4. Away

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

NAGISING SI Evangeline sa maingay na pagtatalo sa labas ng kanilang bahay. Naidlip pala siya matapos linisan ng kanyang mama. Masakit pa ang katawan niya at may bulak sa pagitan ng kanyang ngipin at gilagid.

Bumangon siya para tingnan sa salamin ang namamagang nguso niya. May sugat iyon. Nagtungo siya sa bintana para iluwa ang bulak.

“Talagang lahi kayo ng mga walanghiya! Mapanakit ng kapwa! Manang-mana sa iyo ang apo mo! Palibhasa Makapili ka no’ng panahon ng Hapon!”

“Huwag kang magbibintang! Wala ka pang napapatunayan! ‘Yang apo mong lampa ang sama nang sama kay Gideon, pagkatapos isisisi mo sa apo ko ang nangyari!”

Pagdungaw ni Evangeline sa bintana, nakita niya sina Lolo Jose at Lolo Andres na parehong may hawak na gulok. Nasa magkabilang gilid ang mga ito ng bakod na steel matting na nagsisilbing partisyon ng mga lote nila at ng mga Del Pilar.

Hindi nailuwa ni Evangeline ang bulak. Hintakot na hinanap niya ang kanyang ina. Nakita niya ito sa kusina, naghuhugas ng mga talbos ng bayabas.

“’Ma, sina Lolo Jose at Lolo Andres, nag-aaway na naman,” sumbong niya sa medyo ngawal na boses. Masakit pa rin ang nguso niya lalo na kapag nagsasalita. Dumungaw siya sa bintana ng kusina at doon inilura ang bulak.

“Para kang bago nang bago sa dalawang ‘yon,” pabale-walang sabi ng mama niya. Isinalang na nito sa kalan ang palayok na may mga talbos ng bayabas. “’Pag naluto ito, mumugan mo ang sugat sa gilagid mo.”

“Pero ‘Ma, may mga dala silang itak. Baka magtagaan sina Lolo.”

“’Kuu, aabutan na ang mga ‘yon doon ng tag-ulan pero hindi mangyayari ang kinatatakutan mo.”

“Bakit po walang umaawat sa kanila?”

“At sino ang aawat? Nasa kiskisan ‘ate si Kumpareng Antero. Nasa bayan naman ang ama mo. Alangan naman na kami ni Kumareng Romana ang umawat sa dalawang hukluban na ‘yon. Takot din kami sa itak.”

“Paano sina Lolo?”

“Magsasawa rin ang dalawang ‘yon.”

Naupo si Evangeline sa mesang gawaan ng kanyang ina. “Wala namang kasalanan si Gideon sa nangyari.”

“Alam ko. Pero sinisisi ni Gideon ang sarili niya sa nangyari. Kung hindi ka raw niya sinundan, hindi ka raw magmamadali sa paglakad sa lipyan.” Hinarap ng mama niya ang nakasalang sa kalan. Pinatay na nito ang kalan nang makitang kumukulo na iyon. “Ninerbiyos din ako kaninang makita ko na umaagos ang dugo sa bibig mo. Lalo na nga at iniiyakan ka pa ni Gideon. Ano ba kasi’ng nangyari sa ‘yo at nagalit ka na naman sa kanya?”

Hindi makasagot si Evangeline. Hindi kasi niya puwedeng ikuwento rito na hinalikan siya ni Gideon.

“Alalang-alala tuloy ang isang ‘yon. Kaya nga kaninang pinagagalitan ni Kumareng Romana, hindi man lang siya pumiyok.”

“A-ako na lang po ang magsasabi kay Tiya Romana na walang kasalanan si Gideon.”

“Ngayon pa ba na tapos na niyang sermunan si Gideon?” May narinig silang kumalansing. “Naloko na, nagtatagaan na yata ang dalawang hukluban,” sabi ng mama niya.

Sabay silang napasugod sa bintana. Sa steel matting tumama ang mga itak ng dalawang matanda. Dumungaw rin sa katapat na bintana sina Gideon at ang ina nito. Mabilis na naitakip niya ang palad sa namamagang nguso. Baka makita iyon ni Gideon at tuksuhin pa siya.

“Kahit saan pang bagay, hindi kita uurungan!” wika ng Lolo Jose niya.

“Lalo naman ako!” sagot ni Lolo Andres. “Kung ‘yon ngang mga Hapon, hindi ko inurungan, ikaw pa na nag-iisa lang?”

“Hindi ka talaga kakalabanin ng mga Hapon noon dahil Makapili ka!”

Nagkatinginan ang mama niya at ang ina ni Gideon. Napapailing ang mga ito at nagsialis na lang ng bintana habang pinipigil ang pagtawa. Naiwan sila ni Gideon na nanonood sa away ng kanilang mga lolo.

“Baka ikaw ang Makapili! Ni hindi ka nga nakasama sa Death March dahil hindi ka totoong guerilla.”

“Aba! At sinong hindi nakasama sa Death March? Oy, para sabihin ko sa iyo, kami ng mga kahanay ko ang unang nakaisip na magpatumba sa mga Hapones. Ilang Hapon din ang nasaksak ko ng bayoneta bago pa namin marating ang Bayumbong.”

Dumating ang owner-type jeep ng kanilang barangay chairman at huminto sa pagitan ng kanilang mga bahay. Bumaba ng sasakyan ang lampas-kuwarenta anyos nang kapitan at lumapit sa bakod.

“Tiyo Jose, Tiyo Andres, mukha pong napaaga nang husto ang practice ninyo para sa sarsuela sa pista, ah.”

Natahimik ang dalawang bayani ng Death March. Pinigilan lang ni Evangeline na matawa sa sinabi ng kapitan. Nang sulyapan niya si Gideon, nakita niya na nagpipigil din lang ito sa pagtawa.

Nagsalita muli ang kapitan. “Baka po puwede munang mahiram ang mga gulok ninyo?”

Walang kumikilos sa dalawang matanda para isuko ang kanilang mga sandata de giyera.

“Kung ayaw po ninyong ibigay sa akin ang mga gulok ninyo, kayo po ang bahala. Papunta po ako ngayon sa munisipyo at nagpapasama si Chief sa Minanga,” anito na chief of police ng kanilang bayan ang binanggit. “Padadaanin ko po muna pala siya dito mamaya.”

Sukat sa sinabing iyon ng kapitan ay mabilis pa sa alas kuwatro na isinuko ng magigiting na hukluban ang mga gulok sa kapitan. 

“Salamat po, Tiyo Jose, Tiyo Andres. Ibibigay ko na lang po ang mga ito kina Antero at Valentin ‘pag malapit na ang pista.”

Pigil pa rin ang pagtawa na lumayo na sila ni Gideon sa bintana nang umalis na ang kapitan.

………………

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro