13. The Letter

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


SARADO ang pakay na bahay ni Evangeline. Sa dami ng mga tuyong dahon na nakakalat sa bakuran na ilang araw nang walang tao roon.

Lumapit siya sa tindahan sa tapat para magtanong. Habang papalapit siya, titig na titig sa kanya ang matanda na napagtanungan nila noon ni Gideon.

“Kilala na kita. Huwag ka nang gumawa ng kuwento,” sabi agad nito kay Evangeline. “Anak ka rin ni Valentin, di ba?”

Hindi Siya makasagot sa matanda.

“Umalis na sina Merla at Valerie. Ang bilin sa akin ni Merla, kung babalik daw si Valentin, ibigay ko ang envelop na ito.” Isang long brown envelop ang inilabas nito. “Pero mukhang matatagalan pa bago makapasyal dito si Valentin. Nabalitaan namin ang nangyari sa kanya. Dahil doon kaya siguro nagising na si Merla sa katotohanan. Kaya ‘ayun, umuwi na lang silang mag-ina sa probinsiya.” Muli siyang sinipat nito. “Mukha namang mabait ka…”

Siya, mabait? Kung alam lang ng matandang ito na ang kamalditahan niya ang dahilan kaya inatake ang papa niya.

“Kaya sa iyo ko na lang ipapadala ito. Ikaw na ang magbigay sa papa mo. Kumusta na ba ang lagay niya?”

“Mabuti-buti na po.” Kinuha niya ang envelop. Nagpaalam siya agad bago pa ito muling nakapagtanong. “Huwag po kayong mag-alala, makakarating ito kay Papa. Aalis na po ako, salamat.”

MGA PAPELES ng ownership ng bahay ang laman ng envelop at isang sulat. Itinaon ni Evangeline na nasa pinaghuhulugan ng daing sa bayan ang kanyang ina nang ibigay niya iyon sa papa niya. Iniwan na niya ito sa sala pagkatapos.

Enrollment na naman sa isang linggo kaya todo kayod ang mama niya. Pareho na silang graduating ng Kuya Junior niya, kaya halos patayin na ng kanyang ina ang sarili sa pagkita ng pera.

Oras na ng pagkain ng kanyang papa nang balikan niya ito sa sala. Mabagal pang maglakad ito kaya kailangan pa ng alalay sa pagtungo sa komedor. Pero bago ito tumayo sa kinauupuan ay may iniabot munang isang sulat sa kanya.

“Basahin mo,” utos kay Evangeline ng ama.

Sandaling nag-atubili siya na kuhanin iyon. Napilitan lang siya nang ilapit pa nito ang kamay. Binasa niya ang sulat sa harapan nito.

Valentin,

Ayokong isipin na inaani na natin ang konsekuwensiya ng ating kasalanan sa pamilya mo. Pero hindi ko na hahayaan na may mas malala pang mangyari sa iyo. Kaya hindi ko hahayaan na may mas malala pang mangyari sa iyo o sa amin ni Valerie.

Ihingi mo sana ako ng tawad sa pamilya mo. Nasaktan natin sila nang husto. Noong makita ko ang anak mo na pumunta rito, saka ko lang naramdaman ang bigat ng kasalanan natin sa kanila. Nakasilip ako noon mula sa bintana at nakita ko sa mukha niya kung gaano kasakit sa kanya ang ginawa natin.

Ayoko nang dagdagan pa ang panunumbat ng kosensiya ko. Kaya nagdisisyon ako na lumayo na lang sa inyo. Ibenta mo na lang ang bahay natin. Ituwid mo ang mga pagkakamali natin sa tunay mong pamilya.

Huwag mo kaming alalahanin ni Valerie. Marunong naman akong magtrabaho at may kabuhayan ang mga magulang ko sa probinsiya. Hindi ko ipagdadamot ang karapatan mo sa kanya. Huwag na lang tayong magkita pa. Paminsan-minsan, susulat ako sa iyo ng tungkol sa mga nangyayari sa kanya. Ipadadala ko na lang sa opisina mo.

Mapatawad mo sana ako.

Merla

Walang imik na ibinalik ni Evangeline ang sulat sa kanyang ama. Tunulingan niya itong makapunta sa komedor pagkatapos.

Sana nga maituwid na ang mga pagkakamali. Sana magkaroon pa ng ikalawang pagkakataon para mabuo ang kanilang pamilya.


………………

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro