“Élan, telephone,” tawag sa kanya ng kanilang kawaksi. Iniabot sa kanya nito ang cordless phone.

“Sino raw?” tanong niya habang kinukuha ang awditibo.

“Beverly raw.”

“Beverly? Wala akong kilalang gano’ng pangalan.”

“Pero kilala ka niya. Tinanong ako kung narito si Élan Buenviaje.”

“Sige na, salamat.” Nang tumalikod na ang kawaksi ay saka niya dinala sa tainga ang telepono. “Hello?”

“Hello, Élan,” ang sabi sa kabilang linya na tila sigurado itong siya na ang kausap nito. “I’m Beverly Morgan.”

“I’m sorry, but I don’t know anyone by that name.”

“Alam ko. At hindi pa tayo nagkikita nang personal. Nakita lang kita sa picture na nakay Ismael.”

Pagkabanggit nito sa pangalan ni Ismael ay kinabahan kaagad siya.

“You see, I’m his fiancée.”

Daig pa niya ang nakarinig ng pagsabog ng bomba sa sinabi ng kausap.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro