7. The Letter

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


MABILIS NA dumaan ang mga taon hanggang sa sumapit ang pagtatapos ni Gideon sa elementarya. May pagmamalaki sa puso ni Evangeline para sa kababata. Nakatutok ang pansin niya kay Gideon habang binibigkas nito ang valedictory address. Magaling talaga ang kababata niya. Hindi man lang ito kinakitaan ng nerbiyos habang idini-deliver ang speech.

Maraming handa sa pananghalian na pinagsaluhan nila sa bahay ng mga Del Pilar. Puno ng pagmamalaki ang mga magulang ni Gideon. Hindi raw naman araw-araw na nakakapagpatapos ang mga ito ng anak na valedictorian sa elementarya.

Imbitado rin sa salo-salo ang kanyang ina at ang Lolo Jose niya. Ang ama lang ni Evangeline ang hindi pumunta. Magkagalit pa rin ito at ang ama ni Gideon.

Hindi pa man natatapos ang araw at ang saya ng selebrasyon, naging malungkot na kaagad si Gideon.

“Bakit?” usisa niya rito.

“Anong bakit?”

“Kunwari ka pa. Alam ko naman na alam mo kung anong itinatanong ko.”

Nagbuga ng hangin si Gideon at kinuha ang isang kamay niya. “’Lika, bike tayo.”

Napasunod na lang dito si Evangeline. Pumuwesto siya sa unahan nito matapos mailabas ang masmalaking bisikleta. Ikalawang bisikleta na iyon ni Gideon.

Hindi siya nagtanong nang iliko nito ang bike sa maikling footh path patungo sa parang na kalapit ng kanilang eskuwelahan. Ipinarada nito sa tabi ang bisikleta at inaya siya na mahiga sa damuhan. 

Naglipana sa paligid ang mga tutubi at maliliit na paruparo.

Pumitas si Gideon ng dalawang tangkay ng amorseko nang nakahiga na sila. Ibinigay nito sa kanya ang isa at nilaro naman nito ang isa pa. “Sa Manila na ako mag-aaral ng high school,” biglang sabi nito.

Mula sa panonood ng patterns na nabubuo sa mga ulap, inilipat niya kay Gideon ang tingin. Hindi pa man, nararamdaman na niya ang kakaibang lungkot. Hindi na niya ito araw-araw na makikita.

“Sabi kasi ni Tatay, mas competitive daw ang mga school doon.”

“Mag-isa ka lang? Hindi ka sasamahan ng nanay mo?”

“Hindi. Kina Lolo at Lola ako makikitira.” Mga magulang ng ina ni Gideon ang tinutukoy nito.

“Hindi na tayo magkikita?” napigilan lang niyang pumiyok nang itanong iyon.

“’Pag bakasyon na lang siguro.”

“’Pag Pasko?”

“Doon kami nagpa-Pasko, di ba?”

Nalaglag ang luha sa magkabilang gilid ng mga mata ni Evangeline. “P-paano na ako?”

Pinunasan ni Gideon ang luha niya gamit ang daliri. Inalo siya nito. “Madalas kitang susulatan.”

“Baka hindi,” pamaktol na sabi niya.

“Promise, susulatan talaga kita palagi.”

“Baka… baka kalimutan mo na ako ‘pag napunta ka na sa Manila.”

“Makakalimutan ba naman kita eh, s’yota kita?” Pumitas ito ng ligaw na bulaklak na masaganang tumutubo sa parang at iniabot sa kanya.

Kinuha niya ang mga bulaklak. “Sinabi mo ‘yan, ha?”

Hinalikan siya ni Gideon sa pisngi. “O, ‘yan, proof na talagang s’yota kita.”

Nag-init ang mga pisngi niya sa ginawa nito.

“Ikaw nga d’yan, baka ‘pag wala na ako dito, magpaligaw ka na naman kay Rey.”

Tumulis ang nguso ni Evangeline. “Hindi ‘no! Ang liit-liit kaya no’n.”

“O baka doon kay Arthur ba ‘yon? ‘Yong nakilala mo daw sa bayan sabi sa akin ng Kuya Junior mo.”

“Kalaro ko lang po ‘yon. ‘Tsaka ang yabang no’n.”

Tumayo si Gideon at inilahad ang kamay sa kanya. “Tara na. Baka hinahanap na tayo nila Nanay.”

Nagpahila siya hanggang sa makatayo. “Ayoko pang umuwi. Manghuli muna tayo ng tutubi.”

Nanghuli nga muna sila ni Gideon ng tutubi sa parang. Mabilis na nanumbalik ang saya niya. Itinulak muna niya sa sulok ng isip niya ang nalalapit na pag-alis ng kababata.

WALA ANG paalamanan na inaasahan ni Evangeline nang araw na ihahatid na si Gideon ng mga magulang nito sa Maynila. Pakiramdam niya, iniiwasan iyon ng kababata. Hinihintay niya na tawagan siya nito nang nagdaang hapon pero nagkulong lang ito sa loob ng bahay.

Parang gustong sumama ng loob niya; kung hindi lang nakita ang lungkot sa mga mata ni Gideon nang tingalain siya sa kanilang harapang bintana. Kaway lang ang paalam na nagawa nila sa isa’t isa.

Bago makasakay si Gideon sa jeepney na maghahatid sa terminal ng bus, muli siyang tiningala nito. Hindi niya naitago rito ang pagtakas ng luha sa mga mata niya.

Lungkot na lungkot si Evangeline nang umusad na ang jeepney hanggang sa mawala iyon sa paningin niya. Mas higit pa sa lungkot niya noong grade two siya na halos tatlong buwan silang hindi magkabati nito. Noon, hindi man sila nag-uusap, pero nakikita pa rin niya ito. Ngayon, kahit tuktok ng ulo ni Gideon ay hindi niya makita para sana mabawasan ang pangungulila niya.

Nagkasya na lang si Evangeline sa pagpunta sa mga lugar na madalas nilang puntahan noon. Sa ginawang duyan ng ama ni Gideon sa likod-bahay, sa terrace nila, sa parang, sa ilog, at sa kambal na troso sa aplaya.

Nang magtagal, nasanay na rin si Evangeline sa pagkawala ng kababata. Nagkaroon na rin siya ng iba pang mga kaibigan. Hanggang isang araw, makatanggap siya ng sulat mula kay Gideon.

Kulang na lang na maglulukso siya sa tuwa. Nagkulong siya sa silid. Paulit-ulit niyang binasa ang sulat.

Gellie,

Kumusta na ang maganda kong siyota at bestfriend? Akala mo siguro nakalimutan na kita, ano? Hindi mangyayari iyon, puwera na lang kung magka-amnesia ako. Gusto ko muna kasi na makaipon ako ng kuwento.

Siguro na sabi na sa iyo nina Nanay na dito ako nag-enroll sa Ramon Magsaysay High School sa España. Ang dami-daming estudyante dito, Gellie. At sobrang tatalino nila. Section 4 ako pero mas matatalino pa sa akin ang mga kaklase ko.

Dito, kanya-kanyang kayod sa pag-aaral. Nami-miss ko na ang damayan sa school natin sa paggawa ng assignments at pagre-review. Ang tingin kasi ng mga estudyante dito, kakumpitensiya nila ang bawat isa kaya bihira na may mag-share sa akin ng tulong.

Pero promise, Gellie, mas lalo ko pang gagalingan dito.

Ano na ba ang latest happening sa iyo? Sana galingan ko din kasi ga-graduate ka na ng elementary sa school year na ito. Sorry, hindi na kita matuturuan sa Science. Kaibiganin mo na lang iyong matalino sa inyo para may magtuturo sa iyo. Basta huwag lang kay Rey at huwag kang magpapaligaw sa kanya.

Gusto ko nang pabilisin ang panahon para bakasyon na at para magkita na tayo. Miss na miss na kita. Sobra. Kaya sana, sagutin mo na agad itong sulat ko. Ingat ka sana palagi, Gellie.

Nagmamahal,

  Gideon

Umaapaw ang kaligayahan sa dibdib ni Evangeline pagkabasa sa sulat. Hindi niya pansin ang pag-aaya ng Lolo Jose niya na mag-merienda.

Sinagot niya agad ang sulat ng kababata. Mabangong stationary din ang ginamit niya katulad ng ginamit nito.

Nang sumunod na araw, hindi na niya pansin ang lungkot. Naka-focus ang tingin niya sa darating na bakasyon kahit malayo pa iyon. Doon ang tanaw niya sa araw na muli silang magkikita ni Gideon.

………………

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro