This Feeling

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

ITINABOY ni Merlinda ang inisyal na tuwa pagkarinig sa pahayag ni Emperor. Kailangan niyang pumaibabaw sa kanyang damdamin, sa pagmamahal na bawat oras ay nagsisimula nang lumala. Kailangan niyang maging rasyunal, isipin ang pareho nilang kapakanan. “Hindi puwede, Emp.”
“Bakit hindi puwede?” kunot-noong protesta nito, humigpit ang hawak sa kamay niya.
“Dahil paano kapag dumating na 'yong girl na mamahalin mo pala talaga, 'tapos, hindi kita pinakawalan? Masakit iyon sa parte mo. Hindi ka na magiging maligaya kung mananatili ka lang na nakakulong sa kasal natin.”
“Then gawin mo ang lahat ng paraan para hindi ko siya mahalin.”
Umawang ang mga labi ni Merlinda at napatingin sa binata. “Ano ka ba? Paano nga kung siya ang destiny mo? Paano kung siya talaga ang mamahalin mo?”
“Lindy, I don’t believe in destiny.”
Nahatak niya ang palad mula sa kamay ni Emperor at napabangon pa. “Oy, grabe ka. Para mo na ring sinabi na walang Diyos.”
“Naniniwala nga akong may Diyos kaya hindi ako naniniwala sa destiny. Hinatak nito ang kamay niya at muli siyang napahiga. “Binigyan tayo ni God ng freewill, ng kakayahan na magdesisyon para sa mga buhay natin. Gaya na lang ng ginagawa mo ngayon. Nag-decide ka na piliin ako kaysa kay Orville dahil alam mong mas cute ako sa kanya. Aray!”
Napaigtad ito nang kurutin niya sa tagiliran. “Puro ka kalokohan.”
Tawa ito nang tawa, pero kapagkuwan ay tumigil din. “But seriously, it’s true. Nagdesisyon ka. Ikaw, hindi ang ibang tao. Hindi 'yon destiny. Hindi destiny ang dahilan nang mag-decide din ako na ibigay sa iyo ang kondisyon ko. Sarili kong pagpili iyon. It was only me excercising my own freewill. Kaya paano ko mamahalin ang isang babaeng makikilala ko pa lang kung may nauna na akong pinili na mahalin? Paano pa mapupunta sa iba ang puso ko kung nagdesisyon na akong ibigay ito sa taong una ko nang piniling mahalin?”
Hindi kaagad nakaimik si Merlinda habang ninanamnam ng isip ang mga sinabi ni Emperor. May punto nga ito. Pero hindi pa rin niya isasantabi ang paniniwala sa destiny. “Mamahalin mo ba ako, Emp?” tanong niya mayamaya
“Ikaw, Lindy, mamahalin mo ba ako?”
Ano ka ba? Ngayon pa nga lang mahal na kita. “I asked you first.”
“Why not? Nagbubunga raw ng pagmamahal ang pagbibigay ng pagmamahal. At sa tindi ng effort na ibinibigay mo para ligawan ako, it’s inevitable.” Umaray na naman ito nang sikuhin niya sa tagiliran.
“'Ayan ka na naman, eh. Alam mo namang ngayon ko lang ginawa 'to, 'tapos, pipintas-pintasan mo ang efforts ko.”
Tumagilid ito at dinutdot ang tungki ng ilong niya. “You’re more than lovable, Lindy. Walang hindi magmamahal sa iyo. 'Yong pagiging mataray mo minsan, 'yong pagkurut-kurot mo at pagbira sa tagiliran ko, 'yong pagbibigay mo ng tiwala sa akin sa pagsama sa Star City at maging dito, they’re all endearing to me. And they all add up.” At bago pa niya nahulaan kung ano ang gagawin ng binata ay nahalikan na nito ang sulok ng bibig niya.
Saglit lang iyon. Isang mabagal na dampi. Pero naglikot agad ang puso ni Merlinda. Gumapang kaagad sa kanyang buong katawan ang kilabot na naghahatid ng luwalhati sa kanyang dibdib. Ang halik na muntik nang mangyari kanina na naudlot lang ng katok ni Lolo Pancho ay ngayon lang natupad. At hindi mapagpasyahan ni Merlinda kung manghihinayang siya o matutuwa na nagkasya lang si Emperor sa sansaglit na halik.
MASARAP sa pakiramdam ang mainit na unan sa malamig na gabi. Hinapit iyon ni Merlinda. Ngunit bigla siyang napadilat nang marinig na tumutunog iyon. Hindi pala unan ang yakap niya kundi ang katawan ni Emperor. Nakadikit ang kanyang tainga sa dibdib nito at dinig ang matatag na tibok niyon. Napapangiwi na kumalas siya rito. Siya pa ang naglagay ng malaking unan sa pagitan nila bago sila matulog kagabi. Ngayon ay wala na roon ang unan, nasa paanan na niya. Katawan na ni Emperor ang kanyang yakap. Pero ang sarap pala ng feeling na gumising nang may kayakap.
Pipihit sana siya patalikod sa natutulog na binata, ngunit napigil siya nang hapitin nito ang kanyang katawan. Well, who would want to get out of your warm embrace?
Napapangiting pinagmasdan na lang ni Merlinda ang guwapong binata na halos isang dangkal lang ang pagitan ng mukha sa kanya. Himbing pa rin ito. Walang ipinagkaiba si Emperor gising man o tulog. He was so relaxed. Ito ang antidote sa kanyang kasungitan at pag-aalala. Panatag siya kapag kasama ang binata. Lagi itong may handang solusyon sa lahat ng kanyang problema.
Naakit siyang dampian ng halik ang tungki ng ilong nito. Ang kaso ay hindi siya nakontento roon. In her eyes, his lips were red and shiny like apples. Para siyang si Eve na naakit kagatin ang red fruit doon sa Garden of Eden. Maingat at napakarahan, dinampian niya ng halik ang mga labi ng binata.
Ngunit biglang dumilat si Emperor hustong iaangat pa lang ni Merlinda ang bibig. Awtomatikong kumislap ang ngiti sa pilyong mga mata nito. “Pinagpapraktisan mo lang ba ako o balak mo nang kunin ang puri ko?”
Nag-init nang husto ang mukha ni Merlinda. Sigurado siya na pulang-pula ang kanyang mukha kahit hindi iyon nakikita. Pagtakas ang una niyang naisip.
Ngunit nahulaan yata ng kumag ang balak niya. Mabilis siya nitong naikulong sa mga bisig. Pinakatitigan nito ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay mabilis na tinutunaw ng titig na iyon ang kanyang puso, ang mga inhibisyon, ang pagkahiya at pag-aatubili. She saw pure tenderness in the depths of his eyes. At nang unti-unti nitong ilapit ang bibig sa kanya, buong puso niyang tinanggap ang halik nito.
Naluluha si Merlinda. Dahil kung paanong napakabilis na umalagwa ng kanyang puso sa luwalhating dala ng masarap na halik ni Emperor ay ganoon din naman kabilis na lumatag sa kaisipan niya na ginagawa lamang iyon ng binata dahil siya ang unang nag-initiate ng naunang halik. Hindi iyon kusa. At bago pa nito mapalalim ang halik ay kumawala na siya sa yakap nito.
After everything was said and done, her heart still yearned for someone who would love her for no other reason than loving her. A love that was not premeditated. Something that was not planned.
Babangon na sana si Merlinda sa kama nang bigla siyang umangat. “Ay!” Binuhat pala siya ni Emperor. “Ibaba mo 'ko!”
“Later. But first, I want to show you something.” Lumabas ito sa lanai at tumuloy sa picnic table. Doon siya nito iniupo bago tabihan at akbayan.
Hindi na nakaimik pa si Merlinda nang makita ang napakagandang phenomenon sa silangan. Lahat ng magagandang shades ng orange at peach at yellow ay unti-unting kumakalat sa sinisikatan ng araw. Nagsisikip ang kanyang dibdib sa pagkamangha. Ngayon lang niya na-realize na napakatagal na panahon na pala mula nang huli niyang mapanood ang pagsikat o paglubog ng araw.
Tumingin siya kay Emperor. Makikita sa mukha nito ang repleksiyon ng bukang-liwayway. May kung anong puwersang lumukob sa kanya nang mga sandaling iyon. Puwersang naglagay sa kanyang puso at kaisipan ng katiyakan na kung mayroon mang tao na gugustuhin niyang makasama sa bawat pagbubukang-liwayway at bawat paglubog ng araw, si Emperor na iyon.
“You know what,” sabi ng binata sabay kabig ng balikat niya. “If you have the ring with you, I am now ready to wear it.”
Napigil muna ni Merlinda ang hininga bago napangiti. Ngiti na palawak nang palawak. She had won his heart. She could see it in his eyes that their hearts were now beating as one. Hindi na niya kayang itago ang nararamdaman para sa lalaking ito. Alam ni Merlinda na habang nakatingin siya ngayon sa mga mata ni Emperor ay nababasa nitong ito na ang umookupa ng teritoryo sa kanyang puso. “I love you...”
“And I love you, Lindy,” simpleng tugon nito bago kintalan ng napakatamis na halik ang kanyang mga labi.

HIHINTAYIN kita sa KD Building when you get out of the office. We’re going somewhere, love. May kasama pang kumikindat na smiley ang message ni Emperor. Huling gabi na ng Crazy Hotshots bago tumulak ang mga ito patungong Australia. Nasabi na kay Merlinda ng binata na ang unang schedule ng banda patungo sana roon ay nakansela dahil sa ilang mga aberya sa pamunuan ng Australian producer. Kaya dalawang buwan pa ang lumipas bago uli naayos ang schedule ng Australian tour ng banda.
Nag-reply si Merlinda sa mensahe. I’ll be there as soon as I can.
Nag-message uli si Emperor. Nasaan ang ‘love?’
Napangiti si Merlinda. 'Eto. Binabasa niya ang message na 'to. I love you. Love.
I’ll wait for you, love. I love you more.
“Ma’am, 'eto na po 'yong mga for signature,” pukaw kay Merlinda ng sekretaryang si Julie.
Kinuha niya ang folder.
“Ma’am, pansin ko lang, nitong mga huling araw lagi kang masaya. In love ka?”
Nginitian lang ni Merlinda si Julie.
“A smile means yes. Kanino po ba? Kay Sir Orville?”
Kumatok si Merlinda sa ibabaw ng desk niya. “Hindi, 'no.”
Tumawa si Julie. “Eh, kanino nga, Ma’am?”
“Saka ko na sasabihin sa iyo. Huwag kang mag-alala, malalaman mo rin. Invited ka sa kasal ko.”
Impit na tumili ang babae, kilig na kilig.
Naisip tuloy ni Merlinda, kung si Julie nga ay kinikilig nang todo na malamang may boyfriend na siya, how much more ang sarili niya mismo? Hindi lang siya araw-araw na kinikilig kundi maya’t maya pa sa mga message at tawag ni Emperor at sa mga surprise night visit nito sa kanila. Alam na ng kanyang mga magulang na sila na ni Emperor. Masayang-masaya ang kanyang ama nang magsabi sila rito.
Bago mag-alas-sais ay nagligpit na si Merlinda sa kanyang mesa. Ngunit bago pa man niya mai-message si Emperor na paalis na siya ng opisina ay bumukas ang pinto ng kanyang private office at lumitaw si Orville.
“May emergency meeting ang board in five minutes. We need you there,” sabi nito bago bumira ng talikod.
“Five minutes,” napapailing na reklamo ni Merlinda kay Julie nang makalabas na si Orville. “At bakit ngayon lang ako na-inform na may emergency meeting kung kailan may lakad ako?”
Inilahad lang ni Julie ang mga kamay.
Mabilis siyang nag-message kay Emperor. Something came up, love. I might be late.
Halos kompleto na ang board members pati na ang ilang executives at mga abogado nang pumasok si Merlinda sa conference room ng MVS Corporation. Pati ang abogado ng kanyang daddy ay naroon. May pakiramdam siya na sinadya ni Orville na siya ang huling abisuhan tungkol sa emergency meeting. She could feel the tension at the pit of her stomach. Parang may mali.
Nasagot ang pagtataka ni Merlinda nang magsalita ang ama ni Orville na si Tito Romulo. Gaya ng kanyang kinatatakutan, nabili na nito ang controlling shares ng MVSC mula sa kanyang ama. At dahil doon ay hindi maiiwasang magkakaroon ng pagbabago sa pamunuan ng kompanya.
Lumung-lumo siya. Alam niya ang posibilidad ng takeover. Pero hindi niya inaasahan na sa iba pa niya malalaman ang tungkol doon. Bakit hindi sinabi sa kanya ng daddy niya na naipagbili na nito ang controlling shares na dati ay ito ang may hawak? Umaasa pa naman siya na si Tito Romeo ang bibili ng controlling shares ng MVSC at hindi ang kapatid nito.
Kung may maliit man siyang ipinagpapasalamat sa nangyari, iyon ay ang kaalaman na si Tito Romulo at hindi si Orville ang tatayong presidente ng MVSC. Mabibigat ang mga hakbang na bumaba ng gusali si Merlinda. Ngunit nang nasa basement parking na siya ay ayaw umandar ng kanyang kotse. Ilang ulit siyang sumubok, pero ayaw talaga. Bumaba siya para kalikutin ang makinang hindi naman niya gaanong kabisado. Pero bigo talaga siyang mapaandar ang sasakyan. 'Pag mamalasin ka nga naman, oo. Inis na isinara na lang niya ang hood.
“’Is something wrong with your car?”
Napapitlag si Merlinda. Sa lahat naman ng tao, si Orville pa na kinayayamutan ang lalapit sa kanya. “Oo, eh. Ayaw mag-start.”
“Would you mind if I checked?”
Ikinumpas lang niya ang kamay. Itinaas nito ang hood at tiningnan ang makina. Ngunit ayaw talagang umandar ng kotse.
“Doon ka na lang sumakay sa kotse ko. Ihahatid na kita sa inyo.”
Pinakiramdaman ni Merlinda ang sarili. Mukha namang sinsero ang pag-aalok ng tulong ng lalaki. At wala ngayon ang dating ekspresyon ng kahambugan sa mukha nito. “Salamat. Pero hindi pa ako uuwi. Magpapababa na lang siguro ako sa lugar na may masasakyang taxi.”
“Bakit ka pa sasakay ng taxi kung puwede naman kitang idaan sa pupuntahan mo. Just give me directions, okay?”
Tahimik na umusal ng pasasalamat si Merlinda. Ano kaya ang nakain ni Orville at umaaktong good Samaritan ngayon?
“Nabanggit sa akin ni Emp na nahulog daw sa drainage ang kotse niya at nabasa ang makina,” sabi ni Orville nang sakay na sila ng kotse nito. “Kumusta naman? Nakuha na ba niya sa casa?”
“The other day lang.” Naalala ni Merlinda na inutusan pa ni King Dave ang driver nitong sunduin sila sa Silang para lang makauwi sila ni Emperor.
“Congratulations nga pala. Kayo na pala ng pinsan ko.”
Napatingin siya kay Orville. Medyo natutuwa siya na walang bitterness sa mukha at tinig nito. “Kanino mo nalaman?”
“Kay Emp mismo. Saka alam na rin ni Papa. Tinutukso pa nga niya ako na nasulot ka raw ng pinsan ko sa akin. Gusto mo talaga si Emp, hindi ba?”
Tumango si Merlinda. “I’m sorry, Orville.”
“Don’t be. At least hindi rin iba sa akin ang naging boyfriend mo.” Ngumiti pa ito. “Gano’n talaga ang buhay. You win some, you lose some.”
Magaan ang naging kuwentuhan nila. Kaya lang ay napakabigat ng daloy ng trapiko patungo sa KD building. May isang oras sila sa daan bago tumapat ang kotse ni Orville sa gusali.
“Sigurado ka bang dito kayo magkikita ni Emp? Parang wala nang tao. Sarado na lahat ng ilaw sa loob.”
Sinubukan ni Merlinda na tawagan si Emperor, ngunit busy ang linya. Bumaba siya ng kotse at nagtanong sa guwardiya ng gusali. Kinumpirma nito na wala na raw tao roon. May kalahating oras na raw na nakakaalis si Emperor. Nanlulumong bumalik na lang siya sa kotse ni Orville. “Nakaalis na nga raw si Emp.”
“Mabuti pa ihatid na lang kita sa inyo tutal doon din naman ang way ko.”
“Salamat. Pasensiya ka na. Pati tuloy ikaw naabala nang ganito katagal.”
Ngumiti ang lalaki. “Okay lang. Para naman ‘to sa pinsan ko.”
Ngunit kung gaano sila katagal sa pagtungo roon ay higit pang bumigat ang trapiko pagbalik nila. Kung saan-saan nang alternate route idinaan ni Orville ang kotse para lang makaalis sila sa heavy traffic. Nakakaramdam na ng gutom si Merlinda. Natitiyak niyang ganoon din si Orville.
Hindi nga nagtagal ay nagsabi ito na kung maaari ay dumaan muna sila sa unang restaurant na madadaanan nila. “Gutom na talaga ako. I’m sure gutom ka na rin.”
Isang may kalakihang restaurant ang hinintuan nila. Ngunit pagpasok nila ay puno na ang kainan.
“Mukhang lalo tayong gugutumin dito,” sabi ni Orville. “Maghanap na lang tayo kahit fast food para makakain tayo kaagad.”
“Okay.” Pagbalik nila sa parking area ay nakita ni Merlinda si Emperor. Natutuwang itinaas niya ang isang kamay para kunin ang pansin ng binata. Ngunit kaagad din niyang ibinaba ang kamay nang makitang hindi ito nag-iisa. Akbay nito ang isang babae na kung hindi siya nagkakamali ay ang ex nitong si Beth. Daig pa niya ng tinarakan ng matalas na patalim sa dibdib. Ngunit higit sa sakit ay ang matinding galit na kanyang naramdaman.
Nangyari na iyon noon. Ang pagkakaiba lang ay si Beth na ang nasa kalagayan niya ngayon. Some kind of déjà vu, huh!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro