2. Envious

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

SINIKAP NI Meril na maging mahinahon. Kahit damang-dama niya ang sagitsit ng malakuryenteng puwersa na biglang umalipin sa kanya dahil sa yakap ni Jaron. Nakakapasong puwersa. Nagbibigay ng masarap na kilabot. Kahit kailan yata ay hindi magbabago ang epekto sa katawan niya ng paglalapit nila. Ganoon na lang ang pagpipigil niya na itulak si Jaron.

Kumalas ito sa yakap pagkaraan ng mahabang sandali. Pero hinawakan nito ang mga kamay niya at tiningnan siya ng tingin na parang gusto siyang halikan.

Kung magiging tapat lang si Meril sa sarili, gusto rin niyang halikan si Jaron. Nanuyong bigla ang lalamunan niya. Alam niya na hindi tubig kundi halik lang nito ang makakatighaw sa pagkauhaw niya.

Sa isang kisapmata, bumalik sa isip niya ang mga namagitan sa kanila ni Jaron. She groaned inwardly. Hindi dapat dumako doon ang imagination niya kung gusto niya ng payapang isip. Hindi dapat ganito ang epekto sa kanya ng lalaki. Siya ang matapang na nagsabi rito na manatili lang sila sa acquaintance level of relationship. Siya ang nagbigay ng boundaries.

Kung mauulit lagi ang ganitong sorpresang pagkikita nila ni Jaron, at kung hindi hihiwalay sa isip niya ang alaala ng mainit na eksenang namagitan sa kanila noon, hindi niya maipapangako na makakaya niyang rendahan ang sarili sa lahat ng pagkakataon.

“Hey, you two. Nandito din ako, o. Kasama n’yo,” basag ni Elle sa moment nila ni Jaron.

Parang biglang napaso na kumalas siya agad sa binata.

“May nangyayari ba sa inyong dalawa na hindi ko alam?”

“Wala,” mabilis na tanggi ni Meril. Pasulimpat na tiningnan niya si Jaron na smug lang na nakangiti. “Ahm, a-aalis na ako.”

“No. Don’t go yet.” Hinawakan na naman ni Jaron ang braso niya. Magaan lang ang hawak nito pero mukhang hindi siya makakawala. “Kakadating ko pa lang, aalis ka na?”

“D-dadaan pa kasi ako sa office.”

“Samahan mo muna akong mag-snack.”

Nakabuka na ang bibig niya para tumanggi pero nang mapatingin siya sa mga mata ni Jaron ay hindi niya magawang sabihin.

“Please?”

“Oo nga naman, Meril. Samahan mo muna si Kuya Jaron. Mag-usap muna kayo. Na-miss ka kaya niya.”

Mapanudyo ang mukha ni Elle at kung hindi lang nakaharap sa kanila ni Jaron ay pinandilatan na niya ang kaibigan. “I can’t stay long kasi.”

“Siguro naman puwede kang mag-stay kahit fifteen minutes lang,” si Jaron.

“Oo nga,” sulsol ni Elle. Hula ni Meril ay may gusto talagang tuklasin ang kaibigan sa kanila ni Jaron. Halatang sobra ang interes na ipinapakita nito sa kanilang dalawa ng binata. “Ang last yata na pagkikita n’yo noong kasal pa namin ni James. Ang tagal na no’n.”

“And we have a lot of catching up to do.” Malapad ang pagkakangiti ni Jaron. Nakakaamoy na ng tagumpay.

Naitirik na lang niya ang mga mata. “Five minutes.”

“One hour,” tawad ni Jaron.

“Ten minutes.”

“Okay, thirty minutes na lang. Huling tawad.”

“Grabe ‘tong dalawang ‘to,” tatawa-tawang sabi ni Elle na noon ay nakatingin lang pero hindi na sumunod sa kanila. “I wonder kung ano ang ending ng tawaran ninyo.”

Kung sa ordinaryong pagkakataon ay tatawa lang siya tulad ng kaibigan. Pero takot ang hatid sa kanya ng hindi sinasadyang pagkikita nila ni Jaron. Takot na ibisto niya ang sarili. Takot na mahulog nang tuluyan sa lalaking ito. “Fifteen minutes. No more.”

“Okay, fifteen minutes na puwedeng maging fifty minutes.”

Hindi na lang siya kumibo. Ipinaaalala niya sa sarili na ano mang oras ay puwede siyang umalis kung hindi magiging maganda ang takbo ng pag-uusap nila ni Jaron.

Sa garden gazebo nagpahatid ng merienda ang binata. Hindi na sumunod sa kanila si Elle kahit alam niya na sobrang curious ng kaibigan kung ano ang magiging laman ng pag-uusap nila ng bayaw nito.

“So Meril, how have you been?” tanong agad ni Jaron pagkahatid ng maid ng carbonara at lemon juice.

“Okay.” Kahit na-miss niya ito ay wala siyang sasabihin. Ang totoo, missed pa rin niya hanggang ngayon na laging makita ito, makausap o mahawakan. Pero wala siyang balak na ipaalam ang tunay na kondisyon ng kanyang emosyon kung tungkol din lang dito.

Kaya nga lang, may mga pagkakataon na tinatanong na ni Meril ang sarili kung tama ba ang naging disisyon niya na huwag pansinin ang strong attraction na nararamdaman para kay Jaron. Dahil lang sa takot niya na mag-give in. Takot siya na mauwi iyon sa mas malalim na involvement na hindi niya magagawang takasan. Isa pa, takot din siya na maulit dito ang naging kapalaran sa kanya ng dalawang nauna niyang boyfriends. Natatakot siya na pagsawaan din ang damdamin dito. But somehow, may nagbubulong na mali ang ginawa niya.

Tama ba na mauna muna ang pagkatuto kaysa pagkakamali? Tama bang maramdaman na agad ang hapdi kahit hindi pa nasusugatan? Na maupo na lang dahil sa takot na maranasan ang pagbagsak?

“’Buti ka pa, okay. Ako hindi.”

Pinagalaw lang ni Meril ang mga balikat. Kung itutuon lang niya ang tingin sa carbonara hindi niya makikita kung gaano kagaganda at kung gaano kalalim tumingin ang mga mata ni Jaron. Kung gaano katangos ang ilong nito at kung gaano ka-shapely ang mga labi. Kung hindi siya titingin sa mga mata nito, hindi niya mai-imagine kung gaano katindi ang desire na nakita niya sa mga matang iyon nang gawin nila ang kabaliwan na parehong sumanib sa kanila isang pagkakataon, maraming mga buwan na ang nakakaraan. Kung wala siyang gaanong sasabihin, mas magiging mabilis matapos ang pag-uusap nila.

Pero hindi na niya kailangang tingnan si Jaron para muling manumbalik ang mga pakiramdam. Sapat na ang presence nito para maalala niya kung gaano katamis ang mga halik na pinagsaluhan nila noon. Sapat nang naroon ito para maramdaman na naman niya ang init ng balat nito kahit magkalayo ang kanilang mga inuupuan, ang pamilyar na samyo ng men’s cologne, maging ang pakiramdam ng dantay ng palad nito sa kanyang pisngi, braso at katawan.

“Hindi mo ba ako tatanungin kung bakit hindi ako okay?”

Napilitan si Meril na mag-angat ng tingin kay Jaron. Kasing bilis ng kidlat na naramdaman niya agad ang masarap na kilabot nang makitang nakatitig ito sa kanya. Titig na may pagsusumamo sa mga mata. “S-so bakit hindi ka okay?”

“Ayokong mawala ka, Meril… Ayoko sa idea na maging acquaintance lang tayo. I want to pursue you… us… kung may pupuntahan ang attraction na nararamdaman natin sa isa’t isa.”

“No, Jaron—”

“Don’t deny it, Meril. Alam ko, sure ako, one hundred percent, you still feel it the way I feel it, too.”

“This, t-this conversation is getting out of hand.” Tumayo na siya. “I think I better go.”

“No!” Tumayo na rin si Jaron at hinawakan ang kamay niya. “Don’t go, Meril. Don’t go just yet, please? Please…?”

Ipinagpag niya ang kamay para makawala sa pagkakahawak ni Jaron. Daig pa niya ang pinaso ng plantsa. At ngayong naramdaman na naman niya ang hawak nito, simbilis ng kuryente na nanalasa na naman at kumalat ang paghahangad sa katawan niya. Napipilitan lang na muli siyang naupo.

“Gusto kong maintindihan kung bakit inaayawan mong magkaroon ng tayo, Meril. Please, tell me.” Magkahalong hopelessness at exasperation ang ekpresyong nasa mukha ni Jaron.

“Pagsasawaan ko din ang relasyon na gusto mong magkaroon tayo, Jaron. Believe me.”

“Bakit mo sinasabi ‘yan?” naguguluhang sabi nito.

“Dahil gano’n ang nangyari dati. I’ve had two almost perfect relationships in the past. Pinagsawaan ko pareho. Ayoko mangyari din sa ‘yo ang nangyari sa kanila. I don’t want to hurt you din.”

Napailing ito. “Sa kahit anong relasyon, laging nando’n ang risk na masaktan ang isa o kayo pereho. Pero bakit mas madami ang sumusubok pa din? Because that’s the cost to pay if you want happiness. That’s what life is all about. Di baleng masaktan basta maranasan mong sumaya.”

“So, okay lang sa iyo na dumating ako sa point na pagsawaan ang magiging relasyon natin if ever?”

“Of course gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para hindi dumating sa point na ‘yon. But if it’s inevitable to happen, who am I to thwart it?” Lumapit na naman ito at hinawakan siya sa magkabilang braso.

Ganoon na lang ang pagsisikap ni Merili na hindi ipagpag ang mga kamay nito. Kahit ang gusto ng katawan niya ay huwag na itong bumitiw. Kahit ang silent wish ng puso niya ay mayakap nito at muling mahalikan at gawin nito ang higit pa roon.

“At sino ka rin para pangunahan ang isang bagay na hindi pa nangyayari at posibleng hindi mangyari?”

Jaron was one big temptation. Kahit tutol ang kanyang sarili, nanaig pa rin ang isip na nagsasabing takasan ito. Kumalas siya sa pagkakahawak nito at mabilis na tumakas.

NAKALABAS na ng immigration si Jaron nang biglang may mga kamay na yumapos sa kanyang hita. Galing siya sa isang business trip sa UAE. Tiningnan niya ang location ng itatayo nilang branch doon ng Yulo Express, ang kanilang remittance center at forwarding company sa Abu Dhabi. Panahon na para magseryoso siya sa kanilang mga negosyo. Hindi na kaya ng kanyang ama na pamunuan ang mga iyon.

Tumungo si Jaron at nakita ang isang batang lalaki na nasa apat o limang taong gulang.

“Daddy!”

“Hey, buddy, I’m not—”

“Johann, come back here!”

Nakita niya ang isang babae na humahangos palapit sa kanila. Ina marahil ng bata.

“Johann, he's not your dad!”

Tumingala ang bata at nabura ang ngiti sa mukha nang mapagmasdan siya. Bumitiw kaagad ito.

“I’m sorry, sir,” hinging paumanhin ng babae sa kanya. Hinila kaagad nito ang bata palayo. “Kahawig po kasi kayo ng asawa ko. Padating po siya ngayon. Two years old pa lang ang anak ko noong last na makauwi ang daddy niya. Sa pictures at video lang niya nakikita. Excited lang po ang bata. Pasensiya na po.”

“It’s alright.” Ngumiti siya sa mag-ina. “’Bye, Johann.”

Ngumiti rin ang bata at kumaway. Bago siya lumiko sa hallway ay nilingon niya ang mag-ina. Isang lalaki na kasing taas at kasing katawan niya ang buka ang mga kamay na lumapit sa mga ito sabay karga sa bata.

Napahinto sa paglalakad si Jaron at wala sa loob na pinanood ang pagyayakap ng tatlo. May inggit na naramdaman siya pagkakita sa mga ito. ‘Buti pa sila.

Dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang, ipinangako niya sa sarili na hindi siya gagaya sa mga ito. Hindi siya mag-aasawa. Ayaw niyang danasin ng magiging mga anak niya ang hirap at  sama ng loob na dinanas nila ni James sa kanilang mga magulang nang maghiwalay ang mga ito. Ayaw niyang maramdaman ng mga bata ang pakiramdam ng maging ulila kahit pareho pang buhay ang mga magulang nilang magkapatid. 

Pero ngayon, pakiramdam ni Jaron hindi na niya mapapangatawanan ang naunang pangako sa sarili. Nakakaramdam na siya ng lungkot ng pag-iisa. Kaya bihira siyang maglagi sa kanyang condo unit. Sa mansiyon pa rin siya tumitira kahit naroon na sina James at Elle. At nakakaramdam din siya ng inggit sa mga lalaki na nakabuo na ng kumpletong pamilya. Kagaya na lang ng kapatid niya.
Sa mga ganoong pagkakataon, lately, lagi na lang niyang naiisip si Meril. Lately, naiisip na rin niya ang mga possibilities sa kanilang dalawa.

Pagpasok pa lang ng kotse niya sa garahe ay nakita na niya sina James at Elle sa garden gazebo. Nakaupo ang hipag niya sa pasamano habang nakadikit ang tainga ni James sa tiyan nito at mukhang pinakikiramdaman ang pagsipa ng bata.

He had to look away. Nakakaramdam na naman siya ng pananaghili sa kapatid.

“Ouch! Ang lakas na sumipa ni baby. Natamaan ako sa pisngi. Kick boxer yata ang anak natin, heart.”

“Nope. Babae ‘to. Magiging ballet dancer.”

“No, lalaki ‘yan. Kick boxer.”

“Babae po. Ballet dancer…”

Aw! Life is unfair. Lalo lang siyang nakaramdam ng inggit. Hindi na pinakinggan pa ni Jaron kung saan magtatapos ang lambingan ng mag-asawa. Pumasok na siya sa loob.

........................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro