1. Mr. Sad Eyes

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng



PAGTUNGTONG pa lang ni Elle sa La Tavola ay alam na niyang may kakaiba. Doon ang venue ng kanilang date na sinabi ni Radley. Limang araw na nawala ang nobyo. Ipinadala ito ng kompanyang pinapasukan para sa isang business conference sa Davao. Kagabi lang ito dumating. Kaninang umaga sila nagkita pero saglit lang, sapat lang para sa isang mahigpit na yakap at malalim na halik.

Napaka-romantic ng ambience sa loob ng fine dining restaurant. Napansin niya agad na pumapailanlang ang isang classical piece mula sa grand piano sa kaliwa. At bago siya tumapat sa kinaroroonan ng piano ay biglang nag-angat ng tingin ang lalaking tumutugtog doon.

Tumatak kaagad sa isip niya ang hitsura nito—fierce looking Hispanic mestizo. Na may malalaking mga matang makakapal ang kilay at pilik.

Guwapo ang lalaki kahit hindi nakangiti. Pero mas tumatak sa utak ni Elle ang malungkot na piyesang tinutugtog nito. It was haunting. Damang-dama niya ang emosyon ng musika. Hindi niya alam kung ano ang title ng piyesa. Natatandaan niya ang ilang linya sa lyrics niyon. Madalas niyang marinig ang kanta noong bata pa siya dahil paboritong patugtugin iyon ng kanyang namayapang lolo. 

Naawa siya sa lalaki. Lumukob sa kanya ang pakiramdam na gusto niya itong aluin. Kausapin. Alamin kung ano ang kuwentong nasa likod ng malulungkot na mga mata nito.

Who can I turn to...? When nobody needs me. I’ll go on my sorrow…

Lumampas na siya sa piano kahit mas gusto sana niya na makinig pa sa tabi niyon at tapusin ang magandang piyesa. Sinalubong siya ng head waiter at dinala sa mesang kinaroroonan ni Radley. Hindi pa man siya gaanong nakakalapit ay tumayo na ito at sinalubong siya ng beso at alalay sa kanyang likod. “Happy fourth monthsary, babe. Congrats din at happy graduation.”

“Happy fourth monthsary,” sagot niyang ngiting-ngiti bago maupo. Masaya siya kapag ipinararamdam ni Radley kung gaano siya kaespesyal dito. “This is nice. Ang bongga, ah.”

Lumapad ang pagkakangiti ni Radley. “Kulang pa nga ito, babe. Gusto ko mas bongga pa dito. Lalo ngayon na graduate ka na. Hindi ka na siguro sobrang paghihigpitan ng parents mo.”

Apat na araw na ang dumaan mula nang maganap ang kanilang graduation rites. Naiintindihan niya ang nobyo kung hindi man ito nakarating sa araw ng kanyang graduation. Marami pa namang oras para i-celebrate iyon. Tulad ngayon. “Hindi naman sila sobrang higpit sa ‘tin, ah.”

“So ikaw lang pala ang nagdadamot,” sabi nitong nakangisi at hinawakan pa ang baba niya. “Ngayon pa lang pinaghahandaan ko na ang sixth monthsary natin. Pati na ‘yong magiging first anniversary natin.” Ginagap nito ang mga kamay niya. “You deserve the best, babe.”

“Thank you.” Naalala niya kay Radley ang papa niya na sobrang maalalahanin din sa kanyang ina. Idol niya ang ama sa pagbibigay nito ng mga biglaang sorpresa para sa mama niya. Responsable rin ang nobyo niya. Ngayon pa lang ay nag-iipon na ito para sa kanilang future. May seventy-thousand pesos na itong share sa kanilang joint account na binuksan nila wala pang dalawang buwan ang nakakaraan. Masaya siya na ganoon karesponsable si Radley. Sa kabila ng misgivings dito ni Xy, perfect para sa kanya ang nobyo. Naalala pa niya ang pagtaas ng kilay ng bestfriend niya nang malaman nitong bumili ng kotse si Radley.

“Brand new ba naman ang car niya?” skeptical na tanong ni Xy.

“Oo, ‘no. Kasama pa nga ako no’ng pumili ng kulay sa car center. Silver gray ang gusto niya pero pumayag siya sa suggestion ko na red na lang ang kunin.”

“Car loan, no doubt.”

“Xy, huwag mo namang maliitin si Radley. Oo, car loan nga pero fifty percent ng total amount ang downpayment niya.”

“May ganon siyang ipon, ha,” anitong medyo nakataas na pati ang isang kilay. “Sige na nga. Dahil napapasaya ka niya at feeling ko hulog ka na, I’ll give him the benefit of the doubt.”

Lumapit muli ang head waiter para lang ibigay kay Elle ang isang malaking bouquet ng yellow roses na may kasama pang red teddy bear at isang box ng Belgian dark chocolates.

“Wow! What can I say? This is too much, babe. Thank you.”

“Basta para sa iyo, babe.” Dumukwang si Radley at hinawakan uli siya sa baba. Sinakop nito ang kanyang mga labi sa isang matagal na halik. Kung hindi pa siya kumalas ay hindi pa nito titigilan ang paghalik sa kanya.

“PDA ka na, ha,” tudyo niya. Gusto niya ang halik pero nahihiya pa rin siya na gawin iyon sa isang public place na tulad ng isang restaurant.

“Nasabik lang ako sa ‘yo, babe. Sobrang tagal ng five days na hindi tayo nagkita. I missed you so much.”

Na-miss din niya ito. Limang araw na walang nagbibigay sa kanya ng goodnight kiss. “Medyo nag-tan ka do’n,” puna niya.

“Nasa ibaba lang kasi ng hotel ang beach kaya kapag may break naliligo ako sa dagat. Sa sixth monthsary natin, doon tayo mag-celebrate, babe.” Hinawakan na naman nito ang kamay niya at pinaglaro ang hinlalaki sa likod ng kanyang palad. “Kahit isang weekend lang. Two nights lang tayo.”

Gusto rin iyon ni Elle. Pero naisip niya agad na dalawang gabi sila roon. Kahit nga overnight lang. Imposibleng walang mangyari. Nararamdaman niyang hindi lang ang emosyon ni Radley ang nasasabik sa kanya. Hindi siya mandhid para hindi maramdaman na kinasasabikan din nitong pagsaluhan nila ang higit pa sa yakap at halik. Hindi siya ipokrita para hindi rin maramdaman na gusto niya. Mahirap pigilan ang damdamin. Lalo na kung sa isang kasing lambing ni Radley na nagkataong mahal niya. Haplos lang nito sa palad niya ang naghahatid na ng libong kilabot sa kanyang katawan. Nagpapalimot sa kanya sa mga tagubilin ng kanyang ina noong bago pa lang silang magnobyo ni Radley…

“I-enjoy n’yo muna ang courtship period ng relasyon ninyo. Para may sweet memories kayong babalikan sa inyong pagtanda. Dahil ang next level niyan ang pinakamahaba. At ikaw, Elle, anak, nag-aaral ka pa. Ilang buwan na lang ga-graduate ka na. Sana naman tapusin mo muna ang pag-aaral mo.”

“Promise ko po sa inyo ‘yan, ‘Ma.”

“And no sex yet, Rosabella,” diretsahang sabi ng mama niya.

“I promise.”

Alam niyang nagpipigil lang si Radley para hindi sila humantong kaagad sa mas komplikadong bagay na tulad ng sex. Tinitimbang din marahil nito ang magiging response niya. Pero may mga kilos ito na parang inihahanda na siya sa ganoong scenario. Nasa mga haplos nito, maririing yakap, makahulugang tingin na puno ng sexual innuendos. Habang tumatagal ang relasyon nila lalong nahihirapan siya na maging tapat sa ipinangako sa ina. 

“I love you, babe…” bulong ni Radley sa itaas ng kanyang tainga. Tapos na silang kumain noon. Nasa parking area na sila ng restaurant at naghahanda nang umalis. Pero sa halip na umalis ay pinigilan siyang sumakay ng nobyo sa kotse. Niyakap siya nito mula sa likuran.  Nakapulupot ang mga braso nito sa kanyang katawan, marahang nag-aakyat-baba ang palad nito sa paghaplos ng braso niya. “I missed you so much. And I can’t get enough of you…”

She sensed danger. Pero nahahati ang loob niya na umatras o bumigay sa seduction na ginagawa nito. “’Yan tayo eh. Napapa-Ingles kapag nagpapaka-romantic.”

Tumawa ito at lalo siyang hinapit. “May alam akong magandang place na malapit lang dito. Puwede tayong mag-relax doon sandali,” sabi nito na sinundan pa ng magaang na halik sa gilid ng tainga niya.

Napakaliglig si Elle at nakiliti. Napakadaling bumigay lalo pa nang dumako ang halik nito sa gilid ng kanyang leeg.

Bumuka na ang bibig niya para sumang-ayon. Pero napigil siya ng malakas na busina ng sasakyan. Napakislot siya. Isang black BMW convertible ang mabagal na dumaan sa harapan ng kotse ni Radley. Lumingon ang driver at nagtama ang mga mata nila—ang fierce-looking na piyanista na mukhang mestisong Español. 

NASA fourth year high school na si Elle nang magbago ang takbo ng buhay nila. Mayaman sila noong ang Daddy Ricky pa niya ang general manager at CEO ng Triune Builders, ang kompanyang minana pa ng daddy niya sa mga magulang nito.

Sa Padre Garcia, Batangas nagmula ang angkan nila. Pero nakapagpundar ng kabuhayan ang lolo’t lola niya sa Solano, Nueva Viscaya. Taal na tagaroon ang side ng lola niya. Ang angkan naman ng mommy niyang si Celeste ay taal talagang taga Solano.

  Natatandaan niya noon nang minsang magtungo ang daddy niya sa mga Tito Sonny niya, na pinsang buo ng kanyang ama, sa Padre Garcia. Kasama nito sina Atty. Esguerra at si Kuya Lemuel. Accountant sa Triune Builders si Kuya Lemuel, company lawyer naman si Atty. Esquerra. Kinabukasan na ng tanghali nakauwi ang ama ni Elle mula sa Padre Garcia. Malungkot ito at nag-iisip. Napatawag tuloy ang mommy niya sa asawa ni Tito Sonny na si Tita Imelda para mag-usisa. Ayon sa tiyahin niya ay wala daw itong alam dahil closed door daw ang meeting ng daddy niya kasama sina Tito Sonny, ang anak nitong si Kuya Izack, si Atty. Esguerra at si Kuya Lemuel.

Isang buwan mula noon, nagulat na lang sila sa announcement ng dad niya. Nalulugi raw ang Triune Builders at kailangan nang ibenta ang kompanya.

Maraming pinagtatakhan si Elle. Gaya ng kung paanong nalugi ang isang established nang kompanya na sa palagay naman niya ay maunlad. Marami naman sigurong paraan para maisalba ang kompanyang pamana pa ng lolo’t lola niya. Pero lubhang napakabata pa niya noon para igiit iyon sa ama. At naka-set na sa isip ng daddy niya na mawawala na ang control ng kompanya sa kanila.

Hindi makapaniwala si Elle na forty million lang ang halagang napunta sa daddy niya para tuluyang mawala dito ang Triune Builders. Kumbaga sa sale items sa mga tindahan ay ‘pamigay’ na lang. Considering na sa mga trucks pa lang at iba pang equipments at sasakyan ng kompanya ay kulang na kulang ang halagang iyon.

Dama niya kung gaano kahirap iyon para sa kanyang ama. Nasa Triune Builders ang buhay nito hindi pa man siya nagiging tao.

Sa tingin niya ay nahirapan itong mag-move on sa pagkawala ng kompanya. Kaya nga isinubsob nito ang ulo sa bagong negosyo. Ang pagtatayo ng pinakamalaking tire Center at auto detailing shop sa Solano. At sa pagkakataong iyon, kasa-kasama na ng daddy niya ang kanyang ina sa negosyo.

Mismong sa loob ng kanilang bahay ay maraming pagbabago. Nagbawas sila ng dalawang kasambahay. Wala na rin ang kanilang hardinero/errand boy. Ang kuwarenta anyos na lang na si Ate Fe ang natirang kasama nila. Lingguhan na lang sila kung magpalaba at magpa-plantsa sa labandera-plantsadora na nagpupunta sa kanila. Ang driver na si Kuya Dodoy ay hardinero na rin at errand boy. Dinagdagan lang ng mommy niya ang suweldo ng mga ito.

Pati siya ay may tungkulin na rin. Siya ang nakatoka na magpakain at magpainom ng kanilang mga alagang aso. Siya na rin ang naglilinis ng sariling kuwarto. Pati pagtitiklop ng mga damit na nilalabhan ng kanilang labandera ay sa kanya na rin ipinasa ng mommy niya.

Kapag weekends, siya na rin ang isinasama ng mommy niya sa supermarket para bumili ng kanilang grocery, na dating ginagawa noon ni Ate Fe.

Nahirapan si Elle noong umpisa. Nasanay kasi siya sa hayahay na buhay. Na kahit na tubig na iinumin ay hinihingi pa sa kasambahay. Kalaunan ay nasanay din siya. Hindi na sila kasing yaman ng dati. Kaya natuto siyang mag-adjust sa buhay.

..........................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro