My Happiest

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

“THERE must be some kind of an explanation, Lindy...” sabi ni Orville habang kumakain sila. O mas tama sigurong sabihin na ito lang ang kumakain dahil hindi na magawang sundan pa ni Merlinda ang unang subo na ginawa niya. Sa isang fast-food restaurant sila napunta pagkagaling nila sa unang restaurant na pinuntahan. “As to why Emp was with his ex.”
Ano pa bang paliwanag ang kailangan kung malinaw na mas pinili ni Emperor na makasama ang ex nito kaya iniwan siya? Hanggang ngayon ay nanginginig pa ang kanyang mga kalamnan. Nagpakita lang siya kanina kay Emperor. Tiniyak lang niya na nakita siya nito bago niya tinalikuran. Ganoon pala ang pakiramdam ng makitang pinagtataksilan nang harapan. Parang gusto niyang magwala at manakit ng tao. Napakabigat ng kanyang dibdib sa sama ng loob.
At hindi man lang nagkusa si Emperor na lapitan siya o tawagin. Kausapin. Nakatingin lang ito sa kanya habang nananatiling nakaakbay sa ex nitong si Beth. Para na rin nitong ipinamukha sa kanya kung sino ang mas matimbang sa puso nito. At napakasakit niyon para sa kanya.
Kunsabagay, hindi na dapat pang magtaka si Merlinda. Bakit nga ba siya ang pipiliin ni Emperor sa babaeng bukod sa niligawan nito ay totoong minahal pa. Sino ba siya kumpara kay Beth? Siya lang naman ang babaeng ipinilit ang sarili rito. Siya ang nakiusap na pakasalan ni Emperor. Na marahil hindi talaga nito kayang gawin kaya minabuting bigyan siya ng kondisyon para hindi muna mangyari na mapilitan itong pakasalan siya. Siya namang si gaga, sinunod ang kondisyon na ligawan ito.
At ang masakit, ang pinakamasakit, natutuhan niyang mahalin si Emperor. She had fallen for him so fast and so hard.
“I guess, you two should talk first. Mas mabuti nang pag-usapan n’yo before you come to any conclusion.”
Tumango lang si Merlinda sa mungkahi ni Orville. Nagpapasalamat siya at hindi nag-aasal kontrabida ngayon ang kaharap. “Yeah... mag-uusap kami. Pagkagaling nila sa concert tour sa Australia. Dahil kung ngayon kami mag-uusap, baka masampal ko lang siya.”
Ngumiwi si Orville. “Matapang ka pala talaga. Mabuti na lang, binasted mo ang panliligaw ko sa iyo noon.”
Pagak na tumawa si Merlinda. “Matapang talaga ako. Mataray. Naging mabait lang ako nang...” Hindi na niya maituloy ang sinasabi. Naiiyak siya. Nagsisikip ang kanyang dibdib sa labo-labong emosyon. Gusto ng isip niya na mag-deny. Baka nagkataon lang na nagkita sa lugar na iyon sina Emperor at Beth. Baka nawalan lang ng pagkakataong magpaliwanag si Emperor sa kanya. Pero nakakaramdam naman ng galit at matinding panibugho ang kanyang puso. Nauunawaan na niya ang kanyang ina nang makipag-divorce ito sa daddy niya kahit mahal pa rin nito ang kanyang ama. Napakasakit pala talagang pagtaksilan ng isang minamahal.
“I hope na hindi nakadagdag sa nararamdaman mo ngayon ang announcement ng takeover sa MVSC. Alam kong ayaw mong mangyari 'yon. But given the circumstances it’s inevitable.”
“Tanggap ko naman 'yon,” sagot niyang walang kasigla-sigla. “Nakakalungkot man, pero tama ka. It was bound to happen.” Naging pabaya ang kanyang ama. Nagkaroon ito ng mga maling desisyon sa kompanya. At iyon ang konsekuwensiya.
“You should try to eat, Lindy,” sabi ni Orville mayamaya. “Itaboy mo muna sa isip mo ang tungkol kina Emp at Beth.”
Ngunit hanggang sa matapos kumain si Orville ay hindi na magawa ni Merlinda na sumubo man lang. Mas gusto niyang magkulong sa silid at sumigaw at umiyak nang umiyak hanggang sa mawala na ang bigat na nakadagan sa kanyang dibdib.
Ang pangyayaring iyon ang nagbunsod sa kanya para ibunton ang sisi sa daddy niya. Galit na galit siya nang kausapin ito at sumbatan kung bakit hindi nito agad ipinaalam sa kanya na naganap na ang pagbebenta nito ng controlling shares ng MVSC sa mga de Dios. Tahimik lang na tinanggap ng kanyang ama ang mga panunumbat niya.
 
MAGKATABI ang smart phone at ang laptop ni Merlinda sa ibabaw ng kama. Nakatitig lang siya sa mga iyon. Ilang araw na siyang naghihintay ng tawag, text o mensahe man lang sa kanyang Messenger mula kay Emperor. Pero wala. Kahit isang missed call o text ay wala. Nakaalis ang banda nito patungong Australia nang hindi man lang sila nagkausap. Tama si Orville. Nag-usap muna sana sila ni Emperor bago ito umalis. Hindi sana ganoon kabigat ang kanyang pakiramdam.
Pati ang trabaho niya ay apektado. Hindi siya makapag-isip nang maayos. Para siyang laging nawawala sa sarili. Nagkakamali-mali siya. Mabuti na lang at laging nakaalalay si Julie sa kanya.
Sa ikatlong araw na wala man lang paramdam mula kay Emperor ay hindi na nakatiis si Merlinda. Siya na ang nagpadala ng message sa Messenger account ng binata. Still waiting for your explanation as to why you didn’t wait for me that night. And why you’re with Beth instead.
Pero wala siyang natanggap na reply. Nagdaan ang isa, dalawang linggo. Sa ikatlong linggo, sa araw ng pagbabalik ng banda, nahihiya man ay napilitan siyang tawagan sa telepono si Tito Romeo. Sinabi lang niya na kung maaari, pagdating ni Emperor ay pakisabi na gusto niyang magkausap sila nang sarilinan.
Tinanong siya ni Tito Romeo kung nagkakaproblema sila ng anak nito. Sinabi lang niya na naputol ang communication nila ni Emperor, pero hindi na siya nag-elaborate pa. Pinayuhan siya ng ginoo na pag-usapan nila ni Emperor kung ano man ang kanilang hindi pagkakaunawaan.
Sa kabila niyon, hindi pa rin nagpakita sa kanya si Emperor kahit dumating na ang banda nito mula sa Australian tour. Sa ikalawang araw ay hindi na mapalagay si Merlinda. Parang sasabog na siya ano mang oras. Kaya si King Dave ang kanyang tinawagan. Itinanong niya rito kung kailan magtitipon-tipon ang banda sa KD Building. Humingi siya ng permiso na makapunta roon sa araw at oras na naroon din si Emperor. Pumayag si King Dave at ibinigay sa kanya ang schedule ng banda.

“GUYS, guys! Doon muna tayo sa recording studio.” Boses iyon ni King Dave. Pagkakita nito kay Merlinda sa pinto ng silid na madalas tambayan ng mga ito roon ay tumayo agad. Tumango ito kay Merlinda at lumabas na.
“Baron, labas na,” sabi ng boses ni Rich. “Si Emp lang ang maiiwan dito.”
“May showdown ba?” mahinang sabi kay Merlinda ni Baron bago ito lumabas.
Hindi siya umimik. Nakatingin lang siya kay Emperor na noon ay nakatalikod sa pinto at nasa hawak na gitara ang pansin, kahit pa nga nasisiguro niyang naramdaman na nito ang pagdating niya. Nang sila na lang ang maiwan doon ay lumigid siya para mapaharap kay Emperor.
“Gusto kong maintindihan kung bakit bigla mo na lang pinutol ang communication mo sa akin,” mahinahong simula ni Merlinda. Sa pagdaan ng mga araw mula noong gabing makita niyang kasama nito si Beth ay pilit niyang hinahanapan ng dahilan ang ipinagkaganoon ni Emperor. Kahit pa nga hindi pa rin nababawasan ang galit at selos na naramdaman niya nang gabing iyon. “At kung bakit bigla ka na lang bumalik sa ex mo sa panahon na kabubuo pa lang ng relasyon natin.”
Hindi umimik ang binata, nanatiling nakatingin sa gitara kahit huminto na ito sa pagtipa.
“Do you have you any idea kung gaano kasakit ang ginawa mo?” Tumigil muna si Merlinda dahil parang pipiyok ang kanyang boses. “Pinaasa mo ako,” mas malakas lang sa bulong na sumbat niya. “Pinaibig. Pinaniwala na mahal mo rin ako.” Sumagap siya ng hangin para mapaluwag ang nagsisikip na dibdib. “Ayaw mo na pala. You should have had the guts to tell that to my face. Hindi 'yong para akong tanga na naghihintay at umaasa.”
Tumayo na si Emperor sa puntong iyon. Ibinaba nito ang gitara sa silya. Pag-unat nito ay tumutok kay Merlinda ang nagbabaga nitong mga mata. “Kung magsalita ka parang ako talaga ang may kasalanan. Sige, ibunton mo lang sa akin lahat ng blame. Expected ko na 'yon.”
Kumunot ang kanyang noo. Nagpanting ang mga tainga niya. “Are you going to deny you were with Beth that night? Aparisyon lang ba niya ang inaakbayan mo nang gabing iyon?”
Lalong nagbaga ang mga mata ni Emperor. “At bakit? Aparisyon lang din ba ni Orville ang kasama mo noon? Kitang-kita ko, Lindy. Sa kotse ka niya nakasakay. Hindi sa kotse mo. Sa gano’ng oras ng gabi. Kaya pala sobrang tagal ko nang naghihintay, pero hindi ka dumarating. Si Orville pala ang pinili mong samahan. At nang mabisto kita, ako ngayon ang sisisihin mo para makaiwas ka sa guilt, gano’n ba?”
Umawang ang bibig ni Merlinda. Ito pa talaga ang may ganang magpasa ng sisi sa halip na siya.
“Well, sabi ko nga, expected ko na 'yon. Lalo na at binitawan ni Papa ang karapatan para bilhin ang controlling shares ng MVSC. Instead, sina Orville ang bumili n’on. At nang malaman mo, bigla kang nagpalit ng loyalty. Kaya hindi na rin ako magtataka kung magpapalit ka na rin ng boyfriend. Or fiancé. Iyon naman talaga ang gusto mo, 'di ba? Ang makasal sa lalaking magse-secure ng legacy ng pamilya ninyo. At si Orville na ngayon 'yon. It now seems you no longer hate his guts. After all, si Orville naman talaga ang gusto ni Tito Montero na mapangasawa mo, right?”
Manghang-mangha si Merlinda sa mga salitang lumabas sa bibig ni Emperor. Naiiyak siya sa mga sinasabi nito ngayon. “Bakit ka gumagawa ng ganitong kuwento? K-kung talagang ayaw mo na sa akin, kung talagang n-napasubo ka lang kaya mo ako in-accomodate sandali... kung talagang h-hindi mo ako totoong mahal, hindi ko na i-ipagpipilitan pa ang sarili ko sa iyo.” Muli, sumagap siya ng hangin dahil pasikip nang pasikip ang kanyang dibdib habang panay ang agos ng luha sa kanyang mga mata. “M-maraming salamat sa maigsing panahon na... n-na naging tayo. I should not a-admit it but... I-it was then that I was at my happiest.” Hilam sa luha na pumihit siya at mabibilis ang mga hakbang na lumabas ng silid.  

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro